Seminary
2 Mga Hari 5: Maliliit at mga Karaniwang Bagay


“2 Mga Hari 5: Maliliit at mga Karaniwang Bagay,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“2 Mga Hari 5: Maliliit at mga Karaniwang Bagay,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

2 Mga Hari 2–7: Lesson 84

2 Mga Hari 5

Maliliit at mga Karaniwang Bagay

Kung minsan, maaaring hindi natin natatanto ang espirituwal na kahalagahan ng paggawa ng maliliit na bagay na ipinagagawa sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Sa 2 Mga Hari 5, pinagaling ng Panginoon si Naaman, isang punong-kawal na taga-Siria, sa kanyang ketong dahil sinunod niya ang simpleng payo ng propeta na maligo nang pitong beses sa Ilog Jordan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na sundin ang maliliit at mga karaniwang bagay na ipinagagawa sa atin ng Panginoon.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan mga estudyante na basahin ang Alma 37:6–7, at alamin ang maaari nilang matutuhan tungkol sa maliliit at mga karaniwang bagay. O maaari mong hikayatin ang mga estudyante na bigyang-pansin ang maliliit na bagay na madalas nilang gawin na nagdudulot ng malaking pagbabago sa kanilang buhay o nakakaapekto sa kanilang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Drip irrigation

Maaari kang magpakita ng larawan tulad ng sumusunod o magdala ng halaman sa klase at ipakita kung paano gumagana ang drip irrigation. Ang impormasyon sa susunod na talata ay makatutulong sa iyo na maipaliwanag ito.

Ang drip irrigation ay isang pamamaraan na ginagamit sa pagdidilig ng mga halaman. Kumpara sa ibang anyo ng irigasyon na maraming tubig ang idinidilig nang hindi gaanong madalas, ang drip irrigation ay paunti-unting pagpatak ng tubig sa lupa. Pinapanatiling mamasa-masa ang lupa ng tuluy-tuloy at paunti-unting pagpatak ng tubig kung saan ito pinakakapaki-pakinabang sa mga halaman.

Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo upang talakayin ang mga sagot sa sumusunod na tanong.

  • Sa anong mga paraan maiaangkop ang mga alituntunin ng drip irrigation sa ating espirituwal na pag-unlad sa plano ng Ama sa Langit?

Anyayahan ang ilang grupo na ibahagi ang tinalakay nila. Pagkatapos ay maaari mong ipakita ang self-assessment sa ibaba at anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung gaano ito katumpak sa kanilang buhay.

Pagnilayan sandali ang maliliit na pagsisikap na ginagawa mo bilang disipulo ni Jesucristo at ang mga resultang nararanasan mo. Pagkatapos ay pagnilayan ang katotohanan ng pahayag na ito para sa iyo:

  • Alam ko kung paano nakakaapekto sa buhay ko at sa ugnayan ko sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang maliliit at mga karaniwang bagay na ginagawa ko, o hindi ko ginagawa.

Sabihin sa mga estudyante na maging bukas sa mga kaisipan at damdamin na natatanggap nila mula sa Espiritu Santo tungkol sa maliliit at mga karaniwang bagay na magagawa nila upang patibayin ang kanilang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Pinagaling si Naaman sa kanyang ketong

Ang 2 Mga Hari 5 ay naglalaman ng salaysay tungkol kay Naaman, isang punong-kawal na taga-Siria na natutuhan ang isang matinding aral tungkol sa paggawa ng maliliit at mga karaniwang bagay na iniuutos ng Panginoon.

Basahin ang 2 Mga Hari 5:1, at alamin ang lahat ng matututuhan ninyo tungkol kay Naaman.

  • Ano ang nalaman ninyo?

Maaari mong ipaliwanag na ang ketong ay isang malalang sakit sa balat. Maaaring magkaroon si Naaman ng mga sugat na nagnanaknak at maaaring humantong sa kamatayan.

Bilang alternatibo sa pagbabasa lang ng mga estudyante sa mga sumusunod na talata, maaari mong lagyan ng label na “Siria,” “Bahay ni Eliseo,” at “Ilog Jordan” ang tatlong bahagi ng inyong silid-aralan. Mag-anyaya ng apat na boluntaryo upang katawanin ang mga sumusunod na tao sa pamamagitan ng pagbabasa nang malakas sa kaugnay na mga talata sa mga nakatalagang lugar. Ang mga estudyanteng kumakatawan kay Naaman at sa kanyang lingkod ay maaaring magpalipat-lipat ng lugar, habang mananatili sa kanilang lugar ang dalagita at ang sugo ni Eliseo.

  • Siria: Babasahin ng dalagita ang talata 2–4

  • Bahay ni Eliseo: Babasahin ng sugo ni Eliseo ang talata 9–10

  • Bahay ni Eliseo: Babasahin ni Naaman ang talata 11–12

  • Ilog Jordan: Babasahin ng lingkod ni Naaman ang talata 13–14

Basahin ang 2 Mga Hari 5:2–4, 9–14, at alamin kung ano ang ipinagawa ni Eliseo, bilang propeta ng Diyos, kay Naaman upang mapagaling sa kanyang ketong.

  • Ano ang ilang mahahalagang aral na matututuhan ng isang tinedyer ngayon mula sa karanasan ni Naaman?

Maaaring sabihin ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng ang pagsunod sa maliliit at mga karaniwang paanyaya ng Panginoon ay nagdudulot ng mga dakilang pagpapala. Maaari mo silang anyayahan na isulat ang katotohanang ito sa tabi ng 2 Mga Hari 5:13–14 sa kanilang mga banal na kasulatan at markahan ang mga parirala sa mga talatang ito na nagtuturo ng katotohanang ito. Ang paggawa ng mga tala sa kanilang mga banal na kasulatan ay makatutulong sa mga estudyante na maalala ang mga katotohanang natutuhan nila. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na basahin ang Alma 37:6–7, at i-link o i-cross reference ang mga talatang ito sa 2 Mga Hari 5:13–14.

Maliliit at mga karaniwang bagay

Ang sumusunod na aktibidad ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na matukoy ang maliliit at mga karaniwang bagay na ipinagagawa sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at talakayin kung paano tayo mapagpapala sa paggawa ng mga ito.

Ang isang paraan kung paano magagawa ang aktibidad na ito ay sa pamamagitan ng paglalagay sa mga estudyante sa maliliit na grupo at pagbibigay sa bawat grupo ng isang papel at gunting. Sabihin sa bawat grupo na magdrowing at gumupit ng tatlong malaking patak ng tubig. Para sa hakbang 1 sa ibaba, maaaring magsulat sa bawat patak ang mga grupo ng iba pang maliit at karaniwang bagay na ipinagagawa ng Panginoon, at pagkatapos ay idikit ang mga ito sa pisara.

  1. Gumawa ng listahan ng maliliit at mga karaniwang bagay na ipinagagawa sa atin ng Panginoon na maaaring humantong sa mga dakilang pagpapala.

    Kung kinakailangan, ang sumusunod na pahayag ay makatutulong sa mga grupo na matukoy ang maliliit at mga karaniwang bagay na ipinagagawa sa atin ng Panginoon at pati na rin ang mga paraan na pinagpapala tayo dahil sa paggawa ng mga ito.

    Ibinahagi ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang ilang halimbawa ng maliliit at mga karaniwang bagay na hinihikayat ng Panginoon na gawin natin.

    17:36
    Official Portrait of President Dallin H. Oaks taken March 2018.

    Isipin ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan na itinuro sa atin na gawing bahagi ng ating buhay sa araw-araw. O isipin ang mga personal na panalangin at pagluhod at pagdarasal ng pamilya na regular na ginagawa ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw. Isipin ang attendance sa seminary para sa mga kabataan o mga institute class para sa mga young adult. Bagama’t bawat isa sa mga gawing ito ay tila maliliit at karaniwan, sa paglipas ng panahon ang mga ito ay humahantong sa matinding espirituwal na paglakas at pag-unlad. Nangyayari ito dahil ang bawat isa sa maliliit at mga karaniwang bagay na ito ay nag-aanyaya ng patnubay ng Espiritu Santo, ang Tagapagpatotoo na nagbibigay ng kalinawan sa atin at gumagabay sa atin patungo sa katotohanan. (“Maliliit at mga Karaniwang Bagay,” Liahona, Mayo 2018, 90)

    Bago kumpletuhin ang kasunod na hakbang, anyayahan ang bawat grupo na pumili ng isang patak na inilagay ng ibang grupo sa pisara.

  2. Saliksikin ang mga banal na kasulatan at salita ng mga propeta, at alamin ang mga dakilang pagpapala na ibibigay ng Panginoon kung gagawin natin ang maliit at karaniwang bagay na ito.

    Anyayahan ang maraming grupo na ibahagi ang natutuhan nila.

    Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang mga karanasan nila sa paggawa ng maliliit at mga karaniwang bagay. Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang mga boluntaryo na ibahagi kung paano sila pinagpala ng Panginoon at kung paano tumibay ang kanilang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo dahil dito.

    icon ng seminary Ang naunang pahiwatig ay makatutulong sa mga estudyante na maipahayag ang kanilang mga nadarama, karanasan, at patotoo. Maaari mo ring ibahagi ang iyong patotoo o mga karanasan sa paggawa ng maliliit at mga karaniwang bagay na iniuutos sa atin ng Panginoon. Para sa karagdagang training, tingnan ang: “Magpatotoo nang madalas, at anyayahan ang mga mag-aaral na ibahagi ang kanilang mga nadarama, karanasan, at patotoo” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.

    Maaari din ninyong panoorin ang “Mananatili sa Araw na Yaon kay Cristo” (ChurchofJesusChrist.org) mula sa time code na 2:30 hanggang 4:23. Maaaring tukuyin ng mga estudyante kung paano napalakas si Sister Amy A. Wright, Unang Tagapayo sa Primary General Presidency, at ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay na nagawa nila.

    10:33

    Maaari mo ring ipabasa sa mga estudyante ang 2 Mga Hari 5:15 upang makita ang pagpapala ng patotoo na natanggap ni Naaman sa pamamagitan ng kanyang pagsunod sa maliit at karaniwang bagay na ipinagawa sa kanya ng propeta.

Maliliit at mga karaniwang bagay sa aking buhay

Upang matulungan ang mga estudyante na gumawa ng plano na sundin ang maliliit at mga karaniwang bagay na ipinagagawa sa kanila ng Panginoon, ipakita ang mga sumusunod na tagubilin.

Sagutin ang mga sumusunod sa iyong study journal:

  1. Isipin ang isang maliit at karaniwang bagay na ipinagagawa sa iyo ng Panginoon na sa palagay mo ay maayos mo nang nagagawa. Paano pinatatag ng pagsunod sa tagubilin ng Panginoon ang iyong ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  2. Pumili ng isang maliit at karaniwang bagay na ipinagagawa sa iyo ng Panginoon na nadarama mong nabibigyang-inspirasyon ka na gawin nang mas mahusay. Ano ang gagawin mo upang pagbutihin pa ang iyong pagsunod sa paanyaya ng Panginoon? Paano nito mapalalakas ang iyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Maaari mong anyayahan ang ilang handang estudyante na ibahagi ang kanilang sagot sa unang tanong. Hikayatin ang mga estudyante na gawin ang kanilang plano na mas bumuti pa.