Paghahanda at Pagtuturo ng mga Lesson sa Paghahanda sa Buhay: Inservice sa mga Guro
Taunang Training Broadcast ng S&I para sa 2025
Huwebes, Enero 23, 2025
Brother Jaren Dyreng: Masaya kaming maparito ngayon at sa pagkakataong makasama kayo at makausap. Marahil marami na kayong narinig tungkol sa mga lesson na ito sa Paghahanda sa Buhay at sa mga pag-uusapan natin ngayon. Ang mga kasanayan na tatalakayin natin ay makatutulong nang malaki habang naghahanda tayo sa pagtuturo ng mga lesson na ito sa Paghahanda sa Buhay sa susunod na taon.
Kaya para ipakilala ang aming inservice ngayon, gusto kong anyayahan si Brother Cavanaugh na basahin ang pambungad. Bawat isa sa inyo ay binigyan ng handout. Babasahin ni Brother Cavanaugh ang pambungad, na magbibigay sa atin ng konteksto ng tatalakayin natin ngayon nang magkakasama. Sige.
Brother Cavanaugh: Ang mga lesson sa Paghahanda sa Buhay ay tutulong sa mga estudyante na maging handa kapwa sa mga hamon sa buhay at magagandang oportunidad. Tulad ng iba pang mga lesson sa banal na kasulatan, layunin ng mga lesson sa Paghahanda sa Buhay na tulungan ang mga kabataan at young adult na mapalalim ang pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, maging marapat sa mga pagpapala ng templo, at ihanda ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pang tao para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit.
Ang mga lesson na ito ay nakasentro kay Jesucristo, nakabatay sa salita ng Diyos, at nakatuon sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga estudyante. May ilang mahahalagang kasanayan na makatutulong sa inyo na epektibong maghanda sa pagtuturo upang maisakatuparan ang layunin ng S&I. Isipin ang analohiyang ito: Ang coach ng archery na naghahanda sa pagtuturo ay kailangang magbigay ng target, busog at palaso, at mga oportunidad na makapagpraktis ang bawat estudyante.
Gamitin natin ang analohiyang ito sa paghahandang magturo ng lesson sa seminary.
Brother Dyreng: Maraming salamat. Kaya hinihikayat ko tayong lahat na patuloy na manalangin sa ating puso habang nagtatalakayan. Tulad ng sinabi ko, napakasaya ko sa oportinidad na ito at alam ko na ito ay magiging napakalaking pagpapala sa atin at sa ating mga estudyante sa pagpapatupad natin ng mga kasanayang ito. Kaya simulan natin ito sa target at kung ano ang sinisimbolo nito sa analohiyang ito.
Gusto kong anyayahan si Brother Simmons na basahin ang pinakaunang bahagi ng handout sa ilalim ng layunin ng lesson.
Brother Simmons: Ang layunin ng lesson ay nagbibigay ng malinaw na target para sa inaasahan nating malaman, madama, o gawin ng mga estudyante bilang resulta ng karanasan sa pag-aaral. Kapag malinaw ang layunin ng lesson natin na matuto ang estudyante, mas pagtutuunan natin ang pinlano nating ipagawa sa mga estudyante sa oras ng lesson. Unang kasanayan: tukuyin at markahan ang layunin ng lesson na matatagpuan sa huling pangungusap ng panimulang talata ng lesson.
Brother Dyreng: Sa paghahanda ng lesson 177, na “Responsableng Paggamit ng Teknolohiya,” bawat isa sa inyo ay may kopya niyan. Tiningnan ko ang panimulang talata at nakasaad sa pinakahuling pangungusap ang layunin ng lesson na ito. Sabi rito, “Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maging maingat at responsable sa kanilang paggamit ng teknolohiya.” Kaya malinaw kong minarkahan iyan sa lesson.
Ngayon ay gagawin natin ang simpleng kasanayang ito. Ang lesson 185 ang susunod na lesson sa ating pacing guide, at iyan ay “Pagkakaroon ng Katatagan ng Damdamin sa Panginoon.” Bibigyan ko ang bawat isa sa inyo ng ilang sandali upang tingnan ang panimulang talata at matukoy at malinaw na markahan ang layunin ng lesson na ito.
Brother Dyreng: Pumunta na tayo ngayon sa pangalawang kasanayan. Brother Alcala, maaari bang pakibasa mo ang ibig sabihin ng pangalawang kasanayan sa ilalim ng katotohanan na nakasulat sa mga bold letter? Pupunta na tayo ngayon sa busog at palaso.
Brother Alcala: Ang katotohanan na nakasulat sa mga bold letter na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at turo ng mga lider ng Simbahan, tulad ng busog at palaso, ay nagbibigay sa mga estudyante ng mga kagamitang kailangan para maisakatuparan ang layunin ng lesson. Kapag ang karanasan sa pagkatuto ay nakaangkla sa salita ng Diyos, dinaragdagan natin ang posibilidad na matuto ang mga estudyante sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Pangalawang kasanayan: hanapin ang katotohanan na nakasulat sa mga bold letter sa lesson at markahan kung saan ito matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga turo ng mga lider ng Simbahan.
Brother Dyreng: Maraming salamat. Balikan natin ang lesson 177. Habang inihahanda ko ang lesson na ito, inaalam ko ang mga katotohanan na nakasulat sa mga bold letter, at napansin ko na may dalawang katotohanan sa partikular na lesson na ito. Sinasabi ng una, “Nais ng Panginoon na maging sabik tayo sa paggawa ng mabuting bagay at hindi natin sayangin ang ating panahon.” At sabi ng pangalawa, “Yaong nagpapatibay at naghihikayat na gumawa ng mabuti ay mula sa Diyos.”
Pagkatapos ay pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan at ang dalawang sipi mula kay Elder Bednar, at minamarkahan ang mga salita at parirala na nagtuturo ng mga katotohanang ito sa mga source na ito. Kaya bilang halimbawa, tingnan natin ang unang katotohanang iyan: “Nais ng Panginoon na maging sabik tayo sa paggawa ng mabuting bagay at hindi natin sayangin ang ating panahon.” At babasahin natin ang mga talata na nauugnay sa katotohanang ito.
Kaya samahan ninyo akong basahin ang Doktrina at mga Tipan bahagi 58 talata 26 at 27.
Sa pagbabasa ko ng mga banal na kasulatang ito, minarkahan ko ang pariralang “ang mga tao ay nararapat na maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban.” Ngayon, tingnan natin ang susunod na talata, na Doktrina at mga Tipan bahagi 60 talata 13. At sa talatang ito, minarkahan ko ang pariralang “huwag ninyong sayangin ang inyong panahon.” Pagkatapos, ginagawa ko ito sa iba pang mga talata sa banal na kasulatan na nakalista sa lesson.
Ngayon, tingnan natin ang sipi mula kay Elder Bednar na nauugnay sa katotohanang iyan. At habang tinitingnan ko ang siping ito at ang katotohanan, ipinasya kong markahan ang dalawang parirala. Binanggit ni Elder Bednar sa una: Ang batang-isip o di-naturuang [indibiduwal] ay maaaring mag-ukol ng maraming oras sa video games, pakikipag-chat online, o sa iba pang mga paraan na nagtutulot na mangibabaw ang digital sa katunayan ng mga bagay-bagay.”
At sa pinakadulo ng siping iyon, minarkahan ko rin ang bahaging “Unti-unti, ang tila inosenteng libangan ay nagiging isang uri ng [nakapangwawasak na] pagkaalipin.” Ngayon balikan natin ang lesson 185 para sa pagkakataong maisagawa ang kasanayang ito. Tukuyin ninyo ang katotohanan na nakasulat sa mga bold letter sa lesson na ito at ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta na nauugnay sa katotohanang iyon, at markahan kung saan sa salita ng Diyos naituro nang malinaw ang katotohanang iyon.
Isusunod na natin ang pangatlong kasanayan. Sister Robbins, maaari bang basahin mo ang kahulugan ng pangatlong kasanayan.
Sister Robbins: Ipakita ang natutuhan. Ang aktibidad sa pag-aaral malapit sa dulo ng lesson ay paraan upang maipakita ng bawat estudyante ang kanilang natutuhan, o pagkakataong masubukang asintahin ang target. Maaaring kabilang sa ilang halimbawa ng maaaring gawin ng mga estudyante sa aktibidad na ito ang pagsulat sa journal, pagpapaliwanag, pagbabahagi, paggawa ng plano, pagsasagawa ng kasanayan, o paglikha ng isang bagay. Ang pangatlong kasanayan ay ang tukuyin at markahan ang aktibidad sa lesson kung saan ang mga estudyante ay nabigyan ng oportunidad na maipakita ang kanilang natutuhan ayon sa layunin ng lesson.
Brother Dyreng: Alam na natin ang tatargetin. Nasa atin ang mga kagamitan—ang busog at ang palaso. Ngayon, bibigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na asintahin ang target na iyon. Babalikan ko ang lesson 177, at titingnan ang bahaging matatapos na ang lesson at tutukuyin kung saan nabigyan ng pagkakataon ang bawat estudyante na maipakita ang layunin ng lesson. At napansin ko na sa partikular na lesson na ito, may dalawang nakatutulong sa mga estudyante na maging maingat at responsable sa kanilang paggamit ng teknolohiya.
Isa sa mga ito ay tumutulong sa mga estudyante na magsanay na magplano nang maaga ng gagawin nila para sa responsableng paggamit ng teknolohiya. At ang isa ay pagkakataon para sa kanila na gumawa ng isang plano kung paano nila ihihinto ang kanilang paggamit ng teknolohiya kapag nakakita sila ng hindi naaangkop na media. Kaya malinaw kong minarkahan sa lesson ang dalawang pagkakataong iyon para sa mga estudyante.
Ngayon ay babalikan natin ang lesson 185 at bibigyan kayo ng pagkakataong magawa ang kasanayang ito. Kaya tingnan ninyo ang dulo ng lesson at tukuyin kung saan maipapakita ng mga estudyante ang layunin ng lesson at markahan ninyo iyan. May isang minuto kayo para hanapin iyon.
May paanyaya ako sa bawat isa sa inyo. Sa paghahanda at pagtuturo ng mga lesson na ito sa Paghahanda sa Buhay sa taong ito, ipatutupad ba ninyo ang tatlong kasanayang ito na tinalakay natin ngayon?
LAHAT: Opo.
Brother Dyreng: Alam ko na kapag ginawa natin ito, matutulungan natin ang ating mga estudyante na palalimin ang kanilang pagbabalik-loob sa Tagapagligtas na si Jesucristo. At sa prosesong iyon, may madarama rin tayo sa ating puso.
May patotoo ako na tayo ay pinamumunuan at ginagabayan ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at pagpapalain Nila tayo kapag sinunod at pinakinggan natin ang mga lider na hinirang Nila na mamuno at gumabay sa atin sa mga huling araw na ito. Nagpapasalamat ako sa kurikulum na ito na ibinigay sa atin at sa pagkakataong makatulong sa pagpapalalim ng pagbabalik-loob sa Tagapagligtas na si Jesucristo.
At iniiwan ko ito sa inyo sa pangalan ni Jesucristo, amen.