“Nobyembre 30–Disyembre 6. ‘Siya’y Nalulugod sa Tapat na Pag-ibig’: Mikas; Nahum; Habakuk; Sefanias,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Nobyembre 30–Disyembre 6. ‘Siya’y Nalulugod sa Tapat na Pag-ibig,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026
In the Beginning Was the Word [Sa Simula ay ang Salita], ni Eva Timothy
Nobyembre 30–Disyembre 6: “Siya’y Nalulugod sa Tapat na Pag-ibig”
Mikas; Nahum; Habakuk; Sefanias
Ang pagbabasa ng Lumang Tipan ay kadalasang nangangahulugan ng pagbabasa ng mga propesiya tungkol sa pagkawasak. Madalas tumawag ang Panginoon ng mga propeta para magbigay ng babala sa masasama tungkol sa Kanyang mga paghatol. Ang mga ministeryo nina Mikas, Nahum, Habakuk, at Sefanias ay mabubuting halimbawa. Sa kakila-kilabot na detalye, ang mga propetang ito ay nagpropesiya tungkol sa pagbagsak ng mga lungsod na, sa panahong iyon, ay tila malalakas at makapangyarihan: Ninive, Babilonia, at Jerusalem. Ngunit iyan ay noong libu-libong taon na ang nakalipas. Bakit mahalagang basahin ang mga propesiyang ito sa kasalukuyang panahon?
Kahit nawasak na ang mga mapagmataas at masasamang lungsod na iyon, nagpapatuloy pa rin ngayon ang kapalaluan at kasamaan. Maaari din nating makita ang bakas nito sa sarili nating puso. Ipinahahayag ng mga propeta sa Lumang Tipan kung paano natin tatalikuran ang mga kasamaang ito. Marahil isang dahilan iyan kaya binabasa pa rin natin ang kanilang mga salita sa panahon natin ngayon. Hindi lamang sila mga propeta na nagpopropesiya ng tungkol sa paghatol at pagkawasak—sila ay mga propeta na nagpopropesiya ng tungkol sa kaligtasan. Ang mga inilarawang pagkawasak ay nilalakipan ng mga paanyaya na lumapit kay Cristo at tanggapin ang Kanyang kapatawaran. Tulad ng sinabi ni Mikas, hindi nalulugod ang Panginoon sa pagsumpa sa atin, kundi “siya’y nalulugod sa tapat na pag-ibig” (Mikas 7:18). Ito ang paraan ng Panginoon noon, at ito ang paraan Niya ngayon. “Ang Kanyang mga pamamaraan ay walang hanggan” (Habakuk 3:6).
Para sa mga buod ng mga aklat na ito, tingnan ang “Mikas,” “Nahum,” “Habacuc,” at “Zefanias” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Mikas 6:1–8
“Ano ang itinatakda ng Panginoon sa iyo?”
Inaanyayahan tayo ng Mikas na isipin kung ano ang pakiramdam ng “[lumapit] sa harapan ng Panginoon, at [yumukod] sa harap ng Diyos sa kaitaasan” (Mikas 6:6). Ano ang sinasabi sa iyo ng talata 6–8 tungkol sa kung ano ang mahalaga sa Panginoon kapag sinusuri Niya ang iyong buhay?
Tingnan din sa Dale G. Renlund, “Gumawa nang may Katarungan, Umibig sa Kaawaan, at Lumakad na may Kapakumbabaan na Kasama ng Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 109–12.
“Ang Panginoon ay mabuti, isang muog sa araw ng kaguluhan” (Nahum 1:7).
Nahum 1
Ang Panginoon ay kapwa makapangyarihan at maawain.
Ang misyon ni Nahum ay ipropesiya ang pagkawasak ng Ninive—ang kabisera ng marahas na imperyo ng Asiria, na nagkalat sa Israel at umapi sa Juda. Nagsimula si Nahum sa paglalarawan ng poot at walang kapantay na kapangyarihan ng Diyos, ngunit binanggit din Niya ang awa at kabutihan ng Diyos. Maghanap ng mga talata sa kabanata 1 na tutulong sa iyo na maunawaan ang bawat isa sa mga katangiang ito—at ang iba pang mga katangian ng Diyos na napapansin mo. Sa palagay mo, bakit mahalagang malaman ang bawat isa mga bagay na ito tungkol sa Panginoon?
Habakuk
Maaari akong magtiwala sa kalooban ng Panginoon at sa Kanyang panahon.
Maging ang mga propeta kung minsan ay may mga tanong tungkol sa mga pamamaraan ng Panginoon. Si Habakuk, na nabuhay sa panahon ng laganap na kasamaan sa Juda, ay sinimulan ang kanyang tala na may mga tanong sa Panginoon (tingnan sa Habakuk 1:1–4). Paano mo ibubuod ang mga alalahanin ni Habakuk? Anong mga tanong na tulad nito ang itinatanong ng mga tao tungkol sa Diyos sa panahon ngayon? Naramdaman mo na rin ba ang ganito? Maaari mo ring ikumpara ang kanyang mga tanong sa iba sa mga banal na kasulatan, tulad ng mga matatagpuan sa Marcos 4:37–38 at Doktrina at mga Tipan 121:1–6.
Tumugon ang Panginoon sa mga tanong ni Habakuk sa pagsasabing isusugo Niya ang mga Caldeo (ang mga taga-Babilonia) para parusahan ang Juda (tingnan sa Habakuk 1:5–11). Ngunit nabagabag pa rin si Habakuk, dahil tila hindi makatwiran na walang gawin ang Panginoon “kapag sinasakmal ng masama [Babilonia] ang taong higit na matuwid [Juda]” (tingnan sa talata 12–17). Ano ang matatagpuan mo sa Habakuk 2:1–4 na nagbibigay-inspirasyon sa iyo na magtiwala sa Panginoon kapag may mga tanong kang hindi pa nasasagot? (tingnan din sa Marcos 4:39–40; Doktrina at mga Tipan 121:7–8; “God Will Lift Us Up” [video], Gospel Library).
God Will Lift Us Up
Ang Kabanata 3 ay panalangin ng papuri at pananampalataya ni Habakuk. Paano naiiba ang saloobin ni Habakuk sa kabanata 3 sa kabanata 1? Narito ang isang ideya na tutulong sa iyo na pag-isipan ang talata 17–19: Gumawa ng listahan ng temporal at espirituwal na mga pagpapala na ibinigay sa iyo ng Diyos. Pagkatapos ay isipin kunwari na nawala sa iyo ang temporal na mga pagpapala. Ano ang maaaring ipinadarama nito sa iyo tungkol sa iba pang mga pagpapala? Bakit maaaring mahirap “magalak … sa Panginoon” (talata 18) sa panahon ng mga paghihirap tulad ng inilarawan sa talata 17? Pagnilayan kung paano ka magkakaroon ng mas malaking pananampalataya sa Diyos, kahit tila hindi patas ang buhay.
Tingnan din sa Gerrit W. Gong, “Lahat ng Bagay para sa Ating Ikabubuti,” Liahona, Mayo 2024, 41–44; “Liwanag sa Gitna Nitong Dilim,” Mga Himno, blg. 53; Mga Paksa at Mga Tanong, “Paghahanap ng mga Sagot sa Iyong mga Tanong,” Gospel Library.
Magtiyaga. Kung minsan gusto nating masagot kaagad ang ating mga tanong, ngunit ang mga espirituwal na kabatiran ay kailangan ng panahon at hindi mapipilit. Tulad ng sinabi ng Panginoon kay Habakuk, “Hintayin mo; ito’y tiyak na darating” (Habakuk 2:3).
Sefanias
“Hanapin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mapagpakumbaba sa lupain.”
Habang binabasa mo ang mga propesiya ni Sefanias, pansinin ang mga kilos at pag-uugali na humantong sa pagkawasak ng Juda—tingnan lalo na sa Zefanias 1:4–6, 12; 2:8, 10, 15; 3:1–4. Pagkatapos ay hanapin ang mga katangian ng mga taong pangangalagaan ng Diyos—tingnan sa Sefanias 2:1–3; 3:12–13, 18–19. Ano sa pakiramdam mo ang mensahe ng Panginoon para sa iyo sa mga talatang ito?
Sefanias 3:14–20
Magagalak ang Panginoon sa Kanyang mga tao sa Zion.
Matapos basahin ang Sefanias 3:14–20, tingnan kung gaano karaming paraan mo makukumpleto ang pangungusap na ito: “Matuwa at magalak nang buong puso” dahil … Bakit mahalaga mong malaman ang tungkol sa mga dahilang ito para magsaya? Maaari mong ikumpara ang mga talatang ito sa mga karanasang inilarawan sa 3 Nephi 17 at pag-isipan kung ano ang nadarama ni Jesucristo sa Kanyang mga tao—pati na sa iyo.
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Mikas 5:2
Si Jesucristo ay isinilang sa Bethlehem.
-
Maaaring hindi alam ng iyong mga anak na ang propesiyang ito ni Mikas ang tumulong sa Mga Pantas na Lalaki na mahanap ang sanggol na si Jesus sa Bethlehem. Gamit ang Mikas 5:2 at Mateo 2:1–6, marahil ay maaaring isadula muli ng iyong mga anak ang kanilang karanasan. Pagkatapos ay maaari mong talakayin kung bakit napakahalaga ng pagsilang ni Jesus kaya alam ng mga propeta ang tungkol dito maraming taon bago Siya ipinanganak.
The Holy Child Is Born [Ang Banal na Bata ay Ipinanganak], ni Dana Wood
Nahum 1:7
“Ang Panginoon ay mabuti, isang muog sa araw ng kaguluhan.”
-
Matapos basahin ang Nahum 1:7, ang iyong mga anak ay maaaring magtayo o magdrowing ng isang “matibay na muog” o kuta (may larawan nito sa outline na ito). Ano ang ilang dahilan kung bakit kailangan ng mga tao ng kuta? Ano ang sanhi kung bakit ang ating araw ay “araw ng kaguluhan”? Paanong katulad ng isang matibay na muog si Jesucristo para sa atin?
Habakuk 2:3
Laging tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako.
-
Para ituro ang Habakuk 2:3, maaari ninyong pag-usapan ng iyong mga anak ang mga bagay na mabuti ngunit pagkatapos lamang nating maghintay—tulad ng prutas na kailangang mahinog o masa na kailangang i-bake o lutuin. Ano ang mangyayari kung susubukan nating kainin ang prutas o ang masa bago ito mahinog o maluto? Pagkatapos ay maaari ninyong pag-usapan ang tungkol sa propetang si Habakuk, na gustong malaman kung kailan pipigilan ng Panginoon ang kasamaan sa mundo. Basahin ang sagot ng Panginoon sa Habakuk 2:3. Matutulungan mo ang iyong mga anak na mag-isip ng mga bagay na ipinangako ng Diyos. Sa bawat halimbawa, maaari ninyong sabihin nang sabay-sabay, “Hintayin mo; ito’y tiyak na darating.”
Habakuk 2:14
Maaari akong tumulong na punuin ang mundo ng kaalaman tungkol kay Jesucristo.
-
Para mailarawan ang Habakuk 2:14, maaari ninyong punuin ng iyong mga anak ang isang garapon o iba pang lalagyan ng mga larawan o salitang kumakatawan sa mga bagay na ginawa o itinuro ni Jesus. Paano tayo makatutulong sa pagpuno sa mundo ng kaalaman tungkol sa Panginoon?
-
Maaari ninyong kantahin ang isang awit tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo, tulad ng “Katotohanan Niya’y Dadalhin Natin sa Mundo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 92–93). Ano ang masasabi natin sa iba tungkol kay Jesucristo?
Sefanias 3:14–20
Si Jesucristo ay nagagalak sa mga sumusunod sa Kanya.
-
Sa Sefanias 3:14–20, maaaring maghanap ang iyong mga anak ng isang bagay na naghihikayat sa kanila na “umawit ka, … matuwa at magalak nang buong puso.” Marahil maaari kayong magkakasamang kumanta ng ilang masasayang himno o awit at pag-usapan ang tungkol sa kagalakang nahahanap ninyo sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.