“Paghahanda para sa Pangkalahatang Kumperensya: Pakikinig sa mga Salita ng Tagapagligtas sa Pangkalahatang Kumperensya,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Paghahanda para sa Pangkalahatang Kumperensya: Pakikinig sa mga Salita ng Tagapagligtas sa Pangkalahatang Kumperensya,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Mga Turo ng mga Lider ng Simbahan: Lesson 205
Paghahanda para sa Pangkalahatang Kumperensya
Pakikinig sa mga Salita ng Tagapagligtas sa Pangkalahatang Kumperensya
Nangungusap ang Panginoon sa bawat isa sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod sa pangkalahatang kumperensya. Ang sadyang paghahanda para sa kumperensya ay makatutulong sa atin na makatanggap ng personal na paghahayag. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maghandang tumanggap ng mga mensahe mula sa Tagapagligtas sa pangkalahatang kumperensya.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang mga pagpapalang maaaring magmula sa panonood ng susunod na pangkalahatang kumperensya at kung paano sila maaaring maghanda para dito.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Paghahanda para sa mga kaganapan
Paalala: Dahil dalawang beses sa isang taon ginaganap ang pangkalahatang kumperensya, maaaring kailanganin mong ituro ang lesson na ito nang dalawang beses. Para sa iba pang paraan para ituro ang lesson na ito, tingnan ang bahaging Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral ng lesson na ito sa Gospel Library sa ChurchofJesusChrist.org.
Para matulungan ang mga estudyante na maghandang matuto, maaari mong simulan ang klase sa pagdrowing sa pisara ng isang bagay na tulad ng sumusunod:
Anyayahan ang mga estudyante na alalahanin ang isang mensaheng natanggap nila na makabuluhan sa kanila. Ang ilang halimbawa ay isang maikling sulat o note mula sa isang magulang, isang text mula sa kaibigan, isang papuri mula sa isang kapitbahay o lider ng Simbahan, o payo mula sa isang lolo o lola.
Maaari kang magbahagi ng halimbawa ng mensaheng natanggap mo na makabuluhan sa iyo. Itanong sa mga estudyante ang sumusunod na tanong:
-
Bakit makabuluhan ang mensaheng natanggap ninyo?
Isipin kunwari na ang Panginoon ay magpapadala sa inyo ng isang mensahe. Maglaan ng ilang sandali upang isulat sa inyong study journal kung ano ang inaasahan ninyong isasama Niya sa Kanyang mensahe, halimbawa, tagubilin para sa inyong buhay, isang mensahe ng pag-asa at katiyakan, isang pagpapatibay sa katotohanan, o sagot sa isang tanong.
Paano tayo binibigyan ng Diyos ng mga mensahe
Basahin ang ilan sa mga sumusunod na talata, na naghahanap ng isang paraan na ipinapadala ng Panginoon ang Kanyang mga mensahe at mga parirala na nagpapakita kung bakit ito mahalaga:
-
2 Cronica 36:15
-
Jeremias 7:25
-
Amos 3:7
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila at hikayatin silang markahan ang mga pariralang maririnig nila mula sa kanilang mga kaklase na gusto nilang matandaan.
Sa pangkalahatang kumperensya, nagbabahagi ng mga mensahe mula sa Panginoon ang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag, kasama ang iba pang inspiradong lider ng Simbahan.
Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Nagpapatotoo ako sa inyo na si Jesus ang Cristo, na ginagabayan Niya ang mga nangyayari sa banal na gawaing ito, at ang pangkalahatang kumperensya ay isa sa mga pinakamahalagang panahon na nagbibigay Siya ng direksyon sa Kanyang Simbahan at sa atin mismo. …
Ang mga turo sa pangkalahatang kumperensya ay ang mga bagay na nais ng Panginoon na pag-isipan natin ngayon at sa darating na mga buwan. (“Ang Tinig ng Panginoon,” Liahona, Nob. 2017, 122, 124)
-
Paano ninyo ibubuod ang itinuro ni Elder Andersen?
Ang isang katotohanang maaaring banggitin ng mga estudyante ay, sa pangkalahatang kumperensya, ang Panginoon ay nagbibigay ng tagubilin o direksyon sa Kanyang Simbahan at sa atin mismo sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod, ang mga propeta.
-
Ano ang nalalaman ninyo tungkol kay Jesucristo na ginagawang makabuluhan ang isang mensahe mula sa Kanya?
Upang matulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang paghahanda para sa pangkalahatang kumperensya, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong sa self-assessment.
Pag-isipan at sagutin ang mga sumusunod na tanong sa inyong study journal:
-
Gaano ka kakumpiyansang makikilala mo ang mga personal na mensahe ng Panginoon para sa iyo sa pangkalahatang kumperensya? Bakit?
-
Ano ang maaari mong gawin upang makapaghanda para sa nalalapit na pangkalahatang kumperensya para mas matanggap mo ang mga mensahe ng Panginoon para sa iyo?
Paghahanda para sa pangkalahatang kumperensya
Isulat ang mga salitang Bago at Sa oras ng sa pisara. Anyayahan ang mga estudyante na ilista kung ano ang maaari nilang gawin bago at sa oras ng pangkalahatang kumperensya upang mas matanggap ang mga mensahe ng Panginoon.
Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng mga karagdagang ideya, gamit ang handout na “Pagkatuto nang Husto Mula sa Pangkalahatang Kumperensya.” Narito ang ilang paraan na maaaring maging epektibo ang paggamit ng handout:
-
Mag-aral sa maliliit na grupo at sagutin nang sabay-sabay ang mga tanong.
-
Hatiin ang mga estudyante sa mga grupong may tig-aapat na miyembro at magtalaga sa bawat estudyante ng isa sa mga sipi at mga kasamang tanong. Pagkatapos basahin at pag-isipan ang kanilang bahagi, magbabahagi ang bawat estudyante sa kanilang grupo.
-
Magbigay ng magkakaibang pahayag sa apat na estudyante bago ang klase at anyayahan silang pumasok na handang ibahagi ito sa klase at sagutin ang kasamang tanong o mga tanong. Bilang alternatibo, maaari nilang gamitin ang mga tanong upang simulan ang talakayan sa klase.
Sa halip na handout, o bukod pa sa handout, maaari mong ibahagi ang video na “The Blessings of General Conference” (2:24), na mapapanood sa ChurchofJesusChrist.org.
Pagkatapos magkaroon ang mga estudyante ng oras para pag-aralan ang handout at pag-isipan ang sumusunod na tanong, anyayahan silang sumagot.
-
Kailan kayo, o ang isang kakilala ninyo, nakatanggap ng mensahe mula sa pangkalahatang kumperensya na nadama ninyong mula sa Panginoon? Paano ito nakaapekto sa inyo o sa kanila?
Maghanda para sa pangkalahatang kumperensya
Sumulat ng isang mithiin kung ano ang gusto ninyong gawin para matanggap ang mga mensahe ng Panginoon sa pangkalahatang kumperensya.
Magbigay ng sticky note o isang piraso ng papel sa bawat estudyante at anyayahan silang isulat ang pariralang “Para Lamang sa Iyo” sa itaas. Maaari ding gamitin ng mga estudyante ang kanilang study journal o notebook, kung gusto nila.
Hilingin sa kanila na isulat ang anumang mensaheng naramdaman nilang ipinadala sa kanila ng Panginoon sa pangkalahatang kumperensya. Himukin silang bumalik sa klase pagkatapos ng pangkalahatang kumperensya na handang ibahagi ang ginawa nila para maghanda. Kung hindi ito masyadong personal, maaari din nilang ibahagi kung anong mga mensahe ang narinig nila mula sa Panginoon.
Sa isang klase sa hinaharap pagkatapos ng pangkalahatang kumperensya, maaari kang maglaan ng ilang minuto para iulat ng mga estudyante ang tungkol sa kanilang karanasan.
Aktibidad sa pagbabalik-aral sa pangkalahatang kumperensya
Sa susunod na klase sa seminary pagkatapos ng pangkalahatang kumperensya, maaari mong bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na balikan at ibahagi ang kanilang natutuhan. Maaari kang magsulat ng ilang tanong sa pisara, tulad ng:
-
Ano ang nakapagpatawa sa inyo?
-
Anong mensahe ang gustung-gusto ninyong pag-aralan?
-
Anong mga mensahe ang naramdaman ninyo na para lamang sa inyo?
-
Ano ang natutuhan o nadama ninyo tungkol sa Tagapagligtas?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isulat sa pisara ang mga sagot sa alinman sa mga tanong. Bilang alternatibo, maaari nilang isulat ang kanilang pangalan sa isang sticky note o maliit na piraso ng papel at ilagay ito malapit sa tanong na handa silang sagutin. Magkaroon ng talakayan sa klase sa pamamagitan ng pagtawag sa mga handang estudyante para maibahagi nila ang kanilang mga sagot sa mga tanong. Maaari mo ring ibahagi ang ilan sa iyong mga sagot.