2025
2 Karanasang Nagturo sa Akin na Pantay-pantay ang Pagmahahal ng Diyos sa Lahat
Marso 2025


Digital Lamang

2 Karanasang Nagturo sa Akin na Pantay-pantay ang Pagmahahal ng Diyos sa Lahat

Pinahahalagahan at minamahal tayo ng ating Ama sa Langit bilang mga indibiduwal, may-asawa man o wala.

Si Jesucristo sa karamihan ng mga tao

Ni Minerva Teichert

Sa buong buhay ko, isang alituntunin ang nakatulong sa akin na maging masaya anuman ang aking sitwasyon: ang katiyakan na mahal ako ng Diyos at nais Niya ang pinakamainam para sa akin. Magpapaliwanag ako.

Naging prayoridad ng mga magulang ko ang oras para sa pamilya noong mga bata pa kami ng dalawang kapatid kong babae. Ngayong mga adult na kami, nagpapatuloy pa rin ito na maging bahagi ng kultura ng aming pamilya. Ang oras na magkakasama kami ay masaya at puno ng mga tradisyon tulad ng mga karera at laro, na may mga paligsahan tulad ng tortilla toss at bubble blowing.

Habang lumalaki, nagkaroon ako ng tiwala sa sarili sa paggugol ng oras sa piling ng aking pamilya at nadama ko na mahalaga ako. Nadama ko na mahalaga at kailangan ang aking mga kontribusyon. Gayunman, hindi nagtagal pagkabalik ko mula sa misyon, nagbago ang paggugol namin ng oras sa pamilya. Ang dahilan: nag-asawa ang ate ko ilang buwan bago ako umuwi.

Masaya ako para sa kanya at natuwa akong magkaroon ng kapatid na lalaki sa unang pagkakataon. Pero napansin ko na nagsimulang mag-iba ang trato ng mga magulang ko sa amin ng bunso kong kapatid. Nadama ko na dahil wala akong asawa, binalewala ako at tinratong parang bata. Kalaunan, kinausap ko ang aking mga magulang tungkol sa mga pagbabago sa aming pamilya. Naipasiya namin na walang kinalaman ang aming mga indibiduwal na sitwasyon sa aming kahalagahan. Lahat ay mahalaga sa aming pamilya, anuman ang edad, kasarian, sitwasyon sa pananalapi, mga talento, o marital status.

Nabuksan ang aking isipan sa ideya na mahal at pinahahalagahan tayo ng ating Ama sa Langit bilang mga indibiduwal. Nais ng Ama sa Langit na magkaroon at pangalagaan natin ang matatag na mga relasyon sa pamilya, pero ang kahalagahan ng bawat isa sa atin ay hindi nagmumula sa ating pamilya. Dahil tayo ay minamahal na mga anak ng Diyos at bahagi ng Kanyang pamilya, ang ating kahalagahan ay walang katapusan at walang hanggan. Ipinamalas ito ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagbubuwis ng Kanyang buhay para sa bawat isa sa atin. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10–11.)

Hinimok tayo ni Elder Alan T. Phillips ng Pitumpu na “alamin kung sino kayo. Alamin ang inyong tunay na banal na pagkakakilanlan. Ang plano ng kaligayahan ng Diyos ay tungkol sa inyo. Kayo ang Kanyang itinatanging anak at mayroon kayong malaking halaga. Kilala at mahal Niya kayo.”

Nang lumipas ang mga taon at dumami ang mga karanasan ko sa buhay, unti-unti kong nakita ang katibayan ng pagmamahal ng Diyos sa lahat ng tao sa aking paligid, pero hindi ko inasahan o napansin palagi ang Kanyang pagmamahal para sa akin mismo. Pinag-alinlanganan ko ang aking kahalagahan bilang isang indibiduwal.

Hindi ba Ako Karapat-dapat?

Noong Hulyo ng 2008, nakadama ako ng malakas na impresyon na umalis sa trabaho na hindi na nakakabuti sa akin. Wala akong ibang trabaho, pero nagsisimula pa lang ako sa aking propesyon at tila walang katapusan ang aking mga opsyon. Gayundin, dahil sa pahiwatig sa akin, nagtiwala ako na tutulungan ako ng Ama sa Langit na makahanap ng tamang pagkakataon.

Makalipas ang ilang linggo, nagkaroon ng pinansyal na krisis ang mundo at dumami ang nawalan ng trabaho. Sa paglipas ng mga linggo at buwan, nagsimula akong mabalisa. Nakarinig ako ng malulungkot na kuwento ng mga ama at ina na nawalan ng trabaho. Wala akong asawa at walang umaasa sa akin, kaya inisip ko kung mas kailangan at marapat magkatrabaho ang iba kaysa sa akin.

Isang gabi, idinulog ko sa Panginoon ang aking mga alalahanin. Sinabi ko sa Kanya na kailangan ko ng trabaho para matustusan ang aking sarili pero nakikita ko na may mga pamilyang mas malaki ang pangangailangan. Parang iniisip ko na nakapila ang lahat para tumanggap ng mga pagpapala ng Panginoon, at dahil wala akong asawa, inasahan akong paunahin ko ang mga pamilya.

Habang nagdarasal ako, itinuro sa akin ng Espiritu na hindi ito ang inaasahan sa akin. Walang pila para makarating sa ating Ama sa Langit. Inaanyayahan Niya ang lahat ng Kanyang mga anak na lumapit sa Kanya dahil “pantay-pantay ang lahat sa [Kanya]” (2 Nephi 26:33). Napakalinaw na pumasok sa aking isipan na hindi nalilimitahan ng anumang sitwasyon sa ating mundo ang Ama sa Langit at na tutulungan Niya ang bawat indibiduwal na lumalapit sa Kanya at kay Jesucristo.

Sa sandaling iyon, naalala ko na hindi nahahati sa mga grupo at klase ang mga anak ng Ama sa Langit. Pinagpapala Niya tayo kapag pinili nating gumawa at tumupad ng mga tipan sa Kanya at kay Jesucristo. Lahat tayo ay mahal Niya at mahalaga sa Kanya, saanman tayo naroon sa landas ng tipan.

Hindi nagtagal pagkatapos niyon, may nag-alok sa akin ng trabaho na nakatulong sa akin na sumulong sa kasalukuyan kong propesyon.

“Mahalaga tayo sa Diyos hindi dahil sa ating résumé kundi dahil tayo ay Kanyang mga anak,” sabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Mahal Niya tayong lahat, maging yaong mga nagkasala, itinakwil, asiwa, malungkutin, o sawi.”

Sinisikap kong abangan ang mga mangyayari, pansinin ang mga damdamin, at alalahanin ang mga karanasan na nagpapaalala sa akin ng pagmamahal ng Diyos sa akin. Mahirap itong gawin sa mundo, at bawat araw ay tila may hatid na panibagong pakikibaka. Ang pananatiling nakatuon sa pagmamahal ng Diyos ay tumutulong sa akin na maging masaya anuman ang aking sitwasyon. Habang nagbibisikleta, mapupunta ka kung saan ka nakatingin. Pinipili kong magtuon sa pagmamahal ng Diyos at dalhin ang aking buhay papunta roon dahil alam ko na ako ay Kanyang minamahal na anak.