“Nehemias: ‘Ako’y Gumagawa ng Isang Dakilang Gawain at Hindi Ako Makakababa,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Nehemias: ‘Ako’y Gumagawa ng Isang Dakilang Gawain at Hindi Ako Makakababa,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Ezra 1; 3–7; Nehemias 2; 4–6; 8: Lesson 93
Nehemias
“Ako’y Gumagawa ng Isang Dakilang Gawain at Hindi Ako Makakababa”
Binigyang-inspirasyon ng Diyos si Nehemias na protektahan ang kanyang mga tao sa pamamagitan ng muling pagtatayo ng mga pader sa paligid ng Jerusalem.Kinailangan ng mga tao ni Nehemias na daigin ang mga patuloy na banta at panggagambala upang maisakatuparan ang gawaing ito.Nabigyan din tayo ng mahalagang gawain mula sa Diyos, at maaari din tayong maharap sa mga paghihirap sa pagsasakatuparan nito.Nilalayon ng lesson na ito na hikayatin ang mga estudyante na manatiling nakatuon sa gawaing ibinigay sa kanila ng Ama sa Langit.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na pumasok sa klase na may listahan ng tatlong bagay na sa palagay nila ay gusto ng Ama sa Langit na pagtuunan nila: isang bagay para sa linggong ito, isa para sa susunod na ilang taon, at isa para sa buhay nila kalaunan.Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na mayroon nang patriarchal blessing na basahin itong muli bago gawin ang kanilang listahan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Panggagambala
Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagtulong sa mga estudyante na matukoy ang mga bagay na maaaring maglihis ng kanilang atensyon sa paggawa ng gawain ng Diyos.Upang magawa ito, maaari mong ipanood ang video na “Doing What Matters Most” (1:42), matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.O maaari mong ibahagi ang impormasyon sa sumusunod na talata at ipakita ang pahayag sa ibaba mula kay Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan.
Ilang taon na ang nakalilipas, habang naghahanda ang mga piloto na magpalapag ng eroplano, hindi sumindi ang isang maliit na ilaw sa cockpit.Masyadong pinagtuunan ng crew ang bombilya kaya hindi nila napansin na pababa na ang eroplano sa isang latian.Bumagsak ang eroplano, na ikinamatay ng mahigit 100 katao.
Si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan, ay nagturo ng isang mahalagang aral mula sa trahedyang ito:
Nasa [perpektong] kondisyon ang makina ng eroplano.Lahat ay umaandar nang maayos—lahat maliban sa isang bagay: isang pundidong bombilya.Ang munting bombilyang iyon—na mga 20 cents ang halaga—ang pinagmulan ng magkakarugtong na pangyayari na nauwi sa malagim na kamatayan ng mahigit 100 katao.
Siyempre, hindi ang pundidong bombilya ang sanhi ng aksidente; nangyari ito dahil ang mga crew ay nagtuon ng pansin sa isang bagay na tila mahalaga nang sandaling iyon at nalimutan ang bagay na pinakamahalaga.
Ang ugaling magtuon ng pansin sa hindi mahalaga at pabayaan ang pinakamahahalagang bagay ay nangyayari hindi lamang sa mga piloto kundi sa lahat.Lahat tayo ay nasa panganib.(“Kami’y Gumagawa ng Dakilang Gawain, na Anopa’t Hindi Kami Makababa,” Liahona, Mayo 2009, 59)
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano sa palagay nila maiaangkop sa atin bilang mga disipulo ni Jesucristo ang mensahe ni Pangulong Uchtdorf.
Pagkatapos ay maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag at sabihin sa mga estudyante na basahin ito nang tahimik.Hikayatin silang hilingin sa Ama sa Langit na gabayan sila sa pamamagitan ng Espiritu upang maunawaan kung paano personal na naaangkop sa kanila ang mensaheng ito.Maaari nilang isulat ang kanilang mga naisip sa kanilang study journal.
Sinabi pa ni Pangulong Uchtdorf:
Tumigil sandali at suriin kung saan nakatuon ang inyong puso at isipan.Nakatuon ba kayo sa mga bagay na pinakamahalaga?Ang paraan ng paggugol ninyo ng oras ay maaaring batayan nito.Saan natutuon ang isip ninyo kapag tapos na ang mahigpitang mga deadline?Nakatuon ba ang isip at puso ninyo sa mga bagay na panandalian at mahalaga lamang sa sandaling iyon, o sa mga bagay na pinakamahalaga?(“Kami’y Gumagawa ng Dakilang Gawain, na Anopa’t Hindi Kami Makababa,” Liahona, Mayo 2009, 60)
Ang gawain ni Nehemias
Ipaliwanag sa mga estudyante na isang Israelita na nagngangalang Nehemias ay tagapaglingkod ni Artaxerxes, hari ng Persia.Maraming Israelita ang bumalik noon sa Jerusalem upang muling itayo ang templo.Nalaman ni Nehemias na nanganganib sila sa pagsalakay dahil nasira ang mga pader at pintuan sa paligid ng Jerusalem.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na kumpletuhin ang sumusunod na aktibidad sa maliliit na grupo.Hikayatin ang mga grupo na huwag magmadaling gawin ang mga hakbang, ngunit maglaan ng kanilang oras at matuto mula sa karanasan ni Nehemias.Upang matulungan ang mga grupo na manatili sa parehong iskedyul, maaari mong ipakita lang ang isang hakbang ng mga tagubilin sa bawat pagkakataon.Bigyan ang mga grupo ng sapat na oras upang kumpletuhin ang hakbang na iyon bago ipakita ang kasunod na hakbang.
-
Basahin ang Nehemias 1:1–4; 2:1–6, 11–12, 17–18.Hanapin at talakayin ang katibayan na ang mga hangarin ni Nehemias na muling itayo ang mga pader ng Jerusalem ay binigyang-inspirasyon ng Diyos.
-
Isulat sa isang blangkong papel ang tatlong bagay na iniutos ng Diyos sa mga tinedyer na Banal sa mga Huling Araw na pagtuunan nila sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.Ang isang paraan para magawa ito ay sa pamamagitan ng maikling pag-aaral muli ng mga mensahe mula sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya.
Pagkatapos ay makipagpalitan ng mga papel sa ibang grupo at talakayin sa iyong grupo ang kanilang isinulat.(Tandaan: Itabi ang papel ng kabilang grupo.Sa pang-apat na hakbang ng aktibidad na ito, magdaragdag ka ng mga bagay rito.)
-
Basahin ang Nehemias 2:19; 4:1, 7–8, at alamin kung paano tumugon ang mga kaaway ng mga Judio sa gawaing ibinigay sa kanila ng Diyos.Talakayin ang mga paraan kung paano ginagamit ni Satanas ang gayon ding mga taktika ngayon upang hindi tayo tumuon sa ipinapagawa sa atin ng Diyos.
-
Sa tabi ng bawat isa sa tatlong bagay na nakalista sa papel ng kabilang grupo, magsulat ng panggagambala o hamon na maaaring magpahirap para sa isang tinedyer na manatiling nakatuon sa gawaing ibinigay sa kanya ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.
-
Basahin ang Nehemias 4:9, 14–20 at talakayin kung ano ang natutuhan mo mula sa mga tao ni Nehemias tungkol sa pagdaig sa mga panggagambala at hamon sa pagsasakatuparan ng gawaing ibinibigay sa atin ng Ama sa Langit.
-
Ibalik ang papel sa orihinal na grupo.Basahin at talakayin ang mga panggagambala at hamon na idinagdag ng kabilang grupo sa iyong papel.Talakayin ang mga ideya kung paano madadaig ng isang tao ang mga ito at mananatiling nakatuon sa gawaing ibinigay ng Diyos sa mga tinedyer sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.
-
Ibuod sa isang pangungusap ang iyong natutuhan o nadama tungkol sa paggawa ng gawaing ibinigay sa atin ng Ama sa Langit.Isulat sa pisara ang katotohanang ito.
Pagkatapos ng aktibidad, hikayatin ang mga boluntaryo na ibahagi sa klase ang kanilang natutuhan o nadama.Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na banggitin ang isang katotohanan sa pisara na isinulat ng isa pang grupo at ibahagi ang natutuhan nila rito.Habang nagbabahagi ang mga estudyante ng mga katotohanan, tulungan silang tumuon kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagtatanong ng tulad ng, “Anong mga turo o halimbawa mula sa buhay ng Tagapagligtas ang makatutulong sa atin na mas maunawaan ang katotohanang ito?”
Ang mga halimbawa ng mga katotohanang maaaring naisulat ng mga grupo ay:
Sa pamamagitan ng panalangin, makakatanggap tayo ng proteksyon at lakas mula sa Diyos upang maisakatuparan ang Kanyang gawain.(Nehemias 1:4; 4:9)
Tutulungan ng Diyos ang Kanyang mga tagapaglingkod na mapagtagumpayan ang oposisyon sa paggawa ng Kanyang gawain.(Nehemias 4:20)
-
Paano makatutulong sa iyo ang natutuhan mo sa aktibidad na ito na manatiling nakatuon sa gawaing ibinigay sa iyo ng Diyos?
Ang video na “The Soul’s Sincere Desire” (3:28), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, ay makatutulong sa mga estudyante na mapansin at talakayin kung paano maaaring makagambala maging ang magagandang bagay sa pagtuon sa mas mahalagang gawaing ibinigay sa atin ng Diyos.
Personal na pagsasabuhay
Ipaliwanag sa mga estudyante na si Nehemias ay mag-isang pinuntirya ng kanyang mga kaaway.Sinubukan nila ang maraming taktika upang pigilan siya sa paggawa ng gawain ng Diyos na muling itayo ang mga pader ng Jerusalem.Ang isang taktika ay ang subukang mapalabas siya sa lungsod kung saan mas madali para sa kanila na saktan siya.
Anyayahan ang mga estudyante na kumpletuhin nang tahimik ang sumusunod.Maaari mo silang bigyan ng maraming oras at hikayatin silang pag-isipan kung paano gugustuhin ng Diyos na kumpletuhin nila ang mga pahayag.
Basahin ang Nehemias 6:1–4, 15–16 at pagnilayan ang natutuhan mo sa sagot ni Nehemias sa mga pagtatangka ng kanyang mga kaaway na ilayo siya sa gawain ng Diyos.(Maaari mong markahan at pagnilayan kung ano ang maaaring kahulugan ng talata 3 sa iyong buhay.)
Kumpletuhin ang mga sumusunod na pahayag batay sa iyong buhay.Itala ang iyong mga saloobin sa iyong study journal o sa margin ng iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng talata 3.
Naniniwala ako na gusto ng Ama sa Langit na magtuon ako sa .
Ang ilang potensyal na panggagambala o hamon na maaaring harapin ko ay .
Ang ilang paraan para manatiling nakatuon ako sa gawain ng Ama sa Langit ay .