“Disyembre 21–27. ‘Hinintay Natin Siya at Ililigtas Niya Tayo’: Pasko,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Disyembre 21–27. ‘Hinintay Natin Siya at Ililigtas Niya Tayo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026
For unto Us a Child Is Born [Sapagkat sa Atin ay Ipinanganak ang Isang Bata], ni Simon Dewey
Disyembre 21–27: “Hinintay Natin Siya at Ililigtas Niya Tayo’”
Pasko
Ang Lumang Tipan ay naghahatid ng diwa ng sabik na pag-asam. Sa gayong paraan, ito ay tila tulad ng Kapaskuhan. Simula kina Adan at Eva, inasam ng mga patriyarka, mga propeta, mga makata, at mga tao sa Lumang Tipan ang mas mabubuting araw, na puno ng pag-asa para sa pagpapanibago at pagliligtas ng Mesiyas. At ang mga Israelita ay madalas na nangangailangan ng pag-asang iyon—maging sila man ay bihag sa Egipto o sa Babilonia o bihag ng sarili nilang kasalanan o pagrerebelde. Sa kabila ng lahat ng ito, ipinaalala sa kanila ng mga propeta na darating ang isang Mesiyas, isang Tagapagligtas, “upang magpahayag ng kalayaan sa mga bihag” (Isaias 61:1).
Ang pag-asang iyon ay nagsimulang matupad nang isilang si Jesucristo sa Bethlehem. Ang makapangyarihang Tagapagligtas ng Israel ay isinilang sa isang kuwadra at inihiga sa isang sabsaban (tingnan sa Lucas 2:7). Ngunit hindi lamang Siya Tagapagligtas ng mga sinaunang Israelita. Naparito Siya upang iligtas ka–upang pasanin ang iyong pagdadalamhati, dalhin ang iyong mga kalungkutan, upang mabugbog para sa iyong mga kasamaan, upang sa pamamagitan ng Kanyang mga latay ikaw ay gumaling (tingnan sa Isaias 53:4–5). Kaya nga ang Pasko ay punung-puno ng masayang pag-asam maging sa panahon ngayon. Dumating ang Mesiyas mahigit 2,000 taon na ang nakalipas, at patuloy pa rin Siyang dumarating sa ating buhay sa tuwing hahanapin natin Siya.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Nagagalak ako sa aking Manunubos.
Ang Pasko ay kilala bilang masayang panahon dahil sa kagalakang hatid ni Jesucristo sa mundo. Ilang siglo bago isinilang ang Tagapagligtas, nagalak din ang mga propeta sa Lumang Tipan nang magsalita sila tungkol sa darating na Mesiyas. Basahin ang ilan sa mga sumusunod na talata, at pag-isipan kung bakit naging mahalaga ang mga ito sa mga naghintay sa misyon ng Tagapagligtas: Mga Awit 35:9; Isaias 25:8–9; 44:21–24; 51:11; Sefanias 3:14–20; Moises 5:5–11. Bakit makabuluhan ang mga talatang ito sa iyo? Anong mga dahilan ang ibinibigay ng mga banal na kasulatan ito na nagdudulot ng kagalakan?
Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Magandang Balita ng Malaking Kagalakan” (Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan, Dis. 4, 2022), Gospel Library; “O magsaya,” Mga Himno, blg 121.
Ang mga simbolo ay makatutulong sa akin na maalala si Jesucristo.
Marami sa mga tradisyong kaugnay ng Pasko ay maaaring may simbolikong kahulugan na nagtutuon sa atin kay Cristo. Habang pinag-aaralan mo ang Lumang Tipan sa taong ito, maaaring napansin mo ang maraming simbolo ng Tagapagligtas. Ang ilan ay nakalista sa ibaba. Isiping pag-aralan ang mga ito at itala kung ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Kanya.
-
Bituin (Mga Bilang 24:17; Mateo 2:2; Apocalipsis 22:16).
-
Pastol (Mga Awit 23; Lucas 15:4–7; Juan 10:11)
-
Kordero (Genesis 22:8; Exodo 12:5; 1 Pedro 1:18–20).
-
Tubig (Exodo 17:1–6; Jeremias 2:13; Ezekiel 47:1–12; Juan 4:7–14).
-
Malaking Bato (1 Samuel 2:2; 2 Samuel 22:2–3; Mga Awit 118:22–23; Isaias 28:16; Efeso 2:20).
-
Sanga (Isaias 11:1–2; Jeremias 23:5; 33:15).
-
Liwanag (Mga Awit 27:1; Isaias 9:2; 60:19; Mikas 7:8; Juan 8:12).
Anong iba pang mga simbolo, talata, at tala ang nakita mo sa mga banal na kasulatan na nagpapatotoo kay Jesucristo?
Tingnan din sa 2 Nephi 11:4; Mosias 3:14–15; Moises 6:63; “Mga kahalintulad o mga Sagisag ni Cristo” at “Jesucristo,” kapwa na nasa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (Gospel Library).
“Ang Kanyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha.”
Si Jesucristo ay tinutukoy sa maraming iba-ibang pangalan at titulo. Maghanap ng mga titulo sa mga sumusunod na talata: Mga Awit 23:1; 83:18; Isaias 7:14; 9:6; 12:2; 63:16; Amos 4:13; Zacarias 14:16; Moises 7:53. Anong iba pang mga titulo ang naiisip mo? Maaari kang masiyahang ilista ang mga titulo ni Jesucristo na mahahanap mo sa mga himnong Pamasko. Paano naiimpluwensyahan ng bawat titulo ang iniisip mo tungkol sa Kanya?
Isiping pumili ng titulo o tungkulin ng Tagapagligtas na tutulong sa iyo na alalahanin Siya sa darating na taon.
Tingnan din sa Quentin L. Cook, “Personal na Kapayapaan sa Mahihirap na Panahon,” Liahona, Nob. 2021, 89–92; “Dinggin! Awit ng Anghel,” Mga Himno, blg. 128.
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Tinuturuan ako ng Lumang Tipan tungkol kay Jesus.
-
Maaaring mayroon kayo ng mga anak mo ng ilang dekorasyong Pamasko na magagamit ninyo para simulan ang pag-uusap tungkol kay Jesucristo. Siguro maaari ninyong pag-usapan kung paano ipinaaalala sa atin ng bituin, mga ilaw, o regalo sa Pasko ang Tagapagligtas. Pagkatapos ay maaari mong hanapin sa isa o mahigit pang mga banal na kasulatan ang isang bagay na maaaring sumasagisag kay Jesucristo: Genesis 22:8; Mga Bilang 24:17; Mga Awit 23:1; 27:1. Siguro ay maaaring itaas ng iyong mga anak ang isang larawan o dekorasyon na kaugnay ng bawat talata habang binabasa nila ito. Paanong si Jesus ay tulad ng kordero, bituin, pastol, o ilaw? Isiping kumanta ng isang awiting pamasko nang magkakasama, tulad ng “Nagningning ang mga Tala” (Aklat ng mga Awit Pambata, 24).
-
Maaari ding tingnan ng iyong mga anak ang larawan sa dulo ng outline na ito habang binabasa mo sa kanila ang Isaias 9:6. Sabihin sa iyong mga anak na ituro ang sanggol na si Jesus kapag narinig nila ang pariralang “ipinanganak ang isang bata.” Ibahagi ang iyong patotoo na alam ng mga propeta sa Lumang Tipan na isisilang si Jesus.
-
Habang naghahanda kang pag-aralan ang buhay ni Jesucristo sa Bagong Tipan sa susunod na taon, isiping rebyuhin sa iyong mga anak ang natutuhan nila tungkol sa Kanya sa taong ito sa Lumang Tipan. Maaari mong rebyuhin ang mga outline sa resource na ito at anumang tala sa personal na pag-aaral para matulungan kang maalala ang natutuhan mo. Maaaring makinabang ang maliliit na bata sa pagbabasa ng Mga Kuwento sa Lumang Tipan o sa mga larawan sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Anong mga propesiya o kuwento ang makabuluhan sa iyo? Ano ang natutuhan natin tungkol sa Tagapagligtas?
Maaari tayong ituon ng mga tradisyon ng Pasko kay Jesucristo.
-
Ang mga pamilyang Israelita ay may mga tradisyon, tulad ng Paskua at iba pang mga piging, na nilayong ituon ang kanilang mga puso at isipan sa Panginoon (tingnan sa Exodo 12). Ano ang mga tradisyon mo at ng iyong mga anak sa Kapaskuhan na tumutulong sa inyo na magtuon kay Jesucristo? Anong mga tradisyon ang alam mo tungkol sa iyong family history? Maaari mong talakayin sa iyong mga anak ang ilang tradisyon na gustong mong simulan. Maaaring kabilang sa ilang ideya ang paglilingkod sa isang taong nangangailangan, pagpili ng isang bagay na ihahandog mo bilang “regalo” sa Tagapagligtas, pag-anyaya sa isang kaibigan na manood ng Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan kasama mo (broadcasts.ChurchofJesusChrist.org), pagsulat ng sarili mong kantang Pamasko, o paghahanap ng malikhaing paraan para maibahagi ng mensahe ng pagsilang ni Cristo.
Sa tahanan, ang pag-aaral at pamumuhay ay hindi mapaghihiwalay. “Ang ebanghelyo ay may pangunahing kaugnayan sa tahanan. Ang mga tao roon na kasama mong natututo ng ebanghelyo ay siya ring makakasama mo sa pagpapamuhay nito—araw-araw. Katunayan, sa halos lahat ng oras, ang natutuhan natin sa ebanghelyo ang ipinamumuhay natin. Kaya habang pinag-aaralan at itinuturo mo ang ebanghelyo sa tahanan, humanap ng mga paraan na maiugnay mo ang natutuhan mo sa iyong ginagawa. Sa inyong tahanan, pagsikapang ipamuhay ang ebanghelyo, at huwag lamang pag-usapan” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 31).
Paglalarawan ng Pagsilang ni Jesus, ni Ethan Brown
Ibinigay sa akin ng Ama sa Langit ang kaloob na Kanyang Anak upang maging aking Tagapagligtas.
-
Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na makadama ng pagpipitagan at kagalakan sa pagsilang ni Cristo? Maaari ninyong panoorin ang video na “The Christ Child” (Gospel Library) o basahin nang magkakasama ang Mateo 1:18–25; 2:1–12; Lucas 1:26–38; 2:1–20. Bawat anak ay maaaring pumili ng isang tao mula sa video o salaysay sa banal na kasulatan at ibahagi kung ano ang nadama ng taong iyon tungkol sa Tagapagligtas. Pagkatapos ay maaari ninyong ibahagi sa isa’t isa ang inyong sariling nadarama sa Kanya.
17:57The Christ Child
-
Marahil ay maaari ninyong pag-usapan ng iyong mga anak ang tungkol sa mga regalong ibinigay o natanggap ninyo sa nakalipas na mga taon na nagdulot ng kagalakan. Pagkatapos ay sabay-sabay ninyong basahin ang Isaias 25:9 at pag-usapan kung bakit kayo nagagalak na nagsugo ang Ama sa Langit ng Tagapagligtas sa atin. Para matulungan ang iyong mga anak na mas maunawaan ang tungkulin ni Jesucristo bilang ating Tagapagligtas, anyayahan silang basahin ang Isaias 25:8–9; 53:3–5; at Hoseas 13:14. Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito kung paano tayo inililigtas ng Panginoon?
-
Maaari din kayong sama-samang kumanta ng isang awiting Pamasko, tulad ng “Doon sa May Sabsaban” (Aklat ng mga Awit Pambata, 26–27) o “Munting Bayan ng Betlehem” (Mga Himno, blg. 127). Tulungan ang iyong mga anak na makahanap ng mga parirala sa awit na tutulong sa kanila na malaman na mahal sila ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.