“2 Cronica 17–20: Paghahanap ng mga Alituntunin sa mga Banal na Kasulatan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“2 Cronica 17–20: Paghahanap ng mga Alituntunin sa mga Banal na Kasulatan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
2 Cronica 14–20; 26; 30: Lesson 91
2 Cronica 17–20
Paghahanap ng mga Alituntunin sa mga Banal na Kasulatan
Napapaisip ba kayo kung ano ang maaari ninyong gawin upang mapalapit kay Jesucristo? Ang hari sa Lumang Tipan na si Jehoshafat ay nagpakita ng magandang halimbawa ng kung paano ito gawin. Ang kanyang mga tao ay napalayo sa Diyos at sumamba sa mga diyus-diyusan. Pinili ni Jehoshafat na sundin si Jehova at tinulungan niya ang kanyang mga tao na gawin din ito. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na matutuhang tumukoy ng mga alituntunin ng ebanghelyo mula sa mga banal na kasulatan.
Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang natututuhan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pag-aaral nito na kasama ang pamilya. Maaari silang pumasok sa klase na handang magbahagi ng isang alituntuning nahanap nila at kung paano ito nakatutulong sa kanila.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga angkla ng kaligtasan
Ipakita ang sumusunod na larawan ng isang taong nagra-rock climbing.
-
Kung aakyat kayo sa isang matarik na dalisdis, anong kagamitan ang kakailanganin ninyo?
-
Bakit kailangan ang kagamitang ito?
-
Kung ihahambing natin ang ating buhay sa pag-akyat sa matarik na dalisdis, ano ang ibinigay sa inyo ng Panginoon upang matulungan kayong ligtas na magtagumpay?
Maaaring magbahagi ng iba’t ibang sagot ang mga estudyante. Kapag ginawa nila ito, pasalamatan sila sa kanilang mga sagot, at itanong kung bakit makatutulong ang mga bagay na ito. Ang sumusunod na sagot ang pagtutuunan sa lesson na ito.
Itinuro ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Kayo at ako ay makatitiyak na makakamit natin ang mga matwid na layunin sa buhay sa pamamagitan ng pag-unawa at palaging pagsunod sa mga wastong alituntunin na nakaugat sa inihayag na katotohanan.
Ang mga alituntunin ay mga angkla ng kaligtasan. Ang mga ito ay tulad ng mga bakal na angkla na ginagamit ng isang mountaineer upang mapagtagumpayan ang pag-akyat sa tila imposibleng maakyat na matatarik na dalisdis. Tutulungan kayo ng mga ito na magkaroon ng tiwala sa mga bago at hindi pamilyar na sitwasyon. Magbibigay ang mga ito sa inyo ng proteksyon sa mga unos ng buhay. (“The Power of Correct Principles,” Ensign, Mayo 1993, 32)
Ang isa sa mga paraan kung paano tayo mapagmahal na binigyan ng Ama sa Langit ng mga totoong alituntunin ay sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan. Sa pag-aaral natin ng mga banal na kasulatan, hinahangad nating matukoy ang mga alituntunin o pahayag na ito ng katotohanan na makatutulong sa ating buhay.
Maaaring makatulong na pagnilayin ang mga estudyante tungkol sa kanilang kakayahan ngayon na matukoy ang mga alituntunin sa mga banal na kasulatan. Narito ang isang paraan upang magawa ito.
Pag-isipan sandali ang mga sumusunod na tanong:
-
Gaano kalaki ang kumpiyansa ko sa kakayahan kong tumukoy ng mga alituntunin?
-
Gaano ko kahusay na nauunawaan kung paano ako matutulungan ng mga alituntunin sa aking buhay?
Habang pinag-aaralan ninyo ang lesson na ito tungkol sa buhay ni Jehoshafat, humingi ng tulong sa Espiritu Santo upang matukoy ang mga totoong alituntuning makatutulong sa inyo.
Mga alituntunin mula sa buhay ni Jehoshafat
Kasunod ng pagkamatay ng kanyang ama, si Jehoshafat ay naging hari ng Juda. Ang Israel at ang Juda ay kapwa lumayo sa Panginoong Jesucristo. Sumamba sila sa mga diyus-diyusan.
Basahin ang 2 Cronica 17:3–4; 19:4, at tingnan kung ano ang matututuhan ninyo tungkol kay Jehoshafat. (Tandaan: Ang mga Baal ay tumutukoy sa mga huwad na diyos.)
-
Ano ang hinahangaan ninyo kay Jehoshafat?
Nang naging hari si Jehoshafat, ang kanyang mga tao ay matagal nang tumalikod sa katotohanan. Maraming pagsisikap ang ginawa ni Jehoshafat sa buong kaharian niya upang matulungan ang kanyang mga tao na sundin si Jehova (Jesucristo). Sa panahong ito, ang mga kaaway ni Jehoshafat ay sumalakay upang makidigma sa kanyang mga tao. Ang nangyari sa mga sitwasyong ito ay naglalarawan ng iba’t ibang alituntunin.
Maaari mong ipaliwanag ang sumusunod na kasanayan sa pag-aaral upang matukoy ang mga alituntunin.
Ang isang paraan ng pagtukoy sa isang alituntunin ay hanapin kung paano nauugnay ang dalawang bagay. Halimbawa: dahil sa A, nangyayari ang B. O dahil ginagawa ng isang tao ang A, ipinapangako o ibinibigay ng Panginoon ang B.
Basahin ang mga sumusunod na talata bilang isang klase upang mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magpraktis na gamitin ang kasanayan.
Basahin ang 2 Cronica 17:6 at 19:3, at alamin ang mga alituntunin sa buhay ni Josaphat. (Tandaan: ang matataas na dako at mga poste ay mga lugar kung saan sinasamba ang mga huwad na diyos.)
Ang ilang alituntunin na maaaring matukoy ng mga estudyante ay:
-
Kapag itinuon natin ang ating buhay sa Diyos, mas madali nating maaalis ang kasamaan sa ating buhay (tingnan sa 2 Cronica 17:6).
-
Kapag inaalis natin ang kasamaan sa ating buhay, mas handa tayong hanapin ang Diyos (tingnan sa 2 Cronica 19:3).
-
Bakit nakatutulong ang mga alituntuning ito?
Matapos matukoy ang mga alituntunin mula sa mga naunang talata bilang klase, anyayahan ang mga estudyante na magsanay na tumukoy ng mga alituntunin sa maliliit na grupo o nang mag-isa. Ipagamit sa kanila ang mga sumusunod na talata.
Basahin ang 2 Cronica 20:1–9, 14–17, 20–22, at alamin ang mga karagdagang totoong alituntunin.
Ang ilang alituntunin na maaaring matukoy ng mga estudyante ay:
-
Kapag nag-aayuno at nananalangin tayo para sa kaligtasan, sasamahan tayo ng Panginoon sa ating mga hamon (tingnan sa 2 Cronica 20:1–4, 14–17).
-
Kapag hinahanap natin ang Panginoon sa Kanyang templo, diringgin at tutulungan Niya tayo (tingnan sa 2 Cronica 20:9).
-
Kapag naniniwala tayo sa Panginoon at sa kanyang mga propeta, uunlad tayo (tingnan sa 2 Cronica 20:20).
-
Kapag sinasamba natin ang Panginoon sa pamamagitan ng musika, pagpapalain Niya tayo (tingnan sa 2 Cronica 20:21–22).
Kung nahihirapan ang mga estudyante na tukuyin ang mga alituntunin, maaari mong isulat ang ilan o ang lahat ng alituntunin sa itaas ng pisara. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin kung alin sa mga talatang pinag-aralan ang nagtuturo ng bawat alituntunin.
Pag-unawa sa mga alituntunin
Para sa sumusunod na aktibidad, maaaring gamitin ng mga estudyante ang alinman sa mga alituntunin sa itaas, o maaari nilang gamitin ang isang alituntunin na natutuhan nila kamakailan sa kanilang personal na pag-aaral o pag-aaral na kasama ang pamilya.
Pumili ng isang alituntunin na gusto mong mas matutuhan pa. Maghanda ng dalawang minutong mensahe tungkol sa katotohanang ito na kasama ang sumusunod:
-
Isang talata o mga talatang nabasa mo sa 2 Cronica tungkol sa alituntuning ito, at kung bakit mo ito pinili
-
Iba pang banal na kasulatan o salita ng mga propeta na tumutulong sa iyo na maunawaan ang alituntuning ito
-
Isang pagkakataon na ipinakita ng Tagapagligtas o ng ibang tao sa mga banal na kasulatan o kasaysayan ng Simbahan ang alituntuning ito
-
Mga paraan na nadarama mo na ang alituntuning ito mula sa Panginoon ay makatutulong o makapagpapanatili sa ating kaligtasan
-
Isang karanasan nang ikaw o ang isang kakilala mo ay kumilos ayon sa alituntuning ito, at ang anumang pagpapala mula sa Panginoon na dumating dahil dito
Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga mensahe sa isang kapartner o sa maliit na grupo. O maaari mong anyayahan ang ilang handang estudyante na nag-aral ng magkakaibang alituntunin na ibahagi sa klase ang kanilang mga mensahe. Sa pagitan ng mensahe ng bawat estudyante, maaari mong anyayahan ang klase na magbahagi ng anumang komento o tanong nila tungkol sa alituntuning ibinahagi ng estudyante.
Tiyaking maglaan ng sapat na oras para makapaghanda at maibahagi ng mga estudyante ang kanilang dalawang minutong mensahe.
-
Mula sa natutuhan ninyo ngayon, bakit kapaki-pakinabang na sikaping mahanap ang mga alituntuning ibinigay sa atin ng Panginoon sa banal na kasulatan?
-
Paano ninyo magagamit ang natutuhan ninyo ngayon sa inyong pag-aaral na kasama ang pamilya at sa inyong personal na pag-aaral?
Hikayatin ang mga estudyante na mas kilalanin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-uugnay ng kanilang personal na buhay sa mga banal na kasulatan. Ang naunang tanong ay isang halimbawa ng panghihikayat sa mga estudyante na iugnay ang natututuhan nila sa seminary sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Maaari kang maghanap ng iba pang paraan upang magawa ito. Maaari mo ring itanong kung paano nauugnay ang natututuhan nila sa tahanan sa natututuhan nila sa seminary. (Para sa karagdagang training tungkol dito, tingnan ang “Bumuo at magtanong ng mga tanong na makatutulong sa mga mag-aaral na iugnay ang natutuhan nila sa kanilang personal na pag-aaral at pag-aaral kasama ng pamilya ng mga banal na kasulatan sa klase” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.)