2025
Nangusap ang Diyos sa mga Naunang Banal—Nangungusap ba Siya sa Akin?
Marso 2025


“Nangusap ang Diyos sa mga Naunang Banal—Nangungusap ba Siya sa Akin?,” Liahona, Mar. 2024.

Mga Young Adult

Nangusap ang Diyos sa mga Naunang Banal—Nangungusap ba Siya sa Akin?

Nangusap Siya sa kanila. Mangungusap Siya sa atin. Kailangan lang nating pakinggan Siya.

binatilyong nagdarasal

Isang haligi ng liwanag. Isang tinig mula sa langit. Isang pagpapahayag mula sa Diyos. Maraming salaysay tungkol sa mga young adult na katulad ni Joseph Smith at ng iba pa sa Doktrina at mga Tipan na humingi ng tulong at patnubay sa Diyos. Bagama’t ang pagtanggap ng paghahayag mula sa Diyos ay isang indibiduwal na karanasan, ang proseso ay paulit-ulit na itinala sa banal na kasulatan.

Kahit maaaring hindi tayo nakikipag-ugnayan araw-araw sa propeta o tumatanggap ng mga paghahayag para sa Simbahan, maaaring mangusap sa atin ang Diyos sa mga paraang katulad ng ginawa Niya 200 taon na ang nakararaan. Ang mga Banal na ito ay tumanggap ng mga personal na mensahe mula sa Diyos—at makatatanggap din tayo.

ipinintang larawan ni Joseph Smith

Ang Mapagpakumbabang Panalangin ni Joseph

Nagsimula iyon sa isang tanong. At iyon ay naging tulad ng inilarawan ni Elder Alexander Dushku ng Pitumpu bilang “napakatinding pagbuhos [ng] liwanag at katotohanan.” Ang mapagpakumbabang panalangin ni Joseph Smith ay humantong sa magandang pagdalaw ng Ama sa Langit at ni Jesucristo (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–17). Hindi man kapani-paniwala na makausap ang Diyos nang harapan, ang mga karanasang ito ay bihira at sagrado.

Samantalang hindi lahat ay magkakaroon ng oportunidad na katulad ni Joseph, “maaari din tayong magkaroon ng sarili nating haligi ng liwanag—na binubuo ng paisa-isang sinag.” Kapag nagtanong tayo at lumuhod upang mapagpakumbabang manalangin, tatanggap tayo ng sagot mula sa Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

bautismuhan sa Ogden Utah Temple

Larawan ng bautismuhan sa Ogden Utah Temple

Ang Kapangyarihan ng Templo

Ang mga Banal sa Kirtland, Ohio, ay nagsakripisyo ng oras, pera, at pagsisikap para maitayo ang bahay ng Panginoon. Sa paglalaan ng Kirtland Temple, ipinagdasal ni Joseph Smith na pagkalooban ng Diyos ng kapangyarihan ang matatapat na Banal na ito kapag sila ay pumasok at sumamba (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:13). Ang templo ay magiging “isang bahay ng panalangin, isang bahay ng pag-aayuno, isang bahay ng pananampalataya, isang bahay ng kaluwalhatian at ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 109:16).

Sa mga huling araw, binibiyayaan tayo ng mga templo sa buong mundo. Pinangakuan tayo na tatanggap tayo ng paghahayag kapag dumadalo tayo sa templo. Sinabi kamakailan ni Pangulong Russell M. Nelson na “sa templo ay maaari tayong ‘makatanggap ng kaganapan ng Espiritu Santo’ [Doktrina at mga Tipan 109:15]. Isipin kung ano ang kahulugan ng pangakong iyon pagdating sa pagbukas ng kalangitan para sa bawat masigasig na naghahanap ng walang hanggang katotohanan.”

ipinintang larawan ni Joseph Smith

Ang Tanong ni Hyrum sa Propeta

Naisip mo na ba kung ano ang pakiramdam ng hilingin sa propeta na mangusap sa iyo ang Diyos? Iyon mismo ang ginawa ni Hyrum, na kapatid ni Propetang Joseph. Tinanggap niya ang payong ito mula sa Panginoon sa pamamagitan ni Joseph: “Masdan, ikaw si Hyrum, na aking anak; hanapin ang kaharian ng Diyos, at lahat ng bagay ay idaragdag alinsunod sa yaong makatarungan” (Doktrina at mga Tipan 11:23).

Kung minsan, dumarating talaga ang patnubay sa pamamagitan ng ibang tao. Pinayuhan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “humingi ng patnubay mula sa mga tinig na mapagkakatiwalaan ninyo—mula sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag at mula sa mga bulong ng Espiritu Santo.” Samantalang hindi tuwirang makapagtatanong ang lahat sa propeta, maaari pa rin tayong makatanggap ng mga sagot sa ating mga personal na tanong.

ipinintang larawan ni Oliver Cowdery

Larawan ni Oliver Cowdery na ipininta ni Lewis A. Ramsey

Ang Pag-aaral ni Oliver tungkol sa Pananampalataya

Si Oliver Cowdery ay isang napakahalagang tulong kay Joseph sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Ngunit noong 1829, nakaramdam siya ng kabiguan. Bakit hindi siya makapagsalin? Binigyan ng Panginoon si Oliver ng ilang partikular na payo kung paano makakakuha ng sagot sa kanyang tanong—payo na angkop pa rin sa atin ngayon.

Kapag mayroon tayong tanong, hinihikayat tayong pag-aralan ito, manampalataya, at umasa sa mga impresyon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 9:6–9). Ang ating mga impresyon ay maaaring dumating bilang mga emosyon, masiglang damdamin, o kapayapaan ng isipan. Tulad ng sabi ni Elder Mathias Held ng Pitumpu, “Kapag ang [lohikal na pangangatwiran at inspirasyon ng Espiritu Santo] ay pinagsama sa ating kaluluwa, isang buong larawan ang nagpapakita sa katunayan ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito.”

dalagitang nagbabasa ng kanyang patriarchal blessing

Larawang kuha ni Craig Alan Shelley

Ang mga Patriarchal Blessing ng Pamilya Smith

Ang mga patriarchal blessing ay bahagi na ng Simbahan mula pa noong panahon ng Lumang Tipan (tingnan sa Genesis 48). Nang itatag ang Simbahan sa mga huling araw, sinabi ng Diyos kay Joseph na tawagin ang kanyang amang si Joseph Smith Sr. bilang patriarch noong 1834. Pagkaraan ng tatlong araw, nagtipon ang pamilya Smith para mabigyan ni Joseph Smith Sr. ng patriarchal blessing ang bawat isa sa kanyang mga anak at asawa nila. Ang mga pagpapalang ito ay nagbigay ng payo at kapanatagan sa kanilang buhay.

Bukod pa sa pagpapahayag ng angkan, ang isang patriarchal blessing ay “personal na banal na kasulatan para sa inyo.” Kapag regular nating pinag-aaralan ang sarili nating mga patriarchal blessing, “dapat [nating] pahalagahan ang mga titik nito, pagnilayan ang mga ito, at mamuhay nang karapat-dapat upang matanggap ang ipinangakong mga pagpapala sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.”

ipinintang larawan ni Joseph Smith

Larawan ni Emma Smith na ipininta ni Lee Greene Richards

Ang Personal na Tagubilin ng Diyos kay Emma

Bilang asawa ng propeta, madalas mahirapan si Emma Smith sa mga pagsubok at alitan na naranasan ng kanyang pamilya. Sa Doktrina at mga Tipan 25, mababasa natin ang mga salita ng kapanatagan at lakas mula sa Ama sa Langit para kay Emma.

Kapag naghahanap tayo ng sarili nating mga mensahe ng kapanatagan mula sa Ama sa Langit, maaari tayong humiling ng mga basbas ng priesthood. Tulad ng itinuro ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang mga basbas ng priesthood ay matutulungan tayo sa maliliit at malalaking desisyon natin sa buhay. Kung, sa pamamagitan ng ating mga basbas ng priesthood, ay mahihiwatigan natin ang kahit maliit na bahagi lamang ng tao na nais ng Diyos na kahinatnan natin, mawawala ang ating pangamba at hindi na tayo mag-aalinlangang muli.”

ipinintang larawan ni Joseph F. Smith

Larawan ni Joseph F. Smith na ipininta ni Albert Salzbrenner

Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ni Joseph F. Smith

Nang wasakin ng sakit, digmaan, at kamatayan ang mundo noong 1918, bumaling ang propetang si Joseph F. Smith sa mga banal na kasulatan para sa mga sagot. Matapos pag aralan ang mga salita ni Pedro sa Bagong Tipan, nagsimula siyang magmuni-muni at magnilay. Natangay siya sa isang pangitain para sa Simbahan kung saan nakita niya ang Tagapagligtas na itinatatag ang gawaing misyonero sa daigdig ng mga espiritu. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138.)

Tulad ng itinuro ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kapag nais nating kausapin ang Diyos, nagdarasal tayo. At kapag gusto nating kausapin Niya tayo, sinasaliksik natin ang mga banal na kasulatan.” Ang mga banal na kasulatan ay mga salita ng Diyos na naingatan sa panulat, at sa ating digital age, mas madali na natin itong ma-access. Kapag binasa at pinagnilayan natin ang mga banal na kasulatan, makikita natin ang tulong mula sa langit na kailangan natin.

binatilyong nakaupo na nakayuko

Larawang kuha ni John McKinney

Mga Sadyang Pagsisikap na Pakinggan Siya

Itinuro ni Pangulong Nelson: “[Habang nagsisikap tayong maging] mga disipulo ni Jesucristo, ang mga pagsisikap nating pakinggan Siya ay kailangang gawin nang mas may hangarin. Kailangan ng kusa at tuluy-tuloy na pagsisikap na punuin ang bawat araw ng ating buhay ng Kanyang mga salita, Kanyang mga turo, Kanyang mga katotohanan.” Tulad ng mga naunang Banal, maaari tayong makatanggap ng mga mensahe mula sa Diyos na personal at totoo.

Nangusap ang Diyos sa kanila. Mangungusap Siya sa atin. Kailangan lang nating pakinggan Siya.