“Deuteronomio 15: ‘Iyo Ngang Bubuksan ang Iyong Kamay sa Kanya,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Deuteronomio 15: ‘Iyo Ngang Bubuksan ang Iyong Kamay sa Kanya,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Deuteronomio 6–8; 15; 18; 29–30; 34: Lesson 60
Deuteronomio 15
“Iyo Ngang Bubuksan ang Iyong Kamay sa Kanya”
Kabilang sa mga utos ng Tagapagligtas sa mga Israelita sa Deuteronomio ang pagpapatawad sa mga may utang, pagpapalaya sa mga taong inaalipin, at pagpapagaan ng pasanin ng mga maralita. Bilang Kanyang mga tao, tayo rin ay may responsibilidad sa tipan na bukas-palad na ibahagi ang ibinigay sa atin ng Tagapagligtas upang mapagaan ang pasanin ng mga maralita. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang mas matinding hangaring sundin ang utos ng Tagapagligtas na ibahagi ang ibinigay Niya sa kanila.
Paghahanda ng mga estudyante: Sabihin sa mga estudyante na mapanalanging kantahin o pag-aralan ang mga titik ng himnong “Dahil Biyaya sa Akin ay Kayrami” (Mga Himno, blg. 133) o Mateo 25:31–40. Maaaring hilingin ng mga estudyante sa Ama sa Langit na tulungan silang makita ang mga paraan kung paano nila maibabahagi sa iba ang ibinigay Niya sa kanila.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga tunay na tagasunod ni Jesucristo
Para simulan ang klase, maaari kang magpakita ng paborito mong larawan ni Jesucristo. Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag ni Pangulong Nelson. Maaari mong ipaliwanag na maaaring maraming tamang paraan para kumpletuhin ang pahayag.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Isa sa mga pinakamadaling paraan upang makilala ang isang tunay na tagasunod ni Jesucristo ay . (“Kailangan ng mga Tagapamayapa,” Liahona, Mayo 2023, 98)
-
Paano kaya natin maaaring kumpletuhin ang pahayag ni Pangulong Nelson?
Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, sabihin sa kanila na ibahagi kung bakit sa palagay nila ay nakumpleto ng kanilang sagot ang pahayag. Maaari mong purihin at suportahan ang ibabahagi ng mga estudyante. Pagkatapos ay ipakita ang kumpletong pahayag ni Pangulong Nelson.
Isa sa mga pinakamadaling paraan upang makilala ang isang tunay na tagasunod ni Jesucristo ay kung gaano niya tinatrato nang may pagkahabag ang ibang tao. (“Kailangan ng mga Tagapamayapa,” Liahona, Mayo 2023, 98)
-
Bakit magandang paraan ito para matukoy ang mga tunay na tagasunod ni Jesucristo?
-
Ano ang ilang paraan kung paano maitatrato nang may pagkahabag ng mga disipulo ni Jesucristo ang mga tao?
Upang matulungan ang mga estudyante na masuri kung gaano kabuti ang pagtrato nila sa ibang tao ngayon, maaari mong ibahagi ang ilan o ang lahat ng sumusunod na pahayag at anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung gaano naaangkop sa kanila ang bawat pahayag.
-
Ipinapakita ng pagtrato ko sa iba na ako ay tagasunod ni Jesucristo.
-
Ako ay nahahabag sa iba at nais kong gawin ang magagawa ko para tulungan sila.
-
Handa akong ibahagi sa iba ang ibinigay sa akin ng Panginoon.
Sa inyong pag-aaral ngayon, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo para matulungan kayong madama ang kahalagahan ng pagsunod sa utos ng Tagapagligtas sa paraan ng pagtrato ninyo sa ibang tao.
Pangangalaga sa mga taong nangangailangan
Bago basahin ng mga estudyante ang sumusunod na talata, maaari mong ipaliwanag na bilang bahagi ng mga tagubilin na ibinigay sa Deuteronomio, iniutos ng Panginoon na ang lahat ng utang ay patatawarin tuwing ikapitong taon.
Basahin ang Deuteronomio 15:7–11, at alamin kung paano ninanais ng Panginoon na tratuhin natin ang mga tao sa ating paligid.
-
Ano ang nalaman ninyo?
Habang nagbabahagi ang mga estudyante, tulungan sila na matukoy ang isang katotohanan na tulad ng iniutos sa atin ng Panginoon na ibahagi ang mga pagpapalang ibinigay Niya sa atin.
Maaaring makatulong na gumamit ng simpleng object lesson para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ng “iyo ngang bubuksan ang iyong kamay” sa iba (talata 8 at 11). Para magawa ito, maaari kang maghanda ng isang mangkok ng dry cereal, beans, o maliit na candy sa harap ng klase. Anyayahan ang dalawang estudyante na gawin ang pariralang ito. Maaaring kumuha ang isang estudyante ng isang dakot ng item at ilagay ito sa mga kamay ng isa pang estudyante. Sabihin sa estudyante na buksan ang kanyang kamay nang “kaunti,” pagkatapos ay “kaunti pa,” at hayaang mahulog ang kaunting pagkain sa kamay ng iba pang estudyante. Sa huli, ipabasang muli sa mga estudyante ang talata 8 at ipagawa sa estudyante ang object lesson “iyong nga bubuksan ang iyong kamay.”
-
Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng dapat nating buksan ang ating mga kamay bilang pangangalaga sa mga maralita?
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa kautusang ito? Paano Niya binubuksan ang Kanyang kamay sa atin?
-
Sa anong mga sitwasyon tayo maaaring matukso na hindi maging bukas-palad sa mga maralita?
Bago basahin ng mga estudyante ang sumusunod na talata, maaari mong ipaliwanag na iniutos din ng Panginoon na tuwing ikapitong taon, ang sinumang tagapaglingkod na nagnanais ng kalayaan ay palalayain mula sa pagkaalipin.
Basahin ang Deuteronomio 15:12–15, at alamin kung paano sinabi ng Panginoon sa mga Israelita na dapat nilang palayain ang isang aliping nagnanais na makalaya mula sa pagkaalipin.
-
Mula sa natutuhan ninyo tungkol sa mga Israelita, paano sila naging alipin sa pisikal at espirituwal? Paano maaaring alipin sa espirituwal ang isang tao ngayon?
-
Paano makakaapekto sa pagtrato natin sa iba ang pag-alaala sa kung paano tayo iniligtas ng Tagapagligtas mula sa espirituwal at pisikal na pagkaalipin?
“Hindi ba’t tayong lahat ay mga pulubi?”
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang pakiramdam para sa isang tinedyer na maging “maralita” hindi lamang sa pinansyal na aspeto kundi pati na rin sa espirituwal, pisikal, emosyonal, at sosyal.
-
Paano natin maaaring buksan ang ating kamay sa isang taong nangangailangan sa bawat isa sa mga aspetong ito?
Gamitin ang mga tool sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan para maghanap ng scripture passage o pahayag mula sa isang lider ng Simbahan na makatutulong sa isang tao na sundin ang utos ng Tagapagligtas na pangalagaan ang mga maralita
Kung kailangan ng mga estudyante ng karagdagang tulong, maaari mong imungkahi ang mga talatang tulad ng Lucas 6:30–38; Mosias 4:16–27; Doktrina at mga Tipan 104:15–18; Moises 7:18. Maaari ding hanapin ng mga estudyante sa Gospel Library ang mga salitang tulad ng “maralita.“
Kapag nabigyan na ng sapat na oras ang mga estudyante para maghanap ng banal na kasulatan o pahayag, sabihin sa kanila na ibahagi ang natagpuan nila sa isang kapartner o sa isang maliit na grupo. Maaari ding talakayin ng mga estudyante ang mga sumusunod na tanong.
-
Paano naaangkop ang banal na kasulatan o pahayag na ito sa kung paano tayo nangangalaga sa isang taong “mahirap” sa pinansyal, espirituwal, pisikal, emosyonal, o sosyal?
-
Kailan ninyo naranasang mapagpala ng pagiging bukas-palad ng iba?
Upang matulungan ang mga estudyante na maragdagan ang kanilang hangaring magbigay nang bukas-palad sa iba, maaari mong ipanood ang video na “The Coat” (2:07) mula sa Gospel Library. Maaari mong ipaliwanag sa mga estudyante na inilalarawan ng kuwentong ito ang karanasan ni Pangulong Heber J. Grant noong bata pa siya. Maaari mong i-pause ang video pagkatapos ng unang beses na nakita ng batang si Heber ang maliit na batang lalaki na walang pangginaw. Sabihin sa mga estudyante na balikan ang Deuteronomio 15:7–8 at ibahagi ang mga bagay na maaaring gawin ni Heber kung “bubuksan niya ang kanyang kamay” at kung paano siya pagpapalain ng Panginoon sa kanyang pagiging bukas-palad. Pagkatapos ay panoorin ang natitirang bahagi ng video.
Patindihin ang ating hangarin na magbahagi sa iba
Basahin ang Mateo 25:31–40, at alamin kung ano ang nadarama ng Tapagpagligtas tungkol sa ating mga pagsisikap na pangalagaan ang mga taong nangangailangan.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na basahin ang mga salita o kantahin ang himnong “Dahil Biyaya sa Akin ay Kayrami” (Mga Himno, blg. 133). Sabihin sa kanila na maghanap ng mga salita at parirala sa mga titik na makatutulong sa kanila na madama ang kahalagahan ng utos ng Tagapagligtas na magbahagi nang bukas-palad sa iba.
Bago ibahagi ang mga sumusunod na tanong, maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang pahayag ni Pangulong Nelson mula sa simula ng lesson. Ang pagpapaalala sa mga estudyante tungkol sa pahayag na ito ay makatutulong sa kanila na maiugnay ang mga katotohanang natutuhan at nadama nila ngayon sa mga salita ng mga propeta. (Para sa karagdagang training tungkol sa mga paanyayang tumutulong sa mga estudyante na makaugnay sa mga salita ng mga propeta, tingnan ang “Magturo mula sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta sa mga huling araw” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.)
Maaaring sagutin ng mga estudyante ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal.
-
Ano ang natutuhan o nadama mo ngayon na nakatulong sa iyo na mas magkaroon ng hangaring maging tunay na tagasunod ni Jesucristo sa pamamagitan ng bukas-palad na pagbibigay sa iba?
-
Ano ang nahihikayat kang gawin?
Maaari mong ibahagi ang isang pagkakataon na pinagpala ang buhay mo dahil sa pagiging bukas-palad ng ibang tao na naghangad na maging mga tunay na tagasunod ni Jesucristo. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na hingin ang patnubay ng Ama sa Langit para makahanap ng isang tao na mapaglilingkuran at kung paano ito gagawin.