“Mga Kababaihang May Pananampalataya,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2022.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mga Hukom 4–5; Ruth 1–4
Mga Kababaihang may Pananampalataya
Bagama’t matagal na silang nabuhay noon, ang kababaihan mula sa Biblia ay nagpapakita ng mga halimbawa ng pananampalataya, paglilingkod, at pagkakaibigan, na matatagpuan din sa mga kabataang babae ngayon.
Si Debora
mula sa Biblia
Nang apihin ng mga Cananeo ang Israel, marami na sa mga Israelita ang bumaling sa masasamang paraan. Pero si Debora ay isang matapat na babae. Siya ay isang hukom at tinawag na isang propetisa (tingnan sa Mga Hukom 4–5), ibig sabihin ay mayroon siyang patotoo tungkol sa Panginoon at sa diwa ng paghahayag (tingnan sa Apocalipsis 19:10). Malaki ang impluwensya niya sa mga Israelita. Tumanggap siya ng inspirasyon mula sa Panginoon para makatulong sa pagliligtas ng Israel mula sa mga Cananeo.
Ipinapakita sa atin ng halimbawa ni Debora ang mga pagpapalang nagmumula sa pagtitiwala kay Jesucristo.
Francisca
mula sa Ghana at Idaho, USA
Tulad ni Debora, nagtiwala si Francisca sa Panginoon.
Si Francisca ay mula sa Ghana. Sumapi siya sa Simbahan matapos siyang ampunin ng isang pamilya sa Idaho kasama ng kanyang kakambal na lalaki. Gustung-gusto niyang magpunta sa mga aktibidad ng kabataan, pero kung minsan ay itinatanong ni Francisca sa Diyos kung talagang kabilang siya.
“Nahihirapan akong hanapin ang lugar ko sa mundong ito,” sabi ni Francisca. “Pero kapag kailangang-kailangan ko ng tulong, nariyan si Jesucristo para tulungan akong mahanap ang daan. Tinulungan ako ni Jesucristo sa aking mga paghihirap at tinulungan akong magkaroon ng kapayapaan at kapanatagan sa buhay ko. Alam kong totoo ang Simbahang ito, at mahal ko ang aking Tagapagligtas na namatay para sa atin.”
Sina Debora at Francisca ay kapwa mga halimbawa ng matatag na pananampalataya kay Jesucristo.
Si Ruth
mula sa Biblia
Nang mamatay ang asawa ni Ruth, hinikayat siya ng kanyang biyenang si Noemi na bumalik sa kanyang pamilya sa kanyang lupang sinilangan para maalagaan nila ito. Pero nagdesisyon si Ruth na manatili at alagaan si Noemi. Si Ruth ay tapat sa paglilingkod sa kanyang biyenan. Naglingkod si Ruth kay Noemi sa maraming paraan, kabilang na ang paglalaan ng pagkain para sa kanya (tingnan sa Ruth 2:17–18).
Basahin pa ang tungkol kina Ruth at Noemi sa isyung ito.
Daynalee
mula sa Massachusetts, USA
Tulad ni Ruth, natutuhan ni Daynalee ang kahalagahan ng paglilingkod.
Nagsimula si Daynalee na mag-volunteer sa isang soup kitchen tatlong taon na ang nakararaan. Bagamat ang ibig sabihin nito ay pagbibigay ng ilan sa kanyang oras tuwing Sabado, itinuring niya itong pagkakataon para matuto siya ng mga bagong bagay at tulungan ang mga taong nangangailangan.
Ang pag-volunteer sa soup kitchen ay nakatulong sa kanya na matutong maging mas responsable at makipag-ugnayan sa iba’t ibang tao, sabi ni Daynalee. “Panatag at masaya ako dahil alam kong pinaglilingkuran ko ang iba,” sabi niya. “Alam ko na masaya ang Ama sa Langit kapag naglilingkod ako, at pinapasaya ako nito.”
Sina Ruth at Daynalee ay kapwa nagkaroon ng pagkakataong maglingkod sa iba. Nalulugod ang Diyos kapag pinipili nating paglingkuran ang Kanyang mga anak.
Si Noemi
mula sa Biblia
Si Noemi ay biyenan ni Ruth. Hindi lamang naglingkod si Ruth kay Noemi, kundi tinulungan din ni Noemi si Ruth. Ipinakilala ni Noemi si Ruth sa mga bagong tao at tumulong sa pangangalaga sa sanggol ni Ruth (tingnan sa Ruth 4:16). Sinuportahan nila ang isa’t isa at pinahalagahan ang kanilang pagkakaibigan.
Si Eunice
mula sa Pilipinas
Tulad ni Noemi, nalaman ni Eunice ang kahalagahan ng mabubuting kaibigan.
Bago sumapi si Eunice sa Simbahan, napakamahiyain niya. Nang matanggap niya ang tungkuling maglingkod bilang Young Women class president sa kanyang ward, nag-alinlangan siyang tanggapin ang tawag na maglingkod. Pero nagtiwala siya sa Panginoon at tinanggap ang tungkulin.
Bagama’t mahiyain siya noon, hindi hinintay ni Eunice na lumapit sa kanya ang iba. Siya ang gumawa ng unang hakbang para makipagkaibigan sa iba pang mga kabataan. Sabi ni Eunice, “Ito ay isa sa mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo—ang magkaroon ng mga walang-hanggang kaibigan na kasama mong magtitiis sa landas ng tipan at tutulungan kang ipamuhay ang ebanghelyo.”
Ang Diyos ay nagpapadala ng mga kaibigan para tulungan tayo sa mahihirap na panahon. Tulad nina Noemi at Eunice, maaari mong tulungan at paglingkuran ang iba.