Seminary
1 Mga Hari 17: “Siya’y Humayo, at Ginawa ang Ayon sa Sinabi ni Elijah”


“1 Mga Hari 17: ‘Siya’y Humayo, at Ginawa ang Ayon sa Sinabi ni Elijah,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“1 Mga Hari 17: ‘Siya’y Humayo, at Ginawa ang Ayon sa Sinabi ni Elijah,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

1 Mga Hari 12–13; 17–22: Lesson 81

1 Mga Hari 17

“Siya’y Humayo, at Ginawa ang Ayon sa Sinabi ni Elijah”

A painting by James Johnson showing a woman with long brown hair and a simple tunic, pouring oil into a small plate.

Ang ating mapagmahal na Ama sa Langit at ang Kanyang anak na si Jesucristo ay madalas na nagbibigay sa atin ng mga pagkakataong manampalataya sa Kanila sa gitna ng mga paghihirap sa buhay. Sa gitna ng tagtuyot, hiniling ni propetang Elijah sa isang balo sa Zarefta na ibigay sa kanya ang huling natitirang pagkain nito. Nang kumilos nang may pananampalataya ang balo, ipinangako ng Panginoon sa kanya ang malalaking pagpapala. Tulad ng balo, maipapakita natin ang ating pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga propeta. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na kumilos nang may higit na pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga salita ng mga propeta.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na tumukoy ng isang bagay na ninanais ng Panginoon na gawin natin sa pamamagitan ng Kanyang propeta at ng isang pangakong ibinigay Niya kung gagawin natin ito. Anyayahan ang mga estudyante na pumunta sa klase na handang magbahagi.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga paanyaya ng propeta

Para matulungan ang mga estudyante na makita kung paano tayo ginagabayan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanilang mga propeta, maaari mong ipakita ang sumusunod na aktibidad. Maaari mong isama ang kasalukuyang propeta at ang isang paanyaya niya kamakailan. Bilang alternatibo, maaaring pangalanan ng mga estudyante ang ilang propeta (kabilang ang kasalukuyang propeta) at ilista ang kahit isang paanyaya na ibinigay sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ng bawat propeta.

Itugma ang mga propeta sa isang paanyaya na ibinigay ng Panginoon sa kanilang mga tao:

  1. Kapatid ni Jared

  2. Moises

  3. Lehi

  4. Brigham Young

  1. Umalis sa Jerusalem at magtungo sa ilang.

  2. Maglakbay patungo sa Rocky Mountains.

  3. Gumawa ng mga gabara para matawid ang karagatan patungo sa lupang pangako.

  4. Maglakad sa tuyong lupa sa gitna ng Dagat na Pula.

Mga sagot: 1–C (tingnan sa Eter 2:16; 6:4, 12); 2–D (tingnan sa Exodo 14:21–22); 3–A (tingnan sa 1 Nephi 2:1–2); 4–B (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 136:1). Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung susundin nila ang tagubilin ng propetang ito kung nabubuhay sila noong panahon ng mga propetang iyon.

Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang kanilang mga tugon sa mga paanyaya ng buhay na propeta sa pamamagitan ng paggawa ng sumusunod.

Sa scale na 1–10, paano mo ire-rate ang iyong sarili sa bawat isa sa mga sumusunod na pahayag:

  • Naniniwala ako na ang Panginoon ay nangungusap sa pamamagitan ng mga propeta.

  • Pamilyar ako sa itinuturo ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta ngayon.

  • Sinusunod ko ang mga turo ng Panginoon na ibinibigay sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.

Sa pag-aaral ninyo ng 1 Mga Hari 17, bigyang-pansin ang mga ideya at kabatiran mula sa Espiritu Santo. Isipin kung paano makakaapekto ang inyong pag-aaral ngayon sa inyong nadarama tungkol sa mga pahayag na ito.

Si Elijah at ang balo ng Zarefta

Ang sumusunod na dalawang talata ay maaaring basahin o ibuod.

Dahil sa kasamaan, ang kaharian ng Israel ay nahati sa dalawang kaharian: Israel at Juda (tingnan sa 1 Mga Hari 11–12). Sa panahon ng paghahari ng masamang si Haring Ahab, isinugo ng Panginoon ang Kanyang propetang si Elijah sa mga tao ng Israel.

Gamit ang kapangyarihan ng Diyos, pinigilan ni Elijah ang pag-ulan sa lupain, na nagresulta sa maraming taon ng tagtuyot. Ibinigay ng Panginoon ang mga pangangailangan ni Elijah, at iniutos sa kanya na magtago sa tabi ng batis kung saan pinakain siya ng mga uwak (tingnan sa 1 Mga Hari 17:1–6).

Ang isang paraan kung paano madarama ng mga estudyante ang kapangyarihan ng nabasa nila sa mga banal na kasulatan ay sa pamamagitan ng pag-iisip na kunwari ay nasa gayon din silang mga sitwasyon.

Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang mga sumusunod na talata at sagutin ang mga tanong batay sa pananaw ni Elijah o ng balo. Tiyaking ipaliwanag na ang isang paraan kung paano ipinararating sa atin ng Tagapagligtas ang Kanyang mga salita ay sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at ang mga salita ni Elijah sa salaysay na ito ay nagmula sa Panginoon.

Maaaring pagpartner-partnerin ang mga estudyante, kung saan babasahin ng bawat kapartner ang kuwento sa pamamagitan ng ibang pananaw. Pagkatapos ay maaaring gamitin ng mga estudyante ang mga kasamang tanong para interbyuhin ang kanilang kapartner tungkol sa natutuhan nila mula sa kanilang pananaw.

Bilang alternatibo, maaari mong ipanood ang “Elijah and the Widow of Zarephath,“ na makikita sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 4:09 hanggang 10:06, at sumabay sa pagbabasa sa mga talata.

10:12

Basahin ang 1 Mga Hari 17:8–16.

  • Paano nagpakita ng pananampalataya si Elijah o ang balo kay Jesucristo?

  • Paano natupad ang pangako ng Panginoon?

  • Paano magiging simbolo ni Jesucristo si Elijah at ang balo?

    Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot. Ang isa sa mga paraan kung paano maipapaalala ni Elijah sa mga estudyante ang tungkol kay Jesucristo ay sa pamamagitan ng pag-anyaya sa balo na sundin ang sinabi niya para maligtas. Ipinangako rin niya sa kanya na dadami ang pagkain (1 Mga Hari 17:14–16), tulad ng ipinangako ng Tagapagligtas sa iba (tingnan sa Mateo 14:15–21). Ang isa sa mga paraan kung paano maipapaalala ng balo sa mga estudyante ang tungkol kay Jesucristo ay sa pamamagitan ng kahandaan niyang isakripisyo ang lahat ng mayroon siya, tulad ng ginawa ng Tagapagligtas.

    Itanong kung ano ang mga aral na natutuhan ng mga estudyante sa salaysay na ito. Maaaring iba’t ibang alituntunin ang ibahagi ng mga estudyante. Kung hindi nila babanggitin ang sumusunod na katotohanan, tiyaking idagdag ito: Ang pagkilos nang may pananampalataya sa mga salita ng Tagapagligtas ay nagbubunga ng Kanyang mga ipinangakong pagpapala. Kabilang dito ang mga salita ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.

  • Ano ang maaaring magpahirap sa pagkilos nang may pananampalataya ayon sa mga turo ng Tagapagligtas?

  • Ano ang nalalaman ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na makatutulong sa inyo na kumilos nang may pananampalataya?

Ang mga salita ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung saan matatagpuan ang mga salita ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Bukod pa sa mga banal na kasulatan at pangkalahatang kumperensya, maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga source na tulad ng mga magasin na Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan, Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili, at social media.

Anyayahan ang mga estudyante na gamitin ang alinman sa mga source na ito para kumpletuhin ang sumusunod na aktibidad. Maaari mong ipakita ang mga tagubilin at bigyan ang mga estudyante ng isang partikular na oras para mag-aral.

  1. Magdrowing ng dalawang column sa iyong study journal. Magdrowing ng isang tinapay para kumatawan sa tinapay ng balo sa kaliwang column at isang banga ng langis at tapayan ng harina (tingnan sa 1 Mga Hari 17:12, 16) sa kanang column.

    An illustration of a cruse of oil, barrel of meal and a loaf of bread
  2. Lagyan ang kaliwang column ng label na Mga Bagay na Ipinagagawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Lagyan ang kanang column ng label na Ang Kanilang mga Ipinangakong Pagpapala.

  3. Sa kaliwang column, gumawa ng listahan ng mga bagay na ipinagagawa sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanilang mga propeta. Sa kanang column, ilista ang mga ipinangakong pagpapala ng pagsunod sa Kanilang mga salita.

Maaaring makatulong na magbigay ng halimbawa para sa mga estudyante. Maaari mong ilagay ang “pagsunod sa Word of Wisdom” sa kaliwang column. Pagkatapos ay maaaring basahin ng mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 89:18–21 para sa mga pangakong pagpapala ng Panginoon. Bilang alternatibo, maaari kang magbahagi ng isang halimbawa mula sa mga salita ng propeta sa pangkalahatang kumperensya kamakailan.

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa maliliit na grupo ang isinulat nila sa kanilang mga column. Tiyaking may pagkakataon ang bawat estudyante na magbahagi ng kahit isang bagay mula sa bawat column. Pagkatapos ay maaaring talakayin ng mga grupo ang sumusunod na tanong.

  • Paano ninyo nakita ang mga pagpapala ng pananampalataya sa mga salita ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa mula sa kanilang buhay nang nakita nila ang mga pagpapala mula sa pagsunod sa payo ng propeta. Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong ipanood ang “That Night My Family Had Sufficient” (1:47) o “Fathers and Sons” (5:42), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org.

1:47
6:2

Magplano na sundin ang mga propeta ng Diyos

Hikayatin ang mga estudyante na hingin ang tulong ng Espiritu Santo habang ginagawa nila ang sumusunod na aktibidad.

  1. Sa kaliwang column, isulat o bilugan ang isang bagay na ipinagagawa sa iyo ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta na sa palagay mo ay nais Niya na pagtuunan mo ng pansin.

  2. Sa kanang column, isulat o bilugan kung paano ipinangako ng Panginoon na pagpapalain ka kung susundin mo ang Kanyang payo.

  3. Pagnilayan ang isinulat o binilugan mo, at pagkatapos ay isulat ang plano mong maging masunurin sa ipinagagawa sa iyo ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang propeta.

Anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng paraan kung paano nila maalala ang pinaplano nilang gawin. Halimbawa, maaaring kunan ng larawan ng mga estudyante ang kanilang sagot at gamitin ito bilang wallpaper sa kanilang telepono. Magkakaroon ng pagkakataon ang mga estudyante para i-follow up at iulat ang kanilang plano sa Lesson 96: “I-assess ang Iyong Pagkatuto 6.”

Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng pagpapatotoo na ang mga estudyante ay mas mapapalapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng kanilang mga pagsisikap na sundin ang Kanyang propeta.