Seminary
Pag-aaral ng mga Mensahe ng mga Tagapaglingkod ng Panginoon: Gawing Bahagi ng Inyong Pag-aaral ng Ebanghelyo ang mga Salita ng mga Lider ng Simbahan


“Pag-aaral ng mga Mensahe ng mga Tagapaglingkod ng Panginoon: Gawing Bahagi ng Inyong Pag-aaral ng Ebanghelyo ang mga Salita ng mga Lider ng Simbahan,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Pag-aaral ng mga Mensahe ng mga Tagapaglingkod ng Panginoon: Gawing Bahagi ng Inyong Pag-aaral ng Ebanghelyo ang mga Salita ng mga Lider ng Simbahan,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan

Mga Turo ng mga Lider ng Simbahan: Lesson 206

Pag-aaral ng mga Mensahe ng mga Tagapaglingkod ng Panginoon

Gawing Bahagi ng Inyong Pag-aaral ng Ebanghelyo ang mga Salita ng mga Lider ng Simbahan

Young Vietnamese woman wearing eyeglasses, writing and studying scriptures while watching General Conference. (horiz)

Paano napagpala ng mga mensahe ng mga tagapaglingkod ng Panginoon ang buhay mo? Ang pag-aaral ng mga salita ng Panginoon na ibinigay ng mga lider ng Kanyang Simbahan ay tumutulong sa atin na marinig ang tinig ng Panginoon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na isama ang pag-aaral ng mga mensahe ng Panginoon na ibinigay ng Kanyang mga tagapaglingkod bilang bahagi ng kanilang personal na pag-aaral ng ebanghelyo.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang ilan sa mga pagpapalang natanggap nila habang pinag-aaralan nila ang mga mensahe kamakailan mula sa mga lider ng Simbahan. Maaari din nilang tanungin ang isang kapamilya o lokal na lider ng Simbahan tungkol sa mga pagpapalang naranasan nila. Magkakaroon sila ng pagkakataong ibahagi ang mga pagpapalang ito sa klase.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Bakit dapat pag-aralan ang mga mensahe ng mga lider ng Simbahan?

Upang magsimula, maaari mong ibahagi ang mga sumusunod na pahayag at anyayahan ang mga estudyante na pribadong suriin ang kanilang mga pagsisikap na makibahagi sa pangkalahatang kumperensya.

Habang sinusuri ninyo ang dalawang pahayag sa ibaba, mangyaring ilarawan ang bawat isa bilang “totoo sa akin” o “hindi totoo sa akin.”

  • Nanonood ako ng pangkalahatang kumperensya.

  • Binabasa at pinag-aaralan ko ang mga mensahe pagkatapos ng pangkalahatang kumperensya.

Pagkatapos magnilay sandali ang mga estudyante, tiyakin sa kanila na ang layunin ng pagsusuri sa sarili ay isang pagkakataon para masuri nila kung nasaan na sila at kung anong aspeto ang mapapahusay pa nila.

Sa pagtatapos ng pangkalahatang kumperensya, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson:

Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Nawa’y paulit-ulit ninyong pag-aralan ang mga mensahe ng kumperensyang ito sa mga susunod na buwan. (“Magalak sa Kaloob na mga Susi ng Priesthood,Liahona, Mayo 2024, 119)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang pag-aralan ang mga mensahe ng pangkalahatang kumperensya?

  • Bakit maaaring mahirap para sa mga tinedyer na pag-aralan ang mga mensaheng ito? Anong mga balakid ang kinaharap ninyo, o maaari ninyong kaharapin, habang hinahangad ninyong regular na pag-aralan ang mga mensaheng ito?

Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maaari mong ilista sa pisara ang ilan sa mga balakid na babanggitin nila. Maaari mong gamitin ang listahang ito kalaunan sa lesson.

Habang nag-aaral kayo ngayon, anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kayong malaman kung bakit mahalagang pag-aralan ang mga mensaheng ito. Maaari kayong maghanap ng mga paraan na matutulungan kayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na malampasan ang anumang problemang nagpapahirap sa pagsama ng mga mensaheng ito sa inyong personal na pag-aaral ng ebanghelyo.

Sinasabi ng mga propeta ang mga salita ng Panginoon

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung bakit napakahalaga ng pag-aaral ng mga mensahe ng mga tagapaglingkod ng Panginoon, maaari mo silang anyayahang pag-aralan ang pagtawag kay Ezekiel na maging propeta noong panahon ng apostasiya ng Israel. Maaaring napag-aralan na ng mga estudyante ang pagtawag kay Ezekiel na maging “bantay sa sambahayan” (tingnan sa Ezekiel 3:16–17) sa Lesson 138: “Ezekiel 1–3; 33”. Kung hindi pa napag-aaralan ng mga estudyante ang lesson na ito, maaari mong ibahagi ang sumusunod na buod.

Si Ezekiel, kasama ng marami pang ibang Israelita, ay binihag at dinala sa Babilonia. Habang nasa pagkabihag, siya ay dinalaw ng Panginoon at tinawag na maging propeta (tingnan sa Ezekiel 1–2).

Basahin ang Ezekiel 3:4, 10–11, 27, at alamin ang mga tagubilin ng Panginoon sa Kanyang propeta.

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa tungkulin ng propeta ng Panginoon?

Maaari mong ituro ang mga pariralang “pakinggan man nila o hindi” sa talata 11 at “siyang makikinig ay makinig” sa talata 27. Ibahagi na binibigyan ng Panginoon ang Kanyang mga tao ng opsiyong pakinggan ang Kanyang mga salita sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at ng mga tinawag Niyang mamuno.

Pagkatapos ay maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong katotohanan: Kapag pinili nating pakinggan ang mga salita ng Panginoon na ibinibigay ng Kanyang mga tagapaglingkod, Siya ay …

Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang pariralang ito bilang isang alituntunin, gamit ang sumusunod na pahayag mula kay Pangulong Nelson.

Ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson ang ilan sa mga pagpapalang ipinangako ng Tagapagligtas sa mga taong pinapakinggan (nakikinig), naririnig (handang sumunod), at pinapansin (sumusunod nang may pananampalataya) ang mga turo ng Tagapagligtas na ibinibigay ng Kanyang mga tagapaglingkod:

24:24
Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

[P]inapakinggan natin Siya kapag binibigyang-pansin natin ang mga salita ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Ang mga inordenang Apostol ni Jesucristo ay laging nagpapatotoo sa Kanya. Itinuturo nila ang daan habang dinaranas natin ang masalimuot at napakalungkot na mga karanasan sa mundong ito.

Ano ang mangyayari kapag mas hahangarin ninyong pakinggan, marinig, at pansinin ang sinabi ng Tagapagligtas at ang sinasabi Niya ngayon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta? Ipinapangako ko na pagpapalain kayong magkaroon ng ibayong kapangyarihan na harapin ang mga tukso, paghihirap, at kahinaan. Ipinapangako ko na magkakaroon ng himala sa relasyon ninyo bilang mag-asawa, bilang pamilya, at sa gawain sa araw-araw. At ipinapangako ko na ang inyong kakayahang magalak ay madaragdagan kahit tumindi ang mga ligalig sa inyong buhay. (“Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 90) (time code na 13:07 hanggang 14:16)

  • Anong mga ipinangakong pagpapala ang natuklasan ninyo?

Maaaring matukoy ng mga estudyante na ang gagawin ng Tagapagligtas ay:

  • Ituturo sa atin ang daan sa masalimuot at napakalungkot na mga karanasan natin sa mundong ito.

  • Pagpapalain tayo ng Kanyang kapangyarihan na mapaglabanan ang tukso, maharap ang paghihirap, at kahinaan.

  • Magdadala ng mga himala sa ating mga pamilya at gawain sa araw-araw.

  • Dadagdagan ang ating kakayahang magalak kahit tumitindi ang mga ligalig sa ating buhay.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng anumang pagpapalang nakita nila mula sa kanilang pagsisikap na pag-aralan ang mga salita ng Tagapagligtas at idagdag ang mga ito sa listahan sa pisara. Maaaring makinabang ang mga estudyante sa pagtukoy ng ilan sa mga paraan kung paano makatutulong ang mga ipinangakong pagpapalang ito sa mga tinedyer. Upang magawa ito, maaari mong hatiin sa maliliit na grupo ang mga estudyante para talakayin ang sumusunod:

Tinitingnan ang mga ipinangakong pagpapala na ito, mag-isip ng partikular na sitwasyon kung saan makatutulong sa isang tinedyer ang isa sa mga pagpapalang ito.

  • Ano ang maibabahagi mo para matulungan ang mga tinedyer na pag-aralan ang mga mensahe ng mga lider ng Simbahan kung nahihirapan silang gawin ito?

  • Kailan kayo nakaranas o ang isang kakilala ninyo ng mga pagpapalang ito?

Dagdagan ang inyong pag-aaral ng mga mensahe ng Panginoon

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na mapanalanging pumili ng isa o mahigit pa sa mga ipinangakong pagpapala sa pisara na gusto nilang matanggap sa kanilang buhay at ipasulat ang mga ito sa kanilang study journal.

Maaari kang sumangguni sa listahan ng mga balakid na maaaring kaharapin ng mga tinedyer na ginawa sa unang bahagi ng lesson. Maaari kang pumili ng balakid at magtanong ng tulad ng sumusunod:

  • Anong payo ang ibibigay ninyo upang matulungan ang isang tao na madaig ang balakid na ito?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano nila maisasama sa kanilang buhay ang pag-aaral ng mga mensahe ng mga lider ng Simbahan. Sabihin sa kanila na hindi ito nangangailangan ng maraming oras. Magbahagi ng ilang ideya sa klase at anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng ilang ideya na nakatulong sa kanila. Makakahanap ka ng mga karagdagang digital na aktibidad sa Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral sa online na bersyon ng manwal na ito.

Mag-isip ng isang paraan na sa tingin ninyo ay maisasama ninyo ang pag-aaral ng mga mensahe ng mga lider ng Simbahan sa inyong personal na pag-aaral. Pumili ng isa sa mga sumusunod na ideya:

  • I-follow ang mga social media account ng mga lider ng Simbahan.

  • Pag-aralan ang isang mensahe o isang bahagi ng mensahe bilang bahagi ng iyong pagsamba sa araw ng Linggo o sa isa o mahigit pang araw sa buong linggo.

  • Makinig sa isang mensahe habang gumagawa ng ibang aktibidad tulad ng pag-eehersisyo, pagbiyahe, o pagtatrabaho.

  • Gamitin ang feature na Study Plan para gumawa ng plano sa pag-aaral ng mga mensahe mula sa pangkalahatang kumperensya kamakailan o mga mensahe mula sa kasalukuyang Pangulo ng Simbahan.

  • Gamitin ang Scripture Citation Index kapag naghahanap ka ng banal na kasulatan na makabuluhan sa iyo sa iyong personal na pag-aaral ng banal na kasulatan. Matatagpuan sa scriptures.byu.edu, ang index na ito ay makatutulong sa iyo na makita ang paggamit ng talata kamakailan sa pangkalahatang kumperensya. Maaari mong i-link ang sipi sa talata sa Gospel Library.

  • Mag-isip ng sarili mong ideya.

Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na manalangin para humingi ng tulong sa Ama sa Langit habang sinisikap nilang pag-aralan ang Kanyang salita na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo sa mga pagpapalang natanggap mo habang sinisikap mong dagdagan ang iyong pag-aaral ng mga mensahe ng mga tagapaglingkod ng Panginoon. Maaari kang mag-follow up sa mga estudyante pagkalipas ng ilang linggo, na binibigyan sila ng pagkakataong ibahagi ang mga tagumpay at hirap na kanilang naranasan.