“Zacarias 10–14: Isang Araw Darating para sa Panginoon,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Zacarias 10–14: Isang Araw Darating para sa Panginoon,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Hagai 1–2; Zacarias 1–4; 10–14: Lesson 157
Zacarias 10–14
Isang Araw Darating para sa Panginoon
Sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, inihahayag ng Panginoon ang mga detalye tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap upang makilala at maasahan natin ang mga ito nang may kumpiyansa. Ipinropesiya ni Zacarias na babalik ang Tagapagligtas at poprotektahan Niya ang Kanyang mga tao mula sa mga bansang nagtipon upang labanan sila. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng kumpiyansang makakasama nila ang Tagapagligtas sa mga kaganapang mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito.
Paghahanda ng estudyante: Ipabasa sa mga estudyante ang “Ikalawang Pagparito ni Jesucristo” sa Mga Paksa at Mga Tanong (Gospel Library). Hikayatin silang pumasok sa klase na handang ibahagi ang natutuhan nila o ang mga tanong na mayroon sila.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Paghihintay sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas
Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagsasabi sa mga estudyante na mag-isip ng ilang malalaking kaganapan na inaasahan nila sa hinaharap, tulad ng pagbabakasyon, paglilingkod sa misyon, o pagpapakasal. Anyayahan silang ibahagi ang nadarama nila tungkol sa mga kaganapang ito.
Pagkatapos ay magpakita ng larawan ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na maglista ng ilang salita sa pisara na maaaring kumatawan sa maaaring madama ng mga indibiduwal tungkol sa kaganapang ito. Maaaring kabilang sa listahan ang mga salitang tulad ng nasasabik, handa, nananalig, mapayapa, natatakot, naguguluhan, kinakabahan, o hindi sigurado.
Para masuri kung ano ang nadarama nila tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, maaaring gawin ng mga estudyante ang sumusunod.
Sa iyong study journal, sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Aling mga salita ang naglalarawan sa nadarama mo tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas?
-
Ano ang nakakaimpluwensya sa iyong pakiramdam tungkol sa kaganapang ito?
Isulat ang anumang tanong na mayroon ka tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
Habang pinag-aaralan mo ang mga pangyayaring may kaugnayan sa Ikalawang Pagparito, pakinggan ang mga impresyon mula sa Espiritu upang malaman kung paano ka makadarama ng higit na kumpiyansa na makakasama mo ang Tagapagligtas sa mga kaganapang ito.
Maaari mong ipabahagi sa mga estudyante ang isinulat nila. Hikayatin ang mga estudyante na hanapin ang mga sagot sa kanilang mga tanong habang pinag-aaralan nila ang Zacarias.
Tandaan: Hindi mo kailangang sagutin ang bawat tanong tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Kung nais ng mga estudyante na mas matuto pa, maaari nilang pag-aralan ang resources na tulad ng “Ikalawang Pagparito ni Jesucristo” sa Mga Paksa at Mga Tanong (Gospel Library).
Ipinropesiya ni Zacarias ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga propesiya ni Zacarias tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, maaari mong basahin o ibuod ang sumusunod na talata. Maaari ding basahin ng mga estudyante ang mga heading ng kabanata para sa Zacarias 10; 12–14.
Ipinropesiya ni Zacarias na sa mga huling araw, isang matinding digmaan, na kilala bilang digmaan ng Armagedon (tingnan sa Apocalipsis 16:16), ang magaganap malapit sa Jerusalem. Lahat ng bansa sa mundo ay magkakaisa laban sa Jerusalem (tingnan sa Zacarias 12:2–3). Bilang bahagi ng digmaan, kukubkubin ang Jerusalem habang sinasakop ng mga hukbo ang lungsod (tingnan sa Zacarias 14:2). Pagkatapos ay magpapakita ang Tagapagligtas sa Bundok ng mga Olibo (tingnan sa Zacarias 14:4).
Upang matulungan ang mga estudyante na higit na matutuhan ang tungkol sa kung paano tutulungan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tao sa mga pangyayaring ito, maaari mong gamitin ang handout na “Ano ang Gagawin ng Tagapagligtas Para sa …” Maaari mong basahin ang mga talata bilang klase at ipasulat sa mga estudyante sa ibaba ng bawat tanong ang mga salita o pariralang naglalarawan sa ipinangako ng Tagapagligtas na gagawin para sa matatapat.
Bilang alternatibo, maaari mong hatiin ang klase sa tatlong grupo at magtalaga sa bawat grupo ng isang tanong na pag-aaralan at ibabahagi sa klase.
Kung may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa mangyayari sa masasama sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, maaari mo silang anyayahan na basahin ang Zacarias 14:12–13, 17–19. Ang mga talatang ito ay naglalarawan ng mga kalagayan ng mga tao na pinipiling hindi sumunod kay Jesucristo.
Matapos makumpleto ng mga estudyante ang handout, sabihin sa kanila na magtanong tungkol sa pinag-aralan nila. Kung hindi ka sigurado sa sagot, sabihin sa kanila na hindi mo alam. Anyayahan sila na maghanap ng sagot. Maaari ka ring maghanap ng sagot kasama nila sa loob o labas ng klase.
Ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa mga estudyante na matukoy ang mga katotohanan mula sa mga turo ni Zacarias.
-
Ano ang itinuturo sa inyo ng mga passage na ito tungkol kay Jesucristo?
Bilang bahagi ng talakayan, sabihin sa mga estudyante na ibuod ang natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas sa isang simpleng pahayag ng katotohanan. Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng iba’t ibang sagot, kabilang ang si Jesucristo ay babalik sa mga huling araw at titipunin, iligtas, at poprotektahan Niya ang Kanyang mga tao.
Nagkakaroon ng kapangyarihan kapag nalalaman ng mga estudyante na ang mga katotohanang natututuhan nila mula sa mga banal na kasulatan ay katibayan ng pagmamahal, kapangyarihan, at awa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa kanilang buhay. Ang pagkakaunawang ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama na mas malapit ang ugnayan nila sa Kanila.
Maaaring makatulong sa mga estudyante ang mga sumusunod na tanong para maunawaan ito.
(Para sa karagdagang pagsasanay sa pagtatanong ng mga bagay na naiuugnay ang pagmamahal, kapangyarihan, at awa ng Panginoon sa mga katotohanang itinuturo sa mga banal na kasulatan, tingnan ang “Tulungan ang mga mag-aaral na madama ang pagmamahal, kapangyarihan, at awa ng Panginoon sa kanilang buhay” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.)
-
Paano makatutulong sa atin ang kaalaman sa katotohanang ito tungkol kay Jesucristo na harapin nang may kumpiyansa ang Kanyang Ikalawang Pagparito?
-
Ano ang ilang paraan na tinitipon, iniligtas, at pinoprotektahan ni Jesucristo ang Kanyang mga tao sa panahon ngayon?
Maaaring kabilang sa mga sagot sa naunang tanong ang: Nagtitipon si Jesucristo sa pamamagitan ng pag-anyaya sa lahat na lumapit sa Kanya, sundin ang Kanyang ebanghelyo, at tanggapin ang mga pagpapala ng templo. Nagliligtas Siya sa pamamagitan ng pag-aalay ng kaloob ng Kanyang Pagbabayad-sala at ng mga ordenansa ng ebanghelyo. Nagpoprotekta Siya sa pamamagitan ng paghahayag ng Kanyang kalooban sa pamamagitan ng mga buhay na propeta at banal na kasulatan.
Ipakita ang alam mo
Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na maipahayag ang kanilang kumpiyansa sa ipinangako ng Tagapagligtas na gagawin Niya para sa Kanyang mga tao sa Kanyang muling pagparito. Maaari itong gawin ng mga estudyante nang mag-isa o sa mga grupo. Anyayahan silang gamitin ang mga talata sa banal na kasulatan mula sa handout para kumpletuhin ang aktibidad.
Upang maihanda ang mga estudyante sa pagsusulat ng sarili nilang mga titik, maaari mong ipalabas ang video na “Come, O Thou King of Kings” (3:43) sa ChurchofJesusChrist.org.
Basahin ang mga titik ng himnong “Halina, Hari ng Lahat” (Mga Himno, blg. 32). Pagkatapos ay magsulat ng karagdagang taludtod sa himno. Isama ang mga turo ni Zacarias tungkol sa ipinangako ng Tagapagligtas na gagawin Niya para sa Kanyang mga tao sa Kanyang Ikalawang Pagparito, at kung paano nakatutulong ang mga pangakong ito sa iyo na magkaroon ng kumpiyansa na makakasama ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tao sa mga huling araw.
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga titik na isinulat nila.
Maaari ninyong awitin ang himno nang magkakasama bilang klase, kabilang ang isa o mahigit pa sa mga talatang isinulat ng mga estudyante.
Bilang pagtatapos, maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas at kung paano ka Niya tinutulungang umasa sa Kanyang Ikalawang Pagparito nang may kumpiyansa.