Seminary
Amos 8: Pagdaig sa Espirituwal na Pagkagutom


“Amos 8: Pagdaig sa Espirituwal na Pagkagutom,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Amos 8: Pagdaig sa Espirituwal na Pagkagutom,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Amos; Obadias; Jonas: Lesson 150

Amos 8

Pagdaig sa Espirituwal na Pagkagutom

191st Semiannual General Conference: Russell M. Nelson

Lahat tayo ay nakadama na ng pagkagutom. Isipin kung ano kaya ang pakiramdam na magdusa sa espirituwal na pagkagutom. Tinuruan ng Panginoon ang mga Israelita sa pamamagitan ni Amos gamit ang matalinghagang paglalarawang ito. Ipinropesiya ni Amos na hindi na bibigyan ang kanyang mga tao ng Kanyang salita dahil tinanggihan nila ito. Ang pagkawala ng salita ng Panginoon ay hahantong sa isang espirituwal na taggutom. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madagdagan ang kanilang kumpiyansa na mapapawi ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang kanilang espirituwal na pagkagutom sa pamamagitan ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan kung paano maiiba ang kanilang buhay kung wala silang mga banal na kasulatan o mga salita ng mga propeta. Maaaring pumasok sa klase ang mga estudyante na handang ibahagi ang naisip nila.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Espirituwal na pagkagutom

Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagpapakita ng larawan ng pagkain o pagdadala ng simpleng pagkain at pagtatanong ng mga sumusunod.

  • Kailan kayo nakaramdam ng labis na pagkagutom?

  • Ano kaya ang nangyayari sa atin kapag nagugutom tayo?

    Maaaring kabilang sa mga sagot ang pagkairita, hindi pagkakaroon ng sapat na lakas, o pagiging desperado sa anumang uri ng pagkain.

    Isulat sa pisara ang pariralang Espirituwal na Pagkagutom.

  • Ano ang maaaring espirituwal na ikagutom ng mga tao at mahirapan silang hanapin?

Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Maaaring sabihin ng mga estudyante ang mga bagay na tulad ng pagmamahal ng Diyos, layunin sa kanilang buhay, pag-alam ng katotohanan, patnubay sa mahihirap na desisyon, atbp.

Maglaan ng ilang sandali upang isulat sa inyong study journal ang mga paraan kung saan kayo o ang isang taong kilala ninyo ay maaaring nakakadama ng espirituwal na pagkagutom sa kasalukuyan.

Hikayatin ang mga estudyante na hangarin ang Espiritu Santo ngayon habang pinag-iisipan nila kung ano ang magagawa nila para matanggap ang espirituwal na pangangalaga na ibinibigay ni Jesucristo.

Isang taggutom sa pakikinig sa mga salita ng Panginoon

Si propetang Amos ay nagpropesiya tungkol sa espirituwal na pagkagutom. Inihayag Niya ang mga salita ng Panginoon sa mga tao ng Israel, ngunit ayaw nilang pakinggan ang mga ito (tingnan sa Amos 2:12; 7:11–16).

Kung sa palagay mo ay makatutulong ito, ipabasa sa mga estudyante ang Amos 7:12–13 upang maunawaan kung paano tumugon ang mga Israelita sa mga salita ng Panginoon sa pamamagitan ni Amos.

Basahin ang Amos 8:11–12 at alamin ang mga bunga ng pagtanggi ng mga tao sa salita ng Panginoon.

Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang taggutom ay isang matinding kakulangan sa pagkain.

  • Anong mga bunga ang nalaman ninyo?

    Kung hindi babanggitin ng mga estudyante ang mga ito, magbahagi ng mga katotohanan na tulad ng sumusunod: Kapag tinatanggihan ng mga tao ang mga propeta ng Panginoon, nawawalan sila ng mga pagpapala ng salita ng Panginoon. Kung walang salita ng Diyos, tayo ay espirituwal na magugutom.

  • Sa inyong palagay, bakit magandang paghahambing ang taggutom sa pamumuhay nang walang salita ng Panginoon?

  • Sa anong mga paraan natupad ang propesiya ni Amos?

Kung kinakailangan, ibahagi sa mga estudyante na ang mga talatang ito ay tumutukoy sa isang yugto ng panahon na kilala bilang apostasiya. Ang apostasiya ay nangyayari kapag tinatanggihan ng mga indibiduwal o grupo ng mga tao ang mga alituntunin ng ebanghelyo at ang Panginoon ay hindi na nagpapadala ng mga propeta sa kanila. Ang isang katuparan ng propesiya ni Amos ay nangyari kasunod ng kamatayan ng mga apostol ni Cristo at kilala ito bilang ang Malawakang Apostasiya. Ang Malawakang Apostasiya ay tumagal nang hanggang sa ipanumbalik ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo sa pamamagitan ng propetang si Joseph Smith.

Maaari mong ibahagi ang video na “Mga Dispensasyon: Ang Pattern ng Apostasiya at Pagpapanumbalik” (6:52) para ilarawan ang kahalagahan ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo.

6:55

Pagpawi sa espirituwal na pagkagutom

Sa mapagkandiling pagmamahal ng Panginoon, nilinaw Niya sa Kanyang mga tao sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta na ililigtas Niya ang Kanyang mga tao mula sa epekto ng apostasiya at pagpapalain Niya ang Kanyang mga tao. Ipinropesiya ng Panginoon sa pamamagitan ni Amos na titipunin Niyang muli ang Kanyang mga tao sa darating na araw at pagpapalain Niya sila sa maraming paraan (tingnan sa Amos 9:14–15).

Basahin ang mga sumusunod na talata at alamin kung ano pa ang inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta na gagawin Niya sa huling dispensasyon bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito:

Daniel 2:44–45

Mga Gawa 3:19–21

Efeso 1:3, 10

Doktrina at mga Tipan 27:13; 112:30; 128:18

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila at magtanong kung mayroon silang katanungan tungkol sa mga talatang ito. Para sa karagdagang tulong, maaari mo silang ituon sa “Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo,” sa Mga Paksa at Mga Tanong.

  • Anong mga pagpapala ang ibinigay ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa mundong espirituwal na nagugutom sa pamamagitan ng Pagpapanumbalik?

Maaaring ilista ng mga estudyante ang mga susi at awtoridad ng priesthood, mga propeta, paghahayag, banal na kasulatan, organisasyon ng Simbahan, ordenansa, at ang kaloob na Espiritu Santo.

Isipin kung paano mo matutulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano matutugunan ng mga pagpapalang ito ang mga pangangailangan nila at ng mga taong mahal nila. Ang sumusunod ay isang paraan kung paano mo ito magagawa.

Sabihin sa mga estudyante na gumawa ng isang sitwasyon tungkol sa isang tao na nagugutom sa isa sa mga paksang nakalista sa pisara sa ilalim ng Espirituwal na Pagkagutom. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na magdagdag ng mga detalye upang mas makaugnay sa sitwasyon. Maaari mong ibahagi ang sumusunod tungkol kay Marta bilang halimbawa. Pagkatapos ay maaaring gumawa ang mga estudyante nang mag-isa, o sa maliliit na grupo para sagutin ang sitwasyon.

Sitwasyon: Si Marta ay 15 taong gulang at ang pinakahangarin niya ay makahanap ng layunin sa kanyang buhay. Nahihirapan siyang magtiwala sa sarili, at hindi siya sigurado kung anong direksyon ang dapat niyang tahakin.

  • Ano ang maibabahagi mo na ginawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo bilang bahagi ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo na makatutulong upang mapawi ang espirituwal na pagkagutom ni Marta?

Bilang bahagi ng iyong sagot, tiyaking magsama ng mga banal na kasulatan; sipi mula sa mga lider ng Simbahan; at, kung maaari, ng sarili mong personal na karanasan.

Kung nahihirapan ang mga estudyante na sumagot, maaari mong ipabasa sa kanila ang Gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan o ang ilan sa mga doctrinal mastery passage.

Kung sumasagot ang mga estudyante sa sitwasyon tungkol kay Marta, maaari mo silang ituon sa heading ng bahaging “Gumawa ng mga inspiradong pagpili” ng Gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan o sa Moises 1:39: “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.” Maaaring pag-isipan ng mga estudyante kung paanong ang kaalaman na nagmamalasakit sa kanila ang Panginoon at aktibong tumutulong sa kanya na makabalik sa Kanyang piling ay makatutugon sa espirituwal na pagkagutom sa pagdama ng pagmamahal ng Diyos o sa pagkakaroon ng layunin sa kanilang buhay.

Kapag nagkaroon na ng sapat na oras ang mga estudyante, ipabahagi sa kanila ang inihanda nila. Maaari din nilang ibahagi ang natutuhan nila mula sa karanasan.

Personal na pagninilay

Para tapusin ang klase, maaari mong sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang journal.

  • Ano ang natutuhan mo ngayon na nakadagdag sa iyong kumpiyansa na mapapawi ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang ating espirituwal na pagkagutom?

  • Ano ang isang paraan kung paano mo gustong gawin ang natutuhan o nadama mo?