“Disyembre 14–20. ‘Iniibig Ko Kayo, Sabi ng Panginoon,’ Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Disyembre 14–20. ‘Inibig Ko Kayo, Sabi ng Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026
Disyembre 14–20: “Inibig Ko Kayo, Sabi ng Panginoon”
Malakias
“Iniibig ko kayo,” sabi ng Panginoon sa Kanyang mga tao sa pamamagitan ng propetang si Malakias. Subalit ang mga Israelita, na maraming henerasyon nang dumaranas ng hirap at pagkabihag, ay nagtanong, “Paano mo kami inibig?” (Malakias 1:2). Matapos ang dinanas ng buong Israel, maaaring inisip nila kung ang kasaysayan nila ay talagang kuwento ng pag-ibig ng Diyos sa Kanyang mga pinagtipanang tao. Sa ilang mga paraan, mas madaling makita ito bilang isang kuwento ng kahinaan at paghihimagsik ng tao. Subalit sa lahat ng ito, hindi kailanman tumigil sa pagtulong ang Diyos nang may pagmamahal. Nang pinagmalupitan ng mga anak ni Jacob ang kapatid nilang si Jose, iniligtas pa rin sila ng Panginoon mula sa taggutom (tingnan sa Genesis 45:4–8). Nang nagreklamo ang Israel sa ilang, pinakain Niya sila ng manna (tingnan sa Exodo 16:1–4). Kahit noong sumamba sa ibang mga diyos, at nakalat ang Israel, nangako ang Diyos na kung sila ay magsisisi, titipunin at tutubusin Niya sila “[nang may] malaking pagkahabag” (tingnan sa Isaias 54:7). Ang Lumang Tipan ay totoong kuwento tungkol sa pagtitiyaga at walang-hanggang pag-ibig ng Diyos. At ang kuwentong ito ay nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon. Si Jesucristo, “ang Araw ng Katuwiran,” tulad ng tawag sa Kanya ni Malakias, ay dumating “na may pagpapagaling sa kanyang mga pakpak” (Malakias 4:2). Siya ang pinakadakilang katibayan ng pag-ibig ng Diyos sa sinaunang Israel at sa ating lahat.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aklat ng Malakias, tingnan sa “Malakias” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Malakias 1–4
“Manumbalik kayo sa akin, at ako’y manunumbalik sa inyo.”
Noong panahon ni Malakias, naitayo nang muli ng mga Israelita ang templo sa Jerusalem, ngunit bilang isang bayan kinailangan pa rin nilang muling buuin ang ugnayan nila sa Panginoon. Habang pinag-aaralan mo ang Malakias, hanapin ang mga tanong ng Panginoon sa mga Israelita o ang itinanong nila sa Kanya. Isiping itanong sa iyong sarili ang gayon ding mga tanong (ang ilang halimbawa ay nakamungkahi sa ibaba) na tutulong sa iyo na suriin ang iyong ugnayan sa Panginoon at mas mapalapit sa Kanya.
-
Paano ko nadama ang pag-ibig o pagmamahal sa akin ng Panginoon? (tingnan sa Malakias 1:2).
-
Tunay bang iginagalang ng aking mga handog sa Panginoon ang Panginoon? (tingnan sa Malakias 1:6–11)
-
Sa anong mga paraan ko kailangang “manumbalik” sa Panginoon? (tingnan sa Malakias 3:7).
-
Ninanakawan ko ba ang Diyos sa anumang paraan? (tingnan sa Malakias 3:8–11).
-
Paano naipapakita ng pag-uugali ko ang nadarama ko sa Panginoon sa panahon ng paghihirap (tingnan sa Malakias 3:13–15; tingnan din sa 2:17).
Malakias 1:6–14
Humihiling ang Panginoon ng “dalisay na handog.”
Habang binabasa mo ang tungkol sa mga handog na inilarawan sa Malakias 1, ano ang napansin mo tungkol sa mga handog na iniaalay ng mga saserdote? Ano ang ipinahihiwatig ng mga handog na ito tungkol sa nadarama ng mga saserdote sa Panginoon? (tingnan sa Malakias 1:13). Isiping ilista ang mga handog, o sakripisyo, na ginagawa mo sa Panginoon. Para sa bawat aytem na nasa listahan, isipin kung ano kaya ang dahilan para maging “marumi” ang handog o maging “dalisay” ang handog (Malakias 1:7, 11).
Malakias 3:8–12
Binubuksan ng Panginoon ang mga bintana ng langit habang ipinapakita ko ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng pagbabayad ng ikapu.
Kunwari ay may kaibigan ka na nalaman lang kamakailan na nagbabayad ka ng ikapu. “Bakit mo ginagawa ‘yan?” tanong ng kaibigan mo. Pag-isipan ito habang binabasa mo ang Malakias 3:8–12. Ano ang nalaman mo roon na makatutulong sa pagsagot sa tanong ng kaibigan mo? Ano pa ang gusto mong maunawaan ng kaibigan mo tungkol sa ikapu? Para sa karagdagang tulong, maaari mong pag-aralan ang mensahe ni Elder Neil L. Andersen na “Ikapu: Pagbubukas ng mga Bintana ng Langit” (Liahona, Nob. 2023, 32–35), at hanapin ang mga sagot sa mga tanong na tulad nito:
-
Bakit nais ng Panginoon na magbayad tayo ng ikapu?
-
Ano ang maaaring makahadlang sa isang tao na magbayad ng ikapu, at paano natin madaraig ang mga hadlang na iyon?
-
Paano napapalakas ng pagbabayad ng ikapu ang ating pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Maaari mo ring ibahagi sa iyong kaibigan kung paano ka pinagpala ng Panginoon kapag nagbabayad ka ng ikapu. Makakakita ka ng mga ideya sa bahaging pinamagatang “Aral Bilang 1—Mahalaga ngunit Hindi Napapansing mga Pagpapala” sa mensahe ni Elder David A. Bednar na “Mga Dungawan sa Langit” (Liahona, Nob. 2013, 17–18). Anong klaseng mga tao ang kinahihinatnan natin sa pagbabayad ng ikapu?
Ano sa palagay mo ang maaaring ibig sabihin ng pariralang “bubuksan para sa inyo ang mga bintana ng langit” (talata 10)? Siguro ay maaari kang tumingin sa isang bintana at isipin kung para saan ginagamit ang mga bintana. Bakit magandang paraan ang “mga bintana ng langit” para ilarawan kung paano tayo pinagpapala ng Panginoon kapag nagbabayad tayo ng ikapu?
Vision in the Kirtland Temple [Pangitain sa Kirtland Temple], ni Gary Smith
Malakias 4:5–6
“Susuguin ko sa inyo si [Elijah] na propeta.”
Nang banggitin ni Moroni ang Malakias 4:5–6 kay Joseph Smith, ginawa niya ito na “may kaunting pagkakaiba sa kung paano ito mababasa” sa Biblia (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:36–39). Ano ang idinaragdag ng kaunting pagkakaiba ng pahayag ni Moroni sa pag-unawa mo sa propesiyang ito? Pag-isipan nang partikular ang mga tanong na tulad nito:
-
Sino ang “mga ninuno”? (tingnan sa Deuteronomio 29:13). Ano ang mga pangakong ginawa sa kanila? (tingnan sa Abraham 2:9–11). Paano ka tumutulong sa pagtupad sa mga pangakong ito?
-
Anong mga karanasan ang nakatulong sa iyo na ibaling ang iyong puso sa iyong mga ninuno? Bakit napakahalaga niyan sa plano ng Ama sa Langit?
Para malaman pa ang tungkol sa pagdating ni Elijah at kung paano natutupad ang propesiyang ito sa panahon ngayon, tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:13–16 at D. Todd Christofferson, “Ang Kapangyarihang Magbuklod” (Liahona, Nob. 2023, 19–22). Bakit ka nagpapasalamat na dumating si Elijah?
Tingnan din sa Gerrit W. Gong, “Bawat Isa sa Atin ay May Kuwento,” Liahona, Mayo 2022, 43–46; “Mga Puso N’yo’y Ibaling,” Hymns, blg. 181; “The Sealing Power [Ang Kapangyarihang Magbuklod]” (video), ChurchofJesusChrist.org.
The Sealing Power
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Malakias 1:2
Mahal ako ng Panginoon.
-
Paano ninyo sasagutin ng iyong mga anak ang tanong sa Malakias 1:2—“Paano kami inibig [ng Panginoon]?” Ibahagi sa isa’t isa ang mga dahilan na alam ninyo na mahal Niya kayo. Marahil ay maaaring magdrowing ang iyong mga anak ng mga larawang nagpapaalala sa kanila ng Kanyang pagmamahal.
Isali ang mga anak sa mga talakayan tungkol sa ebanghelyo. Kung nagtuturo ka ng mas maliliit na anak, maaaring kakailanganin mong mag-isip ng mga malikhaing paraan para maisali sila sa mga talakayan tungkol sa ebanghelyo. Halimbawa, ang iyong mga anak ay maaaring magpasa-pasa ng bola; kapag hawak na nila ang bola, maaari silang magbahagi ng isang dahilan kung bakit alam nila na mahal sila ni Jesus.
Malakias 3:8–12
Pagpapalain ako ng Panginoon kapag nagbabayad ako ng ikapu.
-
Paano mo tutulungan ang iyong mga anak na matuto tungkol sa ikapu? Maaari mong hilingin sa kanila na bilangin ang 10 maliliit na bagay, tulad ng mga barya sa pahina ng aktibidad sa linggong ito. Pagkatapos ay ihihiwalay nila ang isa mula sa iba pang mga bagay—ganito ang halaga ng ibinibigay natin sa Panginoon bilang ikapu. Ayon sa Malakias 3:8–12, bakit gusto ng Panginoon na magbayad tayo ng ikapu? (tingnan din sa “Ang Propetang si Malakias” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 171–72; “First Things First!” [video], Gospel Library).
0:58Malachi the Prophet
1:23Unahin ang Mahalaga!
-
Habang magkakasama ninyong binabasa ang Malakias 3:10 , maaari mong anyayahan ang iyong mga anak na tumayo sa tabi ng bintana kapag nabasa mo ang mga pariralang “mga bintana ng langit.” O maaari kang magbuhos ng tubig sa isang tasa hanggang sa umapaw ito upang ilarawan ang pariralang “walang sapat na kalalagyan.” Sabihin sa mga bata ang mga pagpapalang ibinigay sa iyo ng Diyos kapag nagbabayad ka ng ikapu. Maaaring magdrowing ng mga larawan ang iyong mga anak na kumakatawan sa mga pagpapalang ito at ibitin ang mga ito sa bintana o malapit sa bintana sa inyong tahanan.
Malakias 4:5–6
Pumarito si Elijah upang ibaling ang ating puso sa ating pamilya.
-
Sa Malakias 4:5–6, maaaring hanapin ng iyong mga anak ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong tungkol sa propesiya ni Malakias: Sino ang ipinangako ng Panginoon na isusugo? Kailan darating ang taong ito ayon sa Kanya? Ano ang sinabi ng Panginoon na gagawin ng taong ito? Bakit kinakailangang dumating ang taong ito? Saan natupad ang propesiyang ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:13–16).
-
Para malaman kung paano natupad ang pangako sa Malakias 4:5, maaari mo ring rebyuhin ang “Joseph and Oliver Receive Priesthood Keys” sa Doctrine and Covenants Stories, 26–30. Ang himnong tulad ng “Mga Puso N’yo’y Ibaling” (Mga Himno, 181) ay makatutulong sa iyong mga anak na malaman kung bakit napakahalaga na dumating si Elijah. Maaari mo ring bisitahin ang FamilySearch.org/discovery, ang FamilySearch Tree app, o ang My Family booklet para sa mga aktibidad na makatutulong sa inyo ng mga anak mo na ibaling ang inyong puso sa inyong mga ninuno.
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.