“Zacarias 1–8: ‘Manumbalik Kayo sa Akin,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Zacarias 1–8: ‘Manumbalik Kayo sa Akin,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Hagai 1–2; Zacarias 1–4; 10–14: Lesson 156
Zacarias 1–8
“Manumbalik Kayo sa Akin”
Pagkatapos ng 50 taon na pagkabihag sa Babilonia at Persia, isang labi ng sambahayan ni Israel ang pisikal na bumalik sa kanilang banal na lupain, ngunit malayo pa rin sila sa Panginoon sa espirituwal na aspeto. Sa pamamagitan ng propetang si Zacarias, muling pinanibago ng Tagapagligtas ang Kanyang paanyayang “manumbalik kayo sa akin” (Zacarias 1:3), nang may pangakong Siya ay “maninirahan sa gitna [ng Kanyang mga tao]” (Zacarias 2:10). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang mga paraan kung paano sila maaaring bumaling sa Panginoon.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin ang sasabihin nila sa isang kaibigan na nakadaramang malayo siya sa pagmamahal ng Panginoon. Maaaring maghanda ang mga estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang payo. Maaaring tanungin ng mga estudyante ang isang pinagkakatiwalaang kaibigan o magulang kung anong payo ang ibibigay nila sa ganitong sitwasyon.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Bakit may ilang tao na tumatalikod kay Jesucristo?
Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagpapakita ng larawan ng Tagapagligtas sa tabi ng isang stick figure na may arrow na nakaturo palayo sa Kanya.
Ano ang ilang dahilan kung bakit maaaring tumalikod ang mga tinedyer sa Panginoon?
Ipaalala sa mga estudyante na sa buong Lumang Tipan, ipinahayag ng mga propeta ang paanyaya ng Tagapagligtas na bumaling o bumalik sa Kanya anuman ang dahilan kung bakit sila tumalikod (tingnan sa Deuteronomio 4:30–31; Nehemias 1:9). Kung minsan, tumatalikod tayo nang hindi natin namamalayan na napapalayo na tayo.
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung maaaring tumatalikod sila o ang mga taong minamahal nila sa Panginoon. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang sumusunod na self-assessment.
Alin sa mga sumusunod na pahayag ang sa palagay mo ay totoo para sa iyo?
Gusto kong tulungan ang mga taong mahal ko na tumatalikod sa Panginoon.
Hindi ko pa talaga naiisip kung gaano ako kalapit sa Panginoon.
Natutukso akong tumalikod sa Panginoon.
Ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya upang manatiling malapit sa Panginoon at umaasa akong kaya kong manatiling matatag.
Habang pinag-aaralan ninyo ang Zacarias, humingi ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo na tulungan kayo sa inyong mga personal na kalagayan.
Pagbaling sa Panginoon
Pagkalipas ng 50 taon na pagkabihag, maraming Israelita ang nakabalik na sa wakas sa Jerusalem at sa karatig na lugar. Muli nilang itinayo ang lungsod at sinimulan nilang itayo muli ang templo ng Panginoon (tingnan sa Ezra 5:1–2; 6:14). Bagama’t sila man ay pisikal na bumalik sa Jerusalem, maraming tao ang malayo pa rin sa Panginoon sa espirituwal na aspeto. Isinugo Niya ang propetang si Zacarias upang tulungan ang mga tao na bumalik sa Kanya upang Siya ay “maninirahan sa gitna [nila]” (Zacarias 2:10).
Basahin ang Zacarias 1:1–3, at alamin ang ipinagawa ng Panginoon sa Kanyang mga tao.
Gumawa ng apat na column sa pisara. Isulat o ipasulat sa isang estudyante ang sumusunod na hindi kumpletong katotohanan sa pisara sa itaas ng mga column: Bumabalik o bumabaling tayo sa Panginoon sa pamamagitan ng …
Maaari mong isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture passage, isa sa bawat column. Hatiin ang klase sa mga grupo na may tig-aapat na estudyante at anyayahan ang bawat miyembro ng grupo na pag-aralan ang isa sa mga passage. Pagkatapos ay maaaring kumpletuhin ng mga estudyante ang pahayag ng katotohanan gamit ang kanilang passage.
Zacarias 1:4
Zacarias 3:7 (Ang “bibigyan kita ng karapatang makalapit sa mga nakatayo rito” ay maaaring tumutukoy sa pakiramdam na malinis at karapat-dapat sa piling ng mga sugo ng langit.)
Zacarias 7:9–10
Zacarias 8:16–17 (pansinin ang pariralang “kapayapaan sa inyong mga pintuan”)
Maaaring ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit tulungan silang kumpletuhin ang naka-bold letter na katotohanan gamit ang mga pahayag tulad ng:
… pagtalikod sa kasamaan (Zacarias 1:4).
… paglakad sa mga daan ng Panginoon (Zacarias 3:7).
… pakikitungo sa iba nang may awa at pagkahabag (Zacarias 7:9–10).
… kumikilos bilang mga tagapamayapa (Zacarias 8:16–17).
Isiping isulat ang bawat parirala sa mga wastong column sa pisara.
Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa pagpapalalim ng pag-unawa ng mga estudyante sa mga katotohanang natukoy nila mula sa Zacarias. Bigyan ang bawat grupo ng mga kopya ng handout na “Maaari Tayong Bumaling sa Panginoon sa Pamamagitan ng …” Sabihin sa mga estudyante na gumawa nang magkakapartner o sa maliliit na grupo para makumpleto ang handout. Bilang alternatibo, maaari kang magtalaga ng iba’t ibang sitwasyon sa magkakaibang magkapartner at sabihin sa kanila na maghandang magbahagi sa mga magkapartner na gumawa sa ibang sitwasyon.
Ibahagi ang natutuhan ninyo
Anyayahan ang mga grupo na ibahagi ang natutuhan nila. Ang isang paraan upang magawa ito ay anyayahan ang bawat grupo na isulat ang kanilang mga tugon sa prompt 2 o 3 para sa isa sa mga sitwasyon sa naaangkop na column sa pisara.
Kapag tapos nang magbahagi ang mga estudyante, tulungan silang pagnilayan ang natutuhan nila sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanilang gawin ang sumusunod.
Sa iyong study journal, magsulat ng isa o dalawang bagay na sa tingin mo ay makatutulong sa iyo na bumaling sa Panginoon. Mapanalanging anyayahan ang iyong Ama sa Langit na tulungan ka sa iyong mga pagsisikap.
Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng iyong patotoo sa pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa atin at sa Kanilang patuloy na mapagmahal na paanyayang bumaling sa Kanila.