Seminary
Isaias 40–43: Pinapanatag ng Diyos ang Kanyang Bayan


“Isaias 40–43: Pinapanatag ng Diyos ang Kanyang Bayan,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Isaias 40–43: Pinapanatag ng Diyos ang Kanyang Bayan,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan

Isaias 40–49: Lesson 119

Isaias 40–43

Pinapanatag ng Diyos ang Kanyang mga Tao

Jesus is standing on a hill. You can see the sun in the background

Hindi iiwan ng Diyos ang Kanyang mga pinagtipanang tao. Sa pamamagitan ng Kanyang propetang si Isaias, pinanatag ng Diyos ang mga mabibihag kalaunan sa Babilonia. Ibinibigay ng Diyos sa atin, na Kanyang mga pinagtipanang tao ngayon, ang mga salita ring iyon ng kapanatagan: “Huwag kang matakot; sapagkat ako’y kasama mo” (Isaias 41:10). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang ibinibigay na kapanatagan ng Diyos.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na basahin o pakinggan ang mga salita sa ilan o sa lahat ng talata ng himnong “Saligang Kaytibay” (Mga Himno). Hilingin sa kanila na tukuyin ang mga nakapapanatag na salita o parirala at pumasok sa klase nang handang magbahagi.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang takot ay hindi na bago

Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagpapakita ng sumusunod na pahayag at tanong. Maaaring anyayahan ang mga estudyante na ilista ang kanilang mga sagot sa pisara.

Ibinahagi ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na pahayag:

Official Portrait (as of June 2016) of Elder Ronald A. Rasband of the Quorum of the Twelve Apostles.

Ang takot ay hindi na bago. Ang mga disipulo ni Jesucristo, sa Dagat ng Galilee, ay natakot sa “bagyo, at … mga alon” sa madilim na gabi (Marcos 4:34). Bilang mga disipulo Niya ngayon, mayroon din tayong mga kinatatakutan. (“Huwag Kayong Mabagabag,” Liahona, Nob. 2018, 18)

  • Ano ang ilan sa maaaring kinatatakutan ng mga tao sa buong mundo, kabilang ang mga disipulo ni Jesucristo?

Pagkatapos ilista ng mga estudyante ang iba’t ibang kinatatakutan, ibahagi ang natitirang bahagi ng pahayag ni Elder Rasband, na kinabibilangan ng mga takot na nakita niya sa mundo ngayon. Maaari mong idagdag ang ilan sa mga ito sa listahan sa pisara.

Ipinagpatuloy ni Elder Rasband:

15:41
Official Portrait (as of June 2016) of Elder Ronald A. Rasband of the Quorum of the Twelve Apostles.

Ang mga single adult ay natatakot gumawa ng malaking mga pangako tulad ng pagpapakasal. Ang mga bata pang mag-asawa … ay maaaring mangamba sa pagkakaroon ng anak sa patuloy na sumasamang mundo. Ang mga missionary ay natatakot sa maraming bagay, lalo na sa paglapit sa mga taong hindi nila kakilala. Natatakot ang mga balo na magpatuloy nang mag-isa. Ang mga tinedyer ay natatakot na hindi mapabilang; ang mga nasa elementarya ay natatakot sa unang araw ng pasukan; ang mga nasa kolehiyo ay nangangamba na makuha ang resulta ng kanilang mga pagsusulit. Natatakot tayo na pumalya, matanggihan, mabigo, at sa mga hindi natin alam. Natatakot tayo sa mga bagyo, lindol, at sunog na sumisira sa ating mga lupain at mga buhay. Natatakot tayong hindi mapili, at sa kabilang banda, natatakot tayong mapili. Natatakot tayo na hindi tayo sapat; natatakot tayo na walang biyaya ang Panginoon para sa atin. Natatakot tayo sa pagbabago, at ang mga takot natin ay maaaring maging malaki. Naisama ko na ba ang halos lahat ng kinatatakutan ng tao? (“Huwag Kayong Mabagabag,” Liahona, Nob. 2018, 18)

  • Ano ang magiging epekto sa atin ng mga takot natin?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung nauugnay sa kanila ang alinman sa mga takot na inilista o mag-isip ng sarili nilang mga kinatatakutan. Ibahagi ang sumusunod na konteksto para matulungan ang mga estudyante na makita ang mga sitwasyong maaaring naging dahilan ng pagkatakot ng mga Israelita.

Ipinropesiya ni Isaias ang pagkawasak at pagkabihag na darating sa Israel at Juda. Simula sa Isaias 40, binigyang-inspirasyon ng Diyos si Isaias na sumulat sa mga Judio sa hinaharap na mananahanan sa pagkabihag.

  • Ano ang ilang pangamba o alalahanin na maaaring harapin ng isang taong nabihag?

Basahin ang Isaias 40:1–2, at alamin ang mensaheng iniutos ng Diyos kay Isaias na ihatid sa Kanyang mga pinagtipanang tao.

  • Anong mga katangian o pagkatao ng Diyos ang natutuhan ninyo mula sa mga talatang ito?

Ibahagi ang iyong patotoo na pinapanatag ng Diyos ang Kanyang mga pinagtipanang tao sa ating panahon. Maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan. Maaari itong idrowing ng mga estudyante, o ang katulad nito, sa kanilang study journal. Sabihin sa kanila na gumawa ng mga marka sa kanilang drowing para masagutan ang mga kalakip na tanong.

Takot Kapanatagan

  • Sa pangkalahatan, saan ninyo ilalagay ang inyong nadarama tungkol sa inyong buhay ngayon?

  • Saan ninyo ilalagay ang inyong nadarama tungkol sa hinaharap?

Habang nag-aaral kayo, alamin ang itinuturo ng Diyos na makatutulong sa inyo na lalong maranasan ang Kanyang kapanatagan. Kung may mababasa o maririnig kayo na sa palagay ninyo ay makapagbibigay ng kapanatagan, ang mga kaisipang iyon ay maaaring ang Espiritu Santo na nakikipag-ugnayan sa inyo. Maari ninyong isulat ang mga kaalamang ito malapit sa drowing sa inyong study journal.

Pinapanatag ng Diyos ang Kanyang mga tao

Upang matulungan na mapanatag ang Kanyang mga pinagtipanang tao, binigyang-inspirasyon ng Diyos si Isaias na ituro ang maraming bagay tungkol sa Kanya sa Isaias 40–43. Magkakaroon kayo ng pagkakataong matukoy ang ilan sa mga katotohanang ito at isipin kung paano makatutulong ang mga ito para mapanatag ang isang taong natatakot.

Ipakita ang mga sumusunod na tagubilin at ipaliwanag na magkakaroon ng pagkakataon ang mga estudyante na matapos ang aktibidad na ito sa ibang pagkakataon sa lesson.

Gamit ang isang passage mula kay Isaias, gumawa ng maikling mensahe na makapagbibigay ng kapanatagan sa isang taong natatakot. Isama ang bawat isa sa mga sumusunod:

Hakbang 1. Mga salita o parirala mula sa scripture passage na makatutulong sa isang tao na mapanatag ng Diyos. Ibuod ang mga ito sa isang simpleng pahayag ng katotohanan.

Hakbang 2. Isang banal na kasulatan, himno, o pahayag mula sa isang lider ng Simbahan para suportahan ang mga turo sa scripture passage.

Hakbang 3. Isang personal na karanasan o makabagong halimbawa na naglalarawan kung paano makapagdudulot ng kapanatagan ang pag-alam nito tungkol sa Diyos.

Ipakita

Bago matapos ng mga estudyante ang aktibidad na ito, ipaliwanag na ipapakita mo ang paggamit ng Isaias 41:10–14. Ang sumusunod ay isang paraan kung paano mo maipapakita ang mga hakbang na ito. Patuloy na ipakita ang tatlong hakbang at maging napakalinaw sa mga estudyante kapag ipinapakita mo ang bawat hakbang.

Basahin ang Isaias 41:10–14, at alamin ang mga salita ng kapanatagan ng Diyos sa Kanyang mga pinagtipanang tao. Tandaan na ang uod sa talata 14 ay maaaring mangahulugang maamo at mapagpakumbaba.

Hakbang 1

  • Anong mga salita o parirala ang sa palagay mo ay nakapapanatag? Bakit?

  • Paano mo ibubuod ang mga ito sa isang simpleng pahayag ng katotohanan?

Sa kanilang sariling mga salita, maaaring may natukoy ang mga estudyante na tulad ng: Hindi natin kailangang matakot, dahil makakasama natin ang Diyos at palalakasin Niya ang Kanyang mga pinagtipanang tao.

Hakbang 2

Para matulungan ang mga estudyanteng maunawaan ang katotohanang ito, maaari ninyong kantahin o pakinggan ang “Saligang Kaytibay” (Mga Himno) bilang klase. Sabihin sa mga estudyante na maghanap at magbahagi ng mga salita o parirala na nakakapagpanatag sa kanila. Depende sa oras, maaaring kantahin lang ninyo ang talata 3 at 7. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na iugnay ang Isaias 41:10 sa talata 3 ng himnong ito sa Gospel Library.

3:60
  • Paano tayo matutulungan na hindi matakot dahil sa kaalaman na makakapiling natin ang Diyos at palalakasin Niya tayo?

Ibinahagi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano tayo matutulungan ng ating ugnayan sa Panginoon na huwag matakot:

15:4
Former Official portrait of Elder Neil L. Andersen of the Quorum of the Twelve Apostles, 2010, August.   Replaced September 2019.

Ngunit maging sa tumitinding mga makamundong impluwensya sa ating paligid, hindi tayo kailangang matakot. Hindi kailanman pababayaan ng Panginoon ang Kanyang mga pinagtipanang tao. May katumbas na kapangyarihan ng mga espirituwal na kaloob at banal na patnubay para sa matwid. Ang karagdagang pagpapalang ito ng espirituwal na kapangyarihan, gayunman, ay hindi napapasaatin dahil lang sa bahagi tayo ng henerasyong ito. Dumarating ito habang pinalalakas natin ang ating pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sinusunod natin ang Kanyang mga kautusan, habang nakikilala at minamahal natin Siya. (Neil L. Andersen, “Higit na Paglapit sa Tagapagligtas,” Liahona, Nob. 2022, 73–74)

Hakbang 3

  • Kailan mo nadama na kasama mo ang Diyos at pinalakas ka Niya?

Mga mensahe ng kapanatagan

Bigyan ng oras ang mga estudyante na maghanda ng kanilang maikling mensahe ng kapanatagan. Maaari nila itong gawin nang mag-isa o may kapartner.

Pumili ng isa sa mga sumusunod na hanay ng talata. Gumawa ng maikling mensahe na makapagbibigay ng kapanatagan sa isang taong natatakot. Sundin ang tatlong hakbang upang magawa ito.

Isaias 40:9–11

Isaias 40:28–31

Isaias 41:17–20

Isaias 42:5–7

Isaias 43:1–2

Isaias 43:25–26

Kapag handa na ang mga estudyante, sabihin sa kanila na ibahagi ang kanilang mga mensahe ng kapanatagan sa mga grupo o sa klase. Kung magbabahagi ang mga estudyante ng himno bilang bahagi ng kanilang mensahe, maaari mo silang anyayahan na pumili ng isang talatang sumusuporta sa ibinahagi nila. Sama-samang kantahin ang talatang iyon bilang klase. Maaari mo itong ulitin, depende sa kung gaano karaming oras ang mayroon ka.

Pangwakas

Bigyan ng panahon ang mga estudyante na pagnilayan ang natutuhan nila tungkol sa Diyos na makapagbibigay ng kapanatagan sa kanila. Ipaalala sa kanila na ang mga kabatirang ito ay maaaring binigyang-inspirasyon ng Espiritu Santo, na nagtuturo at nagpapatotoo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga naiisip sa kanilang study journal.