“Nobyembre 2–8. ‘Lalagyan Ko Kayo ng Bagong Espiritu sa Loob Ninyo’: Ezekiel 1–3; 33–34; 36–37; 47,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Nobyembre 2–8. ‘Lalagyan Ko Kayo ng Bagong Espiritu sa Loob Ninyo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026
Nobyembre 2–8: “Lalagyan Ko Kayo ng Bagong Espiritu sa Loob Ninyo”
Ezekiel 1–3; 33–34; 36–37; 47
Si Ezekiel ay isang propeta na ipinatapon. Kasama ang iba pang mga Israelita, siya ay nadakip at ipinadala sa Babilonia. Sa Jerusalem, si Ezekiel ay isang saserdote na naglilingkod sana sa templo. Sa Babilonia, siya ay kabilang sa “mga bihag,” at siya ay “umupo roon [kung saan sila nakaupo]” (Ezekiel 3:15), daan-daang milya ang layo mula sa itinatanging templo ng Diyos at may kaunting pag-asa na makabalik. Ngunit isang araw ay nagkaroon ng pangitain si Ezekiel. Nakita niya ang “kaluwalhatian ng Panginoon” (Ezekiel 1:28)—hindi doon sa templo sa Jerusalem kundi doon sa Babilonia kasama ng mga ipinatapon. Ang kasamaan sa Jerusalem, na kanyang napag-alaman, ay naging napakatindi kung kaya wala na roon ang presensya ng Diyos (tingnan sa Ezekiel 8–11; 33:21).
At gayon pa man may pag-asa sa mensahe ni Ezekiel. Sa kabila ng kung gaano kalalim ang pagbagsak ng mga pinagtipanang tao, hindi sila lubos na pinabayaan ng Diyos. Kung kanilang “pa[ki]kinggan ang salita ng Panginoon” (Ezekiel 37:4), ang minsang namatay ay maaaring mabuhay. Ang kanilang “batong puso” ay maaaring mapalitan ng “bagong puso” (Ezekiel 36:26). At sa hinaharap, ang Panginoon ay magtatayo ng bagong templo at bagong Jerusalem, “At ang magiging pangalan ng lunsod mula sa araw na yaon ay, Ang Panginoon ay naroroon” (Ezekiel 48:35).
Para sa buod ng aklat ni Ezekiel, tingnan sa “Ezekiel” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Ezekiel 3; 34
Inaanyayahan ako ng Tagapagligtas na pakainin ang Kanyang mga tupa.
Sa Ezekiel 3 at 34, tinawag ng Panginoon ang mga lider ng Kanyang mga tao na mga bantay sa tore at mga pastol. Habang binabasa mo ang mga kabanatang ito, isipin kung ano ang ipinahihiwatig ng mga titulong ito tungkol sa ibig sabihin ng maging lider.
Sino ang “mga tupa” na nais ng Panginoon na pakainin mo? Ano ang nakita mo sa Ezekiel 34 na makatutulong sa isang taong naghahandang magmisyon, nagpapalaki ng mga anak, o ginagawa ang ministering assignment? Paano mo matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas bilang ating pastol? (tingnan sa talata 11–31).
Maaari mo ring pag-isipan ang simbolismo na nahanap mo sa kabanatang ito. Ano kaya ang kumakatawan sa “mabuting pastulan” at “mabuting lupaing pastulan” sa talata 14? Ano ang kaibhan ng isang tupang “nawala” at isang tupang “naligaw”? (talata 16). Anong iba pang mga simbolo ang nahanap mo?
Tingnan din sa Juan 21:15–17; Gerrit W. Gong, “Ministering,” Liahona, Mayo 2023, 16–19.
Ezekiel 33:10–19
Nais ng Panginoon na magpatawad.
“[Kung] ang aming … mga kasalanan ay nasa amin,” naisip ng mga bihag na Israelita, “paano ngang kami ay mabubuhay?” (Ezekiel 33:10). Bilang tugon, itinuro sa kanila ng Panginoon ang tungkol sa pagsisisi at kapatawaran. Maaaring makatulong sa iyo ang mga tanong na ito na pag-isipan ang kanyang mga itinuro:
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “nagtitiwala sa [iyong] pagiging matuwid”? (tingnan sa Ezekiel 33:12–13).
-
Ano ang sasabihin mo sa isang tao na nakadarama na ang mga taong inilarawan sa Ezekiel 33:12–19 ay hindi tinatrato nang patas? (tingnan din sa Mateo 21:28–31; Lucas 18:9–14).
-
Ano ang nalaman mo sa mga talatang ito na nakatulong sa iyo na maunawaan ang ibig sabihin ng magsisi? Anong karagdagang mga ideya ang nakita mo sa Ezekiel 36:26–27 at Alma 7:14–16?
Ezekiel 37
Tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao at binibigyan sila ng bagong buhay.
Ang pagtitipon ng Israel ay inilarawan sa Ezekiel 37 sa pamamagitan ng dalawang simbolo. Habang binabasa mo ang tungkol sa unang simbolo—mga tuyong buto na muling binuhay (tingnan sa mga talata 1–14)—pagnilayan ang sinasabi nito sa iyo tungkol sa pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing (tingnan din sa Ezekiel 36:24–30). Isiping itanong ang tulad ng mga sumusunod:
-
Ano ang sinisikap maisakatuparan ng Panginoon sa pamamagitan ng pagtitipon ng Israel?
-
Paano Niya ito isinasakatuparan?
Maaari mong itanong sa iyong sarili ang mga tanong din na ito habang binabasa mo ang tungkol sa pangalawang simbolo, sa talata 15–28. Ang simbolong ito ay kinapapalooban ng dalawang tungkod, na ayon sa mga iskolar ay mga susulatan na gawa sa kahoy na pinagkabit ng bisagra. Ang tungkod ni Juda ay kumakatawan sa Biblia (dahil karamihan sa Biblia ay isinulat ng mga inapo ni Juda), at ang tungkod ni Jose ay kumakatawan sa Aklat ni Mormon (yamang ang pamilya ni Lehi ay mga inapo ni Jose ng Egipto). Habang isinasaisip iyan, ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa papel na ginagampanan ng mga banal na kasulatan sa pagtitipon ng Israel?
Isipin kung paano nagtulungan ang Biblia at Aklat ni Mormon sa iyong buhay—lalo na, upang tulungan kayo na lumapit kay Cristo. Anong mga talata sa mga banal na kasulatan ang lalong makabuluhan sa iyo?
Tingnan din sa 2 Nephi 3:11–13; 29:14; “Israel, Diyos ay Tumatawag,” Mga Himno, blg. 6; Mga Paksa at Mga Tanong, “Biblia,” “Aklat ni Mormon,” Gospel Library; “The Book of Mormon Gathers Scattered Israel” (video), Gospel Library.
Tinitipon ng Aklat ni Mormon ang Ikinalat na Israel
Sa isang pangitain, nakita ni Ezekiel ang isang ilog na dumadaloy mula sa templo at pinagagaling ang Dead Sea.
Ezekiel 47:1–12
Makahahanap ako ng espirituwal na pagpapagaling sa bahay ng Panginoon.
Habang binabasa mo ang Ezekiel 47:1–12, maaaring makatulong na ipaliwanag na ang Dead Sea ay napakaalat kaya hindi maaaring mabuhay roon ang mga isda at halaman. Ano ang kahanga-hanga sa iyo tungkol sa mga tubig na inilarawan sa talata 1–12? (tingnan din sa Apocalipsis 22:1). Ano kaya ang isinisimbolo ng mga tubig na ito? Ano ang maaaring kinakatawan ng mga punong inilarawan sa talata 12?
Ano ang idinaragdag ng mensahe ni Elder Dale G. Renlund na “Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling” sa iyong pang-unawa? (tingnan sa Liahona, Mayo 2018, 47–48). Pag-isipan kung paano ka nakasumpong ng espirituwal na buhay at pagpapagaling dahil sa templo.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Ezekiel 3:17; 33:1–5
Ang mga propeta ay parang mga bantay na nagbibigay ng babala sa atin tungkol sa panganib.
-
Maaaring masiyahan ang maliliit na bata sa paggawa ng mga aksiyon na nauugnay sa Ezekiel 3:17. Halimbawa, maaari nilang ituro ang kanilang mga mata, tainga, at bibig kapag binabasa mo ang mga salitang “bantay,” “makakarinig,” at “bibig.” Maaaring gusto rin nilang gustong maglakad—sa labas o sa paligid lamang ng silid. Habang naglalakad sila, balaan sila tungkol sa mga bagay sa daanan, tulad ng mga ilog na hahakbangan, mga sanga na dadaan sa ilalim nito, o mga hayop na dapat iwasan (totoo o kunwa-kunwarian). Maaaring humantong ito sa pag-uusap kung paano tayo binabalaan ng propeta ng Panginoon tungkol sa mga panganib na hindi natin nakikita.
-
Narito ang isa pang paraan ng paglalarawan sa Ezekiel 3:17; 33:1–5. Isa sa iyong mga anak ang maaaring magpanggap na isang “bantay” sa pamamagitan ng pagtingin sa isang bintana at pagsasabi sa lahat ng iba pa kung ano ang nangyayari sa labas. Maaari din ninyong panoorin ang video na “Watchman on the Tower” (ChurchofJesusChrist.org). Paano naging katulad ng bantay para sa atin ang buhay na propeta?
4:17Watchman on the Tower
The Prophet Ezekiel [Si Propetang Ezekiel], ni Lyle Beddes
Ezekiel 37:15–23
Ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay tumutulong na “tipunin” tayo kay Jesucristo.
-
Matapos sabay-sabay na basahin ang Ezekiel 37:15–23 , kayo ng mga anak mo ay maaaring maghanap ng dalawang patpat at isulat sa isang patpat ang Para kay Juda (Biblia) at sa isa naman ay Para kay Jose (Aklat ni Mormon). Pagkatapos ay maaari kayong magbahagi ng mga kuwento o talata mula sa Biblia at sa Aklat ni Mormon na tutulong sa inyo na mas mapalapit sa Tagapagligtas at maging “[Kanyang] bayan” (talata 23). Bakit mainam na magkaroon ng dalawang aklat na ito ng banal na kasulatan?
Huwag tangkaing talakayin ang lahat. Maaaring hindi mo masaliksik ang bawat katotohanan na nasa Ezekiel kasama ang iyong mga anak. Mapanalanging pag-isipan kung ano ang kailangan nilang maunawaan, at humingi ng espirituwal na patnubay para malaman kung ano ang dapat pagtuunan ng pansin. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 17.)
Ezekiel 47:1–12
Ang ating puso at pamilya ay makasusumpong ng pagpapagaling sa bahay ng Panginoon.
-
Inilalarawan sa Ezekiel 47 ang pangitain ni Ezekiel tungkol sa tubig na dumadaloy mula sa templo at pinagagaling ang Dead Sea—isang dagat na sobrang alat kung kaya’t hindi kayang mabuhay dito ng mga isda at mga halaman. Siguro ay maaaring magdrowing ang iyong mga anak ng isa o dalawang bagay mula sa pangitain, tulad ng templo, ilog, Araba [disyerto], dagat [Dead Sea], napakaraming isda, o puno na mabunga. Pagkatapos, kapag sabay-sabay ninyong binabasa ang talata 1–12 , maaari nilang ibahagi ang kanilang drowing kapag binanggit ang bagay na iyon. Anong mga pagpapala ang nagmula sa ilog sa pangitaing ito? Tulungan ang mga bata na maunawaan kung paanong ang mga pagpapalang ito ay parang mga pagpapalang ibinibigay ng Tagapagligtas sa mga taong tumutupad sa mga tipan sa templo. Makatutulong ang video na “And the River Will Grow” (Gospel Library).
3:45At ang Ilog ay Lalalim
-
Maaari din ninyong sama-samang kantahin ang isang awit na naglalarawan sa mga pagpapala ng templo, tulad ng “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 98). Ano ang itinuturo ng awiting ito kung paano tayo pinagpapala ng Panginoon sa Kanyang banal na bahay?
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.