Digital Lamang
3 Paraan upang Gawing Bahagi ng Ating Pang-araw-araw na Buhay ang Pagsisisi
Ang pagsisisi ay isang masayang proseso na maaaring maganap habang ikaw ay nabubuhay.
Noong 2019 narinig ko ang isang mensaheng nagpabago sa aking buhay. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi.”
Araw-araw? Tiyak na hindi ako perpekto, pero hindi ko naisip na nakakagawa ako ng malalaking pagkakamali bawat araw. Kaya paano makakapagsisi ang isang tao araw-araw? Ang huling ilang taon ay naging isang paglalakbay para malaman iyon. Narito ang tatlong alituntuning natutuhan ko sa buhay.
Bumaling sa Diyos
Inakala ko dati na ang pagsisisi ay paghingi ng paumanhin kapag may ginawa akong mali. Gayunman, unti-unti kong naunawaan na ang pagsisisi ay higit pa sa pagtalikod sa kasalanan; ito ay pagbaling sa Diyos. Hindi lang ito pagtigil sa paggawa ng masama. Ito rin ay higit na pagpapabuti sa mabuti na.
Sabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Hindi lamang pag-iwas, paggapi, at [pagiging malinis mula sa] kasalanan at masasamang impluwensya sa buhay natin ang sinasakop ng ebanghelyo ni Jesucristo; nangangahulugan din ito ng paggawa ng kabutihan, pagiging mabuti, at [pagiging] mas mabuti pa.”
Kapag sinisikap kong magkaroon ng mas makabuluhang pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw, iyan ay pagsisisi.
Kapag ipinagdarasal ko na maging mas mapagmahal sa kapwa, iyan ay pagsisisi.
Kapag pinili nating sundan si Jesucristo at hinangad nating maging higit na katulad Niya, iyan ay pagsisisi.
Gumawa ng Maliliit na Hakbang
Ipinaalala sa atin ni Pangulong Nelson na “ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso.”
Nalaman ko na ang pagsisisi ay hindi lamang nangyayari kapag ipinagdarasal ko na mapatawad ako o kapag tumatanggap ako ng sakramento (bagama’t bahagi nito iyon). Ang pagsisisi ay isang bagay na ginagawa ko bawat araw.
Sabi ni Elder David A. Bednar: “Ang maliit, matatag, at nag-iibayong espirituwal na pagpapaunlad ay ang mga hakbang na gusto ng Panginoon na gawin natin.” Kung minsan, ang mahimalang mga pagbabago ay nangyayari sa magdamag. Mas madalas, ang pagbabago ay unti-unting nangyayari habang sinisikap nating maging mas mabuti sa bawat araw.
3. Anyayahan ang Tagapagligtas na Tulungan Ka
Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang tunay na pagsisisi ay kailangang lakipan ng pananampalataya kay Jesucristo.
Sabi niya, “Kung wala ang Manunubos, ang likas na pagkakaroon ng pag-asa at kagalakan ay nawawala at ang pagsisisi ay nagiging kahabag-habag na pagbabago na lamang ng ugali.”
Marami na akong itinakdang mithiin sa buhay ko, pero ang mga mithiing nagbunga ng kapansin-pansing pagbabago ay yaong kasama ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng araw-araw na paghingi ng tulong Niya sa panalangin. Tinutulungan Niya akong baguhin hindi lamang ang aking pag-uugali kundi maging ang aking puso.
Alam ko na kapag nakatuon tayo sa Tagapagligtas at sinikap nating maging katulad Niya bawat araw sa pamamagitan ng pagsisisi, mababago Niya ang ating puso at matutulungan tayong makaranas ng dagdag na kagalakan, pananampalataya, at kapayapaan.