Seminary
Hagai: “Pag-isipan Ninyo ang Inyong mga Lakad”


“Hagai: ‘Pag-isipan Ninyo ang Inyong mga Lakad,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Hagai: ‘Pag-isipan Ninyo ang Inyong mga Lakad,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan

Hagai 1–2; Zacarias 1–4; 10–14: Lesson 155

Hagai

“Pag-isipan Ninyo ang Inyong mga Lakad”

A young man with his arms folded. Squares that show different symbols of activities such as music, books, pencil and paper, and a phone surround him.

Sa ating abalang buhay, paano tayo makapaglalaan ng oras para sa Panginoon at sa mga bagay na ipinagagawa Niya sa atin? Maaari tayong makinabang sa pagsunod sa paanyaya ng Panginoon sa mga Judio na “pag-isipan [ang ating] mga lakad” (Hagai 1:5) tungkol sa kung paano tayo makapaglalaan ng oras para sa Kanya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na unahin ang Diyos sa kanilang buhay.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng listahan ng mga bagay na ginagawa nila sa karaniwang araw. Maaaring lagyan ng label ng mga estudyante kung alin sa palagay nila ang bagay na pinakamahalaga at isipin kung bakit nila itinuturing na mahalaga ang mga bagay na iyon. Maaari nilang dalhin ang kanilang listahan sa klase.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pag-una sa Panginoon

Ang sumusunod na object lesson ay nasa artikulong “Paggamit nang Mabuti sa Iyong Oras” (Liahona, Hulyo 2020, 34–35).

Bago magklase, punuin ng mga bato ang isang garapon, at pagkatapos ay lagyan ito ng buhangin sa ibabaw, at alugin ito upang masiksik. Ito ay upang matiyak na mayroon kang sapat na buhangin para punuin ang garapon. Pagkatapos ay paghiwalayin muli ang buhangin at mga bato. Dalhin ang garapon, buhangin, at mga bato sa klase. Sa pagsisimula ng klase, ipakita ang mga bagay sa mga estudyante, at ipaliwanag na kumakatawan ang garapon sa ating oras, ang mga bato sa ating mga priyoridad, at ang buhangin sa ating mga gawain sa araw-araw.

  • Ano ang mga bagay na pinaglalaanan ninyo ng oras na gawin araw-araw?

  • Ano ang mga bagay na hinihiling ng Panginoon na unahin ng bawat isa sa atin?

    Maaaring sagutin ng mga estudyante ang pangalawang tanong na may mga sagot tulad ng pag-aaral ng banal na kasulatan, panalangin, oras para sa pamilya, paglilingkod, at iba pa. Maaari mong isulat sa mga bato ang mga sagot ng mga estudyante.

    Upang matulungan ang mga estudyante na makita ang halaga ng pagbibigay-priyoridad, punuin muna ng buhangin ang garapon. Pagkatapos ay subukang idagdag ang mga bato, na hindi magkakasya. Talakayin kung paano mapagkakasya ang dalawa. Tanggalin ang laman ng garapon at subukan muli. Idagdag muna ang mga bato, pagkatapos ay ang buhangin, at alugin ang garapon upang mapunan ang mga puwang.

  • Ano ang matututuhan natin sa object lesson na ito?

  • Bakit mahirap maglaan ng oras para sa Panginoon at sa mga bagay na ipinagagawa Niya sa atin araw-araw?

Habang pinag-aaralan ninyo ang Hagai, humingi ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo tungkol sa kung paano pagpapalain ng Panginoon ang inyong buhay kapag naglalaan kayo ng oras para sa Kanya.

Muling pagtatayo ng templo

Upang matulungan ang iyong mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Hagai, maaari mong ibahagi ang sumusunod na buod.

Matapos bumalik ang mga Judio sa Jerusalem mula sa kanilang pagkabihag sa Babilonia, nagsikap silang maigi upang maitayong muli ang kanilang templo, lungsod, mga tahanan, at buhay (tingnan sa Ezra 1:1–6). Ngunit pagkalipas ng humigit-kumulang 15 taon, hindi nalugod ang Panginoon sa hindi nila pag-una sa muling pagtatayo ng templo (tingnan sa Ezra 4:24; Hagai 1:3–4). Isinugo Niya ang Kanyang propetang si Hagai upang hikayatin ang mga tao na unahin ang pagtatayo ng bahay ng Panginoon.

Basahin ang Hagai 1:2–4, at hanapin ang mga salita o pariralang nagpapakita na hindi nakatuon ang mga Judio sa muling pagtatayo ng templo.

Maaari itong magpahiwatig na samantalang iniwan nilang hindi tapos ang templo, nagtayo ang mga tao ng kumportableng bahay na may kumpletong mga kasangkapan para sa kanilang sarili.

  • Paano ito maiuugnay sa object lesson?

Basahin ang Hagai 1:5–11, at alamin ang mga bunga na naranasan ng mga Judio dahil inuna nila ang ibang bagay sa halip na muling itayo ang templo.

  • Ano ang ilang bunga na maaari nating maranasan kung hindi natin uunahin ang Panginoon sa ating buhay?

    Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ituro o markahan ang paulit-ulit na parirala sa talata 5 at 7.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng Panginoon nang anyayahan Niya ang mga tao na “pag-isipan ang [kanilang] mga lakad”? (Hagai 1:5, 7)

“Mula sa araw na ito ay pagpapalain ko kayo”

Maaari mong basahin o ibuod ang mga sumusunod na talata upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang natitirang bahagi ng salaysay.

Ang mga Judio at ang kanilang mga lider ay sumunod sa tinig ng Panginoon. Pinamunuan nina Zerubabel (ang gobernador) at Josue (ang mataas na saserdote) ang mga pagsisikap na muling itayo ang templo (tingnan sa Hagai 1:12–14). Tumulong din ang propetang si Hagai (tingnan sa Ezra 5:1–2). Habang gumagawa sila, nagbigay ang Panginoon ng mga salita ng panghihikayat.

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong katotohanan: Kung uunahin natin ang Diyos sa ating buhay …

Maaari mong hatiin ang klase sa tatlong grupo, kung saan babasahin ng bawat grupo ang isa sa mga sumusunod na talata.

Basahin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na talata, at hanapin ang panghihikayat mula sa Panginoon na makapagkukumpleto sa pangungusap sa pisara:

Hagai 2:4–5

Hagai 2:6–9

Hagai 2:18–19

Maaaring pumunta sa pisara ang mga estudyante at isulat kung paano nila kukumpletuhin ang pahayag. Ang sumusunod ay mga halimbawa ng maaari nilang isulat:

… Siya ay mapapasaatin.

… Bibigyan Niya tayo ng kapayapaan.

… Pagpapalain Niya tayo sa espirituwal at temporal na paraan.

Para makahanap ng mga karagdagang pagpapala na matatanggap natin sa pag-una sa Diyos, maaaring basahin ng mga estudyante ang Mosias 2:41 at 3 Nephi 13:31–33. Pagkatapos ay maaari mong idagdag ang nahanap nila sa pisara.

  • Alin sa mga pagpapala ng Panginoon mula sa mga talatang ito ang pinakagusto mo? Bakit?

Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga paraan kung paano nila mauuna ang Diyos upang maanyayahan ang Kanyang mga pagpapala. Kung hindi mo ipinanood ang video na “The Soul’s Sincere Desire” (3:28) noong itinuro mo ang Lesson 93: “Nehemias,” pag-isipang ipalabas ito rito mula sa time code na 0:00 hanggang 2:01. Makikita ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng mga paraan kung paano sila makatutugon sa mga tanong sa ibaba.

3:29

Bilang alternatibo, maaari mong ibahagi ang sumusunod na sitwasyon. Pagkatapos ay maaaring sagutin ng mga estudyante ang mga kasamang tanong nang may kapartner, sa maliliit na grupo, o bilang isang klase.

Isipin kunwari na mayroon kayong kaibigan na nagngangalang Alex na nakadaramang wala siyang anumang oras upang unahin ang Diyos sa kanyang buhay. Abala ang kanyang mga araw sa mga gawain sa paaralan, mga kaibigan, at mga libangan, kaya pagod siya at walang motibasyon para sa mga espirituwal na bagay. Nakikita niyang kailangan ng pagbabago ngunit hindi niya alam ang gagawin.

  • Anong payo ang maibibigay ninyo kay Alex upang matulungan siyang unahin ang Diyos?

  • Paano siya maaaring pagpalain ng Diyos sa pag-una sa Kanya?

    Pagkatapos ng sapat na oras, maaari mong ipanood ang natitirang bahagi ng “The Soul’s Sincere Desire” mula sa time code na 2:02 hanggang 3:28, at anyayahan ang mga estudyante na alamin ang gagawin ni Alex para magbago.

    3:29
  • Ano ang iba pang payo na ibibigay ninyo sa isang taong nakadarama na hindi niya kayang unahin ang Diyos sa kanyang buhay sa anupamang dahilan?

  • Paano kayo pinagpala ng Diyos o ang ibang kakilala ninyo dahil sa pag-una sa Kanya?

Gumawa ng plano

Ang bahaging ito ay maaaring makatulong sa mga estudyante na ipamuhay ang kanilang natutuhan. Maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag.

Personal na pagnilayan ang sumusunod na paanyaya mula kay Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

13:57
Elder David A. Bednar, Quorum of the Twelve Apostles official portrait. 2020.

Inuulit ko ang utos ng Panginoon sa Kanyang mga tao mula sa propeta ng Lumang Tipan na si Hagai: “Ngayo’y ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad” [Hagai 1:5].

Dapat mataimtim at mapanalanging suriin ng bawat isa sa atin ang ating mga temporal at espirituwal na prayoridad upang matukoy ang mga bagay sa ating buhay na humahadlang sa saganang mga biyaya na nais ibigay sa atin ng ating Ama sa Langit at Tagapagligtas. At tunay na tutulungan tayo ng Espiritu Santo na makita kung sino talaga tayo. (“Isuot Mo ang Iyong Lakas, O Sion,” Liahona, Nob. 2022, 94)

Kumilos ayon sa paanyaya ng Panginoon na “pag-isipan ang inyong mga lakad” (Hagai 1:5, 7) sa pamamagitan ng pagninilay sa sarili ninyong mga priyoridad. Pagnilayan kung may mga bagay na kailangan ninyong unahin o alisin sa inyong buhay para maanyayahan ang mga pagpapalang handang ibigay sa inyo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Jar full of rocks with sand or dirt on the side

Sa inyong journal, magdrowing ng isang garapong may mga bato, at lagyan ng label ang mga bato ng mga pangakong gagawin ninyo upang unahin ang Diyos. Magdrowing ng buhangin sa labas ng garapon, at lagyan ito ng mga bagay na gusto ninyong alisin. Pumili ng isa o dalawang bato at planuhin kung ano, kailan, at paano ninyo tutuparin ang mga pangakong ito.

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo o mga iniisip tungkol sa mga pagpapala ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kapag inuuna natin Sila sa ating buhay.