“Amos 3; 7: Inihahayag ng Panginoon ang Katotohanan sa pamamagitan ng Kanyang mga Propeta,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Amos 3; 7: Inihahayag ng Panginoon ang Katotohanan sa pamamagitan ng Kanyang mga Propeta,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Amos; Obadias; Jonas: Lesson 149
Amos 3; 7
Inihahayag ng Panginoon ang Katotohanan sa pamamagitan ng Kanyang mga Propeta
Sa mundo kung saan maraming mapanghikayat na tinig, maaaring mahirap malaman kung aling mga tinig ang pagkakatiwalaan. Sa kabutihang-palad, inihahayag ng ating mapagmahal na Ama sa Langit at Tagapagligtas na si Jesucristo ang Kanilang mga plano sa atin sa pamamagitan ng Kanilang mga buhay na propeta. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan na inihahayag ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang mga payo at katotohanan sa pamamagitan ng Kanilang mga propeta.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga tugon sa payo ng propeta
Ang sumusunod na aktibidad ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang saloobin sa mga propeta. Maaaring makatulong na isulat sa pisara ang sumusunod na tatlong sagot sa social media.
Bilang alternatibo sa sumusunod na aktibidad, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isipin kunwari na ang mga sagot ay ibinahagi ng kanilang mga kaibigan pagkatapos pakinggan ang mensahe ng propeta sa pangkalahatang kumperensya o sa isang debosyonal para sa mga kabataan. Pagkatapos ay maaari mong laktawan ang kasamang tanong.
Isipin kunwari na nakikita ninyo ang sumusunod bilang mga sagot sa isang post sa social media:
“Wala siyang karapatang magsalita tungkol dito. Hindi niya ito nauunawaan.”
“Wala siyang alam sa tunay na nangyayari.”
“Sa lahat ng iba pang bagay na kailangan kong gawin, hindi ko nakikita kung paano ko posibleng maipamuhay ang payong ito sa napakaabalang buhay ko.”
-
Sino ang maaaring tinutukoy ng mga sagot na ito?
Maaari kang magpakita ng larawan ng buhay na propeta at sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na ang mga komentong ito ay mga sagot sa isang bagay na sinabi ng propeta. Maaaring ibahagi ng mga estudyante kung bakit maaaring magkaroon ang isang tao ng isa sa mga saloobin sa itaas.
Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong para matulungan ang mga estudyante na ma-assess ang kanilang nadarama tungkol sa pagsunod sa payo ng propeta.
Maglaan ng ilang sandali upang pagnilayan ang iyong pananaw sa propeta ng Panginoon sa mundo ngayon. Maaari mong pag-isipan ang mga sagot mo sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang nadarama ko tungkol sa payo ng propeta? Nagbabago ba ang aking nadarama depende sa payong ibinibigay niya?
-
Anong mga dahilan ang maaari kong ibigay sa pagsunod sa payo ng propeta? Mayroon bang anumang dahilan kaya nahihirapan akong sundin ang payo ng propeta?
Sa pag-aaral natin sa aklat ni Amos ngayon, matutulungan kayo ng Espiritu Santo na matuto pa tungkol sa kahalagahan ng mga salita ng Diyos na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Maaari ninyong isulat ng mga ideya o tanong ninyo habang nag-aaral kayo ngayon.
Inihahayag ng Panginoon ang Kanyang mga plano sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta
Sa panahon ng ministeryo ng propetang si Amos sa hilagang kaharian ng Israel, marami sa mga pinagtipanang tao ng Diyos ang tumalikod sa Kanya at sa Kanyang mga propeta at sumunod sa masasamang gawi ng mga karatig bansa (tingnan sa Amos 2:6–12). Pinili ng Panginoon si Amos para manawagan sa kanila na magsisi. Ipinropesiya ni Amos ang pagkalipol at pagkabihag ni Haring Jeroboam II at ng Kanyang mga tao (tingnan sa Amos 7:8–9; 11, 17).
Basahin ang Amos 7:10–15, at alamin kung paano tumugon si Amasias, ang saserdote ni Haring Jeroboam II, sa payo ni Amos.
-
Ano ang nalaman ninyo?
-
Sa palagay ninyo, bakit naisip ng mga tao na hindi nila kayang “dalhin … ang lahat ng mga salita [ni Amos]” (Amos 7:10) at ginusto nilang magpropesiya siya sa ibang lugar (tingnan sa Amos 7:12)?
-
Sa iyong palagay, bakit patuloy na nagtuturo ang mga propeta ng Diyos kahit na itinuturing sila ng ilang tao na hindi popular, walang alam, o hindi kinakailangan?
Kung hindi ito babanggitin ng mga estudyante, maaari mong itanong kung ano ang gawain ni Amos bago siya tawagin upang maging propeta (tingnan sa Amos 7:14) at ano ang ginawa ng Panginoon sa talata 15 para tawagin si Amos na maging propeta. Ipaliwanag na, tulad ni Joseph Smith at ng iba pa, hindi hinihiling ng Panginoon sa Kanyang mga propeta na magkaroon ng mataas na katayuan sa lipunan o mga tagumpay bago Niya sila tawagin na maging mga propeta. Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pagsagot sa tanong na ito, maaari mong ibahagi ang pahayag ni Pangulong Nelson sa “Karagdagang Resources” ng lesson na ito sa Gospel Library.
Sa ilang naunang kabanata, inihayag ng Panginoon ang isang makapangyarihang katotohanan tungkol sa Kanyang sarili at sa Kanyang mga propeta sa pamamagitan ni Amos.
Ang Amos 3:7 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan upang madali nilang mahanap ang mga ito.
Basahin ang Amos 3:7–8, at alamin kung ano ang palaging gagawin ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.
Maaaring makatulong na malaman ng mga estudyante na kabilang sa iba pang mga kataga para sa lihim ay ang payo o plano.
-
Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa Panginoon?
Maaaring gumamit ng iba’t ibang salita ang mga estudyante para matukoy na inihahayag ng Panginoon ang Kanyang mga plano sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Bilang halimbawa ng katotohanang ito, maaari mong ibahagi na bago tuluyang nalipol ang Juda at Israel dahil sa kasamaan ng mga tao, inihayag ng Panginoon ang mangyayari kung hindi magsisisi ang mga tao (tingnan sa Amos 2:4–6, 8:11–12).
Sa pagpapatuloy ng lesson, maghanap ng mga paraan kung paano mabibigyang-diin na mahal tayo ng Panginoon at nais Niya tayong gabayan.
-
Ano ang maituturo sa inyo ng katotohanang ito sa kung bakit mahalaga para sa inyo na makinig sa propeta paano man tutugon ang iba sa kanyang mga salita?
Pagsunod sa mga propeta ng Panginoon
Ang sumusunod na aktibidad ay isang paraan para matulungan ang mga estudyante na palalimin ang kanilang pag-unawa na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay naghahayag ng katotohanan sa pamamagitan ng Kanilang mga propeta. Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at paisa-isang ipakita ang mga hakbang ng aktibidad.
Alalahanin ang mga komento sa social media sa simula ng lesson at pumili ng isa. Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa inyo na maghanda na magsulat ng sagot.
-
Basahing muli ang Amos 3:7 at pagnilayan kung paano ito maaaring makatulong sa taong gumawa ng komentong iyon. Basahin din ang mga sumusunod na doctrinal mastery passage, at alamin kung paano makatutulong ang mga ito. (Maaari mong i-link o i-cross reference sa Amos 3:7 ang mga banal na kasulatang ito.)
-
Ezekiel 3:16–17
-
-
Magsama ng kahit dalawang pagpapala na maaaring dumating kapag nakinig kayo sa propeta ng Diyos. Makakahanap kayo ng mga halimbawa sa mga banal na kasulatan, kuwento mula sa kasaysayan ng Simbahan, o turo mula sa mga propeta ngayon. Subukang magbahagi ng isang halimbawa kung saan nagdulot ng positibong pagbabago sa inyong buhay ang mga salita ng isang propeta.
Maaari mong talakayin sa mga estudyante ang ilan sa mga sumusunod na halimbawa, kung kinakailangan:
-
Sa pamamagitan ng Kanyang propetang si Noe, nagbabala ang Panginoon sa mga tao na kung hindi sila magsisisi, malilipol sila ng baha (tingnan sa Moises 8:22–30; Genesis 7:17–24).
-
Ipinropesiya ng propetang si Isaias ang mararanasan ng Tagapagligtas sa Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa Isaias 53:3–5).
-
Ang simbahang nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan ay “naghanda sa atin … bago pa man magkaroon ng anumang pahiwatig ng isang pandemya, na nagbigay-kakayahan sa atin na matiis ang mga hamong dumating” (Gary E. Stevenson, “Labis na Pinagpala ng Panginoon,” Liahona, Nob. 2020, 103).
Ang aking tugon
Gamit ang inyong natutuhan at nadama ngayon, magsulat ng isang kapaki-pakinabang na tugon sa isa sa mga negatibong komento mula sa simula ng lesson. Siguraduhing magsama ng kahit isang banal na kasulatan at isang halimbawa, na maaaring isang personal na karanasan.
Ipabahagi sa ilang handang estudyante ang kanilang mga tugon. Maaari mong ibahagi ang itinuro sa iyo ng Espiritu Santo tungkol sa pagmamahal at patnubay ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.
Isaulo
Maaari mong tulungan ang mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa lesson na ito at rebyuhin ang mga ito sa mga lesson sa hinaharap. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Amos 3:7 ay “Ang Panginoong Diyos ay … [naghahayag ng] kanyang lihim sa kanyang mga lingkod na mga propeta.” Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”