“‘Pag-asa ng Israel’: Pag-aaral ng mga Turo ng mga Lider ng Simbahan,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“‘Pag-asa ng Israel’: Pag-aaral ng mga Turo ng mga Lider ng Simbahan,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Mga Turo ng mga Lider ng Simbahan: Lesson 208
“Pag-asa ng Israel”
Pag-aaral ng mga Turo ng mga Lider ng Simbahan
Sa buong taon, magkakaroon ang mga estudyante ng ilang pagkakataon na pag-aralan ang mga mensahe ng Panginoon na ibinigay ng Kanyang mga inspiradong lider. Ang dokumentong “Template para sa Pagtuturo ng mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan” ay isang tool na magagamit mo para matulungan kang gabayan ang iyong mga estudyante habang pinag-aaralan nila ang mga mensaheng ito. Ang lesson na ito ay nagbibigay ng halimbawa kung paano mo magagamit ang template para ituro ang mensahe ni Pangulong Nelson na “Pag-asa ng Israel” ([pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], Gospel Library). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyanteng kumilos ayon sa mga paanyaya ni Pangulong Nelson.
Paghahanda ng estudyante: Ibahagi sa mga estudyante ang pamagat ng mensahe ni Pangulong Nelson na “Pag-asa ng Israel.” Hikayatin sila na basahin, panoorin, o pakinggan ang buong mensahe o ang isang bahagi nito bago ang klase. Anyayahan sila na mapanalanging ihanda ang kanilang mga puso para maturuan sila ng Espiritu Santo habang pinag-aaralan nila ang mga mensahe ng mga tagapaglingkod ni Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Paalala: Ang lesson na ito ay nagbibigay ng isang halimbawa kung paano magagamit ng mga titser ang dokumentong “Template para sa Pagtuturo ng mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan“ upang tulungan ang mga estudyante na pag-aralan ang mga mensahe mula sa mga lider ng Simbahan. Maaari mong iakma ang mga ideya sa lesson na ito, gamitin ang ibang kumbinasyon ng mga ideya mula sa template, o gamitin ang sarili mong mga ideya na mas makatutugon sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.
Simulan ang lesson
Simulan ang lesson sa paraang magiging interesado ang isipan at puso ng mga estudyante upang matulungan silang maghanda para sa karanasan sa pagkatuto. Maaari mong gamitin ang sarili mong ideya o ang sumusunod na ideyang “Mga tanong tungkol sa paksa” sa bahaging “Mga paraan upang simulan ang lesson” ng template.
Ipakita ang sumusunod na pahayag. Maaari mong i-highlight o salungguhitan ang pariralang tipunin ang Israel.
Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod:
Mga mahal kong mahuhusay na kabataan, ipinadala kayo sa mundo sa panahong ito, sa pinakamahalagang bahagi ng kasaysayan ng mundo, upang tumulong na tipunin ang Israel. Wala nang ibang nangyayari sa daigdig na ito ngayon mismo na mas mahalaga pa kaysa riyan. Wala nang ibang mas mahalaga ang bunga. Wala talaga. (“Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], Gospel Library)
Maaaring talakayin ng mga estudyante ang sumusunod na tanong nang may kapartner o sa maliliit na grupo. O maaari silang magsulat nang mag-isa ng mga posibleng tanong sa kanilang journal.
-
Ano ang mga tanong ninyo o ng iba tungkol sa pagtitipon ng Israel—ang kaganapang tinatawag ni Nelson na pinakamahalagang bagay na “nangyayari sa daigdig na ito ngayon mismo”?
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga tanong na naisip nila. Maaari silang magbahagi ng iba’t ibang tanong, kabilang ang mga sumusunod:
-
Ano ang pagtitipon ng Israel?
-
Bakit naging pinakamahalagang bagay na nangyayari sa daigdig ngayon ang pagtitipon?
-
Bakit ko gugustuhing makibahagi sa pagtitipon ng Israel?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isulat sa pisara ang mga tanong na naisip nila, at mag-iwan ng espasyo sa ibaba ng bawat tanong.
Habang naghahanap kayo ng mga sagot sa mga tanong na ito ngayon, pag-isipan kung paano makatutulong ang kaalaman tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo sa pagsagot sa mga tanong.
Pag-aralan ang mensahe
Layunin ng bahaging ito na tulungan ang mga estudyante na pag-aralan ang mga bahagi ng mensahe ni Pangulong Nelson na “Pag-asa ng Israel.” Maaari mong gamitin ang sarili mong ideya o ang sumusunod na ideyang “Hanapin: Mga sagot sa mga tanong o alalahanin” mula sa bahaging “Mga paraan sa pag-aaral ng mensahe” ng template.
Kung walang access ang iyong mga estudyante sa naka-print o digital na bersyon ng mensahe, maaari mong ipamahagi ang handout na “Ang Pagtitipon ng Israel” sa bawat estudyante. Ang handout na ito ay naglalaman ng nakasulat na bahagi ng mensahe na tatalakayin sa lesson na ito. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na panoorin ang bahaging ito ng mensahe sa video na “Pag-asa ng Israel,” na makukuha sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 30:26 hanggang 33:37.
Kung nahihirapan ang mga estudyante sa pagbabasa o pakikinig sa mahahabang bahagi ng isang mensahe, maaari mong ibahagi ang isa o dalawang talata mula sa handout at anyayahan silang idrowing o isulat kung ano ang kahulugan sa kanila ng pagtitipon ng Israel.
Pag-aralan ang mga ibinigay na seleksyon mula sa mensaheng ito, at maghanap ng mga sagot sa alinman sa mga tanong na nakalista sa pisara. Maaari kang magmarka sa mensahe ng anumang mga sagot na mahahanap mo. Maaari mong isaalang-alang ang pagmamarka ng mga sagot sa bawat tanong sa paraang naiiba sa ibang tanong. Halimbawa, maaari mong bilugan ang mga sagot sa isang tanong at salungguhitan ang mga sagot sa iba, o maaari mong markahan ang lahat ng ito sa magkakaibang kulay.
Pagkatapos pag-aralan ng mga estudyante ang mga bahagi ng mensahe na pinili mo, maaari mo silang pagpartner-partnerin para talakayin ang mga sumusunod na tanong.
-
Alin sa mga tanong ang sa tingin ninyo ay nasagot sa mga bahagi ng mensahe ni Pangulong Nelson na pinag-aralan ninyo? Paano nasagot ang mga ito?
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang kanilang mga sagot sa ibaba ng tanong na sinagot nila. Pagkatapos ay maaari mong sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang kanilang mga sagot.
Pagsasabuhay ng mensahe ni Pangulong Nelson
Layunin ng bahaging ito na tulungan ang mga estudyante na ipamuhay ang mga paanyaya ni Pangulong Nelson na tipunin ang Israel. Maaari mong gamitin ang sarili mong ideya o ang sumusunod na ideyang “Tukuyin at ipamuhay ang mga paanyaya” mula sa bahaging “Mga paraan sa pagsasabuhay ng mensahe” ng template.
Ipamahagi ang handout na pinamagatang “Mga Paanyaya na Maging Bahagi ng Pagtitipon ng Israel” sa lahat ng estudyante. Maaari mo silang anyayahang pag-aralan ang pahinang ito nang mag-isa.
Pagnilayan ang mga kaisipan o pahiwatig mula sa Espiritu Santo na pumasok sa iyong isipan o puso habang pinag-aaralan mo ang mga paanyaya ni Pangulong Nelson sa mga kabataan. Mapanalanging pag-isipan kung alin sa palagay mo ang paanyayang nais ng Panginoon na tanggapin at sundin mo para maging bahagi ng pagtitipon ng Israel. Maaari kang mahikayat na kumilos ayon sa mahigit sa isang paanyaya.
Isulat ang paanyayang ito sa iyong study journal. Maaari mo ring isulat kung paano makatutulong sa iyo ang pagkilos ayon sa paanyayang iyon na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga katotohanang itinuro ni Pangulong Nelson. Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa mga pahiwatig na maaaring nadama nila.