Paghahanda at Pagtuturo ng mga Lesson sa Paghahanda sa Buhay: Panimula
Taunang Training Broadcast ng S&I para sa 2025
Huwebes, Enero 23, 2025
Brother Jason Willard: Hi, ako si Jason Willard. Tulad ninyo, mahal ko ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo nang buong puso. Mahal ko ang mga kabataan at young adult sa buong mundo. Tulad ninyo, ang pinakamalaking hangarin ko ay tulungan silang palalimin ang kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo, at ihanda ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit.
Dahil diyan, gusto kong magbahagi ng ilang ideya na magpapadali sa inyo na maghandang ituro ang mga lesson tungkol sa Paghahanda sa Buhay. Noong Enero 2024, pinasimulan ni Brother Chad Webb ang mga thematic lesson na ito na ituturo nang isa hanggang dalawang beses bawat linggo. Binuo mula sa mga paksang tulad ng misyon, templo at paghahandang mag-aral, mga kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, katatagan ng damdamin, mga kasanayan sa buhay, at mga turo ng mga propeta sa mga huling araw.
Ibinahagi rin niya sa atin ang pananaw at layunin ng mga lesson sa Paghahanda sa Buhay nang sabihin niyang:
Brother Chad H Webb: Umaasa kami na matulungan ang isang henerasyon ng mga kabataan na malaman kung paano pag-aralan ang mga banal na kasulatan at makaugnay sa mga turo ng mga buhay na propeta. Isang henerasyon ng kabataang matatag ang damdamin na may mga kasanayan at kakayahang magtagumpay sa paaralan, maging mabubuting ama at ina, at mamuno sa Simbahan at sa kanilang mga komunidad. Umaasa kami na matulungan ang isang henerasyon na maging handa na maunawaan ang mga tipan sa templo, tapat na tumutupad sa mga ito, at maging isang henerasyon ng mga missionary na karapat-dapat, kwalipikado, malakas ang espirituwalidad, at handang kumatawan sa Tagapagligtas sa pag-anyaya sa mundo na lumapit sa Kanya.
Umaasa kami na maihanda ang isang henerasyon ng mga disipulo ni Jesucristo na lubos na nagbalik-loob sa Kanya at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo sa buong buhay nila.
Brother Jason Willard: Nang mabisita namin ang mga gurong nagtuturo ng mga thematic lesson na ito nitong nakaraang taon, natuklasan namin na ang pag-asang ito ay nagkakatotoo. Nakikita ng mga gurong nagsisimula na nasasaisip ang layuning ito, ang pananaw kung ano ang inaasam naming kahinatnan ng lumalaking henerasyon, ang mga himalang nakinita ni Brother Webb. Dahil malinaw na nakatuon ang ating isipan sa dahilan ng mga esson sa Paghahanda sa Buhay, pag-usapan natin ang paraan ng paghahanda at pagtuturo ng mga thematic lesson na ito. Kamakailan, nagpunta ako sa isang seminary class para ituro ang isa sa mga lesson na ito tungkol sa Paghahanda sa Buhay. Dahil naorden akong patriarch sa aking stake, akala ko ay magiging madali na basta ituro ang lesson tungkol sa mga patriarchal blessing. Kaya nagpunta ako sa klase na ang layunin ay magturo tungkol sa mga patriarchal blessing.
Magandang karanasan iyon. Matapos kong turuan ang klase, kinausap ko ang isa sa mga sumusulat ng aming kurikulum at nalaman ko na ang lesson na ito, pati na ang iba pang mga lesson tungkol sa Paghahanda sa Buhay, ay isinulat sa isang paraan na matutulungan ang guro na gumawa ng higit pa kaysa sa magturo lang tungkol sa isang partikular na paksa. Natuklasan ko na bawat lesson ay may tatlong pangunahing elemento: isang partikular na layunin, isang mahalagang katotohanang matatagpuan sa salita ng Diyos, at isang aktibidad kung saan bawat estudyante ay magkakaroon ng oportunidad na ipamalas ang kanyang natutuhan.
Nasasaisip ang tatlong mahalagang bagay na ito, naghanda akong ituro ang lesson ding iyon sa ibang seminary class makalipas ang ilang linggo. Nakakagulat ang kaibhan sa karanasan sa pagkatuto. Nagpahayag ang mga estudyanteng nakatanggap na ng kanilang patriarchal blessing ng taos na hangaring pag-aralan nang mas masinsinan ang kanilang blessing. Isang binatilyong hinding-hindi ko malilimutan ang nagbahagi sa klase ng kanyang hangaring mas masigasig na maghanda para sa misyon na binanggit sa kanyang blessing.
Kasama sa mga estudyanteng hindi pa nakatanggap ng kanilang patriarchal blessing ang isang dalagita na lumuluhang nagbahagi ng agarang pangangailangang nadama niya na matanggap kaagad ang kanyang blessing. Hindi na ako ang eksperto—na isang patriarch—na nagtuturo tungkol sa mga patriarchal blessing. Ginagawa ko noon ang magagawa ng sinumang guro saanman sa mundo dahil sa tatlong pangunahing kasanayang ito. Para matulungan kayo at ang inyong mga estudyante na magkaroon ng mga lesson na nagpapabago ng buhay tungkol sa Paghahanda sa Buhay, tingnan natin kung ano ang hitsura nito sa isang in-service lesson, sa personal na paghahanda ng lesson ng isang guro, at sa huli ay sa isang silid-aralan na may mga estudyante.