“1 Samuel 15: Pagsisikap na Sundin ang Lahat ng Kautusan ng Diyos,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“1 Samuel 15: Pagsisikap na Sundin ang Lahat ng Kautusan ng Diyos,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
1 Samuel 8–10; 13; 15–16: Lesson 72
1 Samuel 15
Pagsisikap na Sundin ang Lahat ng Kautusan ng Diyos
Bagama’t nagbibigay ang Diyos ng mga kautusan para gabayan tayo at bigyan tayo ng kagalakan, maaari tayong matukso na tumugon sa Kanyang mga kautusan tulad sa paraan ng pagtugon ni Saul. Binigyan ng Diyos si Saul at ang kanyang hukbo ng mga partikular na tagubilin sa pamamagitan ng propetang si Samuel tungkol sa kanilang pakikidigma sa mga Amalekita. Sinunod ni Saul at ng kanyang hukbo ang ilan sa mga utos ng Diyos pero nadamang makatwiran na suwayin ang iba. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng pagsisikap na sundin ang lahat ng kautusan ng Diyos.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng mga dahilan kung bakit pinipili ng mga tao na suwayin ang mga kautusan ng Diyos. Maaaring ilagay ng mga estudyante ang kanilang listahan sa isang talaan sa kanilang telepono o isulat ito sa isang maliit na papel. Anyayahan ang mga estudyante na dalhin ang kanilang listahan sa klase.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga Turu-turo
Maaaring simulan ang klase sa pamamagitan ng paghahambing ng mga sitwasyon kung saan angkop na piliin ang gusto natin at ng mga sitwasyon kung saan hindi angkop na piliin ang gusto natin. Maaari mong idispley ang ilang uri ng pagkain o larawan ng ilang uri ng pagkain. Anyayahan ang mga estudyante na isipin na kunwari ay makakain nila ang lahat ng pagkaing ito.
-
Aling mga pagkain ang pipiliin ninyong kainin? Aling mga pagkain ang hindi ninyo pipiliing kainin? Bakit?
Basahin ang pahayag na ito ni Pangulong Russell M. Nelson, at alamin kung paano dapat naiiba ang ating paraan sa pagsunod sa mga utos o kautusan ng Diyos sa paraan ng pagpili natin ng ating pagkain:
[Magkaroon ng] pananampalatayang sundin ang lahat ng utos ng Diyos, batid na ibinigay ang mga ito upang pagpalain ang Kanyang mga anak at dulutan sila ng kagalakan. May makakaharap [kayong] mga tao na namimili kung aling mga utos ang susundin at binabalewala ang ibang mga utos na pinili nilang labagin. Ang tawag ko dito ay estilo ng turu-turo sa pagsunod. Hindi uubra ang ganitong pagpili. Hahantong ito sa kalungkutan. Sa paghahandang humarap sa Diyos, sinusunod ng isang tao ang lahat ng Kanyang utos. Kailangan ng pananampalataya para masunod ang mga ito, at ang pagsunod sa Kanyang mga utos ay magpapalakas sa pananampalatayang iyon. (“Harapin ang Kinabukasan nang may Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2011, 34)
Anyayahan ang mga estudyante na ibuod sa isang pahayag ng katotohanan ang itinuro ni Pangulong Nelson tungkol sa pagsunod sa lahat ng utos o kautusan ng Diyos. Gamit ang sariling mga salita ng mga estudyante, tulungan silang tumukoy ng katotohanan na tulad ng ang pagsisikap na sundin ang lahat ng kautusan ng Diyos ay humahantong sa kagalakan o ang pagpili kung alin sa mga kautusan ng Diyos ang dapat sundin ay humahantong sa kalungkutan.
-
Bakit maaaring piliin ng isang tao na hindi sundin ang ilang partikular na kautusan mula sa Diyos?
Pagnilayan ang sarili ninyong paraan sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng tahimik na pag-iisip sa mga sumusunod na tanong:
-
Paano ka tutugon kapag narinig mo ang isang kautusan o pamantayan na maaaring hindi ka tiyak na gusto mong sundin?
-
Gaano kahalaga sa iyo ang pagsisikap na sundin ang lahat ng kautusan ng Diyos?
Habang nag-aaral kayo ngayon, hingin ang tulong ng Espiritu na maunawaan ang kahalagahan ng pagsisikap na sundin ang lahat ng kautusan ng Diyos.
Ang mga pagpili ni Haring Saul
Maaaring ibuod o basahin ang sumusunod na talata para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga pangyayaring humantong sa 1 Samuel 15.
Matapos sabihin ng Panginoon kay Samuel na hayaan ang mga Israelita na magkaroon ng hari, iniutos ng Panginoon kay Samuel na hirangin na maging hari ang isang binatilyong nagngangalang Saul (tingnan sa 1 Samuel 8–10). Nang magbanta ng pagsalakay ang mga Filisteo, sinuway ni Saul ang Panginoon sa pamamagitan ng pag-aalay ng handog na susunugin na hindi siya awtorisadong gawin (tingnan sa 1 Samuel 13:8–9). Pagkatapos ay itinuro ni Samuel kay Saul ang mga ibubunga ng kanyang pagsuway (tingnan sa 1 Samuel 13:10–14). Sa Kabanata 15, makikita natin ang katulad na huwaran nang hindi lubos na sinunod ni Saul ang mga tagubilin ng Panginoon.
Basahin ang 1 Samuel 15:1–3, 7–9, kung saan binigyan ng Panginoon si Saul at ang kanyang hukbo ng mga partikular na utos. Habang nagbabasa kayo, alamin kung alin sa mga utos ng Panginoon ang piniling sundin ni Saul at ng kanyang hukbo at alin ang pinili nila na hindi sundin.
Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na hindi natin alam ang lahat ng dahilan kung bakit iniutos ng Diyos kay Saul at sa kanyang hukbo na patayin ang mga Amalekita at ang kanilang mga hayop. Ngunit alam natin na perpekto ang Diyos at mahal Niya ang lahat ng Kanyang anak, at may matututuhan pa rin tayong mahahalagang aral mula sa tugon ni Saul sa utos ng Diyos.
-
Paano maaaring nakatulong kay Saul at sa kanyang hukbo ang katotohanang itinuro ni Pangulong Nelson?
Mga pag-uugali at pagbibigay-katwiran
Ang sumusunod na aktibidad sa pag-aaral ay makatutulong sa mga estudyante na matukoy ang mga pag-uugali at dahilan na maaaring humantong sa pagsuway sa Diyos. Maaaring kumpletuhin ng mga estudyante ang aktibidad sa mga grupo o nang mag-isa.
Pagkatapos ng pakikidigma sa mga Amalekita, kinausap ni Samuel si Saul tungkol sa pagsuway niya at ng kanyang hukbo.
Basahin ang 1 Samuel 15:13–24, at alamin ang mga pag-uugali at dahilan na nakaimpluwensya sa pagpili ni Saul na suwayin ang mga utos ng Diyos.
Maaaring isulat ng mga estudyante sa pisara ang nalaman nila. Maaari nilang bigyang-diin na si Saul ay:
-
Nagsinungaling tungkol sa kanyang pagsunod (talata 13, 20).
-
Sinubukang bigyang-katwiran ang kanyang pagsuway (talata 15, 21).
-
Sinisi ang iba para sa kanyang mga ginawa (talata 15, 21).
-
Naging mapagmataas (talata 17).
-
Hindi inuna ang pinakamahalaga (talata 22).
-
Mas nag-aalala sa opinyon ng iba kaysa sa pagsunod sa Diyos (talata 24).
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ihambing ang mga pag-uugali at pagbibigay-katwiran ni Saul sa mga pag-uugali at kilos ng Tagapagligtas sa Mateo 26:36–39. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa pagsunod mula sa halimbawa ng Tagapagligtas.
Pagkatapos ay maaaring hatiin ang mga estudyante sa mga grupo. Sabihin sa kanila na gawin ang sumusunod na listahan.
Gumawa ng listahan ng ilang utos o kautusan na maaaring piliing huwag pansinin o balewalain ng mga tao ngayon.
Hilingin sa bawat grupo na pumili ng isa sa mga kautusan sa kanilang listahan. Ipagawa sa kanila ang isang sitwasyon kung saan maaaring matukso ang isang tinedyer na suwayin ang kautusan sa pamamagitan ng paggamit ng ilan sa mga pag-uugali o katwiran na natukoy ng mga estudyante mula sa 1 Samuel 15. O maaari mong ipanood ang “Honesty: You Better Believe It!” (4:46), mula sa ChurchofJesusChrist.org. Ihinto ang video sa time code na 1:27 at anyayahan ang mga estudyante na gamitin ang kalagayan ng dalagita bilang sitwasyon. (Maaari mong ipakita ang wakas ng video pagkatapos sagutin ng mga estudyante ang mga tanong sa ibaba.)
Gamit ang kanilang mga sitwasyon, anyayahan ang mga estudyante na talakayin sa kanilang grupo ang mga tanong sa ibaba.
-
Paano maaaring matukso ang isang tao na nasa ganitong sitwasyon na gamitin ang mga pag-uugali o katwiran na ginamit ni Saul?
-
Paano hahantong kalaunan sa kagalakan o kalungkutan ang mga pagpiling sundin o suwayin ang kautusang ito?
-
Anong mga kaugnay na turo ng ebanghelyo ang makatutulong sa atin na piliing sundin ang Diyos kung tayo ay nasa ganitong sitwasyon?
Pagmamahal ng Diyos
Tinulungan tayo ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol na maunawaan kung bakit binibigyan tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ng mga batas na inaasahan Nilang susundin natin:
Ang pagmamahal ng Ama at ng Anak ay malayang ibinibigay ngunit may kasama rin itong pag-asa at mga inaasahan. … [S]inisipi si Pangulong Nelson, “Ang mga batas ng Diyos ay ginawa dahil sa Kanyang sukdulang pagmamahal sa atin at sa Kanyang hangarin para sa atin na maging mabuti sa abot ng makakaya natin.”
Dahil minamahal Nila kayo, hindi Nila nais na manatili kayo “nang ganyan na lamang kayo.” Dahil minamahal Nila kayo, nais Nila na kayo ay magalak at magtagumpay. Dahil minamahal Nila kayo, nais Nila na magsisi kayo dahil iyon ang landas tungo sa kaligayahan. Subalit kayo ang pipili—igagalang Nila ang inyong kalayaang pumili. Dapat piliin ninyo na mahalin Sila, na paglingkuran Sila, na sundin ang Kanilang mga kautusan. Sa gayon, Kanilang higit na masaganang pagpapalain kayo at mamahalin din kayo. (“Ang Pagmamahal ng Diyos,” Liahona, Nob. 2021, 18)
-
Ano ang ibabahagi ninyo mula sa pahayag na ito sa isang tao na nakadarama na hindi napakahalaga ng mga kautusan ng Diyos?
-
Paano nakatulong sa inyo ang pagsunod sa isang partikular na kautusan ng Diyos na “magalak at magtagumpay”?
Pagpili na sundin ang lahat ng kautusan ng Diyos
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ang mga pagpili ni Saul na tanggihan ang payo ng Diyos ay humantong sa pag-uutos ng Diyos kay Samuel na maghanap ng ibang hari na ipapalit kay Saul (tingnan sa 1 Samuel 13:14; 15:28).
Upang matulungan ang mga estudyante na maipakita ang kanilang naunawaan sa kahalagahan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, maaaring ipakita ang mga sumusunod na tagubilin.
Pumili ng isa sa mga sumusunod na aktibidad na kukumpletuhin mo sa iyong study journal:
-
Isipin na kunwari ay may mga kaibigan kang mga Banal sa mga Huling Araw at pinangangatwiranan nila ang paglabag sa ilang partikular na kautusan. Pinipilit ka nilang gawin din iyon. Isulat ang gusto mong maalala mula sa lesson na ito para matulungan kang sundin ang mga kautusan ng Diyos.
-
Punan ang mga patlang: Gusto kong sundin ang mga kautusan ng Diyos dahil . Ang isang bagay na gusto kong maalala mula sa nadama o natutuhan ko ngayon ay .
Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga pagpapalang dulot ng pagsisikap na sundin ang lahat ng kautusan ng Diyos.