Seminary
Daniel 1: “Hindi Durungisan [ni Daniel] ang Sarili”


“Daniel 1: ‘Hindi Durungisan [ni Daniel] ang Sarili,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Daniel 1: ‘Hindi Durungisan [ni Daniel] ang Sarili,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Daniel 1–7: Lesson 142

Daniel 1

: “Hindi Durungisan [ni Daniel] ang Sarili”

Daniel Refusing the King’s Meat and Wine, by Del Parson

Kapag nahaharap tayo sa mga sitwasyon na sumusubok sa ating determinasyon na sundin ang mga kautusan ng Panginoon, susuko ba tayo o maninindigan? Bilang mga tagapaglingkod sa palasyo ni Haring Nebukadnezar, si Daniel at ang kanyang mga kaibigan ay inutusan na labagin ang mga inihayag na batas sa kalusugan ng Panginoon, ngunit sila ay nanindigan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na patatagin ang kanilang pangako na sundin ang Word of Wisdom ng Panginoon.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang buod para sa “Word of Wisdom“ sa Mga Paksa at Mga Tanong sa Gospel Library. Hikayatin silang talakayin kung paano sila napagpala o ang iba sa pamamagitan ng pagsunod sa Word of Wisdom ng Panginoon.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ano ang gagawin ninyo?

Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng paglalarawan sa isang kabataan na mahilig tumanggap ng mga hamon na sumubok ng mga bagong bagay, tulad ng susunod na halimbawa. Maaari mong baguhin ang pangalan at mga aktibidad para mas makaugnay ang mga ito sa iyong mga estudyante.

Si Mateo ay isang aktibong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kilala siyang sumusubok ng mga bagong bagay, kaya madalas siyang binibigyan ng mga kaibigan niya ng mga hamon tulad ng sumusunod:

  • Minsan ay hinamon siya ng isang kaibigan na tumakbo sa isang marathon. Tinanggap ni Mateo ang hamon.

  • Minsan ay hinamon siya ng isang kaibigan na sumisid sa isang napakalamig na lawa. Tinanggap ni Mateo ang hamon.

  • Minsan ay hinamon siya ng isang kaibigan na magpakilala sa isang bagong estudyanteng babae sa paaralan. Tinanggap ni Mateo ang hamon.

    Pagkatapos basahin ang susunod na hamon, huminto sandali at itanong ang nasa ibaba.

  • Isang araw, hinamon si Mateo ng kanyang mga kaibigan na uminom ng alak sa isang party.

  • Sa palagay ninyo, paano tutugon si Mateo? Bakit?

    Maaari mong itanong sa mga estudyante kung karaniwan sa inyong lugar ang pamimilit na labagin ang Word of Wisdom. Maaari din nilang ilarawan ang mga sitwasyon kung saan maaaring mapilitan silang labagin ito. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na maaaring lumabag na sa kautusang ito na tandaang tutulungan sila ng Panginoon kapag bumaling sila sa Kanya at nagsisi. Tiyakin sa mga estudyante na mahal sila ng Panginoon at inaanyayahan Niya silang patuloy na magsikap.

    Para masuri ang sarili nilang pangako na sundin ang Word of Wisdom, maaaring sagutin ng mga estudyante ang mga sumusunod sa kanilang study journal.

  • Sa tingin mo, paano ka tutugon sa ganitong sitwasyon? Bakit?

  • Sa tingin mo, paano ka tutugon kung inaalok ka ng isang bagay na mas karaniwan tulad ng kape o tsaa?

Habang pinag-aaralan ninyo ang Daniel 1 ngayon, pakinggan ang mga ideya at damdaming maaaring ibigay sa inyo ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Maghanap ng mga paraan upang patatagin ang inyong pangako na sundin ang Word of Wisdom ng Panginoon.

Sinunod ni Daniel ang Panginoon

Noong 606 BC, sinalakay ni Nebukadnezar, hari ng Babilonia, ang Jerusalem at binihag ang ilang Israelita sa Babilonia. Iniutos ng hari na sanayin ang ilan sa mga kabataang Israelita para sa paglilingkod sa kanyang sambahayan. Kabilang sa mga kabataang ito ay apat na kabataang lalaki na nagngangalang Daniel, Hananias, Mishael, at Azarias. Sa Babilonia, ang kanilang mga pangalan ay pinalitan ng Belteshasar, Shadrac, Meshac, at Abednego (tingnan sa Daniel 1:1–7).

Habang binabasa ng mga estudyante ang mga sumusunod na talata, maaaring huminto sandali pagkatapos ng talata 10 para itanong ang mga nasa ibaba. Bilang alternatibo, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na sumabay sa pagbabasa ng kanilang mga banal na kasulatan habang ipinapanood mo ang video na “God Gave Them Knowledge“ (makukuha sa ChurchofJesusChrist.org) mula sa time code na 0:52 hanggang 5:15, at huminto sa time code na 4:18 para talakayin ang mga tanong.

13:52

Basahin ang Daniel 1:5, 8–14, at alamin kung ano ang iniutos ng hari kay Daniel at sa kanyang mga kaibigan na gawin.

  • Bakit maaaring naging mahirap para kay Daniel at sa kanyang mga kaibigan ang utos na ito?

  • Sa inyong palagay, bakit mas mabuti pang magalit ang hari kaysa kainin o inumin ang ilang partikular na pagkain o inumin?

Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na noong panahon ni Daniel, sinusunod ng mga Israelita ang batas ni Moises, na kinabibilangan ng ilang restriksyon sa pagkain (tingnan sa Deuteronomio 14).

Mga pagpapala sa pagsunod sa Panginoon

Para matulungan ang mga estudyante na matuklasan kung paano pinagpala ng Panginoon si Daniel at ang kanyang mga kaibigan, maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Habang binabasa nila ang mga sumusunod na talata, anyayahan ang isang kapartner na alamin kung paano pinagpala ng Panginoon si Daniel at ang kanyang mga kaibigan sa pisikal, at anyayahan ang isa pang kapartner na alamin kung paano sila pinagpala ng Panginoon sa espirituwal. Pagkatapos ay anyayahan ang mga magkakapartner na ibahagi ang nalaman nila. Sabihin sa kanila na markahan ang pisikal at espirituwal na mga pagpapala sa dalawang natatanging paraan (tulad ng pag-highlight gamit ang magkakaibang kulay o pagsalungguhit sa isa at pag-highlight sa isa pa).

Basahin ang Daniel 1:15–20, at alamin kung paano pinagpala ng Panginoon si Daniel at ang kanyang mga kaibigan sa kanilang pagsunod.

icon ng seminary Kapag natukoy ng mga estudyante ang mga katangian at pagkatao ni Jesucristo, mapaiigting nila ang kanilang hangaring magtiwala at sumunod sa Kanya. Ang isang paraan kung paano matutulungan ang mga estudyante na magawa ito ay sa pamamagitan ng paggawa ng mga tanong sa pagsasaliksik, tulad ng sumusunod, na pagninilayan ng mga estudyante.

(Para sa karagdagang pagsasanay sa paggawa ng mga tanong sa pagsasaliksik para matulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga katangian at pagkatao ni Jesucristo, tingnan sa “Gumawa ng mga Tanong sa Pagsasaliksik upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga tungkulin, titulo, simbolo, katangian at pagkatao ni Jesucristo“ sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.)

Basahin ang talata 15–20 nang isa pang beses, ngunit sa pagkakataong ito, pagnilayan ang natutuhan ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

  • Ano ang itinuturo sa inyo ng mga talatang ito tungkol sa Diyos?

  • Paano mapapalakas ng pang-unawang ito ang inyong hangaring magtiwala at sumunod sa Kanya?

Maaari mong ipaliwanag na tulad noong panahon ni Daniel, ang Panginoon ay nagpahayag ng batas sa kalusugan para sa Kanyang mga anak ngayon. Kilala ito bilang Word of Wisdom (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 89).

Ang sumusunod na aktibidad ay maaaring makatulong sa mga estudyante na pag-aralan ang Word of Wisdom. Maaari kang magbigay ng papel at mga art supply pati na rin ng mga kopya ng Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili para sa mga estudyanteng walang access sa Gospel Library. Maaari mong limitahan ang oras na gugugulin sa aktibidad na ito upang magkaroon ng oras para sa karanasan sa huling bahagi ng lesson.

Isipin na kunwari ay hiniling sa inyo na gumawa ng poster na naglalarawan ng isang bagay na natatangi sa inyong relihiyon. Nagpasiya kayong gumawa ng inyong poster tungkol sa Word of Wisdom. Gamitin ang ilan o ang lahat ng sumusunod na source upang matukoy kung ano ang isasama:

  1. Doktrina at mga Tipan 89:18–21

  2. Daniel 1:15–20

  3. “Salita ng Karunungan” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan o“Word of Wisdom” sa Mga Paksa at Mga Tanong (Gospel Library) o sa bahaging “Ano naman ang tungkol sa … ?” ng Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili (2022)

  4. Ang Word of Wisdom: Ano Ito, Ano ang Hindi Ito,” Liahona, Ago. 2019, 26–28

Tiyaking magsama ng pahayag ng katotohanan tungkol sa Word of Wisdom sa inyong poster. Ang katotohanang ito ay maaaring mula sa karanasan ni Daniel o mula sa iba pang source.

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga poster at pahayag ng katotohanan. Sa mga katotohanang maaari nilang ibahagi, bigyang-diin ang sumusunod: Kapag sinunod natin ang utos ng Panginoon na sundin ang Word of Wisdom, pagpapalain Niya tayo sa pisikal at espirituwal.

(Tandaan: Sa Lesson 160: “I-assess ang Iyong Pagkatuto 10,” babalikan ng mga estudyante ang mga poster na ginawa nila. Maaaring makatulong na kolektahin ang mga poster o idispley ang mga ito hanggang sa ituro mo ang lesson na iyon upang magkaroon ng access ang mga estudyante sa mga ito.)

Maaaring isipin ng mga taong hindi pa nauunawaan ang layunin ng Word of Wisdom na ito ay mga hindi kinakailangang restriksyon na ipinapatupad ng Simbahan. Maglaan ng ilang minuto upang pagnilayan ang mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa Word of Wisdom at ang mga resulta ng hindi pagsunod dito para sa mga indibiduwal, pamilya, at lipunan.

  • Sa palagay ninyo, paano ipinapakita ng Word of Wisdom ang pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak?

Mangako ngayon na sundin ang Panginoon

Para matulungan ang mga estudyante na patibayin ang kanilang pangako na sundin ang Word of Wisdom ng Panginoon, maaari mo silang anyayahang kumpletuhin ang mga sumusunod na pangungusap sa kanilang study journal. Habang naghahanda silang magsulat, hilingin sa kanila na isipin kung paano mapapatibay ng kanilang pangako na sundin ang Word of Wisdom ang kanilang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Gusto kong sundin ang Word of Wisdom dahil …

Ang isang bagay na magagawa ko na makatutulong sa akin na sundin ang Word of Wisdom ay …

Maaari mong tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol kay Jesucristo at sa mga pagpapalang nakita mo mula sa pagsunod sa Kanyang Word of Wisdom.