“Isaias 44–47: ‘Liban Sa Akin Ay Walang Diyos,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Isaias 44–47: ‘Liban Sa Akin Ay Walang Diyos,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Isaias 40–49: Lesson 120
Isaias 44–47
“Liban Sa Akin Ay Walang Diyos”
Araw-araw, nahaharap tayo sa mga impluwensya na humahamon sa ating katapatan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang ilang Israelita sa panahon ni Isaias, na nahaharap sa mga katulad na tukso, ay bumaling sa pagsamba sa mga diyus-diyusan. Bilang tugon, mapagmahal ngunit malinaw na binalaan ng Panginoon ang mga Israelita laban sa pagsamba sa mga huwad na diyos. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na unahin ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa sinuman o anumang bagay sa kanilang buhay.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin ang natutuhan nila sa buong pag-aaral nila ng Lumang Tipan. Pagkatapos, anyayahan sila na pag-isipan ang “Paano napag-ibayo ng natutuhan ko tungkol saAma sa Langit at kay Jesucristo ang hangarin ko na unahin Sila sa buhay ko?”
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagsamba sa bayani
Maaaring simulan ang klase sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga sumusunod.
-
Kung magsasagawa kayo ng survey sa mga tinedyer sa ating lugar tungkol sa kung sino ang kanilang mga bayani, sino sa palagay ninyo ang maaari nilang isama?
Pagkatapos ay anyayahan ang mga estudyante na gawin ang sumusunod sa kanilang study journal.
Gumawa ng listahan ng inyong sariling mga bayani. Maglagay ng bituin sa tabi ng mga taong tila may pinakamalaking impluwensya sa inyong buhay.
Ibinahagi ni Bishop W. Christopher Waddell ng Presiding Bishopric ang sumusunod na payo tungkol sa ating mga bayani.
Noong bata pa ako, ang mga unang bayani ko ay mga atleta. Naaalala ko na nag-iipon ako ng mga baseball card na may mga larawan at estatistika ng mga manlalaro sa Major League Baseball. Ang “labis na paghanga” kapag bata ka ay nagpapadama ng saya at kainosentihan, tulad ng kapag ang mga bata ay nagbibihis ng damit na katulad ng kanilang paboritong superhero para sa Halloween. Bagama’t hinahangaan at nirerespeto natin ang maraming matatalino at kahanga-hangang kalalakihan at kababaihan dahil sa kanilang mga kakayahan at kontribusyon, ang antas ng paghanga sa kanila ay maaaring lumabis, at maihahalintulad sa mga anak ni Israel na sumasamba sa ginintuang guya sa disyerto ng Sinai. …
Ang bayani— ang bayani natin, ngayon at sa tuwina—ay si Jesucristo, at anuman o sinuman na naglilihis sa atin palayo sa Kanyang mga turo, na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga buhay na propeta, ay maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa ating pag-unlad sa landas ng tipan. (“Higit Pa sa Isang Bayani,” Liahona, Nob. 2023, 90)
-
Ano ang pinakamahalaga para sa inyo mula sa mensahe ni Bishop Waddell?
Para matulungan ang mga estudyante na masuri kung saan nila inilalagay ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa kanilang buhay, maaari mo silang anyayahan na balikan ang kanilang listahan ng mga bayani habang tahimik nilang pinag-iisipan ang mga sumusunod na tanong.
-
May mga bayani ba sa listahan mo na nakagagambala sa pagsamba mo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
May mga interes, aktibidad, o bagay ba na maaaring makagambala sa iyo sa pagsamba sa Kanila?
Habang naghahanda ang mga estudyante na pag-aralan ang mga turo ni Isaias ngayon, anyayahan silang makinig sa mga impresyon mula sa Espiritu Santo tungkol sa mga paraan na magagawa nilang unahin ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa kanilang buhay.
Walang ibang Diyos
Ipaliwanag na ang mga anak ni Israel noong panahon ni Isaias ay nahirapang unahin ang Panginoon sa kanilang buhay. Sa halip, bumaling sila sa mga huwad na diyos tulad ng mga diyus-diyusan para sa tulong.
Maaari mong anyayahan ang mga magkapartner o maliliit na grupo na basahin ang sumusunod na mga talata at ibuod sa isang pangungusap ang natutuhan nila.
Basahin ang Isaias 44:6, 8 at 46:9, at alamin ang nais ng Panginoon na maunawaan ng mga anak ni Israel tungkol sa pinagtutuunan ng kanilang pagsamba.
Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang buod ng natutuhan ng kanilang grupo. Kung hindi nila ito kusang ibabahagi, tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Walang sinuman at walang anumang bagay sa lupa ang maikukumpara kay Jesucristo.
Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari mong ituro na ang Isaias 44:6 ay naglalaman ng ilang titulo para kay Jesucristo. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung ano ang itinuturo ng bawat titulo tungkol kay Jesucristo.
Sa Isaias 44–46, inilarawan ng Panginoon ang pagsamba ng mga Israelita sa mga huwad na diyos. Ipinapaalala Niya sa mga tao na sila ay gumawa, sumamba, at nagdasal sa mga diyus-diyusan na gawa sa kahoy na ginagamit din nila sa paggawa ng apoy at pagluluto ng pagkain. At nang mabihag ang mga Israelita, nahirapan ang kanilang mga hayop na hilahin ang mga kariton na pinabigat ng kanilang mga diyus-diyusan na gawa ng tao.
Basahin ang Isaias 44:14–19 at Isaias 46:1–2, at alamin ang paglalarawan ng Panginoon sa mga sinaunang diyus-diyusan na maaaring iangkop sa mga bagay na nakahahadlang sa pagsamba ng mga tao sa Panginoon sa ating panahon. (Maaaring makatulong na malaman na ang dalawa sa mga sinasamba nilang diyus-diyusan ay tinatawag na Bel at Nebo.)
-
Ano ang nalaman ninyo?
Maaari mong isulat ang pariralang “Magpapatirapa ba ako sa isang pirasong kahoy?” (Isaias 44:19) sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng tanong na ito sa kanilang sariling salita.
Pagkatapos ay burahin ang pariralang “isang pirasong kahoy” sa tanong para maiwan ang pariralang “Magpapatirapa ba ako sa ?”
Sabihin sa mga estudyante na pumunta sa pisara at tapusin ang pangungusap sa mga paraan na naaangkop sa mga tao sa ating panahon.
-
Ano ang panganib ng pag-una sa mga tao o bagay na ito kaysa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Bakit maaaring mahirap na palaging unahin ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa ating buhay?
Pag-una kay Jesucristo
Para matulungan ang mga estudyante na unahin ang Tagapagligtas sa kanilang buhay, maaari kang magdispley ng larawan ni Jesucristo, tulad ng nasa simula ng lesson, sa gitna ng pisara. Habang ginagawa ng mga estudyante ang sumusunod na aktibidad, maaari nilang isulat ang mga katangiang mahahanap nila sa paligid ng larawan.
Pag-aralan ang kahit dalawa sa mga sumusunod na scripture passage. Habang binabasa ninyo nang dahan-dahan at maigi ang mga talata, maghanap ng matututuhan natin tungkol kay Jesucristo na nagbibigay sa atin ng kumpiyansa na unahin Siya sa ating buhay.
-
Isaias 44:1–4
-
Isaias 44:21–23
-
Isaias 44:24–25
-
Isaias 45:20–22
-
Isaias 46:3–5
Maaari mong hilingin sa mga estudyante na magdagdag ng anupamang katangian sa pisara na alam nila tungkol kay Jesucristo mula sa kanilang mga karanasan o mula sa iba pang mga banal na kasulatan.
Para matulungan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga saloobin tungkol sa hindi mapapantayang kapangyarihan ni Jesucristo, maaari mong itanong ang mga sumusunod.
-
Paano makatutulong ang pag-unawa sa mga katotohanang ito tungkol kay Jesucristo sa isang taong nahihirapang unahin Siya sa kanyang buhay?
-
Ano ang mga naging karanasan ninyo na nakatulong sa inyong unahin ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa inyong buhay?
Pagpaplanong unahin ang Ama sa Langit at si Jesucristo
Para matulungan ang mga estudyante na gumawa ng plano para mas lubos na unahin ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa kanilang buhay, maaari mong gamitin ang handout na pinamagatang “Paggawa ng Plano.” Hikayatin silang makinig sa mga impresyong mula sa Espiritu Santo habang pinagpapasiyahan nila kung ano ang gusto nilang gawin para maisakatuparan ang kanilang mithiin.