Maging Karapat-dapat para sa mga Pagpapala ng Templo
Taunang Training Broadcast ng S&I para sa 2025
Huwebes, Enero 23, 2025
Brother Chad H Webb: Lubos akong nagpapasalamat sa training na ito tungkol sa mga lesson sa Paghahanda sa Buhay. Sa palagay ko mapapahalagahan natin kung gaano nauugnay ang mga lesson na ito para sa ating mga kabataan. Habang pinapanood natin ang video, naalala ko kung gaano nakasentro kay Cristo ang mga lesson na ito. Ang paggamit ng perpektong halimbawa ng Tagapagligtas ng pamumuhay sa mga alituntuning ito ng ebanghelyo at pagtalakay kung paano Niya matutulungan ang ating mga estudyante sa kanilang kalagayan ay talagang makapangyarihan.
Gustung-gusto ko rin na ang mga lesson ay nakaugat sa salita ng Diyos, parehong gamit ang mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan at mula sa mga turo ng mga makabagong propeta. Naniniwala ako na ang mga pamamaraan ding iyon na tumutulong sa atin na epektibong maituro ang mga banal na kasulatan ay maiaangkop upang epektibong maituro ang mga inspiradong mensahe ng mga lider ng Simbahan. Salamat sa napakagandang huwaran at napakagaling na training na iyon.
Ngayon, gusto kong magtuon sa ibang paksa na matagal nang nakakabagabag sa puso’t isipan ko. Lahat tayo ay pinagpala ng mga turo at paglilingkod ni Pangulong Russell M. Nelson. Nagpapasalamat ako sa kanya at nagpapatotoo na siya ang piniling propeta ng Panginoon. Nagpapasalamat ako sa Panginoon sa pag-iingat sa kanya at sa kaalaman, patnubay, at lakas na personal kong natanggap sa pamamagitan ng inspirasyon na natanggap ni Pangulong Nelson mula sa Panginoon.
Isa sa mga paanyaya na madalas ulitin ni Pangulong Nelson ay ang matuto tayong gamitin ang kapangyarihan ng Panginoon sa pamamagitan ng mga tipan at templo. Kaya sa pinakahuling Area Directors Convention namin, nagpasiya kaming simulan tuwing umaga ang pag-aaral ng itinuro ni Pangulong Nelson at ng iba pang mga lider ng Simbahan tungkol sa mga tipan at sa bahay ng Panginoon. Naantig ako sa karanasang iyon kaya hiniling ko sa ilan sa mga kalahok na ibahagi ang kanilang natutuhan.
Brother: Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson tungkol sa kahulugan ng pakikipagtipan sa Diyos, natutuhan ko na hindi ko Siya dapat ituring na CEO o corporate executive sa langit na naghihintay na baka masira ko ang kontrata. Sa halip ito ay isang pakikipagtipan sa isang mapagmahal na Ama, at dahil doon hindi Siya kailanman mapapagod sa Kanyang pagsisikap na suportahan ako at hindi ko mauubos ang Kanyang maawaing pagtitiyaga. Dahil natutuhan ko na dahil sa tipan, may espesyal akong lugar sa puso ng Diyos. Binago nito ang paraan ng pagtingin ko sa mga bagay-bagay tulad ng aking mga panalangin, na sa halip na isipin na magiging pasanin sa Kanya ang pagsisisi ko, lalo kong ginustong lumapit sa Kanya at makausap Siya, at lahat ng iba pang gusto kong gawin ay ang tumbasan ang pagmamahal na ipinakita Niya sa akin.
Sister: Kapag iniisip ko ang mga tipan, naiisip ko ang itinuro sa atin ni Pangulong Nelson, na lahat ng pinaniniwalaan natin at bawat pangako ng Diyos sa Kanyang mga pinagtipanang tao ay nagsasama-sama sa templo. Hindi ko maihihiwalay ang templo sa aking mga tipan dahil doon ko natututuhan ang kahulugan ng mga tipang iyon na ginawa ko sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Sa pamamagitan ng mga pangakong iyon ng tipan sa templo ipagkakaloob sa akin ang lahat ng pagpapala ng langit bilang anak ng Diyos. At nadagdagan iyan sa paglipas ng mga taon nang mas maunawaan ko ang endowment at ang napakaespesyal na kaloob na iyon ng ating Ama sa Langit sa atin.
Brother: Natutuhan ko kay Pangulong Nelson na kapag nakipagtipan tayo sa ating Ama sa Langit, nagbabago ang ating ugnayan sa Kanya magpakailanman. At makabuluhan iyan sa akin dahil alam ko na mahal ako ng Ama sa Langit, at nagbigay Siya ng paraan na mas mapalapit ako sa Kanya, mas makilala ko Siya, at sa huli mas magkaroon ng potensyal na maging katulad Niya. Ang isang bagay tungkol sa mga tipan ay anuman ang pinagdadaanan mo sa buhay, kasama mo ang Ama sa Langit, katabi mo Siya, hawak Niya ang kamay mo, inaakay ka Niya sa landas. At lahat ng iyan ay dahil sa mga tipan.
Brother: Nagpapasalamat ako na pinagpala tayong magkaroon ng propeta. Sa kanyang mga turo ay mas naunawaan ko ang natatanging pagmamahal ng Diyos sa mga nakipagtipan sa Kanya. At hindi Niya kailanman tatalikuran ang ugnayang iyon, at hindi rin Siya kailanman titigil sa pagbibigay sa atin ng mga pagkakataon na magsisi at magbago. Ang malaman ang katangian ng Diyos ay nagsilbing pag-asa at pagpapahilom sa aking puso.
Brother: Kapag tayo ay nakabigkis kay Cristo, na taimtim na itinuro ni Pangulong Nelson, pumupunta tayo kung saan Siya pumupunta, ginagawa natin ang ginagawa Niya. Kung kami ay magkapamatok at Siya ang mas malakas na baka, pupunta ako kung saan Siya pupunta, sasabihin ang sinasabi Niya, gagawin ang ginagawa Niya—kalaunan. Nawa’y makatulong sa akin ang samahang iyon na maging katulad Niya. Higit sa anupaman ay gusto ko na malugod Siya. Gusto kong dumating sa punto ng buhay ko na lahat ng ginagawa ko ay nakalulugod sa Kanya. Hindi ko alam kung paano ko masusuklian ang ginawa ng Tagapagligtas para sa akin, maliban sa gawin ang ipinagagawa Niya sa akin.
Brother: Narinig kong sinabi ni Pangulong Nelson na kapag nakipagtipan tayo sa ating Ama sa Langit, bibigyan tayo ng karagdagang kapangyarihan sa ating buhay. Ito ay isang nadaramang kapangyarihan. Ito ay magbibigay sa atin ng pag-asa at paggaling at pananampalataya at maaaring magpatatag sa atin sa oras ng pagsubok. Ang magandang bahagi ng pakikipagtipang ito ay mayroon tayong Ama sa Langit na hindi tayo pababayaan kailanman. Kapag may pag-aalinlangan tayo, tutulungan Niya tayong palitan ito ng pananampalataya. Kapag hindi tayo makawala sa pagkalulong, tutulungan Niya tayong makalaya rito. Kapag pinaghihinaan tayo ng loob, tutulong Siya na mabigyan tayo ng pag-asa. Ang himala ng Tagapagligtas na si Jesucristo ay ang espesyal na pagmamahal at awa Niya sa atin na muli’t muling nagpapabalik sa atin sa Kanya.
Brother Webb: Marahil ay marami kayong mga turo o partikular na pahayag ni Pangulong Nelson na naging personal ninyong paborito. Halimbawa, maaalala ninyo marahil na sa kanyang unang press conference bilang Pangulo ng Simbahan noong 2018, sinabi sa atin ni Pangulong Nelson na magsimula na iniisip ang mithiin. Nang magsalita mula sa Salt Lake Temple, sinabi niya, “Ang [mithiin] na pinagsisikapan natin ay ang mapagkalooban ng kapangyarihan sa bahay ng Panginoon.”
Noong 2021 sinabi niya, “Ang pinakaligtas na lugar para maging ligtas sa espirituwal ay pamumuhay ayon sa inyong mga tipan.”
Noong 2024 itinuro niya, “Wala nang higit na tutulong sa inyo na kumapit nang mahigpit sa gabay na bakal kaysa sa pagsamba ninyo nang regular sa templo. … Wala nang higit na magpoprotekta sa inyo. … Wala nang higit na magpapalakas sa inyong patotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala o tutulong sa inyo na mas maunawaan ang dakilang plano ng Diyos.”
Sa kanyang mensahe sa Pangkalahatang Kumperensya kamakailan sinabi niya, “Narito ang pangako ko sa inyo: Bawat taos-pusong naghahanap kay Jesucristo ay matatagpuan Siya sa templo.”
Sa kanyang artikulo sa Liahona na may pamagat na “Ang Walang Hanggang Tipan,” itinuro niya, “Kapag nakipagtipan tayo sa Diyos, nililisan natin ang kawalan ng kaalaman sa mabuti at masama. Hindi tatalikuran ng Diyos ang Kanyang ugnayan sa mga taong nagkaroon ng gayong pagkakabigkis sa Kanya. Sa katunayan, ang lahat ng nakipagtipan sa Diyos ay maaaring makatanggap ng espesyal na uri ng pagmamahal at awa. … Siya ay patuloy na makikipagtulungan sa kanila at magbibigay sa kanila ng mga pagkakataong magbago. Patatawarin Niya sila kapag nagsisisi sila. At kung maligaw sila, tutulungan Niya silang mahanap ang daan pabalik sa Kanya. … Dahil sa ating tipan sa Diyos, hindi Siya kailanman mapapagod sa Kanyang mga pagsisikap na tulungan tayo, at hindi kailanman mauubos ang Kanyang maawaing pasensya sa atin.”
Hindi lamang nagturo si Pangulong Nelson ng tungkol sa templo at mga tipan bilang Pangulo ng Simbahan, kundi mahigit 15 taon na ang nakararaan, habang nag-iisip kami ng tamang mga salita para sa layunin ng S&I, si Elder Russell M. Nelson, na noon ay naglilingkod bilang Chair ng Executive Committee ng Board of Education, ang naghikayat sa amin na isama ang ikalawang parirala ng aming layunin, na nagsasabing “Dapat nating tulungan ang mga kabataan at young adult na maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo.”
Hindi kaya dahil sa kagustuhan naming paikliin ang pagpapahayag ng layunin ay napagtuunan lang namin ang pagpapalalim ng pagbabalik-loob? Bagama’t may progreso ang ginagawa namin, at dapat ipagpatuloy ang pagtutuon na iyon, marami pa kaming magagawa para bigyang-diin rin ang ikalawang bahagi ng ating layunin at tulungan ang mas maraming kabataan at young adult na maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo. Hindi ko sinasabing magsulat kayo ng bagong lesson o gumawa ng mga bagong programa, ngunit hinihiling ko sa inyo na isipin at ipanalangin kung ano ang magagawa ninyo nang personal na nakaugnay sa ginagawa na ninyo.
Nang itinanong ko ito sa mga tao, marami akong narinig na magagandang sagot. Kabilang dito ang mga mungkahing ito: Una, alamin palagi ang mga binibigyang-diin at mga turo ng propeta tungkol sa mga tipan at sa bahay ng Panginoon. Pangalawa, ikonekta ang ating pagmamahal at pananampalataya kay Jesucristo sa pagiging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo. Pangatlo, tukuyin ang mga tanong sa temple recommend kung naaangkop. Pang-apat, tukuyin ang mga partikular na tipan sa pagtuturo natin ng mga alituntunin ng ebanghelyo para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang doktrina ng mga tipan. At panlima, ibahagi ang ating pagmamahal at pagpapahalaga sa templo at tulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga pagpapalang dumating sa kanilang buhay sa pamamagitan ng pagtupad sa kanilang mga tipan. Marami pa kayong maiisip na ideya; patuloy lamang na talakayin ito bilang mga faculty at sa mga inservice group at ibahagi ang inyong natututuhan.
Bilang halimbawa ng sa palagay ko ay maaaring mangyari at mangyayari, nais kong ibahagi sa inyo ang isang kamakailang progreso. Ilang taon na ang nakararaan ay nasa Guam ako kasama ang ating mga area at regional director mula sa Asia at sa Pacific. Sa isang miting tinalakay namin kung paano namin matutulungan ang mas marami pang estudyante na maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo. Pagkatapos ng mga miting, nakipagpulong ang ating area director sa Pilipinas na si Julius Barrientos sa kanyang Region Directors Council at nagpasiya silang mas makipagtulungan sa mga lider ng Simbahan para tulungan ang mas maraming kabataan at young adult na magkaroon ng current temple recommend. Hinikayat sila ng kanilang Area Presidency, na isinama sa area plan noon pa man ang mithiing dagdagan ang may mga temple recommend. Nakipagpulong din ang mga lider at coordinator ng S&I sa mga lokal na lider ng Simbahan sa lahat ng antas, at sama-sama nilang tinalakay ang kanilang mga pagsisikap at iniulat ang kanilang progreso.
Gusto kong linawin sa puntong ito na hindi sila kumikilos nang hiwalay sa mga lider ng Simbahan. Tinulungan nila ang mga lider na may mithiin at plano na at sumusunod sa tagubilin ng kanilang Area Presidency. Ngunit nakatulong ang S&I sa pagtutuon sa mga tipan at sa templo sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga bagay na ito nang natural sa bawat pagkakataon at sa madalas na pagbanggit sa mga pagpapala ng templo.
Sa tatlong taon, sa pinagsamang pagsisikap ng mga lider ng Simbahan, mga magulang, at mga guro ng S&I, ang bilang ng kabataang may recommend sa Pilipinas ay tumaas ng 277 porsiyento. Ngunit ang pagpapala ay hindi lang sa numero, ang epekto sa mga kabataan at kanilang mga pamilya ay napakalaki. Tulad ng nangyari sa pamilya Topyador mula sa Bayambang Stake, na makikita sa larawan. Tulad ng maraming iba pang pamilya sa Pilipinas, madalas na ngayon na magkasamang dumadalo sa templo ang mga Topyador. Ang pagpapala ng magkasamang pagpunta ng isang pamilya sa templo ay may walang-hanggang kahalagahan at mahalaga sa nais ng Panginoon para sa Kanyang mga anak. Naniniwala ako na sa ating pagsisikap na magtuon sa mga pagpapala ng bahay ng Panginoon, matutulungan natin ang mas maraming kabataan at young adult sa buong mundo na gumawa at tumupad ng mga tipan sa Panginoon.
Bilang pagtatapos, nais kong ibahagi ang isang simpleng object lesson. Iniisip ko ang kapangyarihan ng mga tipan at kung paano natin ito maipaliwanag nang malinaw na mauunawaan kahit ng bata. Habang ginagawa ko ito, naalala ko ang isang object lesson na nakita na ng ilan sa inyo. Sa palagay ko una ko itong nakita na ginamit ni Brother Chad Wilkinson.
Kung ipapabali ko ang lapis na ito, sinuman sa inyo ay magagawa iyan. Pero paano kung kumuha ako ng lapis at idikit sa baseball bat na ito? Ngayon, mababali ba ninyo ang lapis? Sa simpleng paglalarawang ito, ano o sino ang lapis? Ano o sino ang baseball bat? At ano ang tape? Ang object lesson ay nagpapahiwatig na ang lapis ay kumakatawan sa inyo at sa akin, ang baseball bat ay kumakatawan sa Tagapagligtas na si Jesucristo, at ang tape ay sumisimbolo sa ating mga tipan.
Ang kapangyarihan ng mga tipan ay ang pagbigkis nito sa atin kay Jesucristo. Tandaan, walang higit na magpoprotekta sa inyo. Ang pinakaligtas na lugar ay ang mamuhay nang ayon sa ating mga tipan. At kapag mas pinanibago natin ang ating mga tipan, mas lumalakas ang bigkis. At kahit na nabali ang lapis, sa pamamagitan ng mga tipan, mapagagaling tayo ng Tagapagligtas. At kung nais ng dalawang tao na magkasama magpakailanman, ang mga tipan ay magbubuklod sa kanila at sa Panginoon.
Nagpapasalamat ako na ang pagmamahal sa atin ng Panginoon ay sapat para biyayaan tayo ng mga tipan. Nawa’y maging mga tagapagtupad tayo ng tipan at tulungan natin ang mas maraming kabataan at young adult na maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng bahay ng Panginoon, kung saan matatagpuan si Jesucristo ng bawat taos-pusong naghahanap sa Kanya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
Ngayon nama’y pribilehiyo kong ipakilala si Elder Clark G. Gilbert. Tinawag si Elder Gilbert bilang General Authority Seventy noong 2021. Siya ay kasalukuyang naglilingkod bilang Commissioner of the Church Educational System. Nakatanggap siya ng mga degree mula sa BYU, Stanford, at Harvard, at sinimulan ang kanyang karera bilang isang propesor sa Harvard University. Siya ang dating Chief Executive Officer ng Deseret News at Deseret Digital Media. Naglingkod din siya bilang Pangulo ng BYU–Idaho at BYU–Pathway. Ang asawa niya ay si Christine Calder, at sila ay may walong anak.
Nagpapasalamat ako kay Elder Gilbert. Siya ay kahanga-hangang tagapagturo. Napakahalaga sa kanya ng gawain ng mga Seminary at Institute. Pinahahalagahan ko kung gaano siya nakaayon kay Pangulong Nelson at sa iba pang mga lider ng Simbahan at kung paano siya laging naghahanap ng mga pagkakataong mabigyang-diin ang kanilang mga turo. Mahal Niya ang Panginoon at walang kapagurang naglilingkod sa Kanya at sinasamantala ang bawat pagkakataon na magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo. Masaya ako at nagpapasalamat sa pagkakataong matuto sa kanya.