“Nobyembre 16–22. ‘Malaya Ko Silang Iibigin’: Hoseas 1–6; 10–14; Joel,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Nobyembre 16–22. ‘Malaya Ko Silang Iibigin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026
Nobyembre 16–22: “Malaya Ko Silang Iibigin”
Hoseas 1–6; 10–14; Joel
Ang tipan ng Israel sa Panginoon ay nilayong maging malalim at makahulugan kung kaya’t ikinumpara ito ng Panginoon sa isang kasal. Ang tipan, tulad ng kasal, ay kinabibilangan ng walang-hanggang katapatan, mga karanasang pinagsasaluhan, magkasamang pagbuo ng buhay-pamilya, lubos na katapatan, at, higit sa lahat, buong-pusong pagmamahal. Nakalulungkot na hindi naging tapat ang mga Israelita sa kanilang tipan. Gayunman, ang mensahe ng Panginoon sa kanila ay hindi “Tatanggihan ko kayo magpakailanman.” Sa halip ito ay “Aanyayahan ko kayong bumalik” (tingnan sa Hoseas 2:14–15). “Gagawin kitang asawa ko sa katuwiran,” ang pahayag Niya sa pamamagitan ng propetang si Hoseas (Hoseas 2:19). “Aking gagamutin ang kanilang pagtataksil, malaya ko silang iibigin” (Hoseas 14:4). Ito rin ang mensaheng ibinibigay Niya sa atin ngayon habang sinisikap nating ipamuhay nang may pagmamahal at katapatan ang ating mga tipan.
Gayon din ang mensaheng ibinahagi ni Joel: “Manumbalik kayo sa Panginoon ninyong Diyos; sapagkat siya’y mapagbiyaya at mahabagin, hindi magagalitin, at sagana sa tapat na pag-ibig” (Joel 2:13). Ang pagbabasa ng mga salita ng mga propetang ito ay maaaring maghikayat sa iyo na pagnilayan ang iyong sariling relasyon sa Panginoon—na isipin kung paano ka binibigyang-inspirasyon ng Kanyang katapatan sa iyo na maging tapat ka sa Kanya.
Para sa buod ng mga aklat nina Hoseas at Joel, tingnan ang “Oseas” at “Joel” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Hoseas 1–3; 14
Lagi akong inaanyayahan ng Panginoon na bumalik sa Kanya.
Ang asawa ni Hoseas na si Gomer ay hindi tapat sa kanya, at binigyang-diin ng Diyos ang malungkot na pangyayaring ito upang ituro sa mga Israelita kung ano ang nadarama Niya tungkol sa kanila at sa kanilang mga tipan sa Kanya. Habang binabasa mo ang Hoseas 1–3, pagnilayan kung ano ang turing ng Panginoon sa Kanyang ugnayan sa Kanyang mga pinagtipanang tao. Paano naging kagaya ng pagpapakasal ang pakikipagtipan sa Panginoon? Paano naging kagaya ng pagtataksil sa asawa ang hindi pagtupad sa tipang iyon? (tingnan sa Hoseas 2:5–7, 13). Ano ang itinuturo sa iyo ng Hoseas 2:14–23 tungkol sa pagmamahal at awa ng Panginoon? Paano mo ipinapakita sa Kanya ang iyong pagmamahal at katapatan?
Sa Hoseas 14, hanapin ang maraming magagandang pangako ng Panginoon sa mga bumabalik sa Kanya. Ano ang ibig sabihin sa iyo ng pariralang “malaya ko silang iibigin”? (talata 4). Ano ang itinuturo sa iyo ng mga metapora sa talata 5–8 tungkol sa mga pagpapala ng Panginoon, kabilang na ang mga pagpapala ng pagsisisi? Bilang bahagi ng iyong pag-aaral, isiping kantahin o pakinggan ang isang himno tungkol sa awa ng Tagapagligtas, tulad ng “Magsipaglapit kay Jesucristo” (Mga Himno, blg. 68).
Si Gomer, na kumakatawan sa sambahayan ni Israel at sa kanilang nilabag na mga tipan, ay binibigyan ng pagtubos ng Panginoon. Paglalarawan ni Deb Minnard, lisensyado mula sa goodsalt.com
Hoseas 6:4–7; Joel 2:12–13
Ang katapatan sa Diyos ay kailangang madama sa kalooban, hindi lang ipinapakita.
Ang mga tao sa panahon ni Hoseas ay nag-aalay ng mga sakripisyong hayop, ngunit nilalabag nila ang mas mahahalagang kautusan. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng ang Panginoon ay “nalulugod … sa katapatan, kaysa alay, ng pagkakilala sa Diyos kaysa mga handog na sinusunog”? (Hoseas 6:6). Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng ang kabutihan ay maging parang ulap o parang hamog? (tingnan sa Hoseas 6:4). Saan dapat matulad ang ating kabutihan? (tingnan sa Isaias 48:18; 1 Nephi 2:9–10).
Maaari mo ring basahin ang Mateo 9:10–13; 12:1–8 para malaman kung paano ginamit ng Tagapagligtas ang Hoseas 6:6 sa Kanyang ministeryo noon. Paano nakatutulong ang mga talatang ito para maunawaan mo ang mga salita ni Hoseas?
Sa pagbabasa sa Joel 2:12–13, maaaring makatulong na malaman na ang pagpunit sa kasuotan ng isang tao ay panlabas na pagpapakita ng pagdadalamhati o kalungkutan. Sa paanong paraan naiiba ang pagpunit sa ating puso sa pagpunit sa ating mga kasuotan?
Joel 2
“Ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman.”
Anong pagkakatulad ang nakikita mo sa ating panahon at sa panahong nakita ni Joel? (tingnan lalo na sa Joel 2:1–2, 11, 18–32). Ano ang tumimo sa iyo tungkol sa mga pagpapala ng Panginoon na ipinangako sa talata 18–32? Bakit maaaring maging napakahalaga ng mga pagpapalang ito lalo na sa kasalukuyang panahon?
Maaaring interesanteng basahin ang sinabi ni Moroni tungkol sa Joel 2 nang bisitahin niya si Joseph Smith noong 1823 (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:41). Paano mo nadarama na natutupad ang mga propesiya sa Joel 2:28–32 sa ating panahon? (tingnan din sa Mga Gawa 2:1–21). Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “ibubuhos [ng Panginoon ang Kanyang] Espiritu sa lahat ng laman”? (Joel 2:28).
Maaari mong pag-isipan ang mga salitang ito mula kay Pangulong Russell M. Nelson: “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag [at patuloy] na impluwensya ng Espiritu Santo” (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96). Bakit napakahalaga ng paghahayag sa iyong espirituwal na kaligtasan?
Ano ang magagawa mo kung pakiramdam mo ay hindi mo natatanggap ang pagbuhos na iyon? Narito ang ilang halimbawa na maaaring makatulong. Ano ang ginawa ng mga tao sa mga banal na kasulatan na ito para matanggap ang pagbuhos ng Espiritu ng Panginoon?
Habang binabasa mo ang mga salitang ito mula kay Elder David A. Bednar, pag-isipan kung ano ang ibig sabihin sa iyo ng makadama ng pagbuhos ng Espiritu Santo sa iyong buhay sa araw-araw:
“Kadalasa’y pinahihirapan natin ang ating sarili na makatanggap ng personal na paghahayag. Ibig kong sabihin, ang pangako ng tipan ay na kapag iginalang natin ang ating mga tipan, maaari tayong patnubayan palagi ng Espiritu Santo. Ngunit pinag-uusapan at itinuturing natin ito na para bang bihirang mangyari na marinig ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. … Ang [Espiritu] ang dapat nating makasama sa lahat ng oras. Hindi bawat pinakamaikling segundo, kundi kung ginagawa ng isang tao ang kanyang makakaya—hindi ninyo kailangang maging perpekto—ngunit kung ginagawa natin ang ating makakaya at hindi tayo gumagawa ng mabigat na kasalanan, makakaasa tayo na gagabayan tayo ng Espiritu Santo. …
“… Tila naniniwala tayo na ang Espiritu Santo ay napakalaking bagay at biglaan, samantalang ito ay marahan at banayad at paunti-unti sa paglipas ng oras” (“Elder David A. Bednar Discussion” [gabi kasama ang isang General Authority, Peb. 7, 2020], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org).
Tingnan din sa Gary E. Stevenson, “Mga Pahiwatig ng Espiritu,” Liahona, Nob. 2023, 42–45; “Enemy Territory” (video), Gospel Library.
Enemy Territory
Lumikha ng espirituwal na kapaligiran. “Ano ang napansin mo na nakatutulong sa isang espirituwal na kapaligiran para sa pag-aaral ng ebanghelyo? Ano ang nakagagambala rito? … Isipin ang lugar kung saan ka madalas magturo [o matuto]. Ano ang pakiramdam mo kapag naroon ka? Paano mo mas epektibong maaanyayahan na pumaroon ang Espiritu?” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 7).
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Hoseas 2:19–20
Kaya kong tuparin nang tapat ang aking mga tipan.
-
Sa aklat ni Hoseas, ikinumpara ng Panginoon ang Kanyang mga tipan sa mga Kanyang mga tao sa isang kasal. Para matuto mula sa paghahambing na ito, maaari kayong tumingin ng mga anak mo ng isang larawan ng isang babae at isang lalaki na ikakasal at pag-usapan kung paano nais ng Ama sa Langit na tratuhin ng mag-asawa ang isa’t isa. Tulungan ang iyong mga anak na makahanap ng mga salita sa Hoseas 2:19–20 na naglalarawan ng nadarama ng Panginoon tungkol sa atin. Paano natin maipapakita sa Panginoon na mahal natin Siya at magiging tapat tayo sa Kanya?
Hoseas 10:12
“Panahon nang hanapin ang Panginoon.”
-
Binanggit sa Hoseas 10:12 ang paghahasik, pag-aani, panahon, at ulan para anyayahan tayong hanapin ang Panginoon. Habang binabasa mo ang talatang ito, anong mga malikhaing ideya ang naiisip mo na maaaring maghikayat sa mga anak na hanapin Siya? Halimbawa, maaaring magdrowing ng orasan ang iyong mga anak at magsulat ng mga paraan na mahahanap nila ang Panginoon sa iba’t ibang oras sa buong maghapon. Ang awit na tulad ng “Anytime, Anywhere” (Gospel Library) ay makatutulong sa iyo na ituro na laging magandang panahon para hanapin ang Panginoon.
-
O maaaring gumawa ang iyong mga anak ng mga simpleng aksiyon na nauugnay sa talata, tulad ng pagkukunwaring nagtatanim ng binhi, namimitas ng mga gulay, o nakatayo sa ulan. Tulungan ang iyong mga anak na ikumpara ang pagtatanim ng binhi at pag-aani ng mabuting pagkain sa pamumuhay nang matwid at pagtanggap ng mga pagpapala ng Panginoon. Pagkatapos ay maaari ninyong sabihin sa isa’t isa ang mga pagpapalang naibuhos sa inyo ng Panginoon nang magsikap kayong hanapin Siya.
Hoseas 13:4, 14
Si Jesucristo ay aking Tagapagligtas at Manunubos.
-
Para bigyang-diin ang katotohanan sa Hoseas 13:4 na walang Tagapagligtas maliban kay Jesucristo, maaari mong ipakita sa iyong mga anak ang mga larawan ng ilang tao, kabilang na si Jesus. Maaaring magsalitan ang iyong mga anak na ituro ang taong may kapangyarihang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Ibahagi ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.
-
Maaaring maghanap ang iyong mga anak ng mga salita sa Hoseas 13:4, 14 na naglalarawan kay Jesucristo. Ano ang itinuturo sa atin ng mga salitang ito tungkol sa Kanya? Isiping tulungan ang iyong mga anak na gamitin ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan para makahanap ng iba pang mga talata sa banal na kasulatan na nagtuturo na si Jesus ay ating Tagapagligtas at Manunubos. Ibahagi sa isa’t isa kung ano ang nadarama ninyo tungkol kay Jesucristo.
Joel 2:28–29
Maaari akong gabayan ng Espiritu Santo.
-
Siguro ay matutulungan mo ang iyong mga anak na maunawaan ang Joel 2:28–29 sa pamamagitan ng pagpapabuhos sa kanila ng likido at pagkatapos ay ihahambing ito sa patak o dahan-dahang pagdaloy. Ano ang ibig sabihin ng “ibubuhos” ang Espiritu sa atin?
-
Habang magkakasama ninyong binabasa ang Joel 2:28–29 , maaari mong anyayahan ang iyong mga anak na ilagay ang pangalan ng bawat isa kapalit ng mga pariralang “inyong mga anak na lalaki” at “[inyong] mga anak na babae.” Pagkatapos ay tulungan silang saliksikin ang mga banal na kasulatan tulad ng Juan 14:16; Moroni 10:5; Doktrina at mga Tipan 42:17 para malaman kung paano sila matutulungan ng Espiritu.
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.