Awtoridad at Kapangyarihan ng Priesthood

Habang patuloy na lumalago ang Simbahan sa Kirtland, maraming paghahayag ang humantong sa paglikha ng mga katungkulan at istruktura ng priesthood na ginagamit pa rin sa Simbahan ngayon. Ang mga pagbabagong ito ay nakatulong sa pag-organisa ng mga gawaing misyonero at paghahanda ng mga Banal para sa Kirtland Temple.
Inside of Kirtland Temple
Ang mabilis na paglago ng Simbahan noong dekada ng 1830 ay nagbigay ng napakalaking hamon sa pangangasiwa. Dahil sa maraming bilang ng mga bagong convert na sumapi sa Simbahan sa loob at paligid ng Kirtland, nagsimulang magtipon din sa Ohio ang mga miyembro mula sa New York. Dahil sa pagtitipon at pagpapalawak na ito, kinailangang maglaan ang Simbahan ng tirahan at trabaho.

Habang nangyayari ang paglago at pagtitipon na ito, ang mga misyonero ay isinugo upang mangaral ng ebanghelyo. Ang mga misyonero na ito at ang mga pamilyang iniwan nila ay nangangailangan ng suporta yamang humayo sila upang mangaral sa sanlibutan.

Kasabay ng gawaing misyonero na ito ang pangangailangang simulan ang paglalathala ng mga materyal ng Simbahan tulad ng Aklat ni Mormon at ng mga paghahayag ni Joseph Smith para sa mga misyonero at miyembro. Ang lahat ng mga pagbabagong ito ay nangailangan ng mas maraming istruktura para sa pamumuno.

Marami sa pinakapamilyar na mga aspeto ng Simbahan ngayon ay nagmula sa mga paghahayag at pagbabago sa organisayon na nangyari habang nasa Ohio ang punong-tanggapan ng Simbahan. Kabilang dito ang mga bishopric, ang Unang Panguluhan, stake organization, priesthood quorum presidency, at General Authority para sa Simbahan.

Ang mga pagbabagong ito sa istruktura ng priesthood ay kasabay ng mga pagpapatatag sa doktrina na tinanggap at nakatulong sa paghahanda sa mga Banal na tumanggap ng kapangyarihang ipinangako kapag natapos na ang pagtatayo ng bahay ng Panginoon.

Ang Bishopric

Hindi nagtagal matapos dumating si Joseph Smith sa Ohio, inihayag ng Panginoon ang una sa maraming bagong katungkulan at korum ng priesthood na nilayong tugunan ang mga hamon na kinakaharap ng Simbahan noon.

Sa isang paghahayag na natanggap sa mismong araw na dumating si Joseph, iniutos ng Panginoon na si Edward Partridge, isang matagumpay na negosyante mula sa kalapit na Painesville na kamakailan lang nabinyagan, na “ordenan bilang obispo sa simbahan” at iniutos kay Partridge na “iwanan ang kanyang mga kalakal at iukol ang lahat ng kanyang panahon sa mga gawain sa simbahan” (Doktrina at mga Tipan 41:9).

Ang mga karagdagang paghahayag na natanggap sa sumunod na ilang buwan ay naglinaw at nagpalawak sa katungkulan ng bishop sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga counselor at pagbalangkas ng mga partikular na responsibilidad ng katungkulan.1
Portrait of Edward Partridge.  The engraving was done by H.B. Hall and Sons.
Edward Partridge, unang bishop ng Simbahan.

Ang Unang Panguluhan

Habang patuloy na lumalago ang Simbahan, ang pangangailangan para sa karagdagang pangangasiwa ay nagpatuloy. Noong Hunyo 1831, ilang lalaki ang inordenan sa “mataas na pagkasaserdote,” isang bagong inihayag na katungkulan sa Melchizedek Priesthood na karaniwan nating tinutukoy ngayon bilang mga “high priest.”3

Noong Nobyembre 1831, isang paghahayag ang nag-utos kay Joseph Smith na itatag ang “pangulo ng mataas na pagkasaserdote,” na siyang magiging “isang tagakita, isang tagapaghayag, … at isang propeta, nagkaroon ng lahat ng kaloob ng Diyos na kanyang ipinagkakaloob sa ulo ng simbahan” (Doktrina at mga Tipan 107:65–67, 92).

Noong ika-25 ng Enero 1832, si Joseph Smith ay hinirang na pangulo ng mataas na pagkasaserdote at tinanggap sa pamamagitan ng nagkakaisang boto ng mga dumalo sa isang kumperensya sa Amherst, Ohio.4 Pagkaraan ng anim na linggo, noong ika-8 ng Marso, tinawag ni Joseph Smith sina Sidney Rigdon at Jesse Gause bilang mga tagapayo para tulungan siya sa bagong tatag na Unang Panguluhan ng Simbahan.

Pag-organisa ng mga Stake

Noong ika-26 ng Abril 1832, isang paghahayag ang nagtalaga sa Kirtland bilang “isang istaka sa Sion.” Noong Pebrero 1834, isang panguluhan ng istaka o stake sa Kirtland ang nilikha, kasama ang high council. Kalaunan sa taon na iyon, isang stake din ang itinatag sa Missouri, at ang dalawang stake ay pinamunuan ng isang panguluhan, isang bishop, at isang high council.4

Inorganisa rin ang mga high priest at elder quorum sa bawat isa sa mga stake. Simula Enero 1836, nang tawagin si Don Carlos Smith bilang pangulo ng high priests quorum at si Alvah Beman bilang pangulo ng elders quorum, nagsimulang regular na magpulong ang dalawang korum na ito.
Silid sa likuran sa Joseph and Emma Smith Home. Malamang na dito inorganisa ang unang high council (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 102).

Ang Korum ng Labindalawang Apostol at ang mga Korum ng Pitumpu

One oil on canvas painting.  Depicted in primitive style; Joseph Smith stands surrounded by seated figures of Hyrum Smith, Willard Richards, Orson Pratt, Parley P. Pratt, Orson Hyde, Heber C. Kimball and Brigham Young. Painted by William Major in Nauvoo.  Unsigned/undated.
Paglalarawan ng pintor kina Joseph at Hyrum Smith kasama ang ilang miyembro ng Korum ng Labindalawa, circa 1843.
Sa isang paghahayag na natanggap noong Hunyo 1829, inatasan ng Panginoon sina Oliver Cowdery at David Whitmer na maghanap ng “Labindalawa” na “aking magiging disipulo” at ”magnanais na taglayin sa kanilang sarili ang aking pangalan nang may buong layunin ng puso” (Doktrina at mga Tipan 18:27). Ito ang pinakamaagang indikasyon na isang natatanging korum ng 12 disipulo, tulad ng mga sinaunang Apostol ni Cristo, ang magiging bahagi ng ipinanumbalik na Simbahan. Ang paghahanap sa 12 kalalakihan na ito ay tumagal nang halos anim na taon.

Isang taon matapos iorganisa ang high council sa Kirtland, noong ika-14 ng Pebrero 1835, pormal na inorganisa ang Korum ng Labindalawang Apostol at inordenan ang mga miyembro nito. Sa isang pulong sa halos kumpleto nang bahay ng Panginoon, ang Tatlong Saksi ng Aklat ni Mormon—sina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris—ay inatasang “manalangin ang bawat isa, at pagkatapos ay pumili ng labindalawang lalaki mula sa simbahan bilang mga Apostol na hahayo sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao.”5

Matapos manalangin at basbasan ng Unang Panguluhan, pinili ng kalalakihan sina Lyman Johnson, Brigham Young, Heber C. Kimball, Orson Hyde, David W. Patten, Luke Johnson, William E. McLellin, John F. Boynton, Orson Pratt, William Smith, Thomas B. Marsh, at Parley P. Pratt para maglingkod sa unang Korum ng Labindalawang Apostol.

Sa sumunod na ilang linggo, bawat isa sa Labindalawa ay inordenan sa kanilang tungkulin. Sa loob ng ilang buwan, madalas makipagpulong si Joseph Smith sa Labindalawa para sanayin sila sa kanilang mga tungkulin bilang “naglalakbay na mataas na kapulungan” ng Simbahan, na may awtoridad na “buksan ang pintuan ng kaharian ng langit sa lahat ng bansa.”6

Hindi nagtagal matapos tawagin ang Labindalawa, ipinakilala ang Pitumpu, isang karagdagang katungkulan ng Melchizedek Priesthood, at ang mga korum ay inorganisa na may partikular na responsibilidad na tulungan ang Labindalawa sa pamamagitan ng “pagpungos ng ubasan sa huling pagkakataon”7 at maglingkod bilang “mga natatanging saksi sa mga Gentil at sa buong daigdig” (Doktrina at mga Tipan 107:25).
  1. Para sa halimbawa, tingnan sa, Doktrina at mga Tipan 42:30–35, Doktrina at mga Tipan 51, at Doktrina at mga Tipan 107:68–76. Para sa marami pang detalye tungkol sa tungkulin ni Edward Partridge bilang bishop at pag-organisa ng katungkulan noong dekada ng 1830, tingnan sa Sherilyn Farnes, “Bilang Obispo sa Simbahan,” sa Konteksto ng mga Paghahayag (2016).
  2. Sa isang kumperensya na ginanap noong ika-25–26 ng Oktubre 1831, sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay nagsalita hinggil sa mga taong “inordenan sa mataas na pagkasaserdote.” Nilinaw nila na ito ay isang bagong inihayag na katungkulan sa Melchizedek Priesthood. Kapwa nagsalita sina Joseph at Sidney tungkol sa mga responsibilidad ng mga taong inordenan at kinastigo ang ilan dahil sa “pagwawalang-bahala sa … katungkulang iyon” (tingnan sa Minutes, 25–26 October 1831, josephsmithpapers.org).
  3. Minutes, 26–27 April 1832, josephsmithpapers.org.
  4. Tingnan sa Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Mga Ward at Stake,” Gospel Library. Mula Pebrero 1834 hanggang Enero 1838, sina Joseph Smith at ang kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ay naglingkod din sa panguluhan ng stake sa Kirtland. Nang lumipat sina Joseph Smith at Sidney Rigdon sa Missouri mula sa Ohio noong Enero 1838, tinawag si William Marks bilang stake president sa Kirtland, kasama sina John Smith at Reynolds Cahoon bilang kanyang mga tagapayo (tingnan sa “Church Officers in the Kirtland Stake, October 1835–January 1838,” josephsmithpapers.org).
  5. “Minutes, 14–15 February 1835,” sa Minute Book 1, 149, josephsmithpapers.org; ginawang makabago ang baybay at pagbabantas.
  6. “Minutes and Discourses, 27 February 1835, as Reported by Oliver Cowdery,” sa Minute Book 1, 88, josephsmithpapers.org.
  7. “Minutes, Discourse, and Blessings, 14–15 February 1835”; “Minutes and Blessings, 28 February 1835–1 March 1835,” josephsmithpapers.org.