Seminary
1 Samuel 8: Ang Israel ay Naghangad ng Hari


“1 Samuel 8: Ang Israel ay Naghangad ng Hari,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“1 Samuel 8: Ang Israel ay Naghangad ng Hari,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

1 Samuel 8–10; 13; 15–16: Lesson 71

1 Samuel 8

Ang Israel ay Naghangad ng Hari

Jesus Christ in white robes riding on a white donkey. He is passing through a brick arch into Jerusalem. Numerous people are following Him. Some of which are waving palm leaves and laying cloth on the ground in front of Him.

Tulad ng maraming tao ngayon, ang mga sinaunang Israelita ay nagpadala sa tuksong makibagay sa iba sa halip na sumunod sa Panginoon. Sa loob ng maraming taon sa lupang pangako, ginabayan ng Panginoon ang Israel sa pamamagitan ng mga hukom tulad ni Samuel. Kalaunan sa buhay ni Samuel, hinangad ng mga Israelita na magkaroon ng hari “gaya ng lahat ng mga bansa” (1 Samuel 8:5) sa halip na ang Panginoon ang maghari sa kanila. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng pagpili na sundin si Jesucristo sa halip na ang mga makamundong impluwensya.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng listahan ng anumang pamimilit ng iba na suwayin ang mga pamantayan at kautusan ng Panginoon na nararanasan nila. Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang maaaring pagbabago sa kanilang buhay kapag sinunod nila si Jesucristo sa halip na magpadala sa mga pamimilit na iyon.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Paggawa ng desisyon

Upang matulungan ang mga estudyante na pag-isipan kung ano ang nakakaimpluwensya sa kanilang mga desisyon, maaaring isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag. Maaaring kumpletuhin ng mga estudyante ang pahayag at sagutin ang mga tanong na kasama nito bilang klase o sa maliliit na grupo.

Gusto ng ilang tinedyer na dahil “ginagawa ito ng lahat.”

  • Anong mga hamon ang maaaring maranasan ng isang tinedyer kung iyon ang dahilan niya sa paggawa ng mga bagay?

  • Paano maaapektuhan ng dahilan na iyon sa paggawa ng mga bagay ang kanilang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na pagnilayan kung paano nakakaimpluwensya sa kanilang buhay ang pamimilit ng iba. Ang isang paraan para magawa ito ay sa pagbibigay sa mga estudyante ng mga sumusunod na tagubilin at pagdispley sa scale.

Isipin kung ano ang nakakaimpluwensya sa mga desisyong ginagawa mo sa iyong buhay. Idrowing ang sumusunod na scale sa iyong study journal. Magdrowing ng isang maliit na stick figure ng iyong sarili na kumakatawan sa kung saan mo ilalagay ang iyong sarili sa scale.

Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy kung ano ang maaaring nakakaimpluwensya sa mga partikular na desisyon sa kanilang buhay, maaari silang magbigay o maaari kang magbigay ng mga halimbawa ng mga desisyong kinakaharap nila. Kabilang sa mga posibleng halimbawa ang paraan ng kanilang pananamit, pagpili ng entertainment at media, at kung paano nila ginugugol ang kanilang oras. Maaari mong paisa-isang ibahagi ang mga halimbawang ito at anyayahan ang mga estudyante na magdrowing ng mga karagdagang stick figure sa scale para sa bawat halimbawa.

Anyayahan ang mga estudyante na hingin ang impluwensya ng Espiritu Santo habang pinag-iisipan nila ang sariling nilang mga desisyon habang pinag-aaralan ang 1 Samuel 8.

Isang hari “gaya ng lahat ng mga bansa”

Sa loob ng maraming taon sa lupang pangako, ginabayan ng Panginoon ang mga Israelita sa pamamagitan ng mga hukom tulad ni Samuel. Nang lumaki si Samuel, lumapit sa kanya ang mga elder ng Israel na may kahilingan.

Basahin ang 1 Samuel 8:4–7, at alamin kung paano maaaring tapusin ng mga anak ni Israel ang pahayag mula sa simula ng lesson.

  • Ano ang nais ng mga anak ni Israel?

  • Sa inyong palagay, bakit hindi malulugod si Samuel sa kanilang mga dahilan kung bakit gusto nilang magkaroon ng hari?

Maaaring tila nakakagulat na sabihin ng Panginoon kay Samuel na pakinggan ang maling pagpili ng kanyang mga tao (tingnan sa talata 7). Iginagalang ng Ama sa Langit ang karapatang pumili at hindi Niya tayo pipilitin na piliin ang tama. Gayunpaman, bago gawin ng mga Israelita ang kanilang huling desisyon, lubos ang pagmamahal sa kanila ng Panginoon kaya nagbigay Siya ng babala sa kanila sa pamamagitan ni Samuel tungkol sa mga bunga ng kanilang pagpili (tingnan sa 1 Samuel 8:9).

Ang isang paraan kung paano mo matutulungan ang mga estudyante na makita kung paano inilalarawan ng mga banal na kasulatan ang mga katotohanan ng ebanghelyo ay sa pamamagitan ng pagsulat ng isang katotohanan sa pisara. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na maghanap ng scripture passage, at maghanap ng katibayan ng katotohanang iyon.

Maaari mong ipakita sa pisara ang sumusunod na katotohanan. Maaaring basahin ng mga estudyante ang mga kalakip na talata kasama ang isang kapartner, at huminto sandali pagkatapos ng kada ilang talata para talakayin ang nalaman nila.

Ang pagpili na sundin ang mundo sa halip na ang mapagmahal na payo ng Panginoon ay hahantong sa pagdurusa at pagsisisi.

Habang pinag-aaralan ninyo ang 1 Samuel 8:10–18, maghanap ng mga salita o parirala na tumutulong sa pagtuturo ng katotohanang ito.

Habang sinasagot ng mga estudyante ang mga sumusunod na tanong, ipaalala sa kanila na huwag magbahagi ng mga pangalan o partikular na detalye tungkol sa mga taong personal nilang kilala. Ang mga halimbawa ay maaaring magmula sa kanilang buhay, buhay ng iba, o mula sa mga salaysay sa mga banal na kasulatan o kasaysayan ng Simbahan.

  • Anong mga halimbawa ang nakita ninyo na kung saan humantong sa pagdurusa o pagsisisi ang pagpiling sundin ang mundo?

  • Paano ninyo nakita na ang pagpiling sundin ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay humahantong sa kagalakan at mas matatag na ugnayan sa Kanila?

Upang matulungan ang mga estudyante na makita ang kahalagahan ng pagsunod sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa halip na sa mga makamundong impluwensya, maaari mong ipanood ang mensahe ni Elder Randall K. Bennett na “Piliin ang Buhay na Walang-Hanggan,” sa kumperensya noong Oktubre 2011, na makikita sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 0:00 hanggang 2:08. Ibinahagi ni Elder Bennett ang mga dinanas niya na epekto ng hindi niya pagpansin sa mga babala.

Pagkatapos ay maaari mong ipanood ang parehong video mula sa time code na 5:08 hanggang 6:43 habang itinuturo ni Elder Bennett kung paano maiaangkop ang kanyang karanasan sa mga agos ng mundo na maaaring matukso tayong sundin at kung paano natin maiiwasan ang mga ito.

10:9
10:9

Pagpili sa Panginoon sa halip na mga makamundong impluwensya

Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na matuklasan ang payo na ibinigay ng Panginoon para protektahan sila laban sa pagpapatangay sa mga tuksong maaaring napipilitan silang gawin o paniwalaan. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin sa maliliit na grupo ang hakbang 1 at 2. Pagkatapos ay maaari nilang kumpletuhin ang hakbang 3 nang mag-isa.

Ipakita ang mga sumusunod na tagubilin.

  1. Pumili ng isang bagay na maaaring mapilitang gawin o paniwalaan ng mga tinedyer na miyembro ng Simbahan sa iyong paligid.

  2. Gamitin ang mga banal na kasulatan, mga tulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili, o ang Gospel Library app para sagutin ang mga sumusunod na tanong tungkol sa pamimilit na pinili mo:

    1. Anong payo ang ibinigay sa atin ng Panginoon tungkol dito?

    2. Anong mga pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa mga tao na pinipili Siya kaysa sa mga makamundong impluwensya?

  3. Isipin kung ano ang pinaniniwalaan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Magsulat ng ilang pangungusap tungkol sa kung paano makatutulong sa iyo ang kaalamang ito na sundin Sila sa halip na ang mga makamundong impluwensya.

Pagkatapos ng sapat na oras, bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na ibahagi sa iba ang natutuhan nila sa kanilang pag-aaral.

Ipakita ang naunawaan

Nilalayon ng bahaging ito na bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na ipakita ang kanilang naunawaan sa natutuhan nila ngayon.

Basahin ang 1 Samuel 8:19–22, at alamin kung paano tumugon ang Israel sa mga babala ng Panginoon tungkol sa kanilang hangaring magkaroon ng hari.

  • Mula sa natutuhan ninyo ngayon, ano ang gusto ninyong sabihin sa mga Israelita bago ang talagang desisyon o pipiliin nila?

Magiging kapaki-pakinabang sa mga lesson sa hinaharap na malaman ng mga estudyante na iginalang ng Panginoon ang karapatan ng mga Israelita na pumili at binigyan Niya ng tagubilin si Samuel na hirangin si Saul bilang Hari ng Israel (tingnan sa 1 Samuel 9–10).