Digital Lamang: Mga Young Adult
Naisagawa Ko na ang Espirituwal na Gawain. Kailan Darating ang mga Pagpapala sa Akin?
Maaaring madaling isipin na tatanggap tayo ng “mga dagliang pagpapala” pagdating sa ating relasyon sa Ama sa Langit.
Ilang taon na ang nakalilipas, nasa isa akong malungkot na sitwasyon na naging iba ang kinalabasan kaysa inasahan ko. Nalungkot ako at nainis dahil pakiramdam ko ay tama ang lahat ng ginagawa ko.
Palagay ko nadama na ito noon ng marami sa atin. Kung minsa’y naghihintay tayo ng mga sagot ng Ama sa Langit, at kapag namumuhay tayo nang matwid, napakadaling isipin na darating kaagad ang mga solusyon.
Ngunit kapag hindi nangyari ang mga bagay-bagay ayon sa gusto o inaasahan natin, madaling madismaya, mainis, at madama na kinalimutan ka.
Sa mga panahong iyon, matututuhan natin ang tunay na kahulugan ng magtiwala sa Panginoon.
Paghihintay sa Panginoon
Nabubuhay tayo sa isang mundo ng dagliang kasiyahan. Kapag may tanong tayo, maaari tayong gumamit ng Google at makatanggap ng agarang sagot. Kapag naiinip tayo, makakahanap tayo kaagad ng walang-katapusang nakakaaliw na mga video feed sa social media. Kaya maaaring madaling isipin na tatanggap tayo ng ganitong “mga dagliang pagpapala” pagdating sa ating relasyon sa Ama sa Langit.
Maaari nating maisip na, “Naisagawa ko na ang gawain, kaya nasaan na ang mga pagpapala ko?” At baka lalo pa tayong magalit at hindi masiyahan kapag nagtagal pa ang paghihintay natin sa mga pagpapalang iyon.
Ngunit tulad ng itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Hindi natin dapat ituring ang plano ng Diyos na parang vending machine kung saan (1) pipili lang tayo ng gusto nating pagpapala, (2) ibibigay ang kailangang dami ng mabubuting gawa, at (3) kaagad nang darating ang hinihinging biyaya.
“… Ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya ngunit dapat nating ipaubaya sa Kanya ang pamamahala ng mga pagpapala, kapwa temporal at espirituwal.”
Nang hindi mangyari ang inaasahan ko sa buhay, talagang nahirapan ako! Nadama ko na nararapat ako sa mga pagpapala dahil sa pagiging tapat. Ano ang saysay ng pagiging tapat o masunurin kung walang kuwenta ang lahat ng ito? Sinusubukan lang ba ng Ama sa Langit na ipagkait sa akin ang mabubuting bagay?
Ngunit nang isipin ko kung gaano nagmamalasakit at minamahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa Kanyang mga anak, alam ko na hindi maaaring totoo ang mga saloobing iyon. Natanto ko na magiging madaling piliin na magtiwala sa Ama sa Langit kapag magagandang bagay lamang ang nangyayari.
Ang mahihirap na sandaling iyon na hindi tayo palaging handa ang dahilan kaya nagiging mas makabuluhan, mas nagdadalisay, at mas nagpapalakas ang pagtitiwala sa Kanya.
Para sa Ating Ikabubuti
Laging may mga sandali na ang mga pagpapalang gusto natin ay hindi kaagad dumarating na tulad ng inaasahan natin. Ngunit kapag ginagawa natin ang lahat para makatahak sa landas ng tipan, maaari tayong magtiwala palagi na nasa mga kamay tayo ng Ama sa Langit at na nakikita Niya ang mangyayari kalaunan.
Ang naghahatid sa akin ng pinakamalaking kagalakan habang naghihintay ako ay ang pagkaalam na ako ay isang banal na anak ng Ama sa Langit at na mayroon akong isang Tagapagligtas na nauunawaan ang lahat tungkol sa akin. Sa bawat paghihirap na napagdaanan ko, kapag pinipili kong magtuon sa aking mga tipan, nadarama ko ang Kanilang sakdal na pagmamahal at naaalala ko na iniisip nila ang pinakamabuti para sa akin.
Pinatotohanan kamakailan ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kapag nagtitiwala tayo sa Diyos at sa Kanyang pagmamahal sa atin, kahit ang ating pinakamatitinding kalungkutan, sa huli, ay maaaring magkakalakip na gumawa para sa ating ikabubuti.”
Nangyari iyan sa akin. Gaano man ako kalungkot, natutuwa ako sa pagkaalam na perpekto ang plano ng Ama sa Langit. Kapag nagtitiwala ako sa Tagapagligtas, matutulungan Niya akong mapalakas ng mahihirap na pagsubok sa buhay ang aking pananamplataya.
Piliing Magtiwala
Kung nahihirapan kang manatiling positibo o may pag-asa habang naghihintay ka sa paghahayag at sa mga ipinangakong pagpapala, alam ko ang nadarama mo.
Ngunit alam ko rin kung gaano kabisa ang piliing magtiwala. Makipag-usap sa Ama sa Langit, makipag-ugnayan sa Kanya at kay Jesucristo bawat araw, at makikita mo na hindi ka nag-iisa. Lagi ka Nilang aakayin sa tamang direksyon kung patuloy kang babaling sa Kanila.
Hayaang maging handang maghintay ang puso mo sa Kanilang perpektong panahon.
Hindi ka Nila nakakalimutan.