Seminary
Jonas: “Ikaw ay Diyos na Mapagpala, Mahabagin”


“Jonas: ‘Ikaw ay Diyos na Mapagpala, Mahabagin,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Jonas: ‘Ikaw ay Diyos na Mapagpala, Mahabagin,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Amos; Obadias; Jonas: Lesson 151

Jonas

“Ikaw ay Diyos na Mapagpala, Mahabagin”

The Old Testament prophet Jonah depicted lying on the beach at Nineveh after having survived being swallowed by a whale. The ocean and a whale are depicted in the background. The image depicts Jonah being returned to preach at Nineveh.

Iniunat ng Panginoon ang Kanyang mga bisig ng awa kay Jonas at sa mga tao ng Ninive, sa kabila ng matitinding pagkakamaling nagawa nila. Kapag naunawaan natin na ang pagmamahal at awa ring ito ay ibinibigay sa atin, maaari din nating ipahayag na ang Panginoon ay “Diyos na mapagpala, mahabagin, hindi kaagad nagagalit, sagana sa tapat na pag-ibig” (Jonas 4:2). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang pagmamahal at awa ng Panginoon para sa kanila at sa iba.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang kuwento tungkol kay Jonas kasama ang kanilang pamilya o pag-aralan ito nang mag-isa at isipin kung ano sa palagay nila ang pangunahing mensahe nito. Maaari rin silang bumuo ng mga tanong o ideya mula sa kanilang pag-aaral.

icon ng seminaryAng paanyayang ito ay isang halimbawa ng pagtulong sa mga estudyante na maiugnay ang natututuhan nila sa bahay sa kanilang pag-aaral sa klase. Makatutulong ito para mapalalim ng mga estudyante ang kanilang natutuhan tungkol sa banal na kasulatan at sa Tagapagligtas. Para sa karagdagang training tungkol sa pag-uugnay ng natutuhan ng mga estudyante sa bahay sa kanilang karanasan sa silid-aralan, tingnan ang “Gumawa at magtanong ng mga tanong na makatutulong sa mga mag-aaral na iugnay ang natutuhan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pag-aaral kasama ng pamilya sa natutuhan nila sa klase” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang ating pananaw

Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagdodrowing ng sumusunod na scale sa pisara at paglalagay ng mga nakasaad na salita sa mga gilid nito. Habang itinatanong mo sa mga estudyante kung paano maaaring makita ng iba ang Ama sa Langit at si Jesucristo, maaari kang maglagay ng ilang magkakaibang linya sa iba’t ibang bahagi ng scale upang kumatawan sa kanilang mga sagot.

Isipin kunwari na kumakatawan ang scale na ito sa kung paano nakikita ng isang tao ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

  • Bakit nakikita Sila ng ilang tao na mapagmahal, mahabagin, at mabait habang hindi ganito ang nakikita ng iba?

Para matulungan ang mga estudyante na masuri kung paano nila nakikita ang Ama sa Langit at si Jesucristo, maaari mo silang anyayahan na pag-isipan ang sumusunod.

Pagnilayan kung saan sa linya mo ilalagay ang iyong pananaw sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Isipin kung bakit mo pipiliin ang bahaging iyon sa linya.

Ngayon, isipin kunwari na kumakatawan ang scale na ito sa kung paano mo iniisip o tinatrato ang iba.

  • Ano ang mga dahilan kung bakit maaari nating tratuhin ang ilang tao sa isang paraan at ang ibang tao sa lubos na naiibang paraan?

Habang pinag-aaralan ninyo ang kuwento tungkol kay Jonas, hangarin ang Espiritu Santo na tulungan kayong makita ang tunay na katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Isipin kung paano makakaapekto sa paraan ng inyong pagtingin, pag-iisip, o pakikitungo sa iba ang natutuhan ninyo tungkol sa Kanila.

Ang kuwento tungkol kay Jonas

Maaaring makatulong na ipaliwanag na si Jonas ay nanirahan sa Israel noong panahon ng paghahari ni Haring Jeroboam II (tingnan sa 2 Mga Hari 13–15, lalo na sa 14:25). Ang mga propetang sina Amos at Hoseas ay nagpropesiya din sa panahong ito. Maaari mong ipakita ang isang larawan na nagbibigay ng buod ng Lumang Tipan at anyayahan ang mga estudyante na hanapin si Jonas.

Basahin ang Jonas 1:1–3, at alamin ang mga tagubilin ng Panginoon kay Jonas at kung paano tumugon si Jonas.

Maaari mong ipaliwanag na ang Ninive ay isang pangunahing lungsod ng mga taga-Asiria. Ang mga hari at kawal ng Asiria ay kilala sa kanilang kalupitan, gaya ng pagpapahirap at pagpatay sa mga taong nalupig nila.

Maaari mo ring ipaliwanag na ang Tarsis ay maaaring ang Espanya sa kasalukuyang panahon, na nagpapahiwatig na nilisan ni Jonas ang Israel at naglakbay siya sa kasalungat na direksyon ng Ninive. Maaari kang magpakita ng mapa para sa mga estudyante at ipahanap sa kanila ang Ninive at Tarsis.

  • Ano ang ipinahihiwatig sa inyo ng tugon ni Jonas tungkol sa kanyang nadama sa mga tagubilin ng Panginoon na mangaral sa mga tao ng Ninive?

icon ng seminary Para matulungan ang mga estudyante na pag-aralan ang salaysay tungkol kay Jonas, maaari mo silang anyayahan na kumpletuhin ang handout na “Ang Kuwento tungkol kay Jonas” nang mag-isa, nang magkakapartner, o sa maliliit na grupo. Bilang alternatibo, maaari mong bigyan ang mga estudyante ng mga scripture passage lamang mula sa handout at anyayahan silang magdrowing ng simpleng paglalarawan at magsulat ng buod ng bawat passage.

Pagkatapos bigyan ng oras ang mga estudyante na kumpletuhin ang aktibidad, anyayahan silang magtanong o magbahagi ng mga nalaman nila mula sa pag-aaral ng salaysay na ito.

Kung kinakailangan, ipaliwanag na makikita sa Jonas 4 na bagama‘t ipinagpapasalamat ni Jonas na mahabagin at mapagpatawad ang Panginoon sa kanya, ipinagdamdam niya na ipinadama ito ng Panginoon sa mga tao ng Ninive. Itinuro ng Panginoon kay Jonas na napakahalaga sa Kanya ng mga tao ng Ninive, mahigit pa kaysa sa isang halaman.

Maaari mong isulat sa pisara ang mga sumusunod na hindi kumpletong katotohanan. Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang mga katotohanan gamit ang natutuhan nila mula sa kuwento tungkol kay Jonas.

Ang Panginoon ay …

Upang maging katulad ng Panginoon, dapat tayong …

Maaaring kumpletuhin ang mga pahayag sa pisara gamit ang mga salita o pariralang ibinabahagi ng mga estudyante, tulad ng:

Ang Panginoon ay mahabagin, mabait, at mapagpatawad.

Upang maging katulad ng Panginoon, dapat tayong maging mahabagin, mabait, at mapagpatawad gaya Niya.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga partikular na halimbawa mula sa salaysay tungkol kay Jonas na ipinapakita ang mga katotohanang ito. Maaari din nilang ibahagi kung bakit nila nadama na mahalagang malaman nila ang mga salita o pariralang pinili nila.

  • Bakit maaaring maging mahirap para sa atin kung minsan na magmahal o maging maawain sa iba?

  • Paano makakaapekto sa paraan ng pagtingin, pag-iisip, o pakikitungo natin sa iba ang pagkatuto tungkol sa awa at pagmamahal ng Panginoon?

Pagiging Katulad ng Panginoon

Maaaring natukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang naiiba sa mga nakalista sa itaas. Kung gayon, mag-isip ng mga paraan upang mapalalim ang pag-unawa ng mga estudyante sa mga katotohanang natukoy nila. Ang mga sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang mga katotohanan sa itaas at madama ang pagmamahal ng Panginoon para sa kanila at sa iba.

Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante at ipagawa sa bawat estudyante ang isa sa mga aktibidad nang mag-isa. Pagkatapos ay maaari nilang ituro sa isa’t isa ang kanilang nalaman. O maaaring kumpletuhin ng mga magkapartner ang iisang aktibidad at ibahagi sa isa’t isa ang kanilang natutuhan.

Pumili ng isa sa mga sumusunod na sitwasyon:

Sitwasyon A. Isipin kunwari na may kaibigan ka na nakadarama na malupit, hindi mahabagin, o hindi mapagpatawad ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

Sitwasyon B. Isipin kunwari na may kaibigan ka na nahihirapang maging mahabagin, mabait, o mapagpatawad sa iba.

Gawin ang sumusunod:

  1. Maghanap ng isang talata mula sa kuwento tungkol kay Jonas na ibabahagi mo sa iyong kaibigan. (Maaari ka ring makahanap ng mga karagdagang scripture passage na maaaring makatulong.)

  2. Mag-isip ng karanasan na maaaring makatulong. Para sa sitwasyon A: isipin kung kailan nagpakita ang Panginoon ng pagmamahal o awa sa iyo o sa isang taong kilala mo. Para sa sitwasyon B: isipin kung kailan ka tinulungan ng Panginoon o ang kakilala mo na magpakita ng pagmamahal o awa sa iba.

Kabilang sa ilang halimbawa ng mga karagdagang banal na kasulatan na makatutulong ay ang sumusunod: para sa sitwasyon A: Isaias 1:18 o Eter 12:27; para sa sitwasyon B: Moroni 7:45–48 o Doktrina at mga Tipan 64:9–11.

Pagkatapos ay maaaring ipaliwanag sa klase ng mga handang estudyante kung aling talata o mga talata ang ibabahagi nila sa kanilang kaibigan at kung bakit. Maaari din nilang ibahagi ang kanilang mga karanasan. Ang mga sagot ng mga estudyante ay maaaring mag-anyaya sa Espiritu Santo na tulungan silang madama ang pagmamahal ng Panginoon sa kanila at sa iba.

Kung may oras pa, maaari kang magpanood ng video na nagpapakita ng pagmamahal at awa ng Panginoon, tulad ng “Moving On from Past Mistakes” (3:43), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org. Sabihin sa mga estudyante na alamin kung paano nagpakita ang Panginoon ng pagmamahal at awa kay Rachel pagkatapos niyang magkamali noong tinedyer siya.

3:43

Ano ang inyong natutuhan?

Para matulungan ang mga estudyante na makita at madama ang pagmamahal at awa ng Panginoon para sa kanila at sa iba, maaari mo silang anyayahang magdrowing ng isang bagay sa kanilang study journal na maaaring magpaalala sa kanila ng kuwento tungkol kay Jonas, tulad ng isang balyena o isang mataas at mayabong na halaman. Pagkatapos ay maaari nilang isulat sa ibaba, sa loob, o sa tabi ng kanilang drowing ang kanilang sagot sa isa sa mga tanong.

Maaari mong sagutin ang isa sa mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:

  • Ano ang natutuhan mo ngayon na nakatutulong sa iyong madama na maawain, mabait, at mapagpatawad ang Ama sa Langit at si Jesucristo?

  • Ano ang naranasan mo ngayon na tumutulong sa iyo na madama ang Kanilang pagmamahal para sa mga taong nahihirapan kang mahalin o patawarin?