“Ezekiel 37: Ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay Nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Ezekiel 37: Ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay Nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Ezekiel 1–3; 33–34; 36–37; 47: Lesson 140
Ezekiel 37
Ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay Nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo
Sa Ezekiel 37, nakita ni Ezekiel ang isang pagtitipon at muling pagsasama ng lahat ng lipi ng Israel sa Panginoon sa hinaharap (tingnan sa Ezekiel 37:20-28). Ipinaliwanag din ng mga makabagong propeta ang pangitain ni Ezekiel bilang tungkod ng Juda (ang Biblia) at ang tungkod ni Jose (ang Aklat ni Mormon) na nagkakaisa bilang magkatuwang na mga tipan ni Jesucristo at ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo (tingnan sa Ezekiel 37:15–17). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang mga paraan kung paano nagtutulungan ang Biblia at ang Aklat ni Mormon bilang mga saksi ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na isipin na kunwari ay tinatanong sila, “Bakit mo kailangan ang Aklat ni Mormon kung naniniwala ka sa Biblia?“ at maghandang ibahagi kung paano sila tutugon. Maaari din nilang tanungin ang isang kaibigan o kapamilya kung paano siya tutugon sa tanong.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Isang tiyak at matibay na pangalawang saksi
Isipin na kunwari ay may nakita kayong post sa social media na may tanong na, “Bakit mo kailangan ang Aklat ni Mormon kung naniniwala ka sa Biblia?“
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang tanong na ito habang isinusulat mo ito sa pisara. Pagkatapos ay anyayahan ang mga estudyante na tanungin ang kanilang sarili:
-
Gaano kalaki ang kumpiyansa mo sa iyong kakayahang sagutin ang tanong na ito?
-
Kung itatanong ito sa iyo ng isang kaibigan, ano ang ibabahagi mo?
Habang pinag-aaralan ninyo ngayon ang Ezekiel 37, anyayahan ang Espiritu na tulungan kayong makilala ang mga paraan kung paano nagpapatotoo ang Biblia at Aklat ni Mormon tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Sa huling bahagi ng lesson, magkakaroon kayo ng pagkakataong sagutin ang tanong na ito.
Ang tungkod ng Juda at ang tungkod ni Jose
Ang propetang si Ezekiel ay ipinadala upang mangaral ng pagsisisi sa mga Israelita na mga bihag sa Babilonia. Sa Ezekiel 37, itinala ng propeta ang isang pangitain kung saan itinuro ng Panginoon na ang Sambahayan ni Israel, na espirituwal na patay dahil sa apostasiya, ay mabubuhay muli sa pamamagitan ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Bilang bahagi ng pangitain, nakakita si Ezekiel ng dalawang tungkod o mga tapyas na kahoy kung saan isusulat ang mga mensahe.
Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang sumusunod na passage, maaari mong ituro na ang “tungkod ng Juda” ay tumutukoy sa Biblia. Ang “tungkod ni Jose“ ay tumutukoy sa Aklat ni Mormon (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ephraim“; “Juda“). Maaaring isama ng mga estudyante ang impormasyong ito bilang tala sa kanilang mga banal na kasulatan sa tabi ng talata 16.
Ang Ezekiel 37:15–17 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan upang madali nilang mahanap ang mga ito.
Basahin ang Ezekiel 37:15–20, at alamin ang pangako ng Panginoon tungkol sa mga banal na kasulatan sa mga huling araw.
-
Ano sa palagay ninyo ang maaaring ibig sabihin ng pariralang “sila’y ma[gi]ging isa sa iyong kamay“ (talata 17)?
Upang matulungan tayong maunawaan kung paano magiging “isa[ng]“ tipan ng Tagapagligtas ang Biblia at ang Aklat ni Mormon, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Ang Biblia at Aklat ni Mormon ay kapwa mga saksi ni Jesucristo. Itinuturo ng mga ito na Siya ang Anak ng Diyos, na uliran ang Kanyang buhay, na nagbayad-sala Siya para sa buong sangkatauhan, na namatay Siya sa krus at muling nagbangon bilang nabuhay na mag-uling Panginoon. Itinuturo ng mga ito na Siya ang Tagapagligtas ng sanlibutan.
Pinatototohanan ng mga saksi sa mga banal na kasulatan ang isa’t isa. Ang ideyang ito ay matagal nang ipinaliwanag nang isulat ng isang propeta na ang Aklat ni Mormon ay ”isinulat sa layuning kayo ay maniwala [sa Biblia]; at kung kayo ay maniniwala [sa Biblia] ay paniniwalaan din ninyo [ang Aklat ni Mormon]” (Mormon 7:9). Bawat aklat ay tumutukoy sa isa. Bawat aklat ay ebidensya na ang Diyos ay buhay at nangungusap sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang mga propeta. …
Ngayon, nagpapasalamat ang mga Banal na naninirahan sa maraming bansa sa mundo na napasakamay nila ang pinagsamang Biblia (ang tungkod ng Juda) at ang Aklat ni Mormon (ang tungkod ng Ephraim). (“Mga Saksi sa mga Banal na Kasulatan,” Liahona, Nob. 2007, 43, 44)
-
Paano ninyo ibubuod ang natutuhan natin mula sa Ezekiel 37:15–20 at kay Pangulong Nelson?
Bagama‘t maaaring magkakaiba ang mga salitang gagamitin ng mga estudyante, tulungan silang magbahagi ng katotohanang tulad ng ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay kapwa mga saksi ni Jesucristo.
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang parehong nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo ang Biblia at ang Aklat ni Mormon?
Magkatuwang na mga saksi ni Jesucristo
Ang sumusunod na aktibidad ay maaaring makatulong sa mga estudyante na mas maunawaan kung paanong ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay kapwa nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.
Maaari mong ibigay ang isang bahagi ng chart o ang buong chart sa ibaba. Maaaring pumili ang mga estudyante ng isa o mahigit pang paksa na pag-aaralan nang mag-isa, nang may kapartner, o sa isang maliit na grupo.
|
Paksa ng Ebanghelyo |
Magkatuwang na Banal na Kasulatan |
|---|---|
Paksa ng Ebanghelyo Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo | Magkatuwang na Banal na Kasulatan Biblia: Isaias 53:3–5 Aklat ni Mormon: Alma 7:11–13 |
Paksa ng Ebanghelyo Pagkabuhay na muli ng lahat dahil kay Jesucristo | Magkatuwang na Banal na Kasulatan Biblia: 1 Corinto 15:20–22 Aklat ni Mormon: Alma 11:42–45 |
Paksa ng Ebanghelyo Nangako ang Tagapagligtas na titipunin at tutubusin Niya ang Kanyang mga tao | Magkatuwang na Banal na Kasulatan Biblia: Ezekiel 37:21–23, 26–27 Aklat ni Mormon: 1 Nephi 10:14 |
Paksa ng Ebanghelyo Ang mga katangian ni Jesucristo | Magkatuwang na Banal na Kasulatan Biblia: Isaias 63:7 Aklat ni Mormon: Mosias 4:11 |
Paksa ng Ebanghelyo Ang ordenansa ng pagbibinyag ng Tagapagligtas | Magkatuwang na Banal na Kasulatan Biblia: Mateo 3:13–17 Aklat ni Mormon: 2 Nephi 31:5–12 |
Paksa ng Ebanghelyo Pumili ka ng paksa | Magkatuwang na Banal na Kasulatan Biblia: |
Mag-isip ng paraan para matulungan ang mga estudyante na maibahagi ang natutuhan nila. Ang isang paraan upang gawin ito ay ibigay ang kasamang handout para magamit ng mga estudyante sa paggawa ng post sa social media. Kung hindi pamilyar sa social media ang mga estudyante, maaari mong iakma ang aktibidad na ito sa pagpapasadula sa mga estudyante ng ibabahagi nila sa isang tao. Ang aktibidad ay nag-aanyaya sa mga estudyante na sagutin ang tanong na ibinigay sa simula ng lesson.
Pumili ng isa sa mga paksang pinag-aralan ninyo at gumawa ng post sa social media na magagamit para masagot ang tanong na, “Bakit kailangan mo ang Aklat ni Mormon kung naniniwala ka sa Biblia?“ Isama ang mga talata mula sa Biblia at Aklat ni Mormon na pinag-aralan ninyo. Ipaliwanag ang kahalagahang nalaman mo at kung paano kapwa nagtuturo ang mga ito tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.
Ibahagi ang natutuhan ninyo
Maaari mong i-tape ang mga post o poster ng mga estudyante sa dingding sa paligid ng silid o ilagay ang mga ito sa mga mesa. Pagkatapos ay anyayahan ang mga estudyante na maglakad-lakad sa loob ng silid at suriin ang gawa ng kanilang mga kaklase. Magbigay ng maliliit na papel o sticky note na gagamitin ng mga estudyante habang ginagawa nila ang mga sumusunod na tagubilin.
Magsulat ng “komento“ sa isa o mahigit pa sa iba pang post sa social media. Sa iyong komento, kumpletuhin ang kahit isa sa mga sumusunod na opsiyon:
-
Magdagdag ng karagdagang scripture reference mula sa Biblia o sa Aklat ni Mormon na makatutulong sa isang tao na mas maunawaan pa ang tungkol sa Tagapagligtas at ang paksang ito. Magsama ng ilang saloobin tungkol sa kahalagahan ng banal na kasulatan na iyong ibinahagi.
-
Ibahagi kung paano ka natulungan ng Biblia at ng Aklat ni Mormon na maunawaan ang tungkol sa Tagapagligtas at ang turong ito.
-
Magsulat ng isang karanasan mo nang nakatulong ang mga banal na kasulatan mula sa Biblia o Aklat ni Mormon na madagdagan ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo.
-
Sa halip na isulat ang iyong mga saloobin sa isang papel, magbahagi ng isang bagay na natutuhan mo ngayon tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo ng ebanghelyo sa iyong personal na social media account. Magsama ng mga scripture passage at kung paano ka natulungan ng Biblia at Aklat ni Mormon na mas maunawaan ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na patuloy na gamitin ang Biblia at ang Aklat ni Mormon para mas maunawaan nila ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.
Isaulo
Maaari mong tulungan ang mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa lesson na ito at rebyuhin ang mga ito sa mga lesson sa hinaharap. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa “Ezekiel 37:15–17” ay “Ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay magiging isa sa iyong kamay.” Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”