Pagtatatag ng Doktrina

Sa kanyang panahon sa Ohio, tumanggap si Joseph ng maraming paghahayag na nagpabago sa mga paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw, nagpatibay sa doktrina, at nagtatag ng mga istrukturang pang-administratibo ng Simbahan na patuloy na makikita sa Simbahan ngayon.
An upper room in the John Johnson home in Hiram, Ohio, filled with long benches and several desks.
Noong Disyembre 1830, isang paghahayag ang nag-utos sa mga miyembro ng Simbahan na “sama-samang magtipun-tipon sa Ohio” (Doktrina at mga Tipan 37:3). Hindi nagtagal kalaunan, sa isang kumperensya na idinaos sa Whitmer Home sa Fayette, New York, ang mga Banal ay humingi ng karagdagang paglilinaw hinggil sa utos na sama-samang magtipon. Bilang tugon, nangako ang Panginoon na ibibigay Niya sa kanila ang Kanyang batas at na sila ay “papagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan” (Doktrina at mga Tipan 38:32) sa Ohio.

Kasunod ng mga paghahayag na ito, naging punong-tanggapan ng Simbahan ang hilagang-silangan ng Ohio mula Pebrero 1831 hanggang Enero 1838 habang nakatira si Joseph Smith at ang kanyang pamilya sa loob at sa palibot ng Kirtland. Ito ay panahon ng paghahayag, paglago, pagbabago, tagumpay, at trahedya habang lumalawak ang tungkulin ni Joseph hindi lamang bilang tagapaghayag kundi bilang lider din ng komunidad at espirituwal na tagapayo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa panahong ito, tumanggap si Joseph ng maraming paghahayag na nagpanumbalik sa kaalamang nawala dahil sa maraming siglo ng apostasiya. Binago ng mga paghahayag na ito ang pananaw ng mga Banal sa mga Huling Araw tungkol sa mundo, kabilang-buhay, at sa plano ng kaligtasan ng Diyos. Naglalaman din ang mga ito ng mga inobasyon na nagbigay ng kaalaman sa mga Banal sa mga Huling Araw tungkol sa paglikha at Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ito ang naghikayat sa mga Banal na magtayo ng mga institusyon na maghahanap ng mga bagong convert, magtitiyak sa seguridad ng komunidad, mabawasan ang kahirapan, at mapasigla ang lahat.

Ang mga paghahayag na ito ay lumikha, nagpabago, at nagpalawig din ng mga istruktura ng pangangasiwa ng Simbahan at nagpalawak ng pang-unawa sa kapangyarihan at istruktura ng priesthood. Inatasan din ng mga ito ang mga Banal na magtayo ng isang bahay ng Panginoon—isang templo kung saan sila makikibahagi sa mga bagong ipinanumbalik na ordenansa at tatanggap ng ipinangakong pagkakaloob ng kapangyarihan.

Ang Batas

Sa isang paghahayag na natanggap sa mismong araw na dumating si Joseph sa Kirtland, itinuro ng Panginoon na “sa pamamagitan ng panalangin [ninyo nang may] pananampalataya kayo ay makatatanggap ng aking batas, upang inyong malaman kung paano pamamahalaan ang aking Simbahan at gawing tama ang lahat ng bagay sa harapan ko” (Doktrina at mga Tipan 41:3). Marami sa mga naunang convert sa Kirtland ay mga miyembro ng “pamilya” na nakatira sa Morley Farm. Sinikap ng grupong ito na ipamuhay ang kanilang naunawaan sa nakasaad sa Bagong Tipan na “lahat nilang pag-aari ay para sa lahat” (Mga Gawa 4:32). Nakita ni Joseph na ang mga pagsisikap ng pamilya ay kahanga-hanga ngunit hindi ito mapananatili. Dahil alam ni Joseph Smith na sa pamamagitan ng pagdarasal nang may pananampalataya ay ihahayag ng Panginoon ang ipinangakong batas, nagpatawag si Joseph Smith ng pulong sa labindalawang elder noong ika-9 ng Pebrero 1831, limang araw lamang ang nakalipas mula noong dumating siya sa Ohio.

Sa pulong, sinunod ng mga naroon ang atas ng Panginoon na literal na makiisa sa panalangin. Matapos silang “magkaisa sa taimtim na pananalangin, at sumang-ayon hinggil sa pagtanggap ng Batas,”1 nagtanong ang mga elder tungkol sa praktikal at kagyat na mga pangangailangan ng Simbahan. Bilang tugon, idinikta ni Joseph Smith ang magkakasunod na sagot mula Panginoon, na naging batayan ng isang paghahayag na kilala noon bilang batas ng pagtatalaga at pangangasiwa o simpleng ang Batas (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42). Itinuro ng paghahayag na ito sa mga Banal kung paano magtipon, pangalagaan ang isa’t isa, at maghangad ng pagkakapantay-pantay sa kabuhayan nang hindi binabale-wala ang personal na pagpili at responsibilidad.

Naipanumbalik na Kaalaman

Habang ginagawa pa rin ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, inasahan nina Joseph Smith at Oliver Cowdery na magamit ang kanilang mga kaloob sa “pagdadala sa liwanag . . . [ng] mga yaong bahagi ng aking mga banal na kasulatan na itinago dahil sa kasamaan” (Doktrina at mga Tipan 6:27). Noong Oktubre 1829, sina Joseph at Oliver ay bumili ng malaking edisyon ng King James Version ng Biblia mula sa tindahan ng mga aklat ni E. B. Grandin. Noong Hunyo 1830, yamang nailimbag na ang Aklat ni Mormon at naitatag na ang Simbahan, sinimulan nina Joseph at Oliver ang kanilang pangalawang malaking proyekto sa pagsasalin: ang inspiradong pagsasalin ng Biblia.
Sacred History Exhibit
Ang kopya ng King James Version ni Joseph Smith ang ginamit sa inspiradong pagsasalin ng Biblia. Sa kagandahang-loob ng Church History Museum.
Nang lisanin ni Joseph Smith ang estado ng New York, ang kanyang gawain sa inspiradong pagsasalin ng Biblia ay nasimulan na. Sa panahong iyon, nakapagdikta na si Joseph ng mahahalagang rebisyon at mga karagdagan sa pangitain ni Moises at sa tala tungkol kay Enoc na matatagpuan sa Genesis.2 Sa mismong araw na dumating sila ni Emma sa Kirtland, isang paghahayag ang nag-utos sa Simbahan na “kinakailangang magpagawa ng isang bahay” para kay Joseph kung saan siya “makapaninirahan at makapagsasalin” (Doktrina at mga Tipan 41:7). Itinuring ni Joseph Smith na ang kanyang gawin sa inspiradong rebisyon ng Biblia ay “isang banal na utos” at isang mahalagang “sangay” ng kanyang tungkulin bilang propeta.3 Ang gawain ni Joseph Smith sa rebisyon ng Biblia ay nagsilbing “katalista para sa maraming paghahayag” sa Doktrina at mga Tipan, na may “mahigit isang dosenang bahagi na resulta mismo ng proseso ng pagsasalin o naglalaman ng mga tagubilin para kay Joseph at sa iba pa hinggil dito.”4
Ang silid sa tahanan nina John at Elsa Johnson ay ang lugar kung saan isinalin ni Joseph Smith ang Biblia at kung saan natanggap niya ang maraming paghahayag.
Ang ginampanan ng pagsasalin ng Biblia sa pagtanggap ng paghahayag ay makikita marahil sa paghahayag na natanggap nina Joseph Smith at Sidney Rigdon noong ika-16 ng Pebrero 1832. Ilang linggo na ang nakaraan, dahil sa mga pagsisikap ni Joseph Smith na pangasiwaan ang gawaing misyonero sa lugar sa paligid ng Hiram, Ohio, natigil ang gawain niya sa pagsasalin. Sa isang paghahayag na natanggap noong Enero 1832, iniutos sa kanya ng Panginoon na ituloy ang pagsasalin at magtuon sa gawaing ito “hanggang sa ito ay matapos” (Doktrina at mga Tipan 73:4).

Wala pang isang buwan, habang isinasalin ang Juan 5:29, isang pangitain ang ipinakita kay Joseph Smith at kay Sidney Rigdon, na naglilingkod bilang tagasulat. Kilala lamang ng mga Banal noong panahong iyon bilang “ang Pangitain,” ang paghahayag na ito ay naglalaman ng malawak na bagong impormasyon tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay at sa tatlong kaharian ng kaluwalhatian na naghihintay sa atin sa kabilang buhay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76). Bukod pa rito, itinuturo sa atin ng paghahayag na ito na sa pamamagitan ni Cristo “ang mga daidig ay nililikha at nalikha” at, bilang “mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos,” lahat ng babae at lalaki ay nagtataglay ng walang-hanggang banal na katangian (Doktrina at mga Tipan 76:24).

Priesthood

Marami sa mga paghahayag na natanggap sa panahong ito ang nagbigay ng pagpapalawak at paglilinaw para sa priesthood. Nang ilathala ang mga paghahayag na ito sa unang edisyon ng Doktrina at mga Tipan, marami sa mga ito ang nilagyan ng heading na “Tungkol sa Priesthood” at “tila isang handbook tungkol sa priesthood at pamamahala sa Simbahan.”5
The Newel K. Whitney store played a major role in the history of the Church in Kirtland, Ohio. Joseph and Emma Smith lived here for a short while. Several significant revelations were received here. The School of the Prophets was held in the store from January 24, 1833, until sometime in April 1833. Photo taken May 2022.
Ang N. K. Whitney & Co. Store, kung saan natanggap ang maraming paghahayag sa Doktrina at mga Tipan.
Ilan sa mga paghahayag na ito ay nagpapaliwanag ng partikular na mga katungkulan at korum at mga tungkulin nito sa pamamahala. Gayunman, nakabalangkas sa iba pang mga paghahayag ang doktrina ng Priesthood, ipinapaliwanag ang pagiging walang-hanggan nito, at itinuturo sa atin na ang kapangyarihan ng priesthood ay kapangyarihan ng Diyos na naglalapit sa mga babae at mga lalaki sa Kanya sa pamamagitan ng mga tipan. Noong ika 22 at 23 ng Setyembre 1832, nakatanggap si Joseph Smith ng isang mahabang paghahayag tungkol sa priesthood habang pinupulong ang council na may dalawang grupo ng mga priesthood holder. Sa paghahayag na ito, na marahil ay natanggap sa N. K. Whitney & Co. Store, natutuhan natin na ang Melchizedek Priesthood ay ipinagkaloob sa bawat matwid na propeta mula pa noon bago likhain ang mundo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:6–17) at na sa “mga ordenansa nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita.” Ang paghahayag na ito ay naglalagay din sa mga may hawak ng priesthood sa ilalim ng “sumpa at tipan” na habang tinutupad [nila] ang kanilang tungkulin, sila ay pababanalin.

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang Pagkakaloob ng Kapangyarihan

Higit sa lahat, ang mga paghahayag na natanggap sa Ohio ay nagpalawak sa pang-unawa ng mga Banal sa mga Huling Araw tungkol sa katangian at Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa “ang Pangitain” (Doktrina at mga Tipan 76), nakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang Tagapagligtas na si Jesucristo. Ipinahayag nila:

“At ito ang ebanghelyo, ang mabubuting balita, na siyang pinatototohanan ng tinig mula sa langit sa amin—

“Na siya ay pumarito sa daigdig, maging si Jesus, upang ipako sa krus dahil sa sanlibutan, upang dalhin ang mga kasalanan ng sanlibutan, at upang pabanalin ang sanlibutan at linisin ito mula sa lahat ng kasamaan;

“Na sa pamamagitan niya ang lahat ay maliligtas na siyang inilagay ng Ama sa kanyang kapangyarihan at nilalang sa pamamagitan niya” (Doktrina at mga Tipan 76:40–42).
Ang Kirtland Temple
Hindi nagtagal pagkatapos mailaan ang bahay ng Panginoon sa Kirtland, muling nagpakita si Cristo, ipinahahayag kina Joseph Smith at Oliver Cowdey:

“Ako ang una at ang huli; ako ang siyang nabuhay, ako ang siyang pinaslang; ako ang inyong tagapamagitan sa Ama.

“Masdan, ang inyong mga kasalanan ay pinatatawad na sa inyo; kayo ay malinis na sa aking harapan; samakatwid, itaas ang inyong mga ulo at magsaya.

“Magsaya ang mga puso ng inyong mga kapatid, at magsaya ang mga puso ng lahat ng aking tao, na, sa pamamagitan ng kanilang lakas, ay itinayo ang bahay na ito sa aking pangalan” (Doktrina at mga Tipan 110:4–6).
Ang mga pulpito ng Melchizedek Priesthood na nasa dulo sa kanluran ng unang palapag ng Kirtland Temple. Dito nangyari ang pangitain sa Doktrina at mga Tipan 110.
Sa inilaang templo, natanggap ng mga Banal ang kaloob na kapangyarihan na ipinangako halos limang taon na ang nakararaan noong iutos sa kanila na magtipon sa Ohio. Bagama’t ipinakilala sa Nauvoo ang karagdagang mga ordenansa at seremonya na may kaugnayan sa “endowment”, ang pagkakaloob ng kapangyarihan na ipinangako sa mga Banal sa Kirtland ay kinabibilangan ng “panahon na tulad ng sa Pentecostes” na kasunod ng paglalaan ng templo at “pagpapanumbalik ng mga susi ng priesthood” sa pamamagitan nina Moises, Elias, at Elijah sa Kirtland Temple (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110).6

Ang pagkakaloob na ito ng mga bagong susi at ordenansa ay kasunod ng pahayag ng Panginoon na tinanggap ang sakripisyo ng mga Banal sa pagtatayo ng templo at na ang kanilang mga kasalanan ay pinatawad na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo.
  1. John Whitmer, sa “History, 1831–circa 1847,” 12, josephsmithpapers.org.
  2. Tingnan sa Moises 1–7. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa prosesong ito, tingnan sa Joseph Smith, sa History, 1838–1856 [Manuscript History of the Church], volume A-1, 48, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Joseph Smith, Old Testament Revision 1, pp. [1]–[19].
  3. Tingnan sa Elizabeth Maki, “Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia,” sa Konteksto ng mga Paghahayag (2016); Joseph Smith, sa History, 1838–1856 [Manuscript History of the Church], volume A-1, 175, josephsmithpapers.org.
  4. Maki, “Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia.”
  5. Pambungad sa Kasaysayan, “Doctrine and Covenants, 1835,” josephsmithpapers.org. Ang mga paghahayag na tinukoy nang ganito ay mga bahagi 20, 84, 86, at 107 na ngayon. Ang huling tatlong paghahayag ay natanggap sa Ohio.
  6. Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Pagkakaloob ng Kapangyarihan,” Gospel Library.