“2 Mga Hari 2–4: Binigyan ng Panginoon si Eliseo ng Kapangyarihan at Awtoridad,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“2 Mga Hari 2–4: Binigyan ng Panginoon si Eliseo ng Kapangyarihan at Awtoridad,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
2 Mga Hari 2–7: Lesson 83
2 Mga Hari 2–4
Binigyan ng Panginoon si Eliseo ng Kapangyarihan at Awtoridad
Kapag tumatanggap tayo ng mga calling o tungkulin sa Simbahan ng Panginoon, matatanggap natin ang Kanyang awtoridad na maglingkod. Kapag sinikap nating masigasig na maglingkod at maging higit na katulad Niya, pagpapalain Niya tayo ng Kanyang kapangyarihan. Ang salaysay tungkol sa pagkakaloob ng Panginoon sa propetang si Eliseo ng kapangyarihan at awtoridad matapos dalhin si Elijah sa langit ay naglalarawan sa katotohanang ito. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan na ang Panginoon ay nagbibigay ng awtoridad sa mga taong tinatawag Niya at ng kapangyarihan sa mga naglilingkod nang matwid.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na sila o ang isang kakilala nila ay naglingkod sa isang tungkulin sa Simbahan. Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang tanong na, “Kailan ko nasaksihan ang kapangyarihan at awtoridad ng Panginoon sa pagtupad sa mga tungkulin sa Simbahan?”
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang pinagmumulan ng kapangyarihan at awtoridad
Maaaring simulan ang klase sa pamamagitan ng pagtalakay kung saan nagmumula ang awtoridad na gawin ang ilang partikular na bagay. Maaari mong gawin ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng isang larawan ng doktor na nakasuot ng medical coat o nasa isang lugar na nauugnay sa medisina (o isa pang propesyonal na may awtoridad na gampanan ang kanyang tungkulin) at pagtatanong ng mga sumusunod.
-
Ano ang ilan sa mga responsibilidad ng taong ito?
-
Sino ang nagbigay sa kanya ng awtoridad na gampanan ang kanyang tungkulin?
-
Ano ang nagbibigay sa inyo ng kumpiyansa na sundin siya?
Maaaring ipakita ang isang larawan ng kasalukuyang propeta at itanong muli ang mga naunang tanong tungkol sa kanya.
Para matulungan ang mga estudyante na i-assess ang nauunawaan nila tungkol sa paglilingkod nang may kapangyarihan at awtoridad ng Panginoon sa mga tungkulin, maaari mo silang anyayahang gawin ang sumusunod.
Sa inyong study journal o sa bahagi na Mga Tala sa Gospel Library, sagutin ang mga sumusunod na tanong. Habang pinag-iisipan ninyo ang inyong mga sagot, pakinggan ang mga impresyon mula sa Espiritu Santo tungkol sa nais ng Panginoon na maunawaan ninyo tungkol sa paglilingkod nang may kapangyarihan at awtoridad ng Panginoon sa mga calling o tungkulin.
-
Ano ang nauunawaan ko tungkol sa pagtanggap ng kapangyarihan at awtoridad ng Panginoon na maglingkod sa mga tungkulin?
-
Paano makakaimpluwensya ang pag-unawang ito sa pagtugon ko kapag nakatanggap ako o ang ibang tao ng tawag na maglingkod mula sa Panginoon?
Natanggap ni Eliseo ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos
Maaari mong ipaliwanag na inihayag ng Panginoon kay Elijah na si Eliseo ay magiging isang propeta (tingnan sa 1 Mga Hari 19:16, 19).
-
Anong mga alalahanin ang maaaring nadama ni Eliseo habang naghahanda siya para sa kanyang tungkulin mula sa Panginoon?
Alam ni Eliseo na malapit nang kunin ng Panginoon si Elijah (2 Mga Hari 2:1–3). Sa huling araw ni Elijah, sinundan ni Eliseo si Elijah sa bawat lungsod hanggang sa makarating sila sa Ilog Jordan.
Para matulungan ang mga estudyante na matuklasan ang nangyari sa Ilog Jordan, maaari mong hatiin ang klase sa maliliit na grupo. Sa pisara, maaari mong idrowing ang apat na larawan sa ibaba o ibuod ang bawat isa sa ilang salita sa anumang pagkakasunod-sunod. Anyayahan ang bawat grupo na basahin ang 2 Mga Hari 2:8–15 at ayusin ang mga larawan o buod ng mga pangyayari sa tamang pagkakasunod-sunod.
-
Paano ipinakita ng Panginoon kay Eliseo at sa iba pa na binigyan Niya si Eliseo ng kapangyarihan at awtoridad sa kanyang tungkulin?
Maaari mong ipaliwanag na ang balabal na ginamit nina Elijah at Eliseo ay hindi nagbigay sa kanila ng kapangyarihan at awtoridad kundi kumakatawan ito sa kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Sa Simbahan ngayon, minsan ay tinatawag natin ang tungkulin o awtoridad ng isang tao bilang kanyang “balabal.“ Halimbawa, kapag sinang-ayunan ang isang bagong propeta bilang Pangulo ng Simbahan, natatanggap niya ang balabal ng awtoridad.
Maaaring makatulong din na banggitin na ang awtoridad na maglingkod sa mga tungkulin ay nagmumula sa Panginoon sa pamamagitan ng mga kalalakihang mayhawak ng mga susi ng priesthood.
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Eliseo tungkol sa ginagawa ng Panginoon para sa mga taong tinatawag Niya na maglingkod sa Kanya?
Sa mga katotohanang maaaring ibigay ng mga estudyante, ipaliwanag na ang Panginoon ay nagbibigay ng awtoridad at kapangyarihan sa mga taong Kanyang tinatawag.
Paglilingkod nang may kapangyarihan at awtoridad ng Diyos
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ng maglingkod sa mga tungkulin nang may kapangyarihan at awtoridad ng Panginoon, maaari mong isulat sa pisara ang Awtoridad ng Priesthood at Kapangyarihan ng Priesthood. Ibahagi ang sumusunod na pahayag mula sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo. Bagama’t ang pahayag na ito ay direktang angkop sa mga missionary, ipaalala sa mga estudyante na ang Panginoon ay nagbibigay ng awtoridad sa mga taong tinatawag Niya na maglingkod sa anumang tungkulin at ng kapangyarihan sa mga taong naglilingkod sa Kanya nang matwid.
Sa ilalim ng pamamahala ni Cristo, ang awtoridad na ipangaral ang ebanghelyo ay ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Noong ikaw ay na-set apart bilang isang misyonero, natanggap mo ang awtoridad na ito. Kaakibat nito ang karapatan, pribilehiyo, at responsibilidad na kumatawan sa Panginoon at ituro ang Kanyang ebanghelyo. …
Bukod pa sa awtoridad, kailangan mo ng espirituwal na kapangyarihan para matupad mo ang iyong tungkulin. Ang Diyos ay nagbibigay ng espirituwal na kapangyarihan kapag patuloy kang nagsisikap na mapatatag ang iyong patotoo sa Kanya, kay Jesucristo, at sa mga katotohanan ng ebanghelyo na itinuturo mo. Nagkakaloob Siya ng espirituwal na kapangyarihan habang ikaw ay nagdarasal, nag-aaral ng mga banal na kasulatan, at naghahangad na matupad ang iyong layunin bilang misyonero. Nagkakaloob Siya ng espirituwal na kapangyarihan habang sinisikap mong sundin ang Kanyang mga kautusan at ang mga tipan na ginawa mo noong tinanggap mo ang mga ordenansa ng kaligtasan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 35:24). (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo, [2023], 3, 4)
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa kapangyarihan at awtoridad ng Panginoon mula sa mga pahayag na ito?
-
Bakit maaaring maging kapaki-pakinabang na tandaan ito kapag tumanggap kayo ng tungkulin mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Bakit maaaring kapaki-pakinabang na tandaan ito kapag sinasang-ayunan ninyo ang iba na tumatanggap ng mga tungkulin?
Habang tinatalakay ng mga estudyante ang natutuhan nila tungkol sa awtoridad at kapangyarihan ng priesthood, maaari mong ilista ang ibinabahagi nila sa ilalim ng bawat heading sa pisara. Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong banggitin na ibinibigay ng Diyos ang awtoridad ng priesthood sa isang tao kapag siya ay itinatalaga sa isang tungkulin. Ang kapangyarihan ng priesthood ay nagmumula sa Diyos habang sinisikap ng isang tao na sundin ang mga kautusan at kumikilos ayon sa mga matwid na alituntunin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:34–46).
Maaaring ipanood ang video na “Jesus Calls Twelve Apostles to Preach and Bless Others” (1:38), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org. Habang pinapanood ng mga estudyante ang video, ipaisip sa kanila kung paano ipinakikita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang Kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kanilang awtoridad at kapangyarihan sa Kanilang mga tagapaglingkod sa lupa.
Pagkatapos ipanood ang video, maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga naisip.
Ipakita ang pag-unawa
Para matulungan ang mga estudyante na ibuod ang kanilang natutuhan, maaaring pagpartner-partnerin ang mga estudyante para sa sumusunod na aktibidad.
Pumili ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na sitwasyon at talakayin ang natutuhan mo ngayon na makatutulong sa indibidwal sa kanyang mga alalahanin tungkol sa isang tungkulin. Sa bawat sagot, magsama ng mga banal na kasulatan, pahayag mula sa mga lider ng Simbahan, o kaalamang natanggap mo mula sa Espiritu nang pag-aralan mo ang kuwento ng pagtawag kay Eliseo para maglingkod.
-
Isang bagong bishop ang tinawag at sinang-ayunan. Alam ng anak niya na hindi siya perpekto.
-
Isang bagong Young Women president ang tinawag na maglingkod. Isang dalagita ang may magandang ugnayan sa dating president at hindi niya talaga kilala ang bagong president.
-
Isang binatilyo o dalagita ang tinawag para maglingkod bilang president ng kanilang quorum o klase. Nadarama nila na hindi sapat ang kanilang kaalaman para magawa nang maayos ang tungkuling ito.
-
Isang missionary ang tinawag na maglingkod sa isang bansa na ibang wika ang sinasalita ng mga tao. Nag-aalala siya kung gaano siya magiging epektibo sa pagbabahagi ng ebanghelyo.
Mag-isip ng paraan kung paano maipapabahagi sa mga estudyante ang kanilang mga sagot sa isa’t isa. Ang isang paraan para magawa ito ay hayaang magbahagi ang bawat magka-partner sa ibang grupo. Kapag nagkaroon na ang lahat ng pagkakataong magbahagi, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang talagang nagustuhan nila sa sagot ng ibang grupo.
Para tapusin ito, maaari kang magpatotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay ninyo sa araw na ito.