“Sasagutin Mo Ba ang Tawag ng Panginoon?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2022.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
1 Samuel 3:1–11
Sasagutin Mo ba ang Tawag ng Panginoon?
Tatawagin ka ng Panginoon na gumawa ng mga dakilang bagay ngayon at sa hinaharap.
Libu-libong taon na ang nakararaan, isang batang nagngangalang Samuel ang nag-aaral ng kanyang mga tungkulin sa templo mula sa isang saserdoteng nagngangalang Eli. Isang gabi, nang patulog na si Samuel, narinig niyang mayroong tumatawag sa kanya. Noong una, inakala ni Samuel na tinawag siya ni Eli, kaya tumakbo siya kay Eli at sinabing, “Narito ako; sapagkat tinawag mo ako” (1 Samuel 3:5). Hindi tumawag si Eli at pinabalik niya si Samuel sa higaan.
Narinig ni Samuel ang pagtawag at nagpunta kay Eli nang pangalawang beses, at gayon din ang nangyari.
Matapos marinig ni Samuel ang tawag at nagpunta kay Eli sa ikatlong beses, nahiwatigan ni Eli na ang Panginoon ang tumawag kay Samuel. Sinabi ni Eli kay Samuel na bumalik sa higaan. Kung muling tatawag ang Panginoon, sinabi sa kanya ni Eli na sabihing, “Magsalita ka, Panginoon; sapagkat nakikinig ang iyong lingkod” (1 Samuel 3:9).
Muling tumawag ang Panginoon, at sinunod ni Samuel ang payo ni Eli. Pagkatapos ay inihayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban kay Samuel (tingnan sa 1 Samuel 3:11–14). Kahit bata pa si Samuel, kilala siya ng Panginoon at may ipagagawa sa kanya.
Tulad ni Samuel, may pagkakataon kang malaman, maunawaan, at makilala ang Panginoon at ang Kanyang salita upang maihayag sa iyo ang Kanyang kalooban. Tatawagin ka ng Panginoon na gumawa ng mga dakilang bagay ngayon at sa hinaharap.
Sasagot ka ba?
Larawang-guhit ni Robert Barrett
Maging Handang Kumilos
Bago ang karanasan ni Samuel sa Panginoon, “Hindi pa nakikilala ni Samuel ang Panginoon, ni ang salita ng Panginoon ay hindi pa nahahayag sa kanya” (1 Samuel 3:7; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Gustung-gusto ko ang salitang pa sa talatang ito. Maaaring hindi pa nakikilala ni Samuel ang Panginoon, pero nang tumugon siya sa pagtawag ng Panginoon, “lumaki si Samuel, at ang Panginoon ay kasama niya, at hindi pinahintulutan ang alin man sa [mga salita ng Panginoon] ay malaglag sa lupa” (1 Samuel 3:19).
Gusto kong iugnay ang kuwento ni Samuel sa Doktrina at mga Tipan 107:99, na nagsasabing: “Dahil dito, ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya, nang buong sigasig” (idinagdag ang pagbibigay-diin). Natututo at umuunlad tayo sa pamamagitan ng paggawa, hindi sa pagtayo lang sa tabi. Alamin natin kung ano ang nais ipagawa sa atin ng Panginoon at pagkatapos ay kumilos!
Ang pagdarasal para malaman kung ano ang gagawin ay mahalaga. Dapat palagi kang manalangin, pero dapat ay handa ka ring tumayo sa iyong mga paa at may gawin. Mas madali kang matutulungan ng Espiritu Santo kapag kumikilos ka.
Inihahanda Ka ng Maliliit na Bagay
Noong deacon ako, nagpapasa ako ng sakramento at nangangalap ng mga handog-ayuno. At inaayos ko ang mga upuan para sa mga pulong at muling inililigpit ang mga ito. Ang mga tungkuling ito ay tila maliit para sa akin. Sa pagbabalik-tanaw ko ngayon, nakita ko na ang mga iyon ang simula ng paglilingkod ko sa Simbahan. Inihanda ako ng maliliit na bagay na ito para sa araw na tatawagin ako ng Panginoon na gumawa nang mas marami pang bagay.
Kung minsan iniisip natin na ang mga espirituwal na karanasan o pahiwatig ay kailangang maging kagila-gilalas o mangyari sa isang malaki at pambihirang paraan, tulad ng pagkakaroon ng panaginip o pagkarinig ng isang tinig. Ngunit kadalasan, para sa akin, ang mga karanasan sa Espiritu ay maliliit na kaisipan at ideya na gawin ang isang bagay o tulungan ang isang tao. Mas marami pang karanasan sa Espiritu ang darating kapag kumikilos ka ayon sa mga pahiwatig na iyon. Kaya, kung nakatatanggap ka ng kaunting pahiwatig na gumawa ng mabuti at positibo, gawin ito! Hindi ka bibigyan ng Panginoon ng malalaking bagay na gagawin hangga‘t hindi ka nakikinig at kumikilos ayon sa maliliit na bagay.
Nagtitiwala sa Iyo ang Panginoon
Noong naglilingkod ako bilang bishop, minasdan ko ang isang binatilyo sa aking ward na maging isang deacon, teacher, at priest. Pagkatapos ay naghanda siya para magmisyon. Mahiyain siya at tahimik, at nagmula siya sa isang pamilya na hindi gaanong aktibo sa ebanghelyo.
Sa araw ng Linggo na magsasalita siya bago siya umalis papunta sa kanyang misyon, itinanong ko kung handa na ang kanyang mensahe.
“Opo,” sabi niya. Binuksan niya ang isang manila folder at ipinakita sa akin ang kanyang mensahe.
“Ang galing,” sabi ko. “Pero gusto kong mag-eksperimento. Puwede bang sa halip ay magsalita ka mula sa puso mo?”
“Ano po ang gusto ninyong gawin ko?” sabi niya.
“May tiwala ako sa iyo,” sabi ko. “Magsalita ka lang mula sa puso mo. Alam kong gagawa ka ng mga dakilang bagay sa miting na ito. Nasa tabi mo lang ako kung kailangan mo ako.”
Ibinigay niya sa akin ang kanyang mensahe. Hinding-hindi ko malilimutan kung gaano ang kaba niya habang nagsasalita ang iba pang nauna sa kanya. Pero nang siya na ang magsasalita, tumindig siya at nagbigay ng napakagandang mensahe. Ang buong kongregasyon ay nabihag ng mahiyaing batang ito na naging tagapagsalita para sa Panginoon.
Dumating ang tunay na himala pagkatapos ng pulong. Tatlo sa kanyang mga kaibigan na dating nagsabi sa akin na hindi sila magmimisyon ang lumapit sa akin na puno ng luha ang kanilang mga mata. Sabi ng bawat isa sa kanila, “Gusto kong magmisyon.” Nakumbinsi sila ng patotoo ng binatilyong ito na kailangan silang maglingkod. Lahat silang tatlo ay matagumpay na nagmisyon. Ang binatilyong ito ay ama na ngayon at abala pa rin sa ebanghelyo ni Jesucristo. Nakatulong din siya sa pagbabalik ng maraming miyembro ng kanyang pamilya sa Simbahan.
Ipinapaalala sa akin ng karanasang ito na nagtitiwala ang Panginoon sa mga kabataan ng Simbahan. Binigyan kayo ng Panginoon ng mas maraming paraan upang patunayan na nagtitiwala Siya sa inyo. Ni hindi ako handa para sa mga oportunidad na mayroon kayo ngayon noong kaedad ninyo ako! Pero alam kong handa kayong tumulong sa pagtatayo ng Simbahan saanman kayo nakatira.
Larawang-guhit ni Ben Sowards
Hindi Ka Mag-iisa Kailanman
Sa pagsagot mo sa tawag ng Panginoon sa buong buhay mo, may pangako sa iyo na hindi ka mag-iisa kailanman. Gagabayan ka ng Panginoon. Maaaring kailangan mong umunlad nang kaunti, tulad ko, para makita kung paano ka ginabayan ng Panginoon. Halimbawa, ginagabayan ka ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta at mga apostol. Ang tinig ng Panginoon ay hindi dayuhan sa kanila. Ginagabayan ka rin Niya kapag nagbabasa ka ng mga banal na kasulatan.
Nabiyayaan ka ng mga kaloob, talento, at kakayahang gumawa ng malalaking bagay. Dapat itong magbigay sa iyo ng kumpiyansa na sagutin ang tawag ng Panginoon at maging tulad ng alam Niyang maaari mong kahinatnan.