Digital Lamang: Mga Young Adult
4 na Bagay na Inaasahan Ko Kapag Sinisikap Kong Magtiwala sa Ama sa Langit
Ang awtor ay naninirahan sa Verona, Italy.
Nais ng Diyos na mangusap sa atin at gabayan tayo sa pagtahak sa landas ng tipan.
“Bahagi ba ito ng plano?”
Isang bagay ito na itinatanong ko kung minsan. Alam ko na may perpektong plano ang Ama sa Langit, pero sa iba’t ibang pagkakataon sa buhay ko, nahirapan akong makita kung ano ang mangyayari sa buhay ko sa hinaharap. Kapag nakakaranas tayo ng mga pagsubok na nakakalito at masakit, mahirap makita kung paano ito “magkakalakip na gagawa para sa [ating] ikabubuti” (Doktrina at mga Tipan 90:24).
Ang mabuting balita ay na nais ng Diyos na mangusap sa atin at gabayan tayo sa pagtahak sa landas ng tipan. Nais Niyang bumaling tayo sa Kanya kapag nahihirapan tayo upang maunawaan natin ang Kanyang walang-hanggang pananaw. At binigyan na Niya tayo ng ilang kasangkapan para matulungan tayong pakinggan Siya.
Ang Aking Patriarchal Blessing
Noong edad 18 ako, naharap ako sa isang mahalagang desisyon sa aking pananampalataya. Marami akong kakilala na lumaking relihiyoso pero hindi aktibong nakikibahagi sa kanilang relihiyon, at natukso akong tularan ang halimbawang iyon. Pero alam ko rin na ang tunay na katapatan sa Simbahan ni Jesucristo ay higit pa sa matawag na isang disipulo, at panahon na para magpasiya ako.
Nang magpasiya ako kung gusto kong magmisyon at lubos na maging tapat sa Panginoon, alam ko na kailangan ko ang karagdagang patnubay na maibibigay ng patriarchal blessing. Kailangan ko ng kaunting personal na patnubay at isang sulyap sa inilaan ng Ama sa Langit para sa akin.
Bagama’t nalaman natin mula kay Elder Kazuhiko Yamashita ng Pitumpu na “ang patriarchal blessing ay hindi magsasabi sa inyo ng lahat ng detalye ng mangyayari sa inyong buhay o sasagot sa lahat ng inyong tanong,” ito ay “isang mensahe mula sa inyong Ama sa Langit at malamang na kabilang dito ang mga pangako at inspiradong payo na gagabay sa inyo habambuhay.“
Ang patriarchal blessing ko ang mismong kailangan ko. Nakakita ako ng inspiradong payo mula sa Ama sa Langit at katiyakan na may plano para sa buhay ko.
Paghahayag ng Propeta
Isa sa mga kamangha-manghang bagay na nangyari sa akin sa misyon ko ay ang pagtanggap ng tunay na patotoo na ang mga propeta at apostol ay tinawag ng Diyos. Hindi ko pa ipinagdasal kailanman ang kaalamang iyon, at nang dumating ang patunay na iyon, talagang naging mabisa iyon sa akin. Ang kaalaman na totoong ipinapahayag nila ang salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng isa pang mapagkukunan ng direksyon sa buhay ko.
Tulad ng patotoo ni Elder Allen D. Haynie ng Pitumpu: “Ang pagkaalam sa pamamagitan ng paghahayag na may isang buhay na propeta sa lupa ay nagpapabago sa lahat. … Ang propeta ay isang taong personal na inihanda, tinawag, itinama, binigyang-inspirasyon, pinagsabihan, pinabanal, at sinuportahan ng Diyos.”
Personal na Paghahayag
Kung iniisip natin ang mga pagsubok na kinakaharap natin, maaaring itanong natin sa ating sarili ang mga bagay na ito na binanggit ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ano ang mabubuksan sa inyo ng inyong paghahanap? Anong karunungan ang kulang sa inyo? Ano sa palagay ninyo ang kailangan ninyong malaman o maunawaan kaagad?”
Kapag alam natin ang tunay na kailangan natin mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, maaari nating sundin ang payo ni Pangulong Nelson: “Ipanalangin sa pangalan ni Jesucristo ang inyong mga alalahanin, ang inyong mga takot, mga kahinaan—oo, ang pinakainaasam ng inyong puso. At makinig! Isulat ang mga naiisip ninyo. Itala ang inyong nadarama at isagawa ang mga bagay na ipinahiwatig sa inyong gawin.”
Nang matutuhan ko kung paano maghangad ng personal na paghahayag, natanto ko na pinagsasama-sama nito ang iba’t ibang aspeto ng ginagawa natin sa Simbahan. Kapag gusto kong malaman kung totoo ang isang bagay, umaasa ako sa panalangin, pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan, at hinahanap ko ang mga salita ng mga buhay na propeta.
Ang pagkakaroon ng patuloy na mga espirituwal na gawi ay naghahanda sa akin na tumanggap ng personal na paghahayag kapag kailangan ko ito. Kapag may mga tanong ako o parang naligaw ako, naaalala ko na may paraan ako para makuha ang mga sagot na kailangan ko.
Ang Pangako ng Perpektong Plano
Sa mga sandaling iyon na nagtanong ako sa sarili ko kung talagang ginagabayan ng Ama sa Langit ang aking buhay, naalala ko ang ikasiyam na saligan ng pananampalataya: “Naniniwala kami na [ang Diyos ay] maghahayag pa ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos.”
Marami pang ihahayag ang Ama sa Langit sa Kanyang mga propeta tungkol sa Simbahan, at marami pa Siyang ihahayag sa atin tungkol sa ating buhay.
Tulad ng ipinangako minsan ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga young adult, “Kapag sinikap nating magtiwala sa Diyos at sumunod sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, makikita natin balang-araw ang natapos na disenyo, at malalaman na ang mismong kamay ng Diyos ang umaakay at gumagabay sa ating mga hakbang.”
Maaaring iakma ng Ama sa Langit ang lahat ng bagay sa ating buhay sa Kanyang perpektong plano kapag patuloy tayong nagtiwala at sumunod sa Kanya.