2025
Paano Ko Matatanggap at Mapapansin ang Personal na Paghahayag?
Marso 2025


Digital Lamang: Mga Young Adult

Paano Ko Matatanggap at Mapapansin ang Personal na Paghahayag?

Ang personal na paghahayag ay matatanggap ng sinuman na handang magsikap.

isang paglalarawan ng nakangiting nakadrowing na mga tao na may hawak na mga bombilya

“Talaga bang nais ng Diyos na mangusap sa akin?”

Ito ang tanong ko noon tungkol sa personal na paghahayag. Matutulungan tayo ng Diyos na gumawa ng mga desisyon sa buhay sa pamamagitan ng paghahayag, pero marami sa atin ang maaaring nagtatanong pa rin kung paano ito matatanggap.

Nagpapasalamat ako na tulad noong magpatotoo si Pangulong Russell M. Nelson: “Talaga bang nais ng Diyos na mangusap sa inyo? Oo!”

Gustung-gusto ng Ama sa Langit na makipag-usap sa lahat ng Kanyang mga anak! Maaaring iba ang karanasan mo kaysa sa akin, pero narito ang ilang katotohanan at ideya na dapat isaalang-alang na makakatulong sa atin na mapahusay ang kakayahan nating tumanggap ng personal na paghahayag mula sa Ama sa Langit.

Paano Ako Makapag-aanyaya ng Paghahayag?

Maraming paraan para makapag-anyaya ng paghahayag. Ang isa ay maaari tayong “[magbasa, umunawa at manalangin].” Para sa akin, kabilang dito ang pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan at sa iba pang resources ng ebanghelyo o pakikipag-usap sa matatapat na kaibigan at guro. Tutal, pinatotohanan ni Pangulong Nelson na “nakabatay ang mabuting inspirasyon sa mahusay na impormasyon.”

Ang pagninilay ay kasinghalaga ng pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan at pagdarasal. Hindi ako perpekto sa pag-uukol ng oras na pagnilayan ang pinag-aaralan ko, pero kadalasa’y sa mga sandaling iyon ko hindi pinapansin ang mga panggagambala at bumabaling ako sa Panginoon kaya nadarama ko na ginagabayan ako ng Espiritu.

Inanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na “ipanalangin sa pangalan ni Jesucristo ang inyong mga alalahanin, ang inyong mga takot, mga kahinaan—oo, ang pinakainaasam ng inyong puso. At makinig! Isulat ang mga naiisip ninyo. Itala ang inyong nadarama at isagawa ang mga bagay na ipinahiwatig sa inyong gawin.”

Binigyang-diin din ng mga pinuno ng Simbahan ang kahalagahan ng kadalisayan, ng oras na nakatuon sa gawain sa templo at family history, ng paglilingkod sa iba, at ng kahandaang sumunod. Ang mga bagay na ito ay magpapalakas sa kakayahan mong makahiwatig sa Espiritu at tutulong sa iyo na makatanggap ng patnubay mula sa Diyos.

Paano Ko Mapapansin ang Paghahayag?

Maaari tayong panghinaan-ng-loob dahil hindi tayo nakakakita ng mga pangitain, nakakarinig ng mga tinig, o nagkakaroon ng mga karanasan na tulad ng mga tao sa mga banal na kasulatan o maging ng mga tao sa ating paligid. Ngunit tandaan, “walang dalawang tao ang magkaparehong-magkapareho ang karanasan sa liwanag at katotohanan ng Diyos.”

Kung minsan ang sagot ay dumarating bilang payapang damdamin kapag gumawa ako ng pasiya na naaayon sa kalooban ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:23). Sa ibang mga pagkakataon naliliwanagan ang aking isipan kapag may natutuhan akong bago mula sa mga banal na kasulatan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 11:13). Paminsan-minsan ay pumapasok ang isang ideya sa isip ko kung paano paglingkuran ang isang tao (tingnan sa Moroni 7:13). At sa mga tahimik na sandali, nakakarinig ako ng banayad na tinig sa aking isipan na ipinapaalala sa akin ang mga katotohanan ng ebanghelyo (tingnan sa Helaman 5:30).

Lahat ng ideya at damdaming ito—at iba pa—ay maaaring mga paraan ng pakikipag-usap sa atin ng Espiritu. Humingi ng tulong sa Ama sa Langit na makilala ang Kanyang tinig, at tutulungan ka Niyang marinig Siya.

Bakit Hindi Dumarating ang mga Sagot?

Kung minsa’y ginawa ko na ang lahat ng maiisip ko at parang hindi pa rin ako tumatanggap ng sagot. Naranasan mo rin ba ito? Huwag panghinaan-ng-loob! Hindi tayo pinabayaan ng Diyos. May ilang posibleng dahilan kaya maaaring hindi tayo makatanggap kaagad ng paghahayag kapag hiningi natin ito.

Siguro nasagot ka na ng Diyos, pero mahirap itong mapansin. Maaaring magbigay ng mga mensahe ang Espiritu sa maraming paraan, at kung umaasa ka lamang ng sagot sa isang partikular na paraan, maaaring hindi mo ito mapansin.

Siguro kaya hindi ka nakakatanggap ng malinaw na sagot ay dahil nagtitiwala ang Diyos sa iyo at nais Niyang gamitin mo ang iyong kalayaang gumawa ng matalinong pasiya (tingnan sa Eter 2:23–25). Hinahayaan ng pagkilos nang may pananampalataya na pagtibayin ng Diyos kung ikaw ay nasa tamang landas o hindi.

Ang mga hamon sa kalusugan ng isipan at iba pang mga hamon na hindi natin kagagawan ay maaaring magpahirap na madama o marinig ang Espiritu.

Marahil mayroon kang kailangang pagsisihan.

O baka kailangan mo ng mas maraming oras at paghahanda bago ka maging handang tumanggap ng salita ng Diyos (tingnan sa 3 Nephi 17:2–3).

Maraming dahilan kung bakit maaaring hindi tayo makatanggap ng mga sagot kaagad kapag hinihingi natin ang mga ito, pero tandaan, mahal ka ng Diyos! Tutulungan ka Niya sa tamang panahon at paraan kung patuloy kang lalapit sa Kanya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:63).

Kapag patuloy nating inaanyayahan ang Espiritu sa ating buhay, mapapansin natin na nais nga ng Diyos na kausapin tayo! Handa Siyang sagutin ang ating mga tanong.