“1 Samuel 16: ‘Ang Panginoon ay Tumitingin sa Puso,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“1 Samuel 16: ‘Ang Panginoon ay Tumitingin sa Puso,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
1 Samuel 8–10; 13; 15–16: Lesson 73
1 Samuel 16
“Ang Panginoon ay Tumitingin sa Puso”
Ipinahayag ng Panginoon kay Samuel na pinili Niya si David upang pumalit kay Saul bilang hari ng Israel. Sa pamamagitan ng karanasang ito, nalaman ni Samuel na iba ang tingin sa atin ng Panginoon kumpara sa kung ano ang karaniwang tingin ng mga tao sa isa’t isa. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang kahalagahan ng pagtingin sa kanilang sarili at sa iba tulad ng pagtingin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang 1 Samuel 16:7. Hilingin sa kanila na ilista sa tabi ng talata ang pagkakaiba ng mga bagay na kung minsan ay pinahahalagahan ng iba sa mga tao at ng pinahahalagahan ng Ama sa Langit sa atin.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Nakatagong halaga
Maaaring simulan ang klase sa pamamagitan ng pagtulong sa mga estudyante na maunawaan na hindi natin palaging makikita ang kahalagahan ng isang bagay batay sa pakete nito. Upang magawa ito, maaari kang magpakita ng dalawang magkaparehong item sa dalawang magkaibang pakete, o maaari kang magpakita ng mga item na magkaiba ang halaga sa dalawang magkaparehong pakete. Bago ipakita ang mga laman, anyayahan ang isang estudyante na piliin kung aling pakete ang mas gusto niya. Tanungin siya kung bakit niya pinili ang pakete na iyon. Pagkatapos ay ipakita ang mga laman ng dalawang pakete.
-
Anong mga problema ang maaaring idulot ng panghuhusga sa ibang tao, o kahit na panghuhusga sa ating sarili, batay lamang sa kung ano ang nakikita natin?
-
Paano naiiba ang pagtingin sa atin ng Diyos sa kung paano natin maaaring tinitingnan ang isa’t isa?
Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na pahiwatig para sa pagninilay sa sarili.
Pagnilayan at kumpletuhin ang mga sumusunod na pahiwatig sa iyong study journal:
-
Sa unang pagkakataon na makilala ako ng isang tao, sa tingin ko ang pinakamalamang na mapansin nila ay .
-
Naniniwala ako na nakikita ng Ama sa Langit ang mga sumusunod na katangian sa akin na hindi nakikita ng marami pang iba: .
-
Sa unang pagkakataon na makilala ko ang ibang tao, may posibilidad na mapansin ko na .
-
Kung makikita ko ang iba tulad ng kung paano sila nakikita ng Ama sa Langit, makatutulong ito sa akin na .
Habang pinag-aaralan ninyo ngayon ang 1 Samuel 16, mapanalanging anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kayo na madama ang kahalagahan na tingnan ang inyong sarili at ang iba nang higit na katulad ng kung paano tayo tinitingnan ng Diyos.
Isinugo ng Panginoon si Samuel para hirangin ang susunod na hari
Upang aktibong makibahagi ang lahat ng estudyante, maaaring pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Anyayahan ang magkakapartner na basahin ang dalawang passage sa ibaba at talakayin ang mga kasunod na tanong. Bago magbasa ang mga estudyante, tiyaking alam nila na dahil sa pagsuway ni Saul, inalis siya ng Panginoon bilang hari ng Israel (tingnan sa 1 Samuel 13:13–14; 15:26–28).
Basahin ang 1 Samuel 16:1–5 para malaman kung bakit isinugo ng Panginoon si Samuel sa Bethlehem.
-
Kung ibinigay sa inyo ng Panginoon ang responsibilidad ni Samuel na maghirang ng bagong hari, anong mga katangian ang hahanapin ninyo sa mga anak ni Jesse?
Basahin ang talata 6–13, at alamin ang mga katotohanang itinuro ng Panginoon nang sinubukang tukuyin ni Samuel ang magiging hari.
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa salaysay na ito na mahalagang maunawaan ng mga tao ngayon?
Kapag tapos nang ibahagi ng magkakapartner ang natutuhan nila, anyayahan ang bawat magkapartner na magsulat sa pisara ng isang katotohanan kasama ang numero ng talata kung saan nila ito nakita.
Maaaring magsulat ang mga estudyante ng iba’t ibang katotohanan gamit ang sarili nilang mga salita, tulad ng Nakikita ng Diyos ang ating tunay na potensyal sa pamamagitan ng pagtingin sa ating puso sa halip na sa ating panlabas na anyo.
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga banal na kasulatan at mga lider ng Simbahan tungkol sa mga katangiang pinahahalagahan ng Panginoon?
-
Sa inyong palagay, paano mag-iiba ang ating ugnayan sa iba kung tinitingnan natin ang ating sarili at ang isa’t isa nang higit na katulad ng kung paano tayo tinitingnan ng Panginoon?
Tulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa
Ang mga sumusunod na opsiyon ay iba’t ibang paraan para mapalalim ng mga estudyante ang kanilang pag-unawa sa itinuro ng Panginoon sa 1 Samuel 16:7. Piliin ang mga paraan na sa palagay mo ay pinakamainam para sa iyong mga estudyante.
Bago ilahad ang opsiyon o mga opsiyon na iyong pinili, isiping tulungan ang mga estudyante na maiugnay ang kanilang pag-aaralan sa totoong buhay. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng paglalahad ng maikling sitwasyon na maaaring makatulong ang mga estudyante. Halimbawa, maaari mong hilingin sa kanila na maghanap ng mga bagay na maaari nilang ibahagi sa isang taong nakadarama na hindi siya napapansin o nahuhusgahan siya ng mga tao sa paligid niya. O maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng mga bagay na maaari nilang ibahagi sa isang taong nakadarama na hindi talaga siya nauunawaan ng Panginoon.
Opsiyon 1
Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa bawat estudyante na mag-aral ng ibang pahayag. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga estudyante ang natutuhan nila sa kanilang kapartner. Maaari kang magpakita o magbahagi ng mga kopya ng mga pahayag.
Sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan:
Ang pagmamalasakit sa inyo ng Ama sa Langit ay hindi ibinabatay sa inyong yaman o ganda o kalusugan o talino. Ang pagtingin Niya sa inyo ay hindi gaya ng pagtingin sa inyo ng mundo; nakikita Niya kung sino talaga kayo. Tinitingnan Niya ang inyong puso. At mahal Niya kayo dahil kayo ay Kanyang anak. (“Ang Inyong Maligayang Paglalakbay Pauwi,” Liahona, Mayo 2013, 128)
Ipinaliwanag ni Sister Michelle D. Craig, na noon ay miyembro ng Young Women General Presidency:
Tinitingnan ni Jesucristo ang mga tao nang may malaking pag-unawa. Nakikita Niya ang mga indibiduwal, ang kanilang mga pangangailangan, at maaaring kahinatnan. Kung ang nakita ng iba ay mga mangingisda, makasalanan, o maniningil ng buwis, ang nakita ni Jesus ay mga disipulo; kung ang nakita ng iba ay isang lalaking sinapian ng mga demonyo, hindi pinansin ni Jesus ang pagkabalisa nito, kinilala Niya ang lalaki at pinagaling siya.
Kahit sa ating abalang buhay, [matutularan] natin ang halimbawa ni Jesus at makikita ang mga tao—ang kanilang mga pangangailangan, pananampalataya, pakikibaka, at kahihinatnan. (“Mga Matang Makakakita,” Liahona, Nob. 2020, 16)
Opsiyon 2
Maaaring maghanap ang mga estudyante sa listahan ng mga doctrinal mastery passage sa Doctrinal Mastery Core Document (2023) para sa mga passage na tumutulong sa kanila na maunawaan kung ano ang nadarama ng Diyos tungkol sa atin at kung gaano Niya tayo kakilala. Maaaring magtulungan ang mga estudyante sa mga grupo na may tig-aapat na miyembro, na kung saan ang bawat estudyante ay maghahanap ng mga naaangkop na passage mula sa isa sa apat na pamantayang banal na kasulatan. (Kabilang sa mga halimbawa na maaaring ibahagi nila ay ang Abraham 3:22–23; Jeremias 1:4–5; Mga Hebreo 12:9; Alma 7:11–13; Doktrina at mga Tipan 18:10–11.)
Opsiyon 3
Ipanood sa mga estudyante ang isang video na tumutulong sa kanila na maunawaan kung paano tayo tinitingnan ng Diyos o nagpapakita ng ibang tao na tinitingnan ang iba tulad ng kung paano Niya sila tinitingnan. Anyayahan ang mga estudyante na mag-isip at maging handa na magbahagi ng mga sitwasyon sa totoong buhay na kung saan magagamit nila ang kanilang natutuhan mula sa video. Ang video na “Our True Identity” (3:39), na makukuha sa ChurchofJesusChrist.org, ay isang halimbawa na maaari mong gamitin.
Mga personal na karanasan
Ang bahaging ito ng lesson ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang kahalagahan ng pagtingin sa kanilang sarili at sa iba tulad ng pagtingin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Ang pag-alaala at pagbabahagi ng mga karanasan ay maaaring mag-anyaya sa Espiritu Santo na magpatotoo tungkol sa mga katotohanang natututuhan ng mga estudyante.
Maaaring maging kapaki-pakinabang na idispley ang mga sumusunod na opsiyon.
Pumili ng isa sa mga sumusunod na opsiyon at isulat sa iyong study journal ang mga naisip mo. Tiyaking isama ang natutuhan mo ngayon tungkol sa Diyos mula sa mga banal na kasulatan o mga lider ng Simbahan.
-
Magsulat tungkol sa isang tao na tila nakikita ang kabutihan mo, kahit na alam niya ang ilan sa iyong mga kahinaan at pagkakamali. Paano naaapektuhan ng kanyang impluwensya ang nadarama mo tungkol sa iyong sarili? Paano ipinaaalala sa iyo ng kanyang impluwensya kung paano ka tinitingnan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?
-
Magsulat tungkol sa isang taong minahal at hinangaan mo nang mas nakilala mo siya. Ano ang nakikita mo ngayon sa kanya na maaaring hindi nakikita ng iba o hindi mo nakita noong una mo siyang nakilala? May nadarama ka bang anumang impresyon mula sa Espiritu Santo tungkol sa kung paano mo siya matutulungang tingnan ang kanyang sarili sa paraan kung paano mo siya tinitingnan o sa paraan kung paano siya tinitingnan ng kanyang Ama sa Langit o ni Jesucristo?
Anyayahan ang mga boluntaryo na ibahagi ang ilan sa mga naisulat nila sa kanilang study journal.