“1 Mga Hari 18: Pagpiling Sundin ang Panginoon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“1 Mga Hari 18: Pagpiling Sundin ang Panginoon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
1 Mga Hari 12–13; 17–22: Lesson 82
1 Mga Hari 18
Pagpiling Sundin ang Panginoon
Gaano ka katapat sa pagsunod sa Diyos? Para ipakita na ang Diyos ng Israel ang tanging tunay na Diyos, hinamon ni Elijah ang mga saserdote ni Baal sa isang paligsahan. Dininig ng Panginoon ang mga panalangin ni Elijah at nanaig siya sa paligsahan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng mas matinding hangaring sundin ang Panginoon.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang isa o mahigit pang pagkakataon sa kanilang buhay na alam nilang totoo ang Ama sa Langit o si Jesucristo, o nadama nila ang Kanilang kapangyarihan sa kanilang buhay. O maaari nilang isipin kung ano ang magagawa nila para malaman kung totoo ang Ama sa Langit at si Jesucristo at kung dapat ba Silang lubos na sundin.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Maaari ba tayong sumunod sa dalawang impluwensya nang magkasabay?
Gamit ang tape o iba pang resource, gumawa ng dalawang linya sa sahig sa magkasalungat na direksyon tulad ng ipinapakita sa ibaba. Patayuin ang isang estudyante sa gitna kung saan magkadikit ang mga dulo ng mga linya at ipalagay ang isang paa sa bawat linya.
Pahakbangin nang kaunti ang estudyante at subukang lakaran ang dalawang linya. Itanong sa kanya kung gaano katagal niya itong magagawa. Kung kinakailangan, ipaliwanag na bagama’t posibleng makalakad ang isang tao sa parehong linya sa maikling distansya, hindi niya ito magagawa nang matagal, o hindi siya makakapaglakad nang maayos sa alinmang linya.
Anyayahan ang estudyante na bumalik sa kanyang upuan.
Para sa lesson na ito, ang isang linya ay maaaring kumatawan sa mga landas ng Panginoon, at ang isa pa ay maaaring kumatawan sa iba pang impluwensya na hindi naaayon sa mga landas ng Panginoon.
-
Ano ang ilang paraan kung saan maaari nating sikaping sundin ang Panginoon at ang iba pang impluwensya nang magkasabay?
Hinamon ni Elijah ang mga saserdote ni Baal sa isang paligsahan
Ibuod ang talata sa ibaba, o kung sa palagay mo ay angkop ito para sa iyong mga estudyante, ipanood ang “Elijah and the Priests of Baal” (2:16), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 0:07 hanggang 0:33.
Sa 1 Mga Hari 18, ninais ni Elijah na lubos na maging tapat ang kaharian ng Israel sa Panginoon. Mga tatlong taon na ang nakalipas mula nang gamitin ni Elijah ang kanyang kapangyarihang ipinid ang langit upang magdulot ng tagtuyot sa lupain (tingnan sa 1 Mga Hari 17:1). Ngunit patuloy na sumamba ang Israel sa mga diyus-diyusan, pati kay Baal (tingnan sa 1 Mga Hari 18:18). Hinamon ni Elijah ang daan-daang bulaang propeta ni Baal at mga propeta ni Ashera sa isang paligsahan sa Bundok ng Carmel para patunayan kung si Baal o si Jehova ang tunay na Diyos (tingnan sa 1 Mga Hari 18:19). Bago nagsimula ang paligsahan, nangusap si Elijah sa mga tao.
Basahin ang 1 Mga Hari 18:21, at alamin ang sinabi ni Elijah sa mga tao. Ang salitang magpapatalun-talon sa sitwasyong ito ay nangangahulugang mag-atubili o mag-alinlangan.
-
Ano ang hiniling ni Elijah na gawin ng mga tao?
Ipinahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pahayag ni Elijah sa ganitong paraan:
Ngayon maaaring sabihin ni Elijah:
Maaaring ang Diyos, na ating Ama sa Langit, ay totoo, o hindi, ngunit kung Siya ay totoo, sambahin Siya.
Maaaring si Jesucristo ay Anak ng Diyos, ang nabuhay na mag-uling Manunubos ng sangkatauhan, o hindi, ngunit kung Siya nga, sumunod sa Kanya. (“Matibay at Matatag sa Pananampalataya kay Cristo,” Liahona, Nob. 2018, 30)
-
Ano ang mahalaga para sa inyo mula sa mga pahayag nina Elijah at Elder Christofferson?
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga saloobin. Ang ilang katotohanang matututuhan natin ay:
Pinapayagan tayo ng Panginoon na piliin kung susundin natin Siya o ang mga diyus-diyosan at masasamang pamumuhay ng mundo.
Kapag alam natin na totoo ang Ama sa Langit at si Jesus ang Cristo, dapat tayong mangakong sundin Sila.
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa inyong study journal:
-
Gaano kalakas ang aking paniniwala na mayroon akong Ama sa Langit at Tagapagligtas?
-
Gaano ako katapat na sundin Sila?
-
Ano ang maaaring pumipigil sa akin para lubos na sumunod sa Kanila?
Habang ipinagpapatuloy ninyo ang inyong pag-aaral, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo para matulungan kayong malaman kung paano ninyo maaaaring madaig ang anumang balakid na maaaring makahadlang sa inyo na lubos na sumunod sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Ang paligsahan sa pagitan ni Baal at ni Jehova
Basahin ang 1 Mga Hari 18:23–24, at alamin ang mga kundisyon ng paligsahan sa pagitan ni Elias at ng mga bulaang propeta ni Baal.
Ang mga saserdote ni Baal ang unang sumubok, tinawag ang kanilang mga diyus-diyusan sa loob ng ilang oras. Basahin ang 1 Mga Hari 18:26–29, at alamin ang nangyari.
-
Ano ang nalaman ninyo?
Kung nahihirapan ang mga estudyante na maunawaan ang mga talatang ito, maaari mong ipanood ang “Elijah and the Priests of Baal” mula sa time code na 0:33 hanggang 1:19.
Para sa sumusunod na aktibidad, maaaring mong bigyan ang mga estudyante ng hanggang mga limang minuto para basahin ang mga talata at gawin ang mga sumusunod na tagubilin. Bigyang-diin na hindi kailangang detalyado ang drowing.
Para malaman ang nangyari nang magsumamo si Elijah sa Diyos, basahin ang 1 Mga Hari 18:30–39. Pagkatapos ay kumuha ng isang pirasong papel at hatiin ito sa dalawa. Sa kalahati ng papel, idrowing ang nangyari nang ihanda ni Elijah ang kanyang sakripisyo at nagsumamo sa Diyos.
-
Ano ang iisipin at mararamdaman ninyo kung naroon kayo?
-
Paano ito makakaapekto sa iyong patotoo tungkol sa Panginoon at sa iyong kahandaang sundin Siya?
Para sa sumusunod na aktibidad, maaaring bigyan ang mga estudyante nang hanggang mga limang minuto. Kung magiging kapaki-pakinabang ang pagpapakita ng halimbawa ng isang tao na nalaman na ang Diyos ay totoo o kung ano ang ginawa niya para malaman ito, maaaring ipanood ang isa sa mga sumusunod na video, na makikita sa ChurchofJesusChrist.org.
“His Grace: Choosing to Believe in God” (4:07)
“Faith Crisis: What Do We Do When We Feel Nothing?” (5:55)
Sa natitirang kalahati ng iyong papel, isulat o idrowing ang isa o mahigit pang pagkakataon sa buhay mo nang malaman mong totoo ang Ama sa Langit o si Jesucristo, o nadama mo ang Kanilang kapangyarihan sa iyong buhay. O maaari kang magsulat o magdrowing ng isang larawan ng kung ano ang maaari mong gawin upang malaman kung Sila ay totoo at kung dapat kang lubos na sumunod sa Kanila.
Kapag tapos na ang mga estudyante, maaaring bigyan ng oras ang maraming boluntaryo na ibahagi ang kanilang idinrowing o isinulat kung hindi ito masyadong personal. Ang paghikayat sa maraming estudyante na magbahagi ay makapagbibigay ng iba’t ibang pananaw at makatutulong sa iba pang estudyante na mapagtanto kung paano makakaapekto sa kanila ang mga katotohanang natututuhan nila. Maaari ding maging kapaki-pakinabang na magtanong ng tulad ng mga nasa ibaba.
-
Paano nakatutulong ang pagninilay sa sarili ninyong mga karanasan sa pagkakita sa kapangyarihan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa inyong buhay sa inyong pangako na sambahin at sundin Sila?
-
Sa inyong palagay, bakit karapat-dapat lubos na sundin ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas na si Jesucristo?
Obserbahan ang mga katangiang tulad ng kay Cristo sa mga estudyante at ibahagi ang napansin mo. Makatutulong ka na hikayatin ang mga estudyante na patuloy na magsikap na lumapit sa Panginoon kapag itinuro mo ang mga paraan kung paano sila umuunlad o gumagawa ng mabubuting pagpili. Para sa lesson na ito, maaari mong sabihin ang mga napansin mong paraan kung paano pinipili ng mga estudyante na sumunod sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaaring kabilang dito ang pagpuri sa kanila sa pagpiling dumalo sa seminary, pag-aralan ang salita ng Panginoon, at hangaring mas mapalapit sa Kanya. Maaari ding kabilang dito ang mga katangiang tulad ng kay Cristo na napansin mo sa mga estudyante. Para madagdagan pa ang kaalaman tungkol dito, tingnan ang “Tulungan ang mga mag-aaral na magsikap nang mabuti na maging higit na katulad ni Jesucristo” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.
Para tapusin ang lesson na ito, isulat sa inyong study journal ang nadarama ninyo tungkol sa lubos na pagsunod sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang matulungan kayong matandaan at maipahayag ang inyong nadarama. Maaari ninyong isama ang gusto ninyong gawin o tandaan dahil sa lesson na ito.
Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa mga pagpapala ng lubos na pagsunod sa Kanila.