“Kanyang Pamilya, Kanyang Lakas,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2022.
Kanyang Pamilya, Kanyang Lakas
Alam ni Kelly kung paano mananatiling malapit ang kanyang pamilya.
Mga larawang kuha ni Ntebaleng Twala at sa kagandahang-loob ng pamilya
Sumasakay siya sa kanyang kabayo. Siya ay tumutuntong sa kanyang kabayo. Pero hindi lang iyan. Ginagabayan din ng 12-taong-gulang na ito mula sa South Africa ang kanyang kabayo sa pagtalon nito sa mga harang!
Kailangan ng espesyal na ugnayan sa pagitan ng kabayo at ng nakasakay dito para magtagumpay sa ganitong bagay. At si Kelly K. ay talagang malapit sa kanyang kabayo na si Delta. Pero kung itatanong mo kung ano ang pinakamahalaga niyang pakikipag-ugnayan, malamang na sabihin niya sa iyo ang tungkol sa kanyang pamilya.
“Talagang mahalaga sa akin ang mga kapatid ko,” sabi ni Kelly. Ang kanyang mga magulang ay mahalaga rin sa kanya, siyempre pa. Ipinaliwanag ni Kelly na kung minsan ay mas mahirap para sa mga tinedyer na manatiling malapit sa kanilang mga magulang kapag mas matanda na sila, pero nakaisip siya ng ilang estratehiya na nakakatulong. “Para sa akin, mga simpleng bagay lang ito, tulad ng pakikipag-usap sa aking mga magulang o pag-uukol ng oras sa kanila na nagpabuti sa aming ugnayan.”
Ang pagkakalapit na iyon ay nakagagawa ng malaking kaibhan sa kanyang buhay.
Masayang Panahon ng Mababangis na Hayop at ng Pamilya
Tulad ng sabi ni Kelly, ang pagiging malapit ng pamilya ay nagsisimula sa paggugol ng oras bilang isang pamilya. Isa sa mga paraan na masaya silang nagsasama-sama ay ang personal na paglapit sa ilan sa pinakamalalaking hayop sa planeta! “Ilang beses sa isang taon kaming nagpupunta sa safari,” sabi ni Kelly. Maraming magagandang alaala ang naipon sa mga safari ride na ito.
“Ang pinaka-nakatutuwang alaala ay nang minsang bumuhos ang ulan,” sabi niya. Napakabilis ng safari ride, kaya masakit sa balat ang mga patak ng ulan. Kaya nagsiksikan ang kanyang pamilya, nang nagtatawanan, para bumuo ng pananggalang laban sa ulan. At gayon nga ang nangyari! “Napainit namin ang isa’t isa!” sabi niya.
Ang isports ay isa pang malaking bahagi ng buhay ng kanyang pamilya, lalo na sa kanyang mga kapatid. Isa pang paraan ito para magkasama-sama sila, kapwa sa paglalaro nang magkasama at sa pagpapalakas ng loob ng isa’t isa. Bilang pinakabata sa lima, natuklasan ni Kelly na ang pinakamadaling paraan para makasama ang kanyang mga nakatatandang kapatid ay ang sikaping malaman pa ang tungkol sa kanilang isports. “Gustung-gusto kong pinapanood ang mga kuya ko na naglalaro ng rugby o golf. At sinisikap ko ring pag-aralan nang kaunti ang kanilang isports para kapag nagpapraktis sila ay maaari kaming magkausap-usap at sama-samang maglaro.”
Mahilig ding sumakay sa kabayo ang ate ni Kelly, kaya maganda at natural na paraan iyon para magkaugnayan sila. Nasisiyahan din si Kelly sa pagtakbo, at gustung-gusto siyang suportahan ng kanyang mga kapatid.
Bukod pa rito, gustung-gusto ng buong pamilya ang paglalaro ng mga kard at iba pang mga laro nang magkakasama. Tulad ng sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Sa mga ugnayan ng pamilya ang talagang pagbaybay sa pag-ibig ay o-r-a-s, oras.”1
Isang Mainit na Kumot at Malakas na Balikat
Dahil ang mga kapamilya ni Kelly ay ilan sa kanyang pinakamatatalik na kaibigan, inaalo siya ng kanyang mga kapamilya kapag may mga problema siya sa ibang kaibigan. Halimbawa, kaunti lang ang mga miyembro ng Simbahan sa lugar nila Kelly. Kung minsan ang pagkakaiba sa mga pinahahalagahan sa pagitan ni Kelly at ng kanyang mga kaibigan ay nagiging hamon sa kanya.
“Noong bata pa ako, ginagawa ko ang nais ng mga kaibigan ko sa halip na gawin ang alam kong tama,” sabi niya. “Pero nakatulong ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagdarasal. Lumapit din ako sa pamilya ko.
“Minsan ay hiniling ko sa mga kaibigan ko na baguhin ang masama nilang musika, pero hindi iyon talaga umubra. Sabi lang nila, ‘Kung ayaw mo, umuwi ka.’ Kaya nagdasal ako at tinanong ko sa Ama sa Langit kung ano ang dapat kong gawin. Sinabi Niya sa akin na tawagan ko ang mga magulang ko at umuwi na.”
Anuman ang mangyari, alam niya na makakaasa siya na tutulungan siya ng kanyang pamilya. “Laging nariyan ang nanay at tatay ko.” At gayundin ang iba pa sa kanyang pamilya! Minsan, lumipat sa ibang lugar ang dalawa sa mga kaibigan ni Kelly. Napakahirap niyon lalo na dahil napakalapit ni Kelly sa mga kaibigang iyon. Minsan pa, nakagawa ng kaibhan ang kanyang pamilya.
“Naroon ang pamilya ko para sa akin nang kailanganin ko ang isang taong makikinig o makakausap man lang,” sabi ni Kelly tungkol sa mahirap na panahong iyon. “Palagi nilang nalalaman kung paano ako tutulungan at ipinadaramang mahal nila ako.”
Walang-Hanggang Insentibo
Bagama’t marami siyang gustung-gusto sa paninirahan sa South Africa—ang klima, ang mga hayop sa safari, ang templo sa Johannesburg—may ilang mahihirap na bahagi rin sa pamumuhay dahil kakaunti lang ang mga kabataan ng Simbahan na malapit sa kanila.
Gayunman, alam niya ang ebanghelyo at ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo ang kanyang lakas. “Hindi ko alam kung nasaan ako kung wala ang ebanghelyo,” sabi ni Kelly. “Nagpapasalamat ako na mayroong Simbahan. Talagang pinagpapala ng mga banal na kasulatan ang buhay ko. At palaging nakabantay ang Ama sa Langit. Ipinamumuhay ko ang aking mga pamantayan dahil tinutulungan ako ng mga ito na maging masaya at ligtas. At ayaw ko talagang maging katulad ng mga batang nasasangkot sa problema. Mas gusto kong piliin ang tama, dahil alam kong totoo ang ebanghelyo.”
May isa pang napakalaking motibasyon kay Kelly sa pamumuhay ng ebanghelyo—at iyon ay ang pagmamahal niya sa kanyang pamilya. “Alam ko na makakasama ko ang aking pamilya magpakailanman kung mananatili ako sa tamang landas,” sabi niya. “At gusto kong makapiling ang pamilya ko.”