“Josue 23–24: ‘Piliin Ninyo sa Araw na Ito,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Josue 23–24: ‘Piliin Ninyo sa Araw na Ito,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Josue 1–8; 23–24: Lesson 63
Josue 23–24
“Piliin Ninyo sa Araw na Ito”
Sa pagwawakas ng kanyang buhay, ipinaalala ni Josue sa mga Israelita kung sino ang Panginoon at kung ano ang Kanyang ginawa para sa kanila. Inanyayahan sila ni Josue na piliing maglingkod sa Panginoon sa halip na sa mga diyus-diyusan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na piliing maglingkod sa Panginoon sa halip na sa ibang impluwensya.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na magdala ng maliit na bato sa klase. Gagamitin nila ito bilang paalala ng plano na gagawin nila sa lesson.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang impluwensya ng mga panggagambala
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng listahan ng limang nangungunang bagay na maaaring makagambala sa pagpili ng mga kabataan na maglingkod sa Panginoon. Maaaring gumawa ang mga estudyante nang mag-isa o bilang grupo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga inilista.
-
Ano ang tungkol sa mga panggagambalang ito ang maaaring magpahiwatig na mas nakakaengganyo o mas mahalaga ang mga ito kaysa sa paglilingkod sa Panginoon?
Maaari mong ipaliwanag na kung hindi tayo maingat, ang mga panggagambalang ito ay maaaring maging isang modernong bersiyon ng pagsamba at paglilingkod sa mga diyus-diyusan sa halip na sa Panginoon.
-
Ano ang maaaring pangmatagalang epekto ng patuloy na pagpili sa mga impluwensyang ito sa halip na sa Panginoon?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong o isulat ang mga sagot nila sa kanilang study journal.
-
Sa anong paraan mo maaaring pinaglilingkuran ang Panginoon o ang ibang bagay o ibang tao sa pamamagitan ng iyong araw-araw na pagpili?
-
Ano ang maaaring maging pangmatagalang epekto kung patuloy mong gagawin ang mga pagpiling ito?
Sabihin sa mga estudyante na hingin ang tulong ng Espiritu upang malaman kung anong mga pagpili ang magagawa nila upang maglingkod sa Panginoon.
Ang Panginoon na ating Diyos
Maaaring basahin ng isang estudyante ang sumusunod na talata upang ibuod ang Josue 5–24.
Matapos akayin ang mga Israelita sa pagtawid sa Ilog Jordan sa tuyong lupa (tingnan sa Josue 3–4), pinagpala ng Panginoon ang mga Israelita sa kanilang maraming pakikipaglaban sa mga Cananeo. Nakuha ng mga Israelita ang lupaing ipinangako ng Diyos sa kanila (tingnan sa Josue 5–12). Hinati sa labindalawang lipi ang lupain (tingnan sa Josue 13–22). Sa nalalapit na pagwawakas ng kanyang buhay, nagbigay si Josue ng isang huling mensahe sa mga Israelita (tingnan sa Josue 23–24).
Para sa sumusunod na aktibidad, maaari mong anyayahan ang kalahati ng klase na basahin ang Josue 23:3–11, at ang isa pang kalahati na basahin ang Josue 24:3–11. Maaaring markahan ng mga estudyante ang mahahanap nila sa kanilang mga banal na kasulatan.
Basahin ang Josue 23:3–11; 24:3–11, at alamin ang ginawa at gagawin ng Panginoon para sa Israel.
Anyayahang magbahagi ang mga estudyante. Maaari mo itong gawin sa pamamagitan ng pagsusulat ng kanilang mga sagot sa pisara habang nagbabahagi sila o paghiling sa mga estudyante na pumunta sa pisara para isulat ang nalaman nila.
Pagkatapos, upang matulungan ang mga estudyante na pagnilayan kung paano nila nakitang kumikilos ang Panginoon sa kanilang buhay, itanong ang sumusunod. Maaari mo silang anyayahan na mag-isip ng mga halimbawa mula sa kasaysayan ng Simbahan, pangkalahatang kumperensya, sarili nilang buhay, o sa buhay ng isang tao sa kanilang ward o pamilya.
-
Ano ang ilang halimbawa ng kung paano tayo pinagpapala ng Panginoon ngayon?
Ang Josue 24:15 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan upang madali nilang mahanap ang mga ito.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang Josue 24:14–15, maaari mong muling ipasulat sa kanila ang itinuro ni Josue gamit ang sarili nilang mga salita. Maaari nilang muling isulat ang mga talata nang magkakapartner o sa maliliit na grupo.
Basahin ang Josue 24:14–15. Muling isulat ang itinuro ni Josue na para bang itinuturo niya rin ito ngayon.
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nila muling isinulat ang payo ni Josue. Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng isang bagay na tulad ng “Huwag nang sundin ang lahat ng iba pang impluwensyang ito sa paligid mo at piliing sundin ang Panginoon! Maaari mong piliin ang gusto mo, pero maglilingkod ako sa Panginoon.”
Upang matulungan ang mga estudyante na tumukoy ng malinaw na pahayag ng katotohanan, maaari kang magtanong ng tulad ng sumusunod.
-
Paano ninyo ibubuod ang mga turo ni Josue sa talata 15?
Maaaring ibuod ng mga estudyante ang talata 15 gamit ang mga salitang tulad ng maaari nating gamitin ang ating kalayaang pumili upang piliing maglingkod sa Panginoon.
Habang itinatanong mo ang mga sumusunod, maaari mong patingnan sa mga estudyante ang mga sagot na inilista nila sa chart.
-
Ano ang mga paraan na mapaglilingkuran natin ang Panginoon ngayon?
-
Paano makatutulong sa inyo ang nalalaman ninyo tungkol sa Panginoon para piliing maglingkod sa Kanya?
Pagpiling paglingkuran ang Panginoon
Basahin ang Josue 24:24–25, at alamin kung ano ang piniling gawin ng mga Israelita.
Upang matulungan ang mga estudyante na maiugnay ang natutuhan nila sa sarili nilang mga pagpili, maaari mong hilingin sa kanila na isulat ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong.
Sa inyong study journal, sagutin ang isa sa mga sumusunod na grupo ng mga tanong:
-
Ano ang gusto mong maalala tungkol sa Panginoon na makatutulong sa iyo na paglingkuran Siya kahit maaaring mahirap? Sa palagay mo, paano makatutulong sa iyo ang pag-alaala sa Panginoon sa mga sandaling iyon?
-
Ano ang sisimulan o ititigil mong gawin upang piliing maglingkod sa Panginoon? Anong mga pagpapala ang maaaring maranasan mo sa paggawa niyon?
Maaari mong hilingin sa mga handang estudyante na ibahagi ang isinulat nila. Paalalahanan sila na huwag magbahagi ng anumang bagay na masyadong personal. Maaari mo ring ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Panginoon at ipaliwanag kung bakit mo piniling mahalin at paglingkuran Siya sa halip na ang ibang bagay.
Basahin ang Josue 24:26–27, at alamin ang ginawa ni Josue upang maipaalala sa mga Israelita na pinili nila na maglingkod sa Panginoon.
Kung nagdala ang mga estudyante ng bato sa klase, maaari na nilang ilabas ito ngayon. O maaari silang magdrowing ng isang bato. Talakayin kung saan inilagay ni Josue ang bato (sa ilalim ng puno ng oak) at kung bakit niya ito inilagay doon (upang ipaalala sa mga anak ni Israel ang tipang ginawa nila na maglingkod sa Panginoon). Itanong sa mga estudyante kung saan nila ilalagay ang kanilang bato upang ipaalala sa kanilang sarili ang kanilang planong maglingkod sa Panginoon. Sabihin sa kanila na ilagay ang kanilang bato sa lugar na regular nilang nakikita. Maaari din silang magsulat sa bato ng isang bagay na nagpapaalala sa kanila sa Panginoon o sa kanilang planong maglingkod sa Kanya, tulad ng “Maglilingkod ako sa Panginoon.”
Maaari mong ibahagi sa mga estudyante ang mga sumusunod na pahayag. Patotohanan ang pangmatagalang epekto ng pagpili na maglingkod sa Panginoon.
Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pangmatagalang epekto ng pagpiling maglingkod sa Panginoon:
Kailangan nating pumili kung sino ang paglilingkuran natin. Ang kalakhan ng ating walang hanggang kaligayahan ay nakadepende sa pagpili sa buhay na Diyos at pakikiisa sa Kanya sa Kanyang gawain. …
Ang pagpiling sundin ang plano ng Ama ay ang tanging paraan para tayo maging mga tagapagmana sa Kanyang kaharian. (“Piliin Ninyo sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2018, 106)
Isaulo
Maaari mong tulungan ang mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery reference at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa lesson na ito at rebyuhin ang mga ito sa mga susunod na lesson. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Josue 24:15 ay “Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran.” Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”