“Deuteronomio 6:1–6: Ibigin ang Diyos nang Iyong Buong Puso,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Deuteronomio 6:1–6: Ibigin ang Diyos nang Iyong Buong Puso,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Deuteronomio 6–8; 15; 18; 29–30; 34: Lesson 58
Deuteronomio 6:1–6
Ibigin ang Diyos nang Iyong Buong Puso
Matapos gabayan ang mga Israelita sa loob ng 40 taon sa ilang, ibinahagi ni Moises ang kanyang huling payo sa kanila bago iniutos ng Panginoon kay Josue na pamunuan sila sa pagpasok sa lupang pangako. Ang isang mahalagang bahagi ng mensahe ng propetang si Moises ay “iibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng iyong buong puso” (Deuteronomio 6:5). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano nila maipapakita ang kanilang pagmamahal sa Diyos.
Paghahanda ng mga estudyante: Sabihin sa mga estudyante na hilingin sa isang magulang, tagapag-alaga, o lider ng Simbahan na ibahagi ang ilan sa kanilang mga paboritong paraan ng pagpapakita na mahal nila ang isang tao sa pamamagitan ng gawa. Maaaring makatulong na sabihin sa mga estudyante na ang lesson ay magtutuon sa mga paraan kung paano natin maipapakita ang ating pagmamahal sa Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagpapakita ng pagmamahal
Maaari mong gamitin ang sumusunod na aktibidad para matulungan ang mga estudyante na pag-isipan at pag-usapan ang iba’t ibang paraan kung paano sila magpapakita ng pagmamahal.
-
Sa inyong study journal, isulat ang pangalan ng isang kapamilyang mahal ninyo.
-
Sa loob ng 60 segundo, maglista sa ilalim ng kanyang pangalan ng kahit ilang natatanging paraan na maiisip ninyo para maipakita ang inyong pagmamahal sa kanya.
Sabihin sa ilang boluntaryo na ibahagi ang pangalang isinulat nila at ang ilan sa mga ideya nila sa pagpapakita ng pagmamahal.
Kapag natapos nang magbahagi ang mga estudyante, ipabasa sa kanila ang Deuteronomio 6:5 at ipabahagi ang natutuhan nila. (Maaaring ibahagi ng mga estudyante sa sarili nilang mga salita ang katotohanang gaya ng: Iniuutos sa atin ng Diyos na Siya’y ibigin nang buong puso, kaluluwa, at lakas.) Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na i-link o i-cross-reference ang talatang ito sa doctrinal mastery passage na Mateo 22:36–39, kung saan binigyang-diin ni Jesucristo ang kahalagahan nito.
Maaari mong isulat sa gitna ng pisara ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Bigyan ng dalawang minuto ang mga estudyante na pumunta sa pisara at ilista ang iba’t ibang paraan kung paano natin maipapakita ang pagmamahal natin sa Kanila.
Pagkatapos ay hikayatin ang mga estudyante na ibahagi kung alin sa mga ideya ng kanilang mga kaklase ang pinakamahalaga para sa kanila at bakit.
Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong.
-
Ano ang tunay mong nadarama para sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Bakit iyon ang nadarama mo?
-
Ano ang ilan sa mga paraan kung paano mo maipapakita sa Kanila ang nadarama mo?
Sa inyong pag-aaral ng aklat ng Deuteronomio sa linggong ito, bigyang-pansin ang mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo. Mapapalalim ng Kanyang impluwensya ang pagmamahal ninyo para sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, at magtuturo ito sa inyo ng mga paraang maipapakita ninyo ang pagmamahal na iyon sa Kanila.
Mahal tayo ng Diyos nang Kanyang buong puso
Upang matulungan ang mga estudyante na matuto mula sa halimbawa ng Diyos, maaari mo silang anyayahan na i-link o i-cross reference ang Deuteronomio 6:5 sa 1 Juan 4:19. Matapos basahin ang talata 19, maaari mong hilingin sa mga estudyante na ibahagi ang mga paraan kung paano ipinakita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal para sa lahat ng tao o sa kanila.
Ang sumusunod na pahayag ay makatutulong sa mga estudyante na pagnilayan ang perpektong halimbawa ng pagmamahal ng Diyos sa atin nang Kanyang buong puso. Maaari mo itong idisplay at ipabasa nang malakas sa isang estudyante. Pagkatapos ay hayaan itong nakadisplay habang tinatalakay ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa mga tanong sa ibaba.
Tinulungan tayo ni Pangulong Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na mas maunawaan ang tunay na katangian ng Diyos.
Ang una at dakilang utos sa kawalang-hanggan ay ang mahalin ang Diyos nang buo nating puso, kakayahan, pag-iisip at lakas—iyan ang una at dakilang utos. Subalit ang una at dakilang katotohanan sa kawalang-hanggan ay mahal tayo ng Diyos nang buo Niyang puso, kakayahan, pag-iisip at lakas. Ang pagmamahal na iyon ay saligang bato ng kawalang-hanggan, at ito ay dapat na maging saligang bato ng ating buhay araw-araw. Katunayan sa katiyakan lamang na iyon na nag-aalab sa ating kaluluwa tayo magkakaroon ng kumpiyansang patuloy na manalig, patuloy na magsikap na magpakabuti pa, patuloy na humingi ng kapatawaran ng ating mga kasalanan, at ipakita ang gayon ding kabutihan sa ating kapwa. (“Bukas ay Gagawa ng mga Kababalaghan ang Panginoon sa Inyo,” Liahona, Mayo 2016, 127)
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa pahayag ni Pangulong Holland na makahihikayat sa atin na ipakita ang ating pagmamahal sa Diyos?
-
Ano ang ilang hakbang na maaaring gawin ng isang tao para magawa niyang mahalin ang Diyos “nang buo [niyang] lakas” kung pakiramdam niya ay hindi pa sapat ang kanyang lakas para gawin ito?
Ang pagsunod ay pagpapakita ng pagmamahal
Upang mabigyan ang mga estudyante ng maikling konteksto ng aklat ng Deuteronomio, maaari mong ipakita ang larawan ni Moises mula sa simula ng lesson habang ibinubuod o ipinababasa mo nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata.
Pagkatapos maglingkod bilang propeta ng Diyos sa loob ng 40 taon, iniutos ni Moises sa mga Israelita na magkampo sa hangganan ng lupang pangako. Kalaunan ay pamumunuan sila ni Josue sa papasok sa hangganan (tingnan sa Deuteronomio 31:23). Nakita ni Moises ang lupang pangako mula sa tuktok ng bundok bago siya pinagbagong-anyo ng Panginoon, o bago dinala ng Panginoon si Moises sa Kanyang presensya nang hindi ito namamatay(tingnan sa Deuteronomio 34:1–6; Alma 45:18–19). Ang aklat ng Deuteronomio ay naglalaman ng huling payo ni Moises sa mga tao, kabilang na ang inspiradong payo tungkol sa pagmamahal sa Diyos at pagsunod sa Kanyang mga utos.
Basahin ang mga sumusunod na talata, at alamin ang mga pagkakatulad ng itinuro ni Moises sa kanyang mga tao at itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo tungkol sa kung paano maipapakita ang ating pagmamahal sa Diyos.
Deuteronomio 6:1–6; 30:16
Juan 14:15, 21–24
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa pagpapakita ng pagmamahal natin sa Diyos?
Kung nailista na kanina ng isang estudyante sa pisara ang “pagsunod sa mga utos” bilang isang paraan na maipapakita ang ating pagmamahal sa Diyos, maaari mo itong bigyang-diin. Kung hindi pa, maaari mo itong idagdag sa pisara.
-
Sa inyong palagay, bakit isang makabuluhang paraan ang pagsunod sa mga utos para maipakita sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na mahal natin Sila?
Pagmamahal sa Diyos sa ating buhay sa araw-araw
Maaaring makatulong sa mga estudyante na talakayin ang mga makatotohanang paraan kung paano nila maipapakita ang kanilang pagmamahal sa Diyos sa kanilang buhay.
Ang isang paraan upang gawin ito ay panoorin ninyo ang video na “We Love Him” (3:57) (ChurchofJesusChrist.org). Sabihin sa mga estudyante na bigyang-pansin ang mga titik ng awitin at ang nakikita nilang ginagawa ng mga kabataan sa video para ipakita ang kanilang pagmamahal sa Diyos. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa mga paraan para maipakita ang ating pagmamahal sa Diyos.
Ang isa pang posibleng opsiyon ay bigyan ang maliliit na grupo ng mga estudyante ng isang papel na may isa sa mga karaniwang lugar na nakalista sa ibaba nito.
Ipakita ang mga sumusunod na tagubilin at tanong na kukumpletuhin at tatalakayin ng mga grupo. (Depende sa magagamit na oras, maaaring makipagpalitan ng papel ang mga grupo sa iba pang grupo at ulitin nang maraming beses ang aktibidad.)
Pumili ng isa sa mga karaniwang lugar na ito: sa trabaho, sa paaralan, sa seminary, sa simbahan, sa bahay, sa praktis, sa mga kaibigan, sa social media. Paano ninyo sasagutin ang mga sumusunod na tanong mula sa inyong karanasan habang isinasaisip ang lugar na ito?
-
Sa lugar na ito, paano mo nakitang ipinapakita ng isang tao ang kanyang pagmamahal sa Diyos?
-
Ano ang ilang angkop na paraan para ipakita ang iyong pagmamahal sa Diyos sa lugar na ito?
-
May anumang bagay ba na maaaring magpahirap sa pagpapakita ng pagmamahal sa Diyos sa lugar na ito? Kung mayroon, paano natin ito madadaig?
Pangwakas
Bilang pagtatapos, maaari mong ipahayag ang iyong pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Bukod sa iyong patotoo, maaari mo ring ibahagi ang sumusunod na pahayag at anyayahan ang mga estudyante na ipahayag ang kanilang nadarama para sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa kanilang study journal. Hikayatin silang kumilos ayon sa anumang impresyong maaaring natanggap nila mula sa Espiritu sa oras ng lesson.
May mahahalagang itinanong si Elder K. Brett Nattress ng Pitumpu na dapat nating personal na pag-isipan.
Nais kong patotohanan na ang ating Ama sa Langit ay hindi nakakalimot sa atin at na perpekto ang Kanyang pagmamahal sa atin. Ang tanong ko ay: Naaalala ba natin Siya? At mahal ba natin Siya? (“Talaga Bang Napatawad Na Ako?,” Liahona, Mayo 2023, 68–69)