Seminary
2 Mga Hari 2–7: Buod


“2 Mga Hari 2–7: Buod,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“2 Mga Hari 2–7: Buod,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

2 Mga Hari 2–7

2 Mga Hari 2–7

Buod

Binigyan ng Panginoon si Eliseo ng kapangyarihan at awtoridad na humalili kay Elijah bilang Kanyang propeta. Mahimala ring pinagaling ng Panginoon ang ketong ni Naaman at nagpadala ng mga karwahe ng apoy upang protektahan si Eliseo mula sa isang hukbo ng Siria.

icon ng seminaryMagpatotoo nang madalas, at anyayahan ang mga mag-aaral na ibahagi ang kanilang mga nadama, mga karanasan, at patotoo. Habang ipinapahayag ng mga estudyante ang kanilang nadama, mga karanasan, at patotoo, ang Espiritu Santo ay magpapatotoo tungkol sa mga katotohanang ibinabahagi nila sa kanilang sariling puso at sa iba. Makakakita ng isang halimbawa ng kung paano ito gawin sa Lesson 84: “2 Mga Hari 5.”

Para mas malaman pa ang tungkol sa kapangyarihan ng pagbabahagi ng patotoo, tingnan ang “Ang Tagapagligtas ay Nagpatotoo sa mga Tinuruan Niya” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas [2022], 19).

Maghandang magturo

Ang sumusunod na impormasyon ay nagbibigay sa iyo ng mga ideya sa kung ano ang maaaring kailangan mong ihanda nang maaga para sa bawat lesson.

2 Mga Hari 2–4

Layunin ng lesson: Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang Panginoon ay nagbibigay ng awtoridad sa mga taong tinatawag Niya at ng kapangyarihan sa mga naglilingkod nang matwid.

  • Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na sila o ang isang kakilala nila ay naglingkod sa isang tungkulin sa Simbahan. Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang tanong na, “Kailan ko nasaksihan ang kapangyarihan at awtoridad ng Panginoon sa pagtupad sa mga tungkulin sa Simbahan?”

  • Larawan: Larawan ng isang doktor o isa pang propesyonal na may awtoridad na gampanan ang kanilang tungkulin

  • Mga materyal para sa mga estudyante: Mga drowing nina Elijah at Eliseo malapit sa Ilog Jordan

  • Video:Jesus Calls Twelve Apostles to Preach and Bless Others” (1:38)

2 Mga Hari 5

Layunin ng lesson: Tulungan ang mga estudyante na sundin ang maliliit at mga karaniwang bagay na ipinagagawa sa atin ng Panginoon.

  • Paghahanda ng estudyante: Anyayahan mga estudyante na basahin ang Alma 37:6–7, at alamin ang maaari nilang matutuhan tungkol sa maliliit at mga karaniwang bagay. O maaari mong hikayatin ang mga estudyante na bigyang-pansin ang maliliit na bagay na madalas nilang gawin na nagdudulot ng malaking pagbabago sa kanilang buhay o nakakaapekto sa kanilang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

  • Nilalamang ipapakita: Isang halaman o isang larawan ng halaman na may drip irrigation; mga karatula sa loob ng silid para ilagay sa isang bahagi ng silid bilang “Siria,” sa isa pang bahagi bilang “Bahay ni Eliseo,” at sa isa pa bilang “Ilog Jordan”; sitwasyon at mga tanong sa pagtatapos ng lesson

  • Mga materyal para sa mga estudyante: Papel at gunting na gagamitin ng mga grupo ng mga estudyante para gumupit ng tatlong malalaking patak ng tubig na ilalagay sa pisara

  • Mga Video:Maliliit at mga Karaniwang Bagay” (17:35) mula sa time code na 4:46 hanggang 5:40, “Mananatili sa Araw na Yaon kay Cristo” (10:33) mula sa time code na 2:30 hanggang 4:23

2 Mga Hari 6

Layunin ng lesson: Tulungan ang mga estudyante na magkaroon ng mas malaking tiwala sa palagian at mapagbantay na pangangalaga ng Panginoon.

  • Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na maghandang magbahagi ng isang karanasan nang pagpalain o protektahan sila ng Panginoon o ang isang taong kilala nila.

  • Nilalamang ipapakita: Mga tagubilin, mga scripture reference, at pahayag ni Pangulong Eyring para matulungan ang mga estudyante na punan ang isang chart; pahayag ni Sister Craig; mga tagubilin at mga pahiwatig para sa pagsasabuhay sa huling bahagi ng lesson

  • Video: “Mga Matang Makakakita” (9:44) mula sa time code na 0:52 hanggang 1:27