“Ezekiel 34: ‘Siya’y Magiging Kanilang Pastol,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Ezekiel 34: ‘Siya’y Magiging Kanilang Pastol,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Ezekiel 1–3; 33–34; 36–37; 47: Lesson 139
Ezekiel 34
“Siya’y Magiging Kanilang Pastol”
Lahat tayo ay nakadarama ng pagkaligaw, pagkabigo, pagkakasakit, o nangangailangan ng tulong kung minsan. Isinugo ng Ama sa Langit si Jesucristo upang “[talian] ang nabalian” at “[palakasin] ang mahihina” (Ezekiel 34:16). Sa Ezekiel 34, inihalintulad ng propetang si Ezekiel kung paano pinangangalagaan ng isang mabuting pastol ang kanyang kawan sa kung paano pinangangalagaan ni Jesucristo ang mga anak ng Ama sa Langit. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas na hanapin at pangalagaan ang iba.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng mga dahilan kung bakit angkop kay Jesucristo ang pangalang “ang Mabuting Pastol“ (Juan 10:11, 14). Maaari nilang pag-isipan kung paano sila tinutulungan ng pangalang ito ng Tagapagligtas na maunawaan ang Kanyang pagmamahal at hangaring pangalagaan ang mga anak ng Ama sa Langit.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Isang simbolo para sa Tagapagligtas
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na karanasan at pahayag. Anyayahan ang mga estudyante na tukuyin ang mga kilos ng pastol na simbolo ng pagmamahal ng Tagapagligtas para sa kanila. Bilang alternatibo, maaari mong ipanood ang “Shepherds of Israel“ mula sa time code na 1:07 hanggang 4:09.
Sa isang paglalakbay papunta sa Morocco, natutuhan pa ni Elder John R. Lasater ng Pitumpu ang tungkol sa pagmamahal ni Jesucristo sa mga anak ng Ama sa Langit nang nabangga ng sasakyang pagmamay-ari ng royal family ang isang tupa, at kinakailangang mabayaran ang pastol ng malaking halaga. Sinabi ng interpreter ni Elder Lasater na ayaw tanggapin ng pastol ang pera. Pagkatapos ay ibinahagi ni Elder Lasater ang sumunod na nangyari:
Nagtaka ako, at tinanong ko siya kung bakit. At idinagdag niya, “Dahil sa pagmamahal niya sa bawat isa sa kanyang mga tupa.“ Noon ko nakitang yumuko ang matandang pastol, binuhat ang sugatang tupa, at inilagay ito sa malaking bulsa na nasa harap ng suot niyang baro. Hinaplos-haplos niya ang ulo nito, at paulit-ulit na binigkas ang iisang salita. Nang itanong ko ang ibig sabihin ng salita, sinabi sa akin, “Ah, iyon ang pangalan ng tupa. May pangalan ang lahat ng kanyang mga tupa, sapagkat siya ang kanilang pastol, at kilala ng mabubuting pastol sa pangalan ang bawat isa sa kanilang mga tupa.” (“Shepherds of Israel,” Ensign, Mayo 1988, 74)
-
Ano ang matututuhan ninyo tungkol kay Jesucristo mula sa mga ginawa ng pastol?
Habang nag-aaral kayo ngayon, humingi ng tulong sa Espiritu Santo upang malaman kung paano natin matutularan ang halimbawa ni Jesucristo na pangalagaan ang mga anak ng Ama sa Langit.
Mga Pastol
Sa Ezekiel 34, inihambing ng Panginoon ang mga pinuno ng Israel sa mga pastol na hindi inaalagaan ang kanilang mga kawan. Basahin ang Ezekiel 34:1–6, at markahan ang mga pariralang ginamit ng Panginoon upang ilarawan ang mga pinunong Israelita.
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Panginoon mula sa Kanyang mga alalahanin na ipinahayag sa mga talatang ito?
Upang matulungan ang mga pinuno ng Israel na mas mapangalagaan ang kanilang mga kawan, inilarawan ni Jesucristo kung paano Niya pinangangalagaan ang Kanyang kawan (tingnan sa Juan 10:11, 14, kung saan inilarawan din ni Jesus ang Kanyang sarili bilang “ang Mabuting Pastol“).
Maaari kang magpakita ng larawan ni Jesucristo na naglalarawan sa Kanya bilang pastol, tulad ng larawan na nasa simula ng lesson na ito. Sa kaliwang bahagi ng larawan, maaari mong isulat ang “Bilang Mabuting Pastol, ang Tagapagligtas ay …” Maaaring ibuod ng mga estudyante ang kanilang minarkahan sa Ezekiel 34:11–16 sa ilalim ng heading na ito.
Basahin ang Ezekiel 34:11–16, at markahan ang mga pariralang naglalarawan sa ginagawa ni Jesucristo para sa mga anak ng Ama sa Langit.
Maaaring kabilang sa mga buod na ibibigay ng mga estudyante mula sa mga talata ang:
-
Hinahanap ang mga nawala (talata 11–12, 16)
-
Inililigtas sila mula sa kadiliman (talata 12)
-
Pinangangalagaan sila at ibinibigay ang kanilang mga pangangailangan (talata 13–15)
-
Tinatalian ang nabalian (talata 16)
-
Pinapalakas ang mahihina (talata 16)
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng ilang kuwento mula sa mga banal na kasulatan tungkol sa kung paano ipinakita ng Tagapagligtas ang ilan sa mga aksiyon na ito sa mga anak ng Ama sa Langit.
Upang matulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang mga pagsisikap sa pagtulad sa halimbawa ng Tagapagligtas na pangalagaan ang iba, maaari mong ipakita ang sumusunod na self-assessment.
Ihambing ang minarkahan mo sa dalawang hanay ng mga talata na napag-aralan mo sa Ezekiel 34, pagkatapos ay pagnilayan kung paano mo sasagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang ilang paraan kung saan sa palagay mo ay katulad ka ng Tagapagligtas?
-
Mayroon bang mga paraan kung saan maaari kang maging higit na katulad ng mga pastol sa Israel?
-
Ano ang mga posibleng hadlang na kakaharapin mo sa pangangalaga sa iba tulad ng Tagapagligtas?
Pangangalaga sa Kanyang mga tupa
Maaari mong isulat ang “Maaari kong tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng …” sa kanang bahagi ng larawan ng Tagapagligtas. Ilagay ang mga estudyante sa maliliit na grupo at ibigay ang mga sumusunod na tagubilin.
Gamit ang nalaman ninyo sa Ezekiel 34:11–16, gumawa ng listahan ng mga praktikal na paraan kung paano mapangangalagaan ng mga kabataan ang iba tulad ng ginagawa ng Tagapagligtas.
Ang ilang posibleng ideya na baka maisip ng mga estudyante ay maaaring ang mga sumusunod:
-
Pagbisita sa isang taong matagal na nilang hindi nakikita (“Ako mismo ang maghahanap sa aking mga tupa, at aking pagmamalasakitan sila” [Ezekiel 34:11])
-
Pagiging bukas-palad sa kanilang oras o resources (“[Aking pakakainin ang] aking mga tupa“ [Ezekiel 34:15])
-
Pag-aanyaya sa isang tao na makibahagi sa isang aktibidad kasama ka (“Aking… ibabalik ang naligaw” [Ezekiel 34:16])
-
Pagkatanto sa pisikal o emosyonal na pangangailangan ng iba (“Aking… tatalian ang nabalian, at palalakasin ang mahihina“ [Ezekiel 34:16])
Pagkatapos gawin ang listahang ito sa mga grupo, maaari mong ipalista sa bawat grupo ang isa sa kanilang mga ideya sa pisara. Pagkatapos mailista ng ilang ideya sa pisara, maaaring maging kapaki-pakinabang na ipatalakay sa mga estudyante ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang maaaring maging problema sa paggawa ng mga bagay na ito?
-
Paano kayo matutulungan ng Tagapagligtas na madaig ang mga problemang ito?
Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at anyayahan ang mga estudyante na pumili ng isang tanong man lang para sagutin. Habang pinagninilayan ng mga estudyante ang mga personal na karanasan, matutulungan sila ng Espiritu Santo na madama ang katotohanan at kahalagahan ng natututuhan nila.
-
Paano ka pinagpala ng Tagapagligtas o ang iyong pamilya sa pamamagitan ng pagpapadala ng isang tao upang hanapin at pangalagaan ka?
-
Paano ka ginamit ng Tagapagligtas o ang iyong pamilya para hanapin at pangalagaan ang iba?
Kung sa palagay mo ay makatutulong sa mga estudyante na makakita ng halimbawa ng mga kabataang nangangalaga sa iba tulad ng ginagawa ni Jesus, maaari mong ipanood ang “Face to Face kasama sina President at Sister Oaks“ mula sa time code na 57:50 hanggang 59:55, na makikita sa ChurchofJesusChrist.org. Sa video na ito, nagbabahagi ang mga kabataan ng mga ideya sa kung paano nila hinahanap at pinangangalagaan ang iba.
Gumawa ng plano
Ang paggawa ng plano sa klase na kumilos ayon sa kanilang natutuhan ay makatutulong sa mga estudyante na mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo.
Maglaan ng ilang sandali upang isipin ang mga tao sa inyong buhay na maaaring katulad ng mga tupa (nawala, nakalat, nabalian, mahina) sa Ezekiel 34. Ito ay maaaring mga tao sa inyong klase o korum, sa inyong pamilya at mga kaibigan, o mga tao sa paaralan. Hingin ang tulong ng Espiritu Santo sa pag-iisip kung sino ang maaaring mangailangan ng inyong tulong.
Mula sa mga ideyang natalakay natin, o iba pa na nahihikayat kayong gawin, isulat kung paano ninyo matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas na hanapin at pangalagaan ang indibiduwal na ito.
Para ipaalala sa inyong sarili ang inyong plano, maaari ninyo itong isulat sa isang piraso ng papel o itakda ito bilang paalala sa inyong telepono.
Maaari kang magplano ng ilang minuto sa susunod na lesson para mag-follow up sa mga estudyante tungkol sa kanilang mga plano at tingnan ang kanilang progreso. Bilang pagtatapos, maaari mong ibahagi kung paano ka pinangalagaan ng isang tao o kung paano mo pinangalagaan ang iba tulad ng ginagawa ng Tagapagligtas.