Ang Kapangyarihan ay Nasa Kanila
Taunang Training Broadcast ng S&I para sa 2025
Huwebes, Enero 23, 2025
Pambungad
Napakaganda ng mensahe ni Brother Webb. At nakakatuwang panahon ito sa Seminaries and Institutes. May bagong kurikulum tayo na Paghahanda sa Buhay. May inisyatibo tayong Innovate Institute. Lumalaki ang enrollment sa seminary; lumalaki ang sa institute. At palagay ko nakakatulong ang lahat ng bagay na ito na patatagin at gawing pambihira ang ating mga klase at ang karanasan ng mga estudyante. Pero sang-ayon ako kay Brother Webb; may dagdag na lakas na dumarating sa pamamagitan ng mga tipan. At habang ang mga kabataan at young adult ay pumapasok, gumagawa, at nagpapanibago ng kanilang mga tipan, may lakas na nadaragdag sa ating gawain na nagpapatatag pa sa lahat ng ginagawa natin.
Gusto kong magsalita nang kaunti ngayon tungkol sa pagpapalalim ng pagkatuto sa ating mga klase. Bilang General Authority, paminsan-minsa’y nagdaraos ako ng tinatawag na mission tour kung saan nirerebyu namin ang pag-unlad ng isang mission, inoobserbahan ang mga mission leader, at sinusuri ang kultura at espiritu ng mga missionary.
Sa isang gayong pagbisita, nagkaroon ako ng isang madamdaming sandali sa pagmamasid sa Mission Leadership Council, na binubuo ng mga missionary na may mga assignment sa pamumuno sa buong mission. Lahat ng kabataang leader na ito ay tapat, pero nahihirapang magdesisyon kung hahayaan bang makilahok ang ilan sa mga missionary na walang gaanong karanasan sa mga responsibilidad na naibigay ng mission president sa buong mission. Nagpahayag ang isa sa mga missionary ng partikular na alalahanin na hindi talaga mapagkatiwalaan ang ibang mga missionary sa napakalaking mga inaasahang ito. Hindi siya nakasisiguro na sapat ang kakayahan ng iba na isagawa ang gawain at na kulang sila sa espirituwalidad para tumugon nang mabisa. Para sa iba, ang hayaang makilahok ang mga missionary na walang gaanong karanasan ay parang dagdag pasanin lang, at iniisip nila kung mas mainam bang akuhin na lang mismo ng grupo ng mga namumuno ang responsibilidad.
Napangiti ako nang tingnan ko ang mga bata pang missionary na ito na sa mas malawak na pananaw sa karanasan sa Simbahan ay hindi talaga mas nakatatanda kaysa sa mga kasamahan nila na nagbibigay sa kanila ng napakalaking alalahanin. Pagkatapos ay hiniling ko sa mga namumuno na pagnilayan ang oportunidad na ibinibigay ng ating Ama sa Langit sa lahat ng Kanyang anak na kumilos at lumago at tumanggap ng responsibilidad sa ebanghelyo. Kinilala ko na mula sa pananaw nila ay malamang na tila malaki ang pagkakaiba ng kanilang karanasan at mga kakayahan kumpara sa iba pang nasa mission. Pagkatapos ay hiniling ko sa kanila na isipin kung ano kaya ang pananaw ng Diyos sa ating lahat dito sa lupa.
Ang puwang sa pagitan ng mga pamunuan sa mission at ng iba pang nasa mission ay maaaring mukhang hindi malinaw kapag ikinumpara sa mataas na kinaroroonan ng Diyos na nakatanaw sa atin dito sa lupa. Subalit, palagi Siyang nag-aatas ng mahalagang responsibilidad at isinasali ang napakarami sa atin bilang mga bishop, Relief Society president, elders quorum president, at pati mga zone leader at sister training leader.
Sa Doktrina at mga Tipan, mababasa natin, “Ang mga tao ay nararapat na maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan; Sapagkat ang kapangyarihan ay nasa kanila, kung saan sila ay kinatawan ng kanilang sarili. At yayamang ang tao ay gumagawa ng mabuti hindi mawawala sa kanila ang kanilang gantimpala.”
Ngayo’y gusto kong magsalita tungkol sa tiwalang kailangan para matulutan ng mga guro ang mga estudyante nila na gumamit ng kalayaang palalimin ang pagkatuto at personal na pagbabalik-loob. Labis akong babatay sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas sa bahaging pinamagatang “Maghikayat ng Masigasig na Pag-aaral.”
Sa Eter kabanata 3, nagsumamo ang kapatid ni Jared sa Panginoon, “Hipuin ninyo ang mga batong ito, O Panginoon, ng inyong daliri, at ihanda ang mga ito upang ang mga ito ay kuminang sa kadiliman, at … kami ay magkaroon ng liwanag habang tumatawid kami sa dagat.” Matagal ko nang nabasa ang kuwento at personal na pag-uusap na ito bilang isang inisyatibo at kalayaan sa parte ng kapatid ni Jared, na siyang nangyari. Pero nitong huli, hindi ko nakilala ang naging tungkulin ng Panginoon sa pag-anyaya sa kapatid ni Jared na angkinin ang responsibilidad sa simula pa lang. Bago tinukoy ng propetang ito sa Aklat ni Mormon na pakinangin ang potensyal na mga bato, ang Panginoon ang nag-anyaya sa kanya na angkinin ang responsibilidad, hindi lamang sa pagbubuo ng mga barko kundi maging sa potensyal na solusyon at pagtuklas sa solusyon na pagliliwanag sa mga barko.
Bago iminungkahi ng kapatid ni Jared ang solusyon, nagtanong ang Panginoon sa kanya ng ganito: “Ano ang nais mong ihanda ko para sa inyo upang kayo ay magkaroon ng liwanag kapag nilulon na kayo sa mga kailaliman ng dagat?” Nariyan lang pala sa harapan ko mismo. Hindi ko iyon napansin kahit kailan. Pero bago kumilos ang kapatid ni Jared na lubos nating hinahangaan, hinikayat siyang kumilos, na angkinin niya ang responsibilidad para sa solusyon. Oo, kusang kumilos ang kapatid ni Jared, pero dinagdagan ng Dalubhasang Guro ang oportunidad at kalamangang mangyari ito sa pamamagitan ng paghikayat sa kanya na mag-isip, kumilos, at maghanap ng solusyon.
Sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, mababasa natin, “Talagang nakakamanghang makita na naglalakad sa ibabaw ng tubig ang Tagapagligtas. Ngunit hindi iyon sapat para kay Pedro. Gusto niyang gawin ang ginawa ng Tagapagligtas, pumunta sa kinaroroonan Niya, at maranasan din iyon.” Sa madaling salita, hinikayat ng Tagapagligtas na masigasig na mag-aral ang Kanyang mga disipulo, tulad ng ginagawa Niya para sa ating lahat.
Ngayo’y babatay ako sa tatlong paraan na mahihikayat natin ang masigasig na pag-aaral ayon sa nakabalangkas sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas. Una, “anyayahan ang mga mag-aaral na maghandang matuto.” Pangalawa, “hikayatin ang mga mag-aaral na ibahagi ang mga katotohanang natututuhan nila.” At pangatlo, “anyayahan ang mga mag-aaral na isabuhay ang natututuhan nila.”
Habang tinatalakay ko ang bawat isa sa mga pagsisikap na ito na maghikayat ng masigasig na pag-aaral, sana’y makagawa tayo ng dalawang bagay: Una, sana’y tingnan natin ang ating mga estudyante sa paraan ng pagtingin sa kanila ng Diyos, na kinikilala na taglay nila ang kapangyarihan, at na mula sa pananaw ng Diyos lahat tayo ay may kakayahang matuto kapag binigyan tayo ng pantay na mga oportunidad na kumilos at gamitin ang ating kalayaan. Pangalawa, sana’y magmuni-muni kayo tungkol sa mga paraan na makapaghihikayat kayo ng masigasig na pag-aaral, na para bang may mga bahaging kaya ninyong paghusayin. At dalangin ko na tumulong ang Espiritu na liwanagin ang mga oportunidad na iyon sa sarili ninyong pagtuturo.
Sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo mababasa natin, “Mahalagang matuto mula sa mahusay na guro, pero mahalaga rin na magkaroon ka ng makabuluhang mga karanasan sa pagkatuto mula sa sarili mong pag-aaral ng mga banal na kasulatan.” Ang isa sa mga paraan na mahihikayat natin ang ating mga estudyante na maghandang matuto ay ang anyayahan silang pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Dapat nating tulungan ang ating mga estudyante na hindi gaanong umasa sa klase para personal na tumibay habang natututo silang magkaroon ng tuwiran at personal na kaugnayan sa Panginoon sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan. Bukod pa sa ating pangkalahatang paanyayang dumalo sa seminary o institute, inaanyayahan natin ang bawat isa sa ating mga estudyante na basahin ang mga banal na kasulatan at iba pang mga mensahe ng propeta. Lubhang epektibo ito kapag nangyayari ito bago ang talakayan sa klase, dahil ang paghahanda ay nagpapalalim sa pagkatuto at nagdaragdag sa personal o online na talakayan.
Napakaraming paraan ng pagtulong sa mga estudyante na maghandang matuto. Ang isa sa mga paraan ng paggawa ko nito ay sa pagtatapos ng bawat lesson sa isang paalala sa babasahin para sa susunod na klase. Kapag nasa klase ako, madalas ko itong gawin sa pamamagitan ng pagsulat sa assignment na babasahin sa kanang sulok sa itaas ng pisara at pagtukoy rito sa pagtatapos ng klase. Siyempre, sa isang online setting, magagawa ito nang awtomatiko ng isang computer program. Maaaring isama sa iba pang mga paraan ng pag-anyayang mag-aral ng mga banal na kasulatan bago ang klase ang pagpapadala ng email o paalala sa text sa mga estudyante bago sumapit ang talakayan sa klase. Maaari din ninyong patibayin ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa hinaharap sa pagkilala sa paghahandang nagawa ng inyong mga estudyante sa pamamagitan ng paghiling sa isa sa kanila na magbahagi ng isang bagay na natutuhan niya mula sa pagbasa sa talata o sa isang tanong na inaasam nilang masagot pagdating nila sa klase sa gabing iyon.
Bukod pa sa pag-aaral ng banal na kasulatan, may iba pang mga paraan para maanyayahan ang mga mag-aaral na maghandang matuto. Nakita ko na ang mga epektibong guro na nagpapadala nang maaga sa kanilang mga estudyante ng mga tanong na pag-iisipan bago ang talakayan sa klase. Ang isa pang epektibong resource sa paghahanda ay pumili ng mga estudyanteng maghahanda nang maaga bago magklase na magturo ng isa sa mga konsepto sa lesson o magbahagi ng isang karanasang maaaring magpalalim sa pagkatuto ng iba. Kailangan ng mas maraming oras at pagsisikap ng tagapagturo sa mga pagsisikap na ito, at kadalasa’y kinakailangan ninyong higit na malaman ang mga pangangailangan at karanasan ng inyong mga estudyante, pero malaki ang epekto ng mga ito sa pagpapalalim ng mga karanasan sa pagkatuto ng buong klase.
Masasabi ko palagi kapag naanyayahan ng mga guro ang mga mag-aaral na maghanda nang maaga dahil ang mga paanyayahang iyon ay tinutugunan ng pagsisikap ng mga estudyante; mas malalim, mas makabuluhan, at puspos ng Espiritu ang talakayan. Isipin kung paano ninyo maaaring anyayahan ang mga mag-aaral na maghandang matuto nang maaga sa isang talakayan o aktibidad ng klase.
Ngayon, hindi lang basta pakikinig nang walang ginagawa ang kailangan para matuto. Kailangang tumutok at makinig na mabuti at makibahagi ang ating mga estudyante. Ang isa sa mga paraan para mangyari ito ay kapag pinayagan ang mga estudyante na ibahagi sa iba ang natututuhan nila. Kung alam ninyo na aasahan kayong ibahagi ang itinuturo sa inyo, iba ang gagawin ninyong paghahanda. Ang inaasahang ito ay tinutulungan din kayong makinig sa ibang paraan at maging mas aktibo sa inyong pakikinig. Siyempre, ang pagbabahagi mismo ng natutuhan ninyo ay pinalalalim ang mga kabatirang iyon at nililinaw ang natututuhan at nararanasan ng isang estudyante.
Sa Doktrina at mga Tipan, pinapayuhan tayo, “Magtalaga sa inyo ng isang guro, at huwag maging mga tagapagsalita ang lahat kaagad; sa halip magsalita nang isa-isa at makinig ang lahat sa kanyang sinasabi, upang kapag ang lahat ay nakapagsalita na ang lahat ay mapasigla ng lahat, at upang ang bawat tao ay magkaroon ng pantay na pribilehiyo.”
Siyempre, karaniwa’y mas maraming karanasan ang inatasang tagapagturo at malamang na napag-aralan ang materyal sa mas malalim na antas kaysa sa karamihan ng mga estudyante. Pero naaalala ba ninyo ang karanasang ibinahagi ko sa simula ng aking mensahe tungkol sa mga missionary na hindi nagtiwala sa iba na angkinin ang responsibilidad para sa sarili nilang pag-unlad? Kapag dinomina ng isang guro ang karanasan sa pagkatuto, maaaring iniisip niya na isa siyang epektibong guro dahil parang makabagbag-damdamin iyon at naglalarawan ng sarili niyang damdamin. Gayunman, kapag hindi niya isinali ang mga estudyante, malamang na hindi niya alam kung talagang natututo sila sa kanyang pagtuturo. Bukod pa riyan, ang iisang paraan ng pagtuturo ay kadalasang nagkakait sa iba pang mga mag-aaral ng gayon ding malalim na mga oportunidad na ibahagi ang kanilang natututuhan.
Maraming paraan para matulutan ang mga estudyante na ibahagi ang natututuhan nila. Ang isa sa pinakasimpleng paggawa nito ay mag-ukol ng oras sa pagmumuni-muni. Maaaring mangyari ito sa pamamagitan ng isang journal sa pagkatuto o kahit sa isang aktibidad sa pagmumuni-muni bilang bahagi ng talakayan. Magagawa rin ito sa pamamagitan ng pagkukuwento ng isang talinghaga, isang sitwasyon sa buhay, o isang personal na pagsasabuhay, pagkatapos ay tulutan ang mga estudyante na magmuni-muni sa pamamagitan ng nakasulat na obserbasyon bago magbahagi sa iba.
Ang isa pang paraan para makatanggap ang lahat ng pantay na pribilehiyo sa karanasan sa pagkatuto ay ang mamuno sa isang talakayan na may mga tanong na nag-aanyaya sa mga estudyante na mag-isip at magbahagi ng kanilang mga kabatiran. Mahilig akong magsabi noon na kung mayroon akong tatlong tanong na nakakahimok ng kaisipan, kaya kong magturo sa isang klase nang isang oras. Sa paghahanda kong magturo, bubuo muna ako ng mga tanong sa pamamagitan ng pagtutuon sa paksa at sa mga layunin sa pag-aaral ng lesson. Ipinapasiya ko kung aling mga sipi sa banal na kasulatan, mga pahayag ng propeta, o personal na karanasan ang higit na tutupad sa mga layuning iyon sa pag-aaral, pagkatapos ay isinusulat at muli kong isinusulat ang iba’t ibang bersyon ng mga tanong na iniisip kong makakatulong sa mga estudyante na tuklasin ang mga katotohanan tungkol sa mga layuning iyon sa pag-aaral. Ang ilan sa mga tanong na isinusulat ko ay mas nakakahimok kaysa sa iba, pero ang iba ay mabisa sa pagpapalalim ng mga tanong para sa paksang itinuturo ko.
May mga paraan din para magawang mas epektibo ang inyong mga tanong at talakayan. Ang pagkakaroon ng isa o dalawang estudyanteng nagdodomina sa talakayan ay walang ipinagkaiba sa pagkakaroon ng tagapagturong nagdodomina sa pagtuturo. Kapag nagtatanong ako sa isang grupo, kadalasa’y nag-uukol ako ng panahon pagkatapos kong magtanong bago ako humingi ng sagot sa mga estudyante. Maaaring hindi ito komportable para sa isang gurong kadalasa’y gusto ng agarang sagot, pero ang paghinto sandali ay may epektong hindi bababa sa dalawang bagay. Una, nagbibigay ito ng panahon sa mga estudyante na magmuni-muni. Pangalawa, nagbibigay ito sa guro ng dagdag na oras para palawakin ang grupong sumasagot sa talakayan. Tandaan, hindi ninyo kailangang tawagin ang unang nagtaas ng kamay. Natuklasan ko rin na ang pagtatanong sa mga estudyante nang maaga kung ano ang itatanong ninyo sa klase ay nakakatulong sa kanila na maghanda at maaaring maging epektibo lalo na sa mga estudyanteng mahiyain o nadarama na maaaring hindi pahalagahan ang kanilang sagot. Tandaan din na ang pag-anyaya ng partisipasyon ay kinakailangang magpadama na ligtas ang kapaligiran ng pagkatuto sa lahat ng paraan. Ang pagbatay sa komento ng isang estudyante o kahit ang pagpapadala ng isang tala pagkatapos ay mga paraan para mapatibay ang partisipasyon at tulungan ang mga estudyante na madama na mahalaga ang kanilang partisipasyon.
Sa huli, kahit ang pinakamainam sa mga talakayan ng grupo ay maaaring hindi magtulot sa lahat o kahit sa karamihan ng mga estudyante na makilahok sa loob ng limitadong oras. Madalas akong kumuha ng isa sa mga tanong ko tungkol sa paksa at humiling sa mga estudyante na magbahagi nang magkakapares o sa maliliit na grupo sa mga paraan na tumitiyak na nagkaroon ang buong klase ng kahit isang oportunidad lang na ibahagi sa iba ang mga katotohanang natututuhan nila. Kapag hinikayat natin ang mga mag-aaral na ibahagi ang mga katotohanang natututuhan nila, inaanyayahan natin silang maangkin ang natututuhan nila.
Itinuro ni Nephi na ang kapangyarihan ng kalayaan ay na tinutulutan tayo nitong kumilos para sa ating sarili at hindi tayo pakilusin ng iba. Tinutulutan ba ang mga estudyante sa ating mga klase na kumilos at maangkin ang natututuhan nila, o pinakikilos lang sila ng iba habang tahimik silang nakikinig? Kung may bumisita sa klase ninyo sa linggong ito, makikita ba nila na binibigyan ng oportunidad ang mga estudyante na makibahagi sa proseso ng pagkatuto? Mahirap mag-anyaya ng masigasig na pag-aaral kung hindi natin tutulutan ang mga estudyante na magbahagi ng sarili nilang mga kabatiran, inspirasyon, at isabuhay ang mga katotohanan. Hikayatin sana ninyong ibahagi ng mga mag-aaral ang mga katotohanang natututuhan nila at gawing bahagi iyan ng karanasan sa inyong klase.
Itinuro na ni Elder David A. Bednar, “Ang paanyayang kumilos ay mahalaga dahil ang pananampalataya sa Tagapagligtas ay isang alituntunin ng pagkilos at kapangyarihan. Bilang lingkod ng Panginoon, ang tungkulin ko ay hindi lamang para magpalaganap ng impormasyon. Kung pag-iibayuhin ng mga tao ang pananampalataya nila kay Jesucristo, kailangang kumilos sila alinsunod sa mga turo ng Tagapagligtas.”
Ang layunin ng pag-aaral ng relihiyon sa Church Educational System ay “Ituro ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa mga paraan na tutulong sa bawat estudyante na maging mga disipulo ni Jesucristo habambuhay na gumagawa at tumutupad ng mga tipan, nagmamahal sa Diyos at sa iba, at kaya, handa, at tapat na tipunin ang Israel sa magkabilang panig ng tabing.” Ang klaseng iyan ng pagkadisipulo ay hindi mangyayari maliban kung kasama sa ating pagtuturo ang mga paanyaya na maging higit pa sa kung ano tayo at isabuhay ang natututuhan natin.
Ang sumusunod na sipi ay direktang nagmumula sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas: “‘Paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao.’ ‘Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway.’ ‘Humingi kayo, at kayo ay bibigyan.’ ‘Pumasok kayo sa makipot na pintuan.’ [Mateo 5:16, 44; 7:7, 13.] Ang ilan sa mga pinakamalinaw at di-malilimutang paanyaya sa buong ministeryo ng Tagapagligtas sa lupa ay nasambit nang turuan Niya ang Kanyang mga disipulo sa isang gilid ng bundok kung saan tanaw ang Dagat ng Galilea. Ang layunin ng Tagapagligtas ay baguhin ang buhay, na nilinaw Niya sa Kanyang pangwakas na paanyaya: “Ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito at ginaganap ang mga ito, ay matutulad sa isang matalinong tao na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato” [Mateo 7:24; idinagdag ang pagbibigay-diin].” Anyayahan sana ninyo ang mga mag-aaral sa inyong klase na isabuhay ang natututuhan nila.
Sa paghahanda para sa aking mensahe, hiniling ko sa bawat isa sa inyo na maghanda sa pamamagitan ng pag-aaral ng bahaging “Maghikayat ng Masigasig na Pag-aaral” sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas. Dahil hindi tayo personal na magkakasama, at ang ilan sa inyo ay maaaring pinanonood ito nang mag-isa, hinihikayat ko kayong magbahagi ng mga kabatiran sa sumusunod na mga tanong sa inyong mga inservice group sa mga nakatipon o online setting na hihilingin namin sa inyong mga inservice leader na isagawa. Kabilang sa mga tanong na ito ang:
-
Bakit mas epektibo ang pag-aaral ng ebanghelyo kapag kabilang dito ang personal na pagkilos, paghahanda, pagbabahagi, at pagtugon sa mga personal na paanyaya?
-
Anong mga pahayag sa banal na kasulatan at ng propeta ang nagpapatibay sa inyong mga obserbasyon sa naunang tanong?
-
At ano ang nasa mga pahayag na ito ang nakakaugnay kayo nang personal?
Sa huli, isipin sana ninyo ang bawat isa sa sumusunod na mga alituntuning narebyu natin at kung paano mag-aanyaya ang mga ito ng masigasig na pag-aaral sa inyong mga estudyante: una, anyayahan ang mga mag-aaral na maghandang matuto; pangalawa, hikayatin ang mga mag-aaral na ibahagi ang mga katotohanang natututuhan nila; at pangatlo, anyayahan ang mga mag-aaral na isabuhay ang natututuhan nila.
Ang pangwakas na paanyaya ko ay isipin kung paano ninyo maaaring patatagin ang sarili ninyong pagtuturo sa bawat isa sa tatlong aspektong ito:
-
Paano ko higit na palagian at epektibong maaanyayahan ang aking mga estudyante na maghanda bago ang isang karanasan sa pagkatuto?
-
Sa anong mga paraan ko maaaring hikayatin ang aking mga estudyante na ibahagi ang natututuhan nila at aktibong lumahok sa klase ko?
-
Sa huli, anong mga paanyaya ang magpapalakas sa aking mga estudyante at tutulong sa kanila na isabuhay ang natututuhan nila?
Mga kapatid, mahal na mahal namin kayo at may oportunidad tayong sundin ang huwaran ng Tagapagligtas na maghikayat ng masigasig na pag-aaral. Magtiwala sana kayo sa inyong mga estudyante. Ito lang ang paraan para maging katulad sila ng taong kailangan ng Panginoon na kahinatnan nila. Hindi tayo nagpapalaganap ng impormasyon, ni nagbibigay lang ng inspirasyon sa ating mga estudyanteng may personalidad na madaling makibagay at nakikibahagi sa mga lesson. Inihahanda natin ang mga estudyante na espirituwal na makaligtas sa isang panahon na patuloy na humihirap. Ang espirituwal na kaligtasan ay magiging depende sa kakayahang makilala ang patnubay ng Espiritu Santo.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag [at patuloy] na impluwensya ng Espiritu Santo.”
Kapag tinuruan natin ang ating mga estudyante na masigasig na matuto sa pamamagitan ng pagiging aktibong mga kalahok, tinuturuan din natin silang maghangad at tumanggap ng patnubay ng Espiritu Santo. Ang kasanayang ito ang magpapala sa kanila nang matagal paglabas nila ng klase natin. Habang nagsisikap kayong mag-anyaya ng ganitong masigasig na pag-aaral, ipinapangako ko na makikita ninyong mangyari ang mga himala sa buhay ng inyong mga estudyante. Nasa kanila ang kapangyarihan, na aking pinatototohanan, sa pangalan ni Jesucristo, amen.