Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Disyembre 7–13. “Banal sa Panginoon”: Hagai 1–2; Zacarias 1–4; 7–14


“Disyembre 7–13. ‘Banal sa Panginoon”: Hagai 1–2; Zacarias 1–4; 7–14,’ Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Disyembre 7–13. ‘Banal sa Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026

Laie Hawaii temple sa ilalim ng maulap na kalangitan

Laie Hawaii Temple

Disyembre 7–13: “Banal sa Panginoon”

Hagai 1–2; Zacarias 1–4; 7–14

Pagkaraan ng maraming taon ng pagkabihag, isang grupo ng mga Israelita, na marahil kasama ang mga propetang sina Hagai at Zacarias, ang pinahintulutang bumalik sa Jerusalem. Naalala ng ilan sa grupong ito ang hitsura ng templo bago ito nawasak. Sa mga nag-iisip kung ang templo ay magiging muling katulad ng “bahay [ng Panginoon] sa kanyang dating kaluwalhatian” (Hagai 2:3), binigkas ng propetang si Hagai ang naghihikayat na mga salita ng Panginoon: “Lakasan ninyo ang inyong loob, kayong sambayanan sa lupain, sabi ng Panginoon. Kayo’y magsigawa, sapagkat ako’y sumasainyo, … huwag kayong matakot.” “Aking pupunuin ang bahay na ito ng kaluwalhatian, … [at] sa dakong ito ay magbibigay ako ng kapayapaan” (Hagai 2:4–5, 7, 9).

Ngunit hindi lamang ang banal na templo ang kailangang muling itayo. Sa maraming paraan, ang mga tao ng Diyos ay espirituwal na nawasak. At ang muling pagtatayo ng mga banal na tao ay higit pa sa pagtibag ng mga bato at pagsasaayos sa mga ito para maitayo ang banal na bahay. Ibig sabihin nito ay ang inskripsiyon na “Banal sa Panginoon” ay dapat na nakaukit hindi lamang sa pader ng templo, o sa “mga kampanilya ng mga kabayo” at “bawat palayok sa Jerusalem” (Zacarias 14:20–21). Kailangan din na nakaukit ang mga ito sa bawat puso.

Para sa buod ng mga aklat nina Hagai at Zacarias, tingnan ang “Hagai” at “Zacarias” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Hagai 1; 2:1–9

icon ng seminary
“Pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad.”

Maraming mahahalagang bagay na dapat gawin para muling itayo ang Jerusalem. Ngunit makalipas ang halos 15 taon mula nang bumalik ang mga Israelita, hindi natuwa ang Panginoon nang ang muling pagtatayo ng templo ay hindi binigyan ng mas mataas na prayoridad (tingnan sa Hagai 1:2–5; tingnan din sa Ezra 4:24). Habang binabasa mo ang Hagai 1; 2:1–9, isipin ang mga tanong na tulad nito:

  • Anong mga resulta ang kinaharap ng mga Israelita dahil hindi nila natapos ang templo?

  • Anong pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa kanila kung tinapos nila ang pagtatayo ng Kanyang bahay?

  • Ano ang mensahe ng Panginoon sa iyo sa Hagai 1:5–7? Paano mo maiaayon ang iyong mga priyoridad sa mga prayoridad ng Panginoon? Kailan ka pa napagpala dahil inuna mo ang Diyos sa iyong buhay?

Ang mga unang Banal sa mga Huling Araw ay naharap sa katulad na sitwasyon ng mga Israelita noong panahon ni Hagai (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 95). Ano ang natutuhan mo mula sa dalawang halimbawang ito tungkol sa nadarama ng Panginoon tungkol sa mga templo?

Tingnan din sa Dale G. Renlund, “Si Jesucristo ang Kayamanan,” Liahona, Nob. 2023, 96–99; Terence M. Vinson, “Tunay na mga Disipulo ng Tagapagligtas,” Liahona, Nob. 2019, 9–11; “O Kayganda ng Templo N’yo, Panginoon,” Mga Himno, blg. 247; “Provo City Center Temple Completed” (video), ChurchofJesusChrist.org.

7:17

Provo City Center Temple Completed

Zacarias 1–3; 7–8; 14

Pababanalin ako ng Panginoon.

Sa iyong palagay, ano ang kahalagahan ng nakaukit ang “banal [kabanalan] sa Panginoon” sa mga bagay na pang-araw-araw tulad ng mga binanggit sa Zacarias 14:20? (tingnan din sa Exodo 28:36–38). Ano ang kahalagahan ng nakaukit ito sa mga templo sa panahon ngayon? Ano ang kahulugan sa iyo ng pariralang ito? Paano mo gagawing bahagi ng iyong pang-araw-araw na buhay ang kabanalan? Pag-isipan ang mga tanong na ito habang binabasa mo ang mga paanyaya ng Panginoon sa Kanyang mga tao na maging mas banal sa Zacarias 1:1–6; 3:1–7; 7:8–10; 8:16–17.

Maaari mo ring basahin ang Zacarias 2:10–11; 8:1–8; 14:9–11, 20–21 para malaman kung ano ang magiging buhay sa hinaharap kapag lahat tayo ay kapiling ng Panginoon sa isang banal na kalagayan. Ano ang mahalaga sa iyo sa pangitain ni Zacarias tungkol sa hinaharap ng Jerusalem? Ano ang nakita mo rito na gusto mong makita sa iyong komunidad? Paano ka maghahanda na mamuhay sa mga kalagayang inilarawan ni Zacarias?

si Jesus na pumapasok sa Jerusalem na nakasakay sa isang asno

“Narito, ang iyong hari ay dumarating sa iyo; siya’y matuwid at matagumpay, mapagpakumbaba at nakasakay sa isang asno” (Zacarias 9:9). Triumphal Entry [Matagumpay na Pagpasok], ni Harry Anderson

Zacarias 9:9–11; 11:12–13; 12:10; 13:6–7; 14:1–9

Si Jesucristo ang ipinropesiyang Mesiyas.

Ang ilan sa mga sulat ni Zacarias ay nakatuon kapwa sa ministeryo sa lupa ni Jesucristo at sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Nasa ibaba ang ilan sa mga propesiya ni Zacarias, kasama ang mga banal na kasulatan tungkol sa katuparan ng mga ito. Habang pinag-aaralan mo ang mga talatang ito, itanong sa iyong sarili, “Ano ang itinuturo nito sa akin tungkol sa Tagapagligtas?

  • Zacarias 9:9–11 (tingnan sa Mateo 21:1–11; 1 Pedro 3:18–19)

  • Zacarias 11:12–13 (tingnan sa Mateo 26:14–16; 27:1–7)

  • Zacarias 12:10 (tingnan sa Juan 19:37; Apocalipsis 1:7)

  • Zacarias 13:6–7; 14:1–9 (tingnan sa Mateo 26:31; Doktrina at mga Tipan 45:47–53)

Ano sa palagay mo ang pakiramdam ng makasama ang mga taong tinatanggap si Jesus sa Jerusalem tulad ng inilarawan sa Zacarias 9:9–11? Paano mo Siya tatanggapin sa iyong buhay, sa iyong tahanan, at sa inyong komunidad?

Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mesiyas,” Gospel Library; “The Lord’s Triumphal Entry into Jerusalem” (video), Gospel Library; Ronald A. Rasband, “Hosana sa Kataas-taasang Diyos,” Liahona, Mayo 2023, 108–12.

1:22

The Lord's Triumphal Entry into Jerusalem

Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

icon ng bahagi para sa mga bata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Hagai 1:2–8

“Pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad.”

  • Habang binabasa mo ang mga bahagi ng Hagai 1:2–5 sa iyong mga anak, tulungan silang malaman kung bakit hindi natuwa ang Panginoon sa mga tao. Marahil ay maaaring pumili ang iyong mga anak ng isang parirala mula sa talata 6 at idrowing ito. Maaari nilang ipakita ito sa isa’t isa at hulaan kung anong parirala ang inilalarawan ng bawat drowing. Kapag nag-uukol tayo ng oras sa mga bagay na iba sa gusto ng Panginoon, paano iyon parang kumakain ngunit hindi nabubusog? Maaari ninyong pag-usapan kung paano ninyo mabibigyan ng oras ang mga bagay na mahalaga sa Panginoon.

  • Maaari mo ring basahin ang talata 8 sa iyong mga anak, at anyayahan silang magkunwaring “[umaahon] sa bundok,” “[kumukuha] ng kahoy,” at “[itinatayo] ang bahay [ng Panginoon].” Maaaring ilista ng iyong mga anak ang mga bagay na ginagawa nila sa isang karaniwang araw, pati na ang mga bagay na ipinagagawa sa kanila ng Panginoon. Hilingin sa mga bata na “pag-isipan [nila] ang [kanilang] mga lakad” sa pamamagitan ng pagbilog sa maaaring sabihin ng Panginoon na pinakamahahalagang bagay sa kanilang listahan.

Pagtuturo na nakasentro sa tahanan. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang tahanan ang dapat maging “sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo” (“Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Nob. 2018, 113). Habang pinag-aaralan ng inyong pamilya ang payo ni Hagai na “pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad,” maaari ninyong pag-usapan kung paano uunahin ang Diyos sa inyong buhay bilang pamilya.

Zacarias 3:1–7

Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan ay makatutulong sa akin na maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

  • Sa isang pangitain, nakita ni Zacarias ang isang mataas na saserdote na “nakasuot ng maruming damit” (Zacarias 3:3). Isang anghel ang nagbigay sa kanya ng malinis na damit. Matutulungan mo ang iyong mga anak na matuklasan ang mahahalagang katotohanan sa pamamagitan ng sama-samang pagbabasa ng Zacarias 3:1–7 at pag-uusap tungkol sa maaaring inilalarawan ng maruming damit at malinis na damit. Paano tayo nagiging malinis mula sa ating mga kasalanan, kahit pagkatapos natin mabinyagan? Paano tayo tinutulungan ng ating tipan sa binyag na “[lumakad] sa mga daan [ng Panginoon]”?

  • Maaari ninyong tingnan ng iyong mga anak ang isang larawan ng binyag, tulad ng larawan na nasa outline na ito. Bakit tayo nagsusuot ng puting damit sa ating binyag? Maaari ka ring kumanta ng isang awitin tungkol sa binyag, tulad ng “Sa Aking Pagkabinyag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 53); ano ang itinuturo ng awit tungkol sa kung bakit nais ng Panginoon na magpabinyag tayo?

isang ama na nagbibinyag sa kanyang anak na babae sa ilog

Zacarias 9:9–11; 11:12; 13:6–7

Si Jesucristo ang ipinangakong Mesiyas.

  • Maaaring gustong ilarawan sa isipan ng iyong mga anak ang pangyayaring ipinropesiya sa Zacarias 9:9, nang pumasok si Jesus sa Jerusalem sa huling linggo ng Kanyang buhay sa lupa. Para makatulong dito, ipakita sa kanila ang larawan ng pangyayari, tulad ng larawan na nasa outline na ito. Maaari mo ring ibahagi sa kanila ang “Nagpunta ang Tagapagligtas sa Jerusalem” (sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 110–12). Maaaring ituro ng inyong mga anak ang mga tao sa mga larawan na “[naga]galak nang husto.” Sino ang Hari sa Zacarias 9:9? Bakit tayo nagpapasalamat sa Kanya?

    1:35

    Chapter 44: The Savior Goes to Jerusalem

  • Isiping tulungan ang iyong mga anak na ihambing ang mga propesiya mula sa Zacarias sa mga talata sa Bagong Tipan na naglalarawan ng katuparan ng mga ito. Narito ang ilang halimbawa: Zacarias 9:9 at Mateo 21:5–9; Zacarias 9:11 at 1 Pedro 3:18–19; Zacarias 11:12 at Mateo 26:14–16; Zacarias 13:7 at Mateo 26:31. Ano ang natutuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talatang ito?

Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

Mga inskripsiyon sa maraming templo na nagsasaad ng “Kabanalan sa Panginoon” at “Ang Bahay ng Panginoon” sa iba’t ibang wika

Ang “Kabanalan sa Panginoon” ay makikita sa bawat templo.

Pahina ng aktibidad para sa Primary: Magagawang linisin ni Jesucristo ang aking espiritu