Seminary
Josue 1: Hindi Tayo Iiwan o Pababayaan ng Panginoon


“Josue 1: Hindi Tayo Iiwan o Pababayaan ng Panginoon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Josue 1: Hindi Tayo Iiwan o Pababayaan ng Panginoon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Josue 1–8; 23–24: Lesson 61

Josue 1

Hindi Tayo Iiwan o Pababayaan ng Panginoon

Si Moises na inoorden si Josue

Bilang piniling propeta ng Panginoon, si Josue ay inorden ni Moises na akayin ang Israel patungo sa lupang pangako. Bagama’t tila nakakatakot ang gawaing ito, iniutos ng Tagapagligtas kay Josue na maging matatag at matapang, nang may pangakong hindi Niya iiwan o pababayaan ang Kanyang propeta (tingnan sa Josue 1:5–6). Ang lesson na ito ay makatutulong na dagdagan ang kumpiyansa ng mga estudyante na matutulungan sila ng Panginoon na maging matatag at matapang kapag nahaharap sila sa mga hamon.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga sitwasyon kung saan maaaring kailanganin ng isang kabataan na magpakita ng tapang. Maaaring magtanong ang mga estudyante sa kapamilya o kaibigan tungkol sa mga karanasan nila na nangailangan ng tapang.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Tapang kapag nahaharap sa mga hamon

Upang simulan ang klase, maaari mong isulat sa pisara ang salitang Tapang. Habang sinasagot ng mga estudyante ang mga sumusunod na tanong, anyayahan sila na isulat ang kanilang sagot sa pisara.

  • Paano naging halimbawa ng tapang si Jesucristo?

  • Ano ang ilang sitwasyon na maaaring kaharapin ng isang tinedyer na mangangailangan ng tapang?

Sa inyong study journal, isulat ang ilan sa mga hamong kinakaharap ninyo ngayon o maaaring harapin sa hinaharap na nangangailangan ng tapang.

Ang self–assessment ay makatutulong sa mga estudyante na masuri ang kanilang kasalukuyang sitwasyon at makapagbibigay ng pagkakataon upang matugunan ng Espiritu Santo ang kanilang mga indibiduwal na pangangailangan sa buong lesson. Ang isang paraan upang magawa ito ay anyayahan ang mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na pahiwatig sa kanilang study journal.

  • Kapag may ipinagagawa sa akin na isang bagay na tila mahirap, kadalasan ay nakakaramdam ako ng .

  • Sa scale na 1 (mababa) hanggang 5 (mataas), gaano kalaki ang kumpiyansa kong tutulungan ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na harapin ang aking mga hamon nang may tapang? Bakit?

Habang nag-aaral kayo ngayon, bigyang-pansin ang mga impresyon mula sa Espiritu Santo na makatutulong sa inyo na maging matapang at madagdagan ang kumpiyansa ninyo na kasama ninyo ang Panginoon.

Inorden si Josue na akayin ang mga anak ni Israel

Maaari kang magpakita ng larawan ni Moises na inoorden si Josue, tulad ng larawan mula sa simula ng lesson na ito (tingnan sa Deuteronomio 34:9).

Bagama’t kasama ni Moises ang mga anak ni Israel mula nang mailigtas sila mula sa Ehipto, tinawag ng Panginoon si Josue upang akayin sila patungo sa lupang pangako.

  • Ano ang ilan sa mga hamon na maaaring harapin ni Josue bilang propeta ng Panginoon at lider ng militar ng Israel?

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na mapupunta kay Josue ang responsibilidad sa espirituwal na pamumuno sa Israel. Si Josue din ang komandante ng militar at siya ang mamumuno sa Israel upang lupigin ang lupain ng mga Cananeo na hinog na sa kasamaan (tingnan sa 1 Nephi 17:31–40). Ipinangako ng Panginoon ang lupaing ito kay Abraham at sa kanyang mabubuting inapo (tingnan sa Josue 1:1–4).

Basahin ang Josue 1:5–9, at markahan ang mga paulit-ulit na pangako at tagubilin mula sa Panginoon na maaaring makatulong kay Josue na magtuon sa Kanya kapag nahaharap sa mga hamon.

  • Ano ang makabuluhan para sa inyo mula sa mga talatang ito?

  • Paano ninyo ibubuod ang isang katotohanan upang matulungan ang isang taong dumaranas ng mga hamon?

Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang mga katotohanang natukoy nila, tulungan sila na malaman na kapag alam natin na kasama natin ang Panginoon, maaari tayong maging matatag at matapang. Maaari mong gamitin ang ilan o ang lahat ng sumusunod na tanong upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang katotohanang ito. Maaaring makipagtulungan ang mga estudyante sa isang kapartner o sa maliit na grupo at pagkatapos ay ibahagi sa klase ang tinalakay nila.

Isipin ang mahihirap na sitwasyong nakalista sa pisara at sa inyong journal.

  • Ano ang maaaring mangyari kung matatag at matapang ang isang tao kapag nahaharap sa mga ganitong hamon?

  • Ano ang alam ninyo tungkol sa Panginoon na makatutulong sa isang tao na maging matatag at matapang? Paano ninyo ito nalaman?

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:88, at alamin ang mga paraan kung paano natin nakakasama ang Panginoon.

Mga paraan upang anyayahan ang tulong ng Panginoon

Ang mga sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na malaman ang mga paraan kung paano anyayahan ang tulong ng Panginoon kapag kailangan nilang maging matatag at matapang. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga aktibidad. Pagkatapos ng angkop na oras, maaaring ibahagi ng mga estudyante ang natutuhan nila sa mga taong pinili ang ibang aktibidad.

Maaari mong ibigay ang isa sa mga pahayag na makukuha sa Karagdagang Resources na mapag-aaralan ng mga estudyante sa bawat aktibidad.

Aktibidad A: Pagsunod sa batas ng Diyos

Basahin ang Josue 1:7 at ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na banal na kasulatan: Juan 15:10; 1 Nephi 3:7; Mosias 2:41; Doktrina at mga Tipan 93:20.

  • Anong koneksyon ang nakikita mo sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos at sa pagiging matatag at matapang?

  • Ano ang ilang paraan na mapagpapala tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo dahil sa ating pagsunod?

Aktibidad B: Pagbubulay-bulay sa salita ng Diyos

Basahin ang Josue 1:8 at ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na banal na kasulatan: 2 Timoteo 3:15–17; 2 Nephi 31:20; 32:3.

  • Ano ang tumutulong sa iyo para mapagbulay-bulayan mo ang mga banal na kasulatan?

  • Sa palagay mo, paano makatutulong ang pagbubulay-bulay sa mga salita ng Diyos upang madama mong malapit ka sa Kanya?

Two people sitting at a table. Text boxes representing communication.Makatutulong na rebyuhin ang mga mithiin upang malaman ng mga estudyante ang progresong nagawa nila at makagawa ng anumang kinakailangang pagbabago sa kanilang mithiin. Hikayatin ang mga estudyante na rebyuhin ang mithiin sa pag-aaral ng banal na kasulatan na maaaring itinakda nila. Pagkatapos ay anyayahan sila na suriin ang kanilang progreso at gumawa ng anumang pagbabago sa kanilang mithiin. (Para sa karagdagang training sa pagpapaalala sa mga estudyante ng kanilang mga mithiin sa pag-aaral ng banal na kasulatan, tingnan ang “Hikayatin ang mga mag-aaral na kilalanin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral ng ebanghelyo araw-araw—mithiin sa pag-aaral” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro [2022], 31.)

Pag-alaala na kasama natin ang Panginoon

  • Ano ang ilang paraan na nadama ninyo na kasama ninyo ang Panginoon sa panahong nahaharap kayo sa mga hamon o pagsubok?

Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na pagnilayan ang natutuhan at nadama nila ngayon. Maaari nilang anyayahan ang Espiritu na tulungan sila na makita kung paano pinalakas ng kanilang mga pagsisikap ang kanilang kumpiyansa na makakasama nila ang Panginoon.

Sa inyong study journal, isipin ang mga hamong kinakaharap ninyo ngayon o maaari ninyong harapin sa hinaharap.

  • Ano ang natutuhan o nadama ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na makatutulong sa inyo na maging matatag at matapang kapag nahaharap sa mga hamon?

  • Mula sa natutuhan o nadama ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, ano ang gusto ninyong maalala sa susunod na mag-alinlangan kayo sa kakayahan ninyong harapin ang isang mahirap na sitwasyon?

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo na tutuparin ng Panginoon ang Kanyang pangako na makakasama natin Siya sa tuwina at hindi Niya tayo iiwan o pababayaan kailanman, tulad ng ipinangako Niya kay Josue.