Seminary
Daniel 3: “Ang Aming Diyos … Ay Makapagliligtas sa Amin. … Ngunit Kung Sakali Mang Hindi”


“Daniel 3: ‘Ang Aming Diyos … Ay Makapagliligtas sa Amin. … Ngunit Kung Sakali Mang Hindi,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Daniel 3: ‘Ang Aming Diyos … Ay Makapagliligtas sa Amin. … Ngunit Kung Sakali Mang Hindi,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Daniel 1–7: Lesson 144

Daniel 3

“Ang Aming Diyos … Ay Makapagliligtas sa Amin. … Ngunit Kung Sakali Mang Hindi”

Kung minsan, maaari tayong mahimalang iligtas ng Panginoon sa ating mga pagsubok. Sa ibang pagkakataon, maaaring hindi Niya tayo mailigtas sa paraan o sa panahong inaasahan natin. Alinman sa dalawa ang mangyari, maaari tayong magsikap na maging tulad nina Shadrac, Meshac, at Abednego at magtiwala sa Panginoon, paano at kailan man Niya piliing pagpalain tayo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na magkaroon ng mas matinding hangarin na magtiwala kay Jesucristo anuman ang mangyari o kahinatnan.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang matatapat na disipulo ni Cristo na himalang naligtas mula sa kanilang mga pagsubok. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na isipin ang iba pang matatapat na disipulo na hindi nailigtas. Maaari nilang pagnilayan kung ano ang itinuturo sa kanila ng mga salaysay na ito tungkol sa pagtitiwala sa Panginoon.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagsampalataya kay Jesucristo

Maaaring simulan ang klase sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na kuwento tungkol sa anak ni Elder Bowen na si Tyson.

Tandaan: Ang video na bersiyon ng pahayag ay may karagdagang impormasyon na wala sa nakasulat na pahayag.

Ibinahagi ni Elder Shayne M. Bowen ng Pitumpu ang sumusunod na personal na karanasan:

11:26
Official Portrait of Elder Shayne M. Bowen.  Photographed March 2017.

Noong [ang aking anak na] si Tyson ay walong buwang gulang, nakalulon siya ng chalk na nakita niya sa carpet. Bumara ang chalk sa lalamunan ni Tyson, at hindi siya makahinga. Ipinanhik si Tyson ng kanyang kuya, na natatarantang sumigaw ng, “Hindi humihinga si baby. Hindi humihinga si baby.” Binigyan namin siya ng CPR at tinawagan ang 911.

Dumating ang mga paramedic at isinugod si Tyson sa ospital. Sa waiting room patuloy kaming nagdasal nang taimtim, nagsusumamo ng himala sa Diyos. (“Sapagka’t Ako’y Nabubuhay, ay Mangabubuhay Rin Naman Kayo,” Liahona, Nob. 2012, 16)

  • Paano maaaring makaapekto sa pananampalataya ng pamilya sa Diyos ang iba’t ibang maaaring kahinatnan ng sitwasyong ito?

Nagpatuloy si Elder Bowen:

11:26
Official Portrait of Elder Shayne M. Bowen.  Photographed March 2017.

Matapos ang tila napakatagal na paghihintay, pumasok ang doktor sa silid at sinabi, “Ikinalulungkot ko. Wala na kaming magagawa pa. Maiwan ko muna kayo.” Pagkatapos ay umalis na siya.

Nang pumasok kami sa silid na kinahihimlayan ni Tyson, nakita naming wala nang buhay ang aming pinakamamahal. …

Nang sandaling iyon pakiramdam ko ay katapusan na ng mundo. (“Sapagka’t Ako’y Nabubuhay, ay Mangabubuhay Rin Naman Kayo,” Liahona, Nob. 2012, 16)

Katulad ng pamilya Bowen, maaari kayong magkaroon ng mga karanasan kung saan hindi kayo binibiyayaan ng Diyos sa paraang inaasahan ninyo. Pagnilayan ang mga karanasan ninyo o ng inyong pamilya kung saan nadama ninyo na ipinagkaloob o hindi ipinagkaloob sa inyo ng Panginoon ang nais ninyong mangyari.

Maaaring makatulong na ipakita ang mga sumusunod na tanong.

Itanong sa inyong sarili ang mga sumusunod:

  • Paano nakaimpluwensya sa karanasan mo ang iyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  • Nadarama mo bang mapagkakatiwalaan mo Sila, anuman ang mga pagpapalang matatanggap o hindi mo matatanggap? Bakit oo o bakit hindi?

Sa pag-aaral ninyo ng Daniel 3 ngayon, bigyang-pansin ang anumang impresyon mula sa Espiritu Santo na makatutulong sa pagpapalakas ng inyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo anuman ang mangyari.

Isang mahirap na pagpapasiya

Maaari mong isulat sa pisara ang mga sumusunod na pangalan: Shadrac, Meshac, at Abednego. Ipakita ang sumusunod na larawan ng gintong diyus-diyusan at sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang nalalaman tungkol sa salaysay na ito. Maaari mong ibuod ang konteksto sa ibaba gamit ang sarili mong mga salita.

Ang hari ng Babilonia na si Nebukadnezar ay gumawa ng isang malaking gintong estatwa, o rebulto. Tinatayang 90 talampakan (27.4 metro) ang taas at 9 na talampakan (2.74 metro) ang lapad nito (tingnan sa Daniel 3:1). Inutusan ng hari ang lahat na magpatirapa at sumamba sa rebulto kapag pinatugtog ang partikular na musika (tingnan sa Daniel 3:4–5). Ang mga taong hindi sasamba sa rebultong ginto ay itatapon sa “hurno ng nagniningas na apoy” (Daniel 3:6).

Isinasaalang-alang ang mga mangyayari kapag hindi sumamba sa rebultong ito, pag-isipan kung ano sa palagay ninyo ang inyong gagawin kung naroon kayo.

Pinili nina Shadrac, Meshac, at Abednego na igalang ang Diyos sa pamamagitan ng hindi pagsamba sa rebulto (tingnan sa Daniel 3:12).

Upang matulungan ang mga estudyante na pag-aralan ang mga sumusunod na talata, maaari mong anyayahan ang limang handang estudyante na basahin ang mga bahagi nina Nebukadnezar, Shadrac, Meshac, Abednego, at ng tagapagsalaysay. Ang mga estudyanteng magbabasa para kina Shadrac, Meshac, at Abednego ay maaaring magbasa ng isang talata sa Daniel 3:16–18.

Basahin ang Daniel 3:13–18, at alamin ang matututuhan ninyo sa mga lalaking ito tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo.

  • Anong mga aral ang matututuhan ninyo tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo?

    Tulungan ang mga estudyante na malaman na maipapakita natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Kanya, anuman ang mangyari.

    Maaari mong ipamarka sa mga estudyante ang pariralang “ay makapagliligtas sa amin” (talata 17). Bigyang-diin na ang kaalaman na maaaring ipagkaloob ng Diyos sa atin ang inaasam natin ay pagpapakita ng pananampalataya sa Kanya.

    Pagkatapos ay anyayahan ang mga estudyante na markahan ang pariralang “ngunit kung sakali mang hindi” (talata 18). Itanong sa mga estudyante kung ano ang natutuhan nila tungkol sa pananampalataya sa Diyos mula sa kahandaan ng mga lalaking ito na tanggapin na maaaring hindi piliin ng Diyos na ipagkaloob sa kanila ang inaasam nila.

  • Ano ang pagkakaiba ng pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo at ng pananampalataya sa kinahinatnan o resulta?

  • Anong mga makabagong sitwasyon kung saan kailangang magpakita ng pananampalataya ang isang tao kay Jesucristo sa halip na pananampalataya sa resulta?

Ang resulta ng ating pananampalataya

Maaari mong ipakita ang larawan ng nagniningas na hurno mula sa simula ng lesson. Maaaring pag-aralan ng mga estudyante ang mga sumusunod na talata at talakayin ang mga tanong sa ibaba nang magkakapartner o sa maliliit na grupo.

Basahin ang Daniel 3:19–28, at markahan ang mga salita o parirala na nagpapahanga sa inyo sa naranasan nina Shadrac, Meshac, at Abednego.

Para matulungan ang mga estudyante na mailarawan sa isipan ang mga talatang ito, maaari mong ipanood ang video na “Shadrach, Meshach, and Abed-nego” (1:39), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org.

1:39
  • Ano ang hinangaan mo mula sa kuwentong ito?

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa Diyos mula sa salaysay na ito?

Maaaring makatulong na ipaliwanag na kahit na iniligtas ng Diyos sina Shadrac, Meshac, at Abednego, maaaring hindi Niya tayo palaging ililigtas mula sa mga negatibong resulta. Upang maipakita ito, maaaring kumpletuhin ng mga estudyante ang sumusunod na aktibidad.

Mag-isip ng mga salaysay sa banal na kasulatan kung saan nanampalataya ang mga tao kay Jesucristo at nakaranas pa rin ng mga negatibong resulta.

Maaari mong isulat ang Ngunit kung sakali mang hindi … sa pisara. Maaaring ilista ng mga estudyante sa ilalim ng pariralang ito ang mga taong naisip nila. Kung may oras pa, maaari nilang hanapin ang mga salaysay ng mga taong ito sa mga banal na kasulatan, at maghanap ng katibayan na nagtiwala sa Diyos ang mga taong ito. Ang sumusunod ay mga halimbawang maaari mong patingnan sa mga estudyante kung kinakailangan: Nephi (tingnan sa 1 Nephi 18:10–16), Abinadi (tingnan sa Mosias 17:9–20), Joseph at Hyrum Smith (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 135:1), o iba-ibang mabubuting tao (tingnan sa Mga Hebreo 11:36–40).

  • Paano kayo natutulungan ng mga salaysay na ito na magtiwala sa Panginoon anuman ang resulta o mangyari?

  • Ano ang alam ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na tumutulong sa inyo na magtiwala sa Kanila anuman ang mangyari?

Pag-asa kay Cristo

Maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang karanasan ni Elder Bowen. Ang sumusunod na pahayag ay makatutulong sa kanila na makita kung paano siya nagtiwala sa Panginoon sa kabila ng resultang naranasan niya.

Ipinagpatuloy ni Elder Bowen ang pagbabahagi ng kanyang karanasan:

Official Portrait of Elder Shayne M. Bowen.  Photographed March 2017.

Nang napuno na ako ng paninisi, galit, at awa sa sarili, ipinagdasal ko na mabago ang aking saloobin. Sa napakapersonal na sagradong mga karanasan, binigyan ako ng Panginoon ng bagong damdamin, at kahit naroon pa rin ang lungkot at sakit, nabago ang buong pananaw ko. Ipinaalam sa akin na walang inagaw sa akin at sa halip ay may dakilang pagpapalang naghihintay sa akin kung ako ay magiging matapat.

Nagsimulang mabago ang buhay ko, at nagawa kong umasam nang may pag-asa, sa halip na balikan ang nakaraan nang may pagdadalamhati. …

Pinatototohanan ko na dahil sa Kanya, ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, ang mga pagdurusa, lungkot, at kawalan ng pag-asa ay papawiing lahat balang araw kapalit ang ganap na kagalakan. Pinatototohanan ko na makaaasa tayo sa Kanya. (“Sapagka’t Ako’y Nabubuhay, ay Mangabubuhay Rin Naman Kayo,” Liahona, Nob. 2012, 17)

  • Paano makatutulong sa inyo ang karanasan ni Elder Bowen?

  • Kailan kayo o ang isang kakilala ninyo nagpakita ng pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Kanila anuman ang mangyari?

Sa inyong study journal, isulat kung ano ang tumutulong sa inyo na magtiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo anuman ang mangyari. Maaari ninyong isama kung paano makatutulong sa inyo ang mga aral na natutuhan ninyo mula sa Daniel 3 sa mga pagsubok na inyong haharapin o kung ano ang inaasam ninyong maalala sa hinaharap.

Maaari mong anyayahan ang ilang handang estudyante na magbahagi. Maaari mong tapusin ang lesson sa pagbibigay ng sarili mong patotoo o nadarama tungkol sa pagtitiwala sa Panginoon.